October 17, 2002
Thursday
12:04 AM
Sa kuwarto ni Daniel, habang nag-uusap ang crew ng heart to heart talk sabay sa saliw ng musika ni Brian Mcknight (Back at One) . . . at biglang nagpalit ng kanta, pero bago yon nagtawanan muna kami dahil sa mayroon kaming nakitang isang mabalahibong bagay, naging interesado kami dito kasabay ng pag-iinit ng damdamin at pag-aalab ng puso at pinagpawisan kami ng malamig kaya’t nagkapit-kapit kami ng kamay at tinunton namin ang direksyon ng mahabang mabalahibong bagay hanggang umabot ang aming mga nangungutim at maaalikabohk na paa sa isang tipong mukhang makasaysayang lugar na para bang pamilyar. May naramdaman kaming kakaibang awra ng isang napakalakas na nilalang na para bang gustong ilabas ang itinatagong puwersa na matagal nang hindi naipapakita. Tuloy pa rin kaming nakapila’t kapit-kamay na dumiretso sa tinutunton ng daan . . . “Sandali Lamang!” ito ang mga katagang namutawi sa aming mga nanunuyo at namimitak-mitak na para bang tinamaan ng El-Niñong mga labi. Ang tinutungtungan pala ng aming mga paa ay . . . ang aming mga tsinelas na halos mapatid-patid na at nakalapat sa katiting na kaharian ng Luakan na napapasailalim sa malupit at mapusok na pamamahala ni Nhoel. Sa aming pamamangha sa nasabing bagay ay naramdaman namin na malapit na pala naming maabot ang rurok ng tagumpay. Halos masinghot na namin ang aming pinakamimithing adhikain ng aming mapangilkil na ekspedisyon tungo sa mala-bahagharing hibla. At sa wakas nasuklian ang aming pagdurusa, isang senyales mula sa ‘di kalayuan ang aming namataan na nagbigay samin ng pag-asa at lakas ng loob na biglang humina ngunit lumakas ulit dahil sa aming nabanaag na aninag. Nagkakandarapa kaming sumagudsod nang may sumasagitsit at lumalangitngit na bilis habang sumisirit ang adrenalino sa aming mga katawan na lalong nagpabilis sa pintig ng aming nananabik na puso na higit pang nagpataas sa aming pagnanasa kasabay sa pagpapawis ng aming buong katawan at matinding pamamasa ng ilalim ng aming mga balikat o sa madaling sabi, ang aming mga mumunting kili-kili na maari nang maihalintulad sa sukang paumbong na maaari nang pagsawsawan ng tukneneng ni Ate Beng na asawa ni Kuya Zaldy sa kadahilanang nakaligtaan naming magpahid ng Rexona easy swipe chicharong bulaklak flavor “Wala ba kayong mga kamay?” Sa aming panandaliang pananahimik ay may narinig kaming sigaw na nagmula sa hindi kalayuan pero medyo malayo na bumasag sa aming naglalakbay na diwa na nakikisabay sa aming ekspedisyon na nagsabing, “Kuya, maghugas ka na daw ng pinagkainan sabi ni Mommy!!!” Nagulantang kami sa aming tinig na narinig dahil sa para bang ito’y narinig na namin nang minsan. Winika namin sa isa’t isa ang laman ng aming isipang gamunggo na nakapatong sa mga ulo naming barbero lamang ang nakikinabang. “Hindi ba’t iyon si…” Ngunit bago pa man namin matapos ang ninanais sabihin at ipadama ng aming damdamin ay biglang lumingon ang tinawag ng musmos. At pag-abot namin sa mahabang mabalahibong bagay ay laking gulat namin na halos magunaw ang aming mga mundo dahil ang hawak pala naming mamasa-masa at malagkit na hibla ay buhok. Sabay-sabay na namutawi sa aming mga labi, “Si Kim, LONG BACK!!!”
O, gawa-gawa lang namin yun, ayos ba? O balik sa mabulaklak at malarosas sa kagandahan na yungib ni Daniel kung saan tuloy pa rin sa pagpapalitan ng kuru-kuro ang ating mga naggagandahang kalalakihan at may matatabang utak na crew.
Chet: O sino ba yung unang magsasalita, kailangan nagkukuwentuhan tayo para masulat dito, mga mahihina!
Daniel: Pampalakas na naman sa’yo yang mga pagsususulat mo nyan eh loko.
Gail: Oo nga siya na naman yung bida.
Chet: Nakitang tinatanong ko kayo. Ala-una na wala pa tayong nagagawa.
Noel: Kailangan nating matapos yan bago mag-alastres.
Kim: Sandali inaantok na ako.
Jeff: Loko may finals pa tayo bukas, ay mamya na pala.
