Monday, September 13, 2010

Alamat ng Hugtungan II

            Nadulas ako at naggulung-gulong at humampas ang aking mapurol na ulo sa ubod ng tigas na pader. Sa kasamaang palad at dala ng matinding kamalasan ay muli na naman akong nawalan ng malay at nakatulog ng mga ilang oras pa. Matagal-tagal din bago ako muling nagising, hindi ko lang alam kung gaano katagal dahil sa wala nga akong malay. Sa aking mahinahong pagtayo ay napalingon ako sa isang kapansin-pansing bilog na bintana. Napahawak ako sa aking matipunong dibdib dahil sa sobrang pagkagulat at nakaramdam ako ng matinding nerbiyos nang makita kong may mga isda na lumalangoy-langoy at nagtatakbuhan sa labas. Ang inakala ko pala na isang malakas na lindol ay dahil lamang sa matinding salpok ng isang higanteng alon. Hindi ko na alam kung ano ang totoo at kung ano ang hindi. Sinampal-sampal ko ang aking mga matatambok na pisngi upang magising ako kung isa lamang iyong panaginip ngunit ako ay nabigo dahil wala akong napala kundi ang pananakit at pamamaga lamang ng aking kaakit-akit na mukha na pwedeng-pwede na sa commercial ng pond’s anti-bacterial facial scrub. Naupo ako sa aking mamasa-masang kama at pilit kong iniisip ang kasagutan sa malaking katanungan at misteryong bumabalot sa aking nararanasan habang hinahaplus-haplos ko at iniinda ang mahapding pagkirot ng bukol sa aking bumbunan. Nang mahimasmasan ako at nang manumbalik ang aking dating katinuan ay naalala ko na ang mga tunay na kapanapanabik na kaganapan sa aking malikot at mapaglarong kapalaran. Ako nga pala ay nagkamit sa sugal ng isang ticket para magkaroon ng nag-iisang ‘once in a lifetime chance’ na hindi na mauulit pa at minsan lang na pagkakataon na makasakay sa pinakabago at pinakamalaking barko na maglalakbay patungo sa lungsod ng Baghdad at kalakip ng premyo ay 100,000 pesos in cash, kaya nga lang ay tigpipisong barya. Naisip kong maaari akong makapagsimula ng isang panibagong buhay doon at tuluyan ko nang kakalimutan at tatalikuran ang dati kong hanap-buhay na pangungumit, pagnanakaw at pandaraya sa kahit na anong larangan dahil sa ang lungsod na iyon ay talaga namang napakatahimik at payapang-payapa. Habang abala ang aking diwa sa pagmumuni-muni ay naramdaman ko na lang na nagwewelga na pala ang mga alaga kong bulate sa tiyan dahil sa kawalan ng rasyon ng pagkain. Wala na akong ibang nagawa kundi ang pagbigyan na lamang ang matinding bugso ng aking naghihimagsik na sikmura. Walang kalakas-lakas akong lumabas ng aking silid habang isinusukbit ang aking bag na naglalaman ng aking mga salaping barya at naglakad-lakad upang alamin at uriratin kung saan makakakita at makakahagilap ng pagmumulan ng pagkain. Tinuwid ko ang mahaba at makitid na daan nang nakalawit ang aking dila at tumutulo ang aking laway ngunit wala akong nakitang anumang senyales ng pantawid gutom. Nanghihina na ako at parang mawawalan na naman ako ng malay dahil sa talagang hindi ko na makayang matagalan ang matinding hapdi ng aking tiyan na dala ng sobra-sobrang nakabubusog na gutom. Umupo na lang ako sa isang sulok at umiyak nang malakas. Ngunit biglang naglaho ang nakapagpapatamlay na sandali nang mayroong isang may mabuting loob na nag-abot sa akin ng panyo. Mabilis ko itong kinuha subalit sa halip na linisin ko ang aking mukha ay kinagat ko ang panyo at tuluyan ko itong kinain upang kahit papaano ay mabawasan ang aking nararamdamang pighati. Lumuhod ako at pinasalamatan ang ginoo na may ginintuang puso ngunit bigla na lamang itong tumalikod at lumakad palayo habang walang tigil sa paghalakhak, at ang tanging nakita ko lamang ay may mga naiwang mga kakaibang bagay sa kanyang dinaanan, tila ba tulad ng mga balahibo mula sa pakpak ng isang anghel. Hindi ko maipaliwanag ang kung anong pakiramdam na nanghimasok sa aking wasak na puso. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Inisip ko na lamang na isa lamang iyong mapaglarong malikmata dahil sa aking naramdamang pagkagutom. Pagkagutom na bigla namang lumipas at tuluyan ko na ring nakalimutan. Pagkalimot na nagbigay puwang upang aking mabigyan ng pansin ang bagay na naiwan ng mahiwagang mamang naghandog ng panyo. Ang lahat pala ay katotohanan! Nanlambot ako na mas malambot pa kaysa sa isang joy bathroom tissue. Sinalo ko ang aking pang-starstruck na mukha ng makikinis kong palad at nagsimulang mag-isip upang kahit papano ay mapakinabangan ko naman ang aking walang halagang ulo. Isang mabilis na mas mabilis pa sa isang alaxan FR na sandali ang lumipas ay nabahiran na ng isang makamundong ngiti ang nanunuyo kong labi, napaluha ako nang hindi namamalayan dahil sa saya na gumalaw sa aking batong puso, saya na may halong konting lungkot, konti lang naman, sa kadahilanang pumasok sa aking malikot na kukote na ako ay isinalba ng isang sugo ng kabutihan sa tiyak na kamatayang sanhi ng matinding gutom. At sa hindi maunawaang kadahilanan ay bigla ko na lang nadama na may kakaibang tekstura  na gumagalaw-galaw at naglalaro sa aking ngalangala. Kinuwit ko ito gamit ang aking mahabang daliri… ang hinliliit at bahagya kong pinagmasdan at pinag-aralan ang naturang bagay na aking nalikom sa aking bibig. Ito pala ay isang kapiraso ng tela na nanggaling sa panyong aking nginasab upang isalba ang aking sarili sa tiyak na kamatayan. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay napansin ko na lang na may nakaburda palang mga letra sa kaprasong tela, at ang nakaburda ay ganire: M.D. at ang kasunod nito ay maliliit pang letra ngunit dahil sa limitasyon ng aking mga mata ay hindi na magawang marurok pa ng aking paningin dahil sa sobra ngang kaliitan. Nangalay na naman ang aking leeg dahil sa bigat ng pinapasan ng aking katiting na utak – isa na namang napakalaking palaisipan. Ngunit bago pa man ako makapagsimulang magnilay upang masagot ang mumunting misteryo ay bigla na lang akong tinamaan ng isang napakatinding kaba, kaba ng parang isang hayop na nararamdaman ang isang panganib bago pa man ito manalanta. At bago ko pa man masunod ang aking damdamin at lumikas upang maghanap ng isang lugar kung saan ako ay ligtas ay bigla namang nagkaipon-ipon ang mga ulap at nagdilim ang lahat. Kasabay nito ay ang pag-alog ng buong paligid na parang duhat na kinakalog sa asin o parang mga tiket na inaalog sa isang tambiyolo. Nawala ako sa balanse at nangudngod ako sa malalaking bakal na bahagi ng barko at akin pang narinig ang malahalimaw na pagtatawanan ng mga taong nakasaksi sa aking katangahan at para bang wala silang anumang pakialam sa trahedyang nagaganap o talagang hindi lang nila napigilan ang paghalakhak. Gising pa naman ako matapos ang aking kahihiyang dinanas pero dahil sa sobrang takot ko ay tumirik ang aking mga mata at nawalan na rin ako ng malay tao.