Noel: Lokong murit, wag ka nang magreview!
Daniel: Teka nga muna lalabas lang ako, naiisip ko si ano. Tsaka may concert pa nga pala ako.
Lumabas na nga ako sa aking lungga at sumakay sa aking ubod ng habang limosine patungo sa aking magarang concert. Sabik na sabik na ako dahil sa sobrang dami ng aking mga inaasahang die-hard fans na alam ko namang katawan lang ang tanging habol sa‘kin… EEEENNNGGGKKKHH!!! Biglang preno ng limosine at halos mapudpod ang parang kiniwing gulong ng aking mumunting sasakyan. Na-traffic kami at mukhang hindi na uusog pa kaya’t nagdesisyon akong bumaba na lang dahil baka ma-late pa ako sa aking natatanging pagtatanghal. Lumabas ako nang dahan-dahan at nagsuot ng sumbrero upang hindi makilala ng madla, dahil alam ko namang kapag nakita nila ang mala-Adonis kong mukha ay siguradong hihimatayin na naman ang mga kababaihan at ibang kalalakihan. Napakaraming tao ang nakaipon at nagkakagulo sa kalsada. Ang iba’y pawis na pawis at mukhang nanghihina sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Mayroong naglalaway at mayroon namang pawisan lang at medyo nangangamoy. May naiihi, may natatae, mayroong may buni. Halos lahat ng uri ng tao ay nandito. Pero mayroon ding Alien na nagpapanggap lang na tao, ‘di ko lang alam kung sino. Nakiusyoso ako at nakialam, hinawi ko ang mga tao. Syempre sa laki ng katawan ko ay nagtabihan sila nang walang anumang pagtutol o pagpalag. Sa pagkakataong ito, hindi na ako gumamit ng talino, puro dahas at lakas na lang ang aking pinairal dahil sapat na ‘yon. Laking gulat ko at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko kung sino ang buong lakas na kumakayod at humahagod sa tabing daan. Isa na palang kilala at batikang boldstar si McJohn August Tayag na ngayon ay mas kilala na sa tawag na Mac Magat. Gusto ko sana siyang lapitan at hawakan ngunit ayoko namang abalahin pa siya sa kanyang malaswang taping. Parang kailan lang ay isa lamang siyang inosenteng musmos na walang alam sa mga ganoong bagay. Hinding-hindi niya magagawang abusuhin ang kanyang mapusok na pagkatao o kahit man lang ang magpalagay ng mumunting accessory tulad marahil ng isang mapangiliting bolang bakal sa kahit saang bahagi ng kanyang maskuladong katawan ay hindi man lamang tumawid sa kanyang mapaglarong kaisipan. Kinawayan ko na lamang siya at ako nama’y kaagad niyang nakilala kaya’t sumagot siya ng isang makamundong ngiti. Nangilo ang aking mga ngipin dahil sa kanyang makahulugang ngiti kaya’t ako’y nagpatuloy na lamang sa aking pagliliwaliw sa mundong makasalanan.
Sa aking paglalakwatsa ay napadaan ako sa aking pinakamamahal na paaralan na humubog sa aking pagkatao at bumasag sa aking kamusmusan na tinaguriang Bataan Shorten Cut-off. Nabalitaan ko nga pala sa balita na mga piling mag-aaral pala nito ang isasabak sa Asian Games sa larangan ng “pagsayaw habang pinauulanan ng bala” sapagkat ito’y gaganapin sa Basilan, ang tanyag na ‘Terrorist Capital of the Philippines’. Paglapat na paglapat pa lamang ng aking mga malulusog na paa sa sagradong lupain ng mahal kong paaralan ay napansin ko agad na may pumapatak na kakaibang likido sa aking fully-developed na katawan. Hindi ko naman maisip na dulot ito ng pagluha ng kalangitan dahil wala namang makakapal na ulap na maaaring magbadya ng ulan. Pero hindi na rin naman ako magtataka kung biglang uulan dahil panahon naman ng tag-ulan ngayon at matagal-tagal na ring hindi nadidiligan ang kapaligiran. Tumingala ako upang madampian ng ulan ang aking mukha ngunit nasilaw lamang ako sa napakatinding sikat ng araw na ngayon pala ay eksakto pang nakatapat sa akin. Ngunit bigla na lang akong kinilabutan nang ibalik ng isang masangsang na simoy ng hangin ang isang mayamang alaala na inakala kong nabaon na sa limot sa paglipas ng isang yugto sa kasaysayan ng buhay kahalintulad ng paglipat sa isang lumang pahina sa matandang aklat ng tadhana. Dahan-dahan at unti-unting gumalaw ang aking mga mapupulang labi na nagbunga sa isang matamis na ngiti kung kaya’t buong pagmamadali kong binilisan ang paghakbang ng aking mga paa nang hindi ako tumatakbo dahil sa isang makabuluhang kadahilanan, “Alam ko na kung ano ang mahiwagang likido.” Mababakas ang tuwa sa aking mukha nang makilala ko kung sino ang walang kapalya-palyang nagtuturo at umaalindog sa harap ng mga inosenteng estudyante. Si Peter John Liwanag na medyo malabo ang umaabuso sa mga bata dahil sa siya pala ngayon ay isa nang magaslaw na dance instructor. Hindi naman siguro nakapagtataka dahil noong kapanahunan pa namin ay hilig na niya ito kahit wala itong hilig sa kanya, talagang mapilit lang si PJ. Natatandaan ko pa noon kung gaano kataas presyohan ni PJ ang kanyang mga session sa mga estudyanteng buong pusong nagtitiwala sa kanyang malikot na kakayahan upang sila ay mapagchampion sa cheering competition. Napakalaking sakripisyo para kay PJ ang pagtiyagaang turuan ang mga makukulit at malademonyong mga bata ngunit ganoon din naman ang sakripisyo ng mga bata dahil tinitiis nilang mag-ensayo at mag-concentrate kahit na natatalsikan na sila ng holy water.