Sa isang iglap ay dumaan-daan sa aking harapan at sa aking likuran ang aking nakaraan, lahat ng aking karanasan mula pagkabata at ang mga ito ay waring kumakaway at namamaalam na sa akin. Salamat na lang at may isang ginintuang puso ang naglakas loob na ako’y tapik-tapikin upang buhayin ang aking  naglahong pagkatao, at sa wakas ay unti-unti at dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, kasabay din ng pagkabuhay ng aking buhay na naging dahilan ng panunumbalik ng aking kakayahang makarinig.  Naulinigan ko ang isang mumunti ngunit napakagandang tinig na sumasambit sa aking pangalan. “JB? Yul?... Jerry? Daniel! Oh my gosh, ikaw nga Daniel!” At nang tuluyan ko nang naimulat ang aking maliliit datapwat napakaganda at nagniningning na mga mata ay aking nasilayan ang isang nilalang na ang postura ay parang modelo na nakatayo habang pinagmamasdan ang kaakit-akit kong pangangatawan. Nang matapos kong ipunin at pagsama-samahin ang aking kakaibang lakas ay muling nagliwanag sa akin ang lahat. At sa pagliwanag ngang iyon ay tuluyan kong nakilala ang taong nakatayo sa aking paanan, hindi pala ito si Rainier ng starstruck, sa halip ay ang aking kaibigang si Jeffrey R. Halos 1.17 seconds din kaming nagkatitigan dahil hindi ko talaga inaasahang magkikita kami sa gayong pagkakataon. Pansamantala akong nagpanggap na malakas ang loob at nagsimulang magtanong:
Daniel: Saang lupalop ng daigdig tayo naroroon?
Jeff: Wala ka bang nalalaman tungkol sa lahat ng naganap upang ikaw ay mapadpad sa pook na ire?
Daniel: Wala akong ibang maisasagot sa iyo kundi wala!
Jeff: Kung gayon ay simulan mo na ang pagninilay upang ikaw ay magkaroon ng lakas para maintindihan na ikaw ay nasa reyalidad at hindi ito isang panaginip.
Daniel: Patawarin mo ako aking kaibigan sapagkat ako ay pinagtampuhan na ng abilidad para matukoy kung ano ang totoo at kung ano ang hindi.
Jeff: Sa pagkakataong iyan ay hayaan mong sabihin ko sa iyo ang buong-buo at mas buo pa sa cafe purong katotohanan!  Tayo ngayon ay nasa loob ng isang napakalaki at walang awang nilalang na kung tawagin ay balyena...! Kakaiba nga lang ang balyenanag ito sapagkat ito ay kulay puti...
Daniel: Ano kamo???!!!! Balyena? Anong saklap ng aking kapalaran! Ano na ang totoo? Tayo nga ba ay napapaloob sa isang malupit at napakalaking balyenang kulay puti??? Puti? Kulay puti! Kakulay ng...
Muling sumalaksak sa aking kukote ang kaprasong telang kulay puti na hanggang sa mga sandaling iyon ay akin pa din palang tangan tangan. Nang maalala ko ito ay bumalik na muli sa aking sarili ang mga alaala ng aking pagkatao. Sinuri kong mabuti ang lahat ng nagbibigay ng kahulugan sa palaisipang nabuo bago pa man ako mapadpad sa dambuhalang balyenang ito. Sa aking magaling na pamamaraan ay nabigyan ko din ng kasagutan ang pinoproblema kong ito, at ang kinahantungan ng aking pagsusuri ay ganito: Ang dalawang letrang nakaburda sa panyo ay nangangahulugan ng mga katagang Moby Dick, na siya namang pangalan ng isang balyenang kulay puti, at kung tama ang aking hinala ay ito ang balyenang lumamon sa amin. Ang tungkol naman sa anghel na aking namataan na siyang nagbigay ng panyo sa akin ay hindi isinugo para ako ay iligtas sa kamatayan dahil sa gutom kundi upang ako ay bigyan ng babala sa nalalapit na sakuna, iyon nga lang ay hindi ko kaagad naunawaan. Kaya pala siya nagtatatawa ay dahil kinain ko ang panyong iniabot niya sa halip na aking basahin. Napayuko na lang ako at napapikit dahil sa pagsisisi sa nagawang pagkakamali. Hahagulgol na sana ako ng super lakas nang maaninag kong nasa harapan ko nga pala ang kaibigan kong si Jeffrey(Mcwild) na mandaragat, na akin namang lubos na pinagtatakahan kung paano naman inanod sa ganitong sitwasyon ang payapa kong kaibigan.
Jeff: Ano ba ang naglalaro sa iyong kamalayan? Huwag ka na ngang mag-alala, eh kumori sabihin ko sa’yo na nandito yung buong crew, maniniwala ka ba?
?????: Poy, sino ba yung kausap mo dyan?
Jeff: Guys, si Danny nandito na din!