Gumulo sa aking malikot na pagmumuni-muni ang maingay na pagsisigawan at kakaibang paghihiyawan ng mga estudyante. Nang silipin ko ang isang silid-aralan ay aking namasdan ang isang medyo kagalang-galang na lalaki na lagi namang nakatingin sa mga ibon sa labas ng bintana. Nangapaluhod ako nang aking mamukaan si Don Jan Carlo Galero or simply Dao Ming Juan Enrique Carlos Miguel Valiente de Montemayor Y Galero Monteredondo Zhu. Isa na siya ngayong matalinong professor na alam lahat kaya’t nabansagang “Walking, talking, and the living encyclopedia.” Nagsisilbing dekorasyon ng kanyang marikit na silid ang napakaraming trophy at medalya na kanyang inani sa larangan ng karera. Sinasabi ko na nga ba’t siya rin ang napanood ko sa dyaryo nung minsan na kasali sa karera ng kabayo. Nang makita niya akong nakatunganga at nakatitig sa kanya ay bigla na lamang niyang dinismiss ang klase at agad akong nilapitan at pinunasan ang aking tumutulong laway. Matagal-tagal din kaming nag-usap at nagbukas ng puso sa isa’t-isa. Lubha naming na-miss ang isa’t-isa. Nangako kaming magtutulungan sa oras ng pangangailangan at to always keep in touch… kaya’t hinawakan namin ang isa’t-isa. Nagkakapalagayan na sana kami ng loob pero ayaw ko mang gawin ay nagpaalam na rin ako. Lumisan na ako at humahalakhak na lumakad palayo nang hindi alam ang maaaring sapitin ng aking malungkot na buhay.
Sa aking katangahan at kawalan ng pag-iingat ay muntik pa akong mapahamak. Naisip ko tuloy na sana ay tumawid na lang ako ng bakod. Paglabas ko ng gate ay biglang may humarang sa‘kin, at sa tingin ko ay hindi basta-basta, may itsura, mukhang patok sa mga bakla nung kasikatan pa at mukhang mabenta. Laking gulat ko na lamang at nagulantang ang aking damdamin nang bigla akong tutukan ng matalim na parte ng nail cutter sa aking leeg at pilit na inaagaw ang aking Nokia 1180 na may video camera, built-in microscope, laser, dvd, at MP3 player na programmable pa ngunit hindi ka puwedeng magtext o kaya man ay tumawag, drop call lang. Sa tantsa ko ay desperado ang mama at maaari nitong wakasan ang napakarangya kong buhay kapag hindi ko ibinigay ang kanyang nais at hangad ng kanyang maitim na puso. Gusto ko na rin sanang magpaubaya at ibigay sa kanya pati ang aking matipunong katawan dahil talagang nabigla ako. Mabuti na lamang at mayroon akong kaunting kaalaman sa Taekwondo, Judo, Karate, Tai Chi, Tae-Bo, Hakyokoken, Aikido, Shohoku, Shoyo, Ryonan at Chowking. Kaya’t buong puwersa kong sinabi sa kanya, “Gusto mo to? Edi sa iyo na! Inutil ba ko, eh may panaksak ka!!!” Bilib na bilib ako sa aking sarili dahil hindi ko inakalang masasabi ko ang mga ganoon katitindi at puno ng katapangang mga pananalita. Tatalikod na sana ako at lalayo na ngunit bigla ang aking pagkabigla nang bigla niya akong hawakan at haplusin nang medyo may halong lambing sa aking may bandang likod at may pagdadalumhating isinasauli ang aking cellphone. “Kaibigan, paumanhin hindi ko alam ang aking ginagawa.” Napag-alaman kong si Jeffrey R. Felipe pala ang naturang mama. Lagi siyang laman ng Tiktik at Bulgar bilang isang malupit na mamamatay-tao. Lubhang nagdugo ang aking puso nung una kong mabasa ang balita sa aking mga paboritong pahayagan. Nagtataka nga ako dahil noong araw na kasa-kasama ko siya ay isa siyang disiplinadong tao na may matinding pagmamahal na nakalaan para sa mga hayop at kalikasan at kailanman ay hinding-hindi niya magagawang manira ng buhay ng tao, lalo