?????: Si Danny? Eh, paanong mapupunta dito yun, di ba pinagpalit nya tayo? Mas pinili nyang magpunta sa Baghdad kesa sa sumama sa ‘ting magswimming beach?
            Oo nga pala, kasabay ng aking biyahe papuntang Baghdad ay nakaset din na magswimming beach kami sa pang-apat na beses, apat na beses pa lang naman kaming nagswimming beach eh. Isipin nyo naman, apat na beses yun! Sa mga sandaling ito ko pa lamang naulinigan ang pangkat ng isang kabataan na nakasakay sa tila postura ng isang bangka kung saan nanggaling ang tinig ng kausap ni Jeff kanina, at sa turing ko’y iyon ay ang malamig na tinig ni Noel. Tila busit na busit na nagsasabi-sabi si Nhoel habang lakad dito lakad doon ang ipinamamalas, tulak na din siguro ng kagustuhang makawala sa malansang kapaligiran. Sa bandang tabi niya ay isang matangkad at medyo guwapong nilalang na nabubuhay sa tawag na Chet ay animo sasayaw sayaw habang patuloy ang pang-aasar sa katabing si Nhoel. Sa bandang harapan naman nila ay isang mamang medyo may katangkaran rin ang taas noong nakatayo habang winawagayway ang kamay na katulad ng isang paglangoy, marahil ay tulak na din ng sobrang pagkabagot at dahil sa napurnadang swimming beach, at sa tantya ko ay si Kim. Sa magkabilang gilid naman ng bangka ay tahimik na tahimik na nakatalungko sina McJohn Tolomia at Chickboy Marvin na animo nag-iisip ng isang matinding plano. Nakatawag naman ng aking pansin ang isang tao na ang dating ay nakasabit na lang sa tagiliran ng bangka, at iyon malamang ay si PJ na marahil ay kanila lamang nasagip laban sa mapaghiganting callboy. At ang buong pwersang tumutulong sa kanya upang makasampa sa bangka ay siguradong si Gail. Sa gawing ibaba ay napupuno ng usok na nagmumula sa mga gatong na basa na gamit-gamit ng walang sawa naming repapits na si Eriko sa pagsisilbi at pinagluluto na nito ng makakain na inihaw na de-lata ang tropang blue, habang sa likod niya ay inip na inip na nakaabang si Wino. Ngunit may isang kagandahang lalaki ang tahimik na nakamasid sa kanilang lahat habang siya ay malumanay na nakasalampak sa dulo ng nasabing bangka. Siya yata ang itinuturing na pinakaboss, at ang turing sa kanya ay Boss Jc. Matapos kong suriin ang buong paligid ay niyaya na ako ni Jeff upang dumalo sa kanilang pagkakatipon-tipon. Ubod galak akong nagpatiuna nang sa gayon ay akin namang mabati ang aking mga nastranded na kaibigan.
Daniel: Mga pare, ako ay nagagalak at tayo ay muling nagkatagpo-tagpo. Sa katunayan ay basa na ang aking mga mata magmula pa lang ng aking masilayan ang inyong mga makukutim at nanlilimahid na mukha. Datapwat aking pinagtataka na kayo ay napadpad sa ganito kalansa at nakakabuwisit na lugar, hindi ba kayo naaalibadbaran? Sa amoy pa lamang ay hindi mo na susubuking huminga para ikaw ay mawalan na ng buhay nang sa gayon ay hindi mo na muling malanghap ang napakasariwang lansa.
Nhoel: Hay Daniel, gustuhin man naming magalit at magtampo sa iyo ay ayaw namin at talagang hindi namin magawa. Kahit na mas pinili mo pang hindi sumama sa amin ay natanggap pa rin namin nang maluwag sa aming mga kalooban sa kabila ng pagdurugo ng aming mga pusong iyong inulila.
Kim: Kasing tindi na ng mighty bond ang pagkakadikit mo sa amin at kahit na paano mo pa itong sabunin ay hinding-hindi na matatanggal pa. Ganoon na katindi ang bonding natin sa isa’t-isa. Pero aking nakikita na mayroong mga tandang pananong na umiikot sa iyong ulo kaya’t akin nang isasalaysay ang aming bahagi ng istorya.