na ang sa mga babae. Kaming dalawa ay nagkaroon ng isang open forum kung kaya’t muli ay nabuksan ko ang kanyang puso at inilahad niya sa akin ang tunay na dahilan ng mga malalagim na pangyayari. Nasabi niyang napilitan lamang siyang gumamit ng droga. Nawala na daw sa kanyang puso ang tunay na kahulugan ng buhay at talagang naligaw na siya ng landas tulad ng isang kuting na isinilid sa sako at itinapon sa ilog. Problema pagkatapos ng problema. Isang nilalang na pinagtaguan ng liwanag. Dahil sa sobrang poot na aking naramdaman ay inusisa ko kung saan niya galing ang mga drogang nasambit upang aking mailayo sa mapamuksang apoy ang aking kaibigan.
Sinalakay namin ang kanilang source at sa tingin ko ay ito rin ang nagkakalat ng droga halos sa lahat ng panig ng mundo. Pinasyal niya ako sa Pinulot kung saan maraming tao ang pinupulot dahil talamakan at harap-harapang ipinamumudmod ang salot na droga. Ang lugar na iyon ay parang isang masamang panaginip na nagkatotoo. Kadiliman sa buong paligid. Umaalingasaw ang nakasusulasok na simoy ng hangin. At nagkalat ang mga ligaw na aso na walang patumanggang nangangalkal ng mga basura at buong sarap na dinidilaan ang bawat masustansiyang diaper na kanilang matagpuan. Dumiretso kami sa Casa Bonita at pumasok sa isang bahay na may terrace sa second floor. Napansin kong may isang matinding nilalang ang nakaupo sa gitna na ang asta ay parang isang hari at sa tindig pa lamang ay masasabi mong siya na yata ang pinakasigang nilalang sa daigdig. Nang aking lapitan ang nasabing nilalang ay doon ko lang napansin na ang druglord sa lahat ng druglord ay walang iba kundi ang hari ng mga kulitaptap na si Paul Weynahm Sarapao. Tila ba nanigas ang aking mga panga at hindi na ako makapagsalita dahil pilit pumasok sa aking isipan at pati ang aking walang kamalay-malay na kamalayan ay naitatanong sa aking nag-iisang sarili kung papaanong ang isang malambing at mabait na mamamayan ng mundo na tulad ni Wino ay hahantong sa pagiging isang makasat na druglord. Sa lahat ng tao, bakit siya pa? Hindi ko na alam ang aking gagawin. Ngunit sa tindi ng bugso ng aking damdamin ay nagawa kong labanan ang matinding paninigas ng aking panga at nagawa kong makapagsalita upang gisinging muli ang kapaki-pakinabang, responsable at pinagkakatiwalaan lalo na ng mga babae na katauhan ni Wino. Naging mahirap ang naganap na pagpapalitan namin ng kani-kaniyang prinsipyo at paniniwala, pero sa bandang huli ay nagawa ko ring ipadama sa kanya at nagawa kong ipaisip sa kanya kung paano kontrolin ang kanyang emotions upang maibalik ang dating buong loob na pagtitiwala ng mga kababaihan sa kanya. Sa sobra-sobrang galak na halos matapon na ang iba ay naiyak siya at nangakong makakabawi din. Ngunit bigla siyang natigilan nang biglang pumasok sa kanyang mumunting kukote ang lahat ng matitinding implikasyon ng kanyang mga nagawang kabulastugan. Lubha akong nalungkot sa aking nasaksihan sa kanyang masalimuot na buhay. Iniwan ko na lamang siyang nakalugmok sa lilim ng isang puno kung saan maraming budo-budo at barairo. Sa tingin ko ay mas makabubuti kung bibigyan ko muna siya ng panahon para mag-isip ng bahagya. Ako din naman ay nag-isip. Dahil sa sobrang pag-iisip sa aking kaibigan ay hindi ko namalayang may malay pala ako nang tinutunton ko na ang isang masuyak, mabuhangin, maputik, mabato at mataeng daan. At buong ingat akong tumawid at nagpatuloy sa nakakainis at nakakapagpabagabag na landas.
Hindi ko maipaliwanag ang sobrang galak na nararamdaman ng aking puso nang mapansin kong makinis na pala ang tinatapakan kong daan, sa kadahilanang nakalimutan ko pa palang magsuot ng sapatos, ako pala ay nakapaa lang. At sa hindi maipaliwanag na pangyayari at parang may kung anong lakas na pumupuwersa sa akin upang lingunin ang napakalaking maliit na karatula. At dahil na nga sa pangyayaring yaon ay buong tamlay kong binasa ang nakasulat, at ang nakatala ay ganire:
This 150.5 Storey Buildingis made thru the effort of
Mr. Marvin Dres
Si Marvin ngayon ay ang pinakamayamang negosyante sa buong mundo. Kamakailan lang ay naisara niya ang gate ni Bill Gates, sa pamamagitan lamang ng pagtitinda ng mga pinakamasasarap at pinakamalalambot na tinapay noong araw. Gabi-gabi kasi nagmamasa eh. Hinahangaan ng marami dahil sa kanyang kakayahan at napakatinding abilidad. Nagmamay-ari ng mga pinakamalalaking korporasyon na nagpapaikot at namamayagpag sa buong mundo. Handang tumulong sa kapos-palad at isang tunay na nabubuhay na bayani. Marvin Dres po, wag nating kalilimutan sa darating na halalan. Nasaan na kaya si Marvin ngayon? Marahil nasa isang opisina, nakakandado ang mga pinto at natatakpan ng kurtina ang mga bintana, nakaharap siya sa isang computer… at naglalaro ng counter. Bigla tuloy akong ibinalik ng aking mapaglarong isipan sa Cyber Aroma habang nangakaupo kaming lahat at naglalaro at si Marvin pa ay nilalambing at hinihipan ng isang kaibigan.
Tutal naman ay nandito na ako sa bayan kaya’t bibisitahin ko na rin ang aking artistahing kaibigan, dahil puro arte lang na si Gail Ponce de Leon. Si Pons ngayon ay muli na namang lumahok upang idepensa ang kanyang titulo nang pangsampung beses na sa larangan ng F1 race. Walang dudang siya na naman ang mananalo at mag-uuwi ng Race Cup. At kung magkakaganun nga, lasing na naman kami agad pag nag-inuman dahil siguradong sa Race Cup ka na naman tatagay. Saktong kainitan ng karera na mas mainit pa sa ice-cold coffee nang makita kong buong tikas na humahangos ang isang long-back na mala-Sylvester Stallone sa pagtakbo. Para akong tinamaan ng pana ni kupido nang makilala ko si Kim Khrinsly Castañeda, ang pinakaguwapo at pinakamatipunong mekaniko sa balat ng talyer. Siya ang nangangalikot at sumusundot sa mga sasakyan gamit ang kanyang kargadang screwdriver. Buong pagmamalupit niyang kinakalabit ang bawat sabit sa anumang pilipit na makina. Ngunit bigla na lang pumasok sa aking isip ang muntik ko nang makalimutan -- ang aking concert na pinilahan ng maraming tao kaya’t hindi ko na rin sila nagawang lapitan pa at dali-dali ko na lang tinahak ang masalimuot na landasin patungo sa aking malansang pugad.
Sa sports complex, na ngayon ay may underground na sa third floor gaganapin ang aking natatanging pagtatanghal. Pagpasok na pagpasok ko pa lamang sa backstage na nasa may bandang likod ng stage ay nakita kong lubhang nababagabag ang aking mga make-up artists dahil sa kaba. At pinanonood nila sa radyo ang madugong pagsasagutan ng dalawang pinakamakapangyarihang tanga sa buong intergalactic universe. Ang isa ay si Noel Saplala na isang tanyag na singkol at ngayon ay si Osama Bin Lele na namumuno sa mga puno ng bawat terorista na gumagawa ng masama. Subalit siya’y hindi pa aktibo at gumagawa ng hakbang dahil kagagaling lamang niya sa isang matindi at mapaghiganting operasyon sa kamay na halos ay kanyang ikasawi ngunit dahil sa tindi ng kanyang fighting spirit ay nagawa niyang makaligtas. Pero para po sa inyong kaalaman ay umiyak siya sa naturang operasyon. At ang sa kabilang panig nama’y ang dati niyang kaibigan na hindi naman maitatangging magandang lalaki at puno ng talento at katalinuhang nag-uumapaw na. Walang iba kundi si Al Chester Castillo na ngayon ay pangulo ng Amerika at United Nations na kilala din ngayon sa pangalang Bush. Nakamit niya ang tagumpay dahil sa kanyang ‘di mapantayang kakayahan. Pinag-aagawan ng dalawa ang pagkontrol at paghawak sa buong daigdig. Sobrang kalungkutan ang aking nadama dahil ako’y nalulungkot talaga. Hindi ko inakalang ganito ang mangyayari sa aming dating masigasig at medyo malanding samahan. Labis akong nanghihinayang sa aming malagkit na pagtitinginan. Sayang. At dahil nga sa damdaming ito, kumalam ang aking sikmura at mayroon akong naramdamang kakaibang init sa aking groin, ako pala ay naihi sa aking salawal. Hindi na siguro pa nakayang lumuha ng aking mga mata kaya sa ibang bahagi ng katawan ko na lang lumabas ang sama ng loob.