            Dumating kami sa dagat nang hapon na at dumiretso na kami sa pampang upang maligo at lumubug-lubog sa tubig habang pinanonood ang sunset at habang masaya kaming nakikipaglaro sa mga starfish. Nakahuli pa ako ng isang pagong kaya’t pumila kami at humawak sa baywang ng bawat isa at pinaglaruan namin ito maliban kay Eriko na bigla na lang pinulikat sa hindi maipaliwanag na dahilan na para sa akin ay nagsasakit-sakitan lang para kanyang makita ang ‘your body is a wonderland.’ Nang ginawin kami at magsawa ay bumalik na kami sa cottage at naglaro na lamang ng baselleypak para magpatuyo. Nang lumitaw naman ang tunay na anyo ng buwan ay muli kaming nagtungo sa tabing-dagat upang maglakad-lakad at umasang makapunta kami sa dulo ng walang kabila. Sa aming paglalakad ay nakakita pa kami ng isang asul na bato na mayroong kakaibang kislap na lubhang mapang-akit kung iyong pagmamasdan, ngunit nang kami ay yumuko upang ito ay damputin at tingnang mabuti ay mayroon na lamang biglang nakabibinging ugong na bumasag sa katahimikan at lubha pang nagpatindi ng ginaw na aming nararamdaman kaya’t kumaripas kami ng takbo pabalik sa aming cottage at nagmistulan kaming parang mga bulate na nakakita ng isang pakete ng iodized salt. At nang kami ay makabalik na sa aming cottage ay wala na kaming ano pa mang naramdaman kundi ang nakapanghihinang halik ng pagkaantok. Humiga na kami sa aming mga pwesto na ang tanging pananggalang lamang namin sa lamig ay ang aming mga tuwalya na nagsisilbi na ring baluti laban sa mga mapupusok na pagsugod ng mga langgam at lamok. Kinaumagahan ay nagpasya muli kaming magliwaliw sa may pampang upang panoorin ang mga mangingisda sa pag-ahon sa kanilang mga nalambat na isda at umasa kaming makita doon si Nemo. Sa aming pagkalibang sa paglilibot ay tinangay kami ng aming mga paa sa piling ng isang mama. Kinausap kami ng mama at inalok kami kung nais naming mamasdan ang kagandahan ng kapaligiran. Nagustuhan namin ang kanyang alok at pumayag kami at malugod naming ipinaubaya ang aming kapalaran sa maugat na kamay ng mamang bangkero. Pagsakay namin sa kanyang bangka ay nagsuot na agad kami ng mga life jacket na nakakapagduda pa kung kaya kaming ilutang kung sakaling lumubog ang bangka, pero isinuot pa rin naman namin para japorms pag nagpichuran. Aming natunghayan ang isa sa mga pinakamagagandang tanawin na tipong makapagbibigay na ng inspirasyon sa mga sikat na manunulat at pintor. Sari-saring isda ang nakikisabay sa aming bangka. Mayroong mga flying fish na hindi naman lumilipad, patalun-talon lang, mayroong mga pusit at meron din namang pating na nagpapanggap lang na pusit. Doon na nagsimula ang biglang liko sa aming kapalaran. Nang magpichuran kami sa bangka at nagflash ang camera ay biglang nasilaw ang mama at bumaligtad at nahulog sya sa bangka. Nagpanic kaming lahat maliban sa pating na nagpapanggap na pusit na masayang-masaya dahil ginawa niyang dinuguan ang kawawang mama. Naghiyawan kami sa sobrang takot na kumabog sa aming mga dibdib dahil alam namin na iyon na ang aming magiging katapusan at kami ay magiging sahog na lang sa goto ng mabangis na pating. Pero sa kabila ng takot ay nakaisip pa rin kami ng lunas sa aming suliranin, naisip naming kung magsasakripisyo pa kami ng isa sa amin para ipakain sa pating ay baka mabusog na ito at umalis na lang. Ihuhulog na sana namin si PJ nang magmatigas ito at aksidenteng natamaan ang motor ng bangka ng nagbunga sa pag-ugong nito at mabilis na pagbarurot ng bangka patungo sa hindi namin alam kung saan at ang pating ay naiwan naming tumutulo ang laway at naghihingalo