Ako’y handang-handa na sa aking konsiyerto at medyo ninenerbyos at pinagpapawisan pa sa kili-kili dahil siguro sa maraming sikat na tao ang nanonood. Kabilang dito sina Yul Servo, Paulo Montalban, Michael Jordan na ngayon ay long hair na at nagpasex change pa, at syempre pa ang aking childhood idol na pilit kong ginagaya na si Bryan Revilla. Madalas naman akong makaramdam ng nerbiyos sa tuwing ako ay magpeperform ngunit ang pagpapawis ng kili-kili ay isang bagong development. Lubhang nakapagtataka at nangangamoy ang pangyayaring iyon. Sa kabila ng aking nerbiyos ay parang may bumubulong sa akin at nagsasabing marami pang mga pangyayari sa aking buhay ang magaganap sa araw na ‘yon. Mga pangyayaring lubos na makabuluhan at babago sa akin at sa mga taong nakatago sa madilim na bahagi ng aking puso. Walang sino mang nakahula na ang sagot sa aking napakatinding pagkabagabag ay nasa labas lamang ng complex at magpaparamdam na sa loob lamang ng ilang sandali.
Saktong kasarapan ng concert nang magkagulo ang mga manonood dahil sa pagpasok at paglabas at muling pagpasok ng isang matandang ermitanyo na nagsisisigaw na para bang nasisiraan ng bait at para bang tinatakot niya ang mga tao kahit na pinagtatawanan lang siya ng mga ito. Sinasabi niya na magugunaw na daw ang mundo dahil sa pagbagsak ng isang napakalaking asteroid na hugis ulo ng kabayo. Iba-iba ang naging reaksyon ng mga tao. May nasindak, may nanginig, may kinilig, may nangasim, may natawa, may nautot, may hinimatay dahil sa utot, may tumulo ang sipon, may natalsikan ng sipon, may nangangamot ng buni at may nagpipitikan ng mata ng pigsa. Nainis ako sa kanya dahil inagaw niya sa akin ang eksena at halos siya na lang ang pinapanood ng mga tao. Hindi ko na natagalan pa ang kanyang kabaliwan kaya’t buong pagmamatigas kong inawat si Lester Conanan. Sisigaw na sana ako at magwawala nang mayroong biglang mumunting tinig na nagpalambot sa aking katigasan. “Sandali lamang Daniel, totoo ang kanyang sinasabi.” Laking gulat ko at medyo kinilig nang makita kong muli si Dao Ming Juan Enrique Carlos Miguel Valiente de Montemayor Y Galero Monteredondo Zhu a.k.a. JC. Hindi rin maitatago ang pamumula ng aking mga pisngi dahil ako’y nagbablush. Sinabi niyang lahat sa akin ang kanyang natuklasan sa pagmamatyag sa kalangitan. Nanghina ako at parang babagsak ang aking nerbyos system sa ipinagtapat ng aking malantong na kaibigan. Para akong nagyelo sa entablado at nagmistulang isang bituin na hindi nagniningning. Ngunit muli akong nabuhayan nang kanyang sabihin nang may pagmamalaki, “Wag kang mag-alala, mayroon pang solusyon. Kailangan lamang nating pumili ng mga piling-piling nilalang na may natatagong kakayahan. May kilala ka ba?” tanong niya. “Oo meron subalit magiging mahirap na silang kumbinsihin dahil sa nagkaiba-iba na sila ng landas at pananaw sa buhay. Sila ang ating tatanga-tangang mga kaibigan na walang iwanan at walang tulugan.” malungkot kong sagot. Sa pagkakataong tulad nito, siguradong sila lamang ang makakagawa ng paraan upang mailigtas ang daigidig. Pero ano ang aking magagawa? Makakaya ko ba silang pagsama-samahin tulad ng dati? Magtutulungan pa ba sila at kakalimutan na lamang ang kanilang mga pagkakaiba ng mga paniniwala at muling aalalahanin ang nakaraan? Kung aking iisipin ay wala nang ano pa mang liwanag ng pag-asa. Ngunit hindi ako sumuko at sa halip ako’y gumawa ng isang mahapdi at makirot na paraan. Inipon ko sila at muling binuo na para bang isang jigsaw puzzle. Ang mga piling nilalang na ito ay sina Wino ang druglord, si Gail ang race car driver, si Kim ang mekaniko at si Jeff na killer. Subalit parang may kulang pa. Nawawala pa sa eksena ang dalawang magagandang lalaki na mortal na magkaaway, sina Bush at Osama Bin Lele kaya’t agad ko silang dinropkolan gamit ang aking Nokia 1180. Meron itong 3-way communication kaya’t madali ko silang nakapanayam gamit ang drop call na hanggang ngayon ay wala pa ring bayad. Tulad ng dati, aking nabuksan at napalambot ang kanilang mga batong puso. Muling nagkasundo ang magkaibigan at nagsumpaang magtutulungan alang-alang sa kaligtasan ng human race.
Natuwa ako. Sobrang galak ang aking naranasan nang muli kaming nagkita-kita at nagkasama-sama. Halos mangautot ako sa tuwa at sa wakas, nabuo na ang aming hukbo upang wasakin ang naturang asteroid. May tumulong mala-kristal na likido mula sa aking mga mata, ito na siguro ang tinatawag nilang luha.
Muli na namang nagsalita si JC upang ipahayag ang kanyang malupit na plano. “Narito na ang planong pamatay, isang bomba ang aking nilikha na may chemical composition na binubuo ng protein, carbohydrates, vitamin A hanggang zinc o mas kilala sa tawag na centrum at ugat ng punong kampupot at may sesquiisostearate, methyldibromo at 40 molecules ng Trimethylsilylamodimethicone. At kung tama ang aking ginawang formula at ang aking kalkulasyon, kayang-kaya nitong wasakin ang salot na asteroid na ‘yan.”
Hindi na kami namroblema pa sa mga gastusin dahil sinagot na lahat ni Mr. Marvin Dres ang lahat ng aming kakailanganin mula sa mga ingredients ng bomba hanggang sa aming mga pagkain, kagamitan, at outfits. Expected na talaga namin iyon kahit na alam naman naming abala siya sa pagbibigay ng training sa kanyang apprentice na si Donald Trump. Ngunit mayroon pa kaming nakaligtaang isang napakahalagang bagay, ang aming sasakyan. Nagulantang kaming lahat nang may mama na medyo may kaputian… ang ngipin ang biglang nagparamdam. Si Eriko Karlo Mangayao… ang muntik nang makalimutang ilagay dahil sa sobrang kalibagan este kalibangan pala namin. (Teka lang, kasama ba talaga to? Sige na nga isama na natin, nakakaawa eh.) Siya ang nagboluntaryo upang ihatid kami sa asteroid gamit ang kanyang spaceship na hugis kambing. Wala nang iba eh, kaya sya na lang ang pinagtiyagaan namin.
JC: Ganito ang misyon, lalapag kayo sa inyong huling hantungan gamit ang spaceship ni Eriko pero hindi kayo makakalapag sa gitna dahil walang landing area doon.
Gail: Ako na ang bahala doon. Ako ang bahalang magmaneho ng 4-wheel drive na pwede sa space na mayroong 2000 cc at pinaaandar lamang ng dalawang AA na eveready battery na inimbento ni Jessie Boy.
JC: Pagdating ninyo sa gitna ay doon nyo itatanim ang bomba at babalik na kayo sa spacejeep at pipindutin ang buton mula doon. Napakasimple lang hindi ba? At bago ko makalimutan, kailangan nyo pa palang uminom ng pitong Diatabs at tatlong Cream Silk leave-on hair moisturizer upang makahinga kayo ng maluwag sa space. Medyo may side effect nga lang, hindi naman masakit pero mamamaga ang puwit nyo. Isang linggo mula ngayon sasalpok ang asteroid. Kung kaya’t may panahon pa kayo para maglibut-libot at mamasyal, kaya lang ‘di ko na kayo papayagan dahil dapat pa kayong mag-ensayo at maghanda. Walang oras na dapat masayang.
Daniel: Hindi mo man lang ba kami hahayaang mamaalam sa aming mga mahal sa buhay kahit na kami lang ang nagmamahal sa kanila?
JC: Paumanhin Daniel, dahil aalis na kayo sa Martes para sa Miyerkules ay nakalapag na kayo sa asteroid upang maisagawa ang ating maitim na balak. Mwahahahaha!!!! Ha!