na kunwari’y nalulunod at humihingi ng tulong sa amin, pero hindi nya kami nalinlang dahil alam naman namin na magaling syang lumangoy at hindi basta-basta nalulunod ang mga pating. Humantong kami sa isang lugar na kahit saang lugar ka lumingon ay puro tubig-alat lang ang iyong mamamataan. Wala kaming ibang napagbuntungan ng sama ng loob kundi si PJ dahil kung hindi lamang sya nagmatigas at nagpumiglas ay hindi na sana pa kami umabot sa ganoon kaalat na kapalaran na mas lalo pang nagpaalat sa aming mga pawisang kili-kili. Subalit nangyari na ang trahedya at alam namin na hindi na mababago pa ang mga pangyayari kaya’t agad na din naming tinantanan si PJ na nung mga sandaling yon ay gusto na rin yatang lunurin ang sarili. Sa aming panandaliang pananahimik ay isa na namang sakuna ang nagparamdam. Inisip tuloy namin kung sino kaya sa amin ang ubod ng malas na pagkalaki-laki siguro ng balat sa puwit. Nakarinig kami ng malakas na pag-ugong ng pinagsamang hangin at tubig at sabay-sabay kaming napalingon habang tinatangay ng hangin papunta sa opposite direction ang aming mga buhok at aming namataan ang isang kagimbal-gimbal na tsunami na binabalak kaming burahin sa mundo o di kaya’y itulad  sa eks na iflinush sa kubeta papunta sa banal na lugar na kung tawagin ay poso del negro. Wala na kaming anumang nasabi kundi wala talaga, pero bigla kaming nabigla nang biglang mayroong mapambiglang malakas na puwersa ng sibol ng tubig mula sa ilalim na biglang nagtulak sa aming bangka paitaas na naging dahilan upang makaligtas kami sa nakabibiglang hagupit ng tsunami. Nakahinga na kami ng malalim subalit pagtingin namin sa ibaba ay nakaabang na pala ang bunganga ng isang dambuhala at para lamang pala kaming kornik na inihagis at sasaluhin sa pamamagitan ng bibig, at napa-“Haaayyy” na lang kaming lahat at doon na kami napasok dito sa loob nitong puting balyenang ito. Naghubaran pa nga kami ng mga short kanina para magsurian ng puwit pero talagang walang may balat sa’min, talaga lamang sigurong nakatadhanang magkita-kita tayo dito.

Daniel: Tadhana nga kaya, o pagkakataon lang? Talagang kung minsan ay nakalulungkot ang buhay dahil napakarami ng mga katanungan subalit napakakaunti lamang ng mga kasagutan.
Nhoel: Talagang ganoon lamang siguro, dahil sa tuwing nahahanap natin ang mga kasagutan, patuloy pa rin naman tayong nakakahanap ng mga panibagong katanungan?

            Katahimikan. Ang oras kung saan walang anumang pumapasok sa iyong isipan. Ang sandaling walang anumang salitang sinasambit ang bawat isa. Nakatingin sa kawalan. Nawawala ang kamalayan. Sumasakit ang tiyan. Iniipon ang kapangyarihan. Kinagat namin ang aming mga labi at sabay-sabay na inilabas ang panis na hangin sa aming mga large intestine na nagdulot ng pagkakasariwa ng oxygen sa madilim na kapaligiran. Ang makabuluhang pangyayaring iyon ay nag-udyok sa aming mga nagsusumidhing damdamin upang kumbinsihin ang aming utak na kontrolin ang aming mga ulo na tumingala upang pagmasdan ang matinding sikat ng araw sa bughaw na kalangitan upang aming hindi malimutan ang hindi kailanmang mapapantayang kagandahan ng daigdig. Subalit sa aming mahinahong pagtingala ay nabigo kaming masilayan ang langit at ang tanging nakita lamang namin ay ang nakapansusulasok na gilagid ng higanteng isda. Dito na gumising ang aming mga budhi at kami na ay mataimtim na nag-isip ng isang maitim na balak upang makawala sa aming pagkakakulong at upang maisalba sa tiyak na kapahamakan ang aming mga madamdaming buhay laban sa lubhang nakamamatay na bad breath ng puting balyena.

No comments:

Post a Comment