Nhoel: Eh ano namang klaseng ensayo ang gagawin namin? Kailangan ba naming kumain ng apoy o lumunok ng espada? O baka naman dapat din naming gayahin yung mga sayaw ng sex bomb tulad ng ginawa nyo ni PJ nung minsang nagpunta tayo sa ocean view? Huwag naman sana, baka maghalo ang canton sa spaghetti!
JC: Hindi, walang ganun. Hindi mo pa rin alam yung nakakapagpa-bad trip sa’kin eh. Una, magsasanay kayong maglakad nang maayos nang may nakapatong na 20 aklat sa inyong mga ulo. Lulusong kayo sa hot spring na hanggang leeg at kakantahin nyo nang 10 beses ang Leaving on a jet plane at Can’t lose you ng F4… nang pabaligtad. At ang pinakahuli at pinakamahalaga sa lahat, papanoorin nyo at susubaybayan ang lahat ng teledrama sa telebisyon dahil malaki ang maitutulong nito upang mapalakas hindi lamang ang inyong katawan kundi pati ang inyong kaisipan.
Tumatak sa aking isipan ang mga bagay na sinambit ni JC. Talaga palang hindi biru-biro ang pagpunta sa kalawakan. Napakahirap ng mga pagsasanay at paghahandang kailangan naming pagdaanan. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay matindi pa rin ang aking tiwala sa aming mga kakayahan at kung may mga taong magagawa ang mga bagay na halos imposible na, siguradong wala ng iba pa kundi kami lang.
Wala na rin kaming nagawa dahil wala na kaming iba pang choice. At isa pa ay mayroon naman kaming buong loob na pagtitiwala kay Don Juan Carlo kaya alam namin na totoo ang lahat ng sinasabi niya at hindi niya kami niloloko lamang. Nagtiyaga kami sa bawat pagsasanay at hindi namin inintindi ang aming mga sarili sa halip ay ang kapakanan ng mundo ang palaging laman ng aming mga pursigidong isipan.
Walang tigil sa pagpapatong ng mga aklat sa ulo kahit na lumalapad na ang mga bumbunan namin. Hindi humihinto sa pagkanta sa hot spring kahit na wala ng boses o ‘di kaya’y nalulunod na. At higit sa lahat, walang palya sa pagtutok sa aming mga paboritong teledrama sa telebisyon sa kabila ng panlalabo ng aming mga paningin at muntik-muntikang pagkasira ng aming mga ulo dahil sa takbo ng istorya nito at pagkabiyak ng aming mga puso dahil sa sobrang pagkaawa sa mga masasamang pangyayari sa buhay ng mga bida.
Totoong napansin namin ang kakaibang pagbabago sa aming mga sarili matapos ang mahapding pagsasanay na aming dinaanan at naranasan. Epektibo ang aming training. Lubusan ang aming pasasalamat at pagpupuri dahil ngayon ay mas matitigas na ang aming mga ulo dahil sa dami ng aming mga bukol, mas matataas na rin ang aming mga boses at maaari nang makabasag ng salamin, at kapansin-pansin ang pagkakadevelop at mabilis ng paglaki ng mga muscle sa aming mga eye bag. Mabilis na lumipas ang mga araw. Hindi namin namalayan na Martes na pala. “Kool ka lang” na! Kaya lang hindi kami makakapanood dahil oras na ng pagtutuos asteroid ay dapat na matapos. Dumating na ang araw na aming kinatatakutan, grabe nakakatense. Kinakabahan kami at matindi ang aming panginginig ngunit wala nang magagawa pa. Dapat itong gawin para sa kapakanan ng mundo. Lahat kami ay umiiyak at tumutulo ang sipon sa sobrang takot at dala ng matinding nerbiyos. Ang sasakyan namin ay kasinglaki lamang ng isang jeep. Siksikan kami dahil sa dami ng aming dalang armas, pagkain, at mga halamang gamot at si Wino ay nakasabit pa dahil malakas ang kanyang resistensya.
Eriko: Mga repapits, punasan nyo na ang mga sipon nyo and fasten your seatbelts, we’re leaving.
JC: Daniel kayo na ang bahala, maiiwan ako dito sa hexagon para imonitor ang mga kaganapan. Nasabi ko na at naituro ang lahat ng dapat sa inyo. Nasa inyong mga kamay at paa at syempre buong katawan ang kaligtasan ng mundo. Tandaan nyo lang ang isang importanteng bagay… “You want to be the best? Discipline.” Tsaka ayoko talagang sumama, natatakot ako, parang papalpak kayo eh.
Daniel: Huwag kang magpanic, ibibigay namin ang aming buong lakas at ibubuhos ang lahat ng aming makakaya.
JC: Ang countdown natin ay 1000 to1.
1000…
to…
1…
Get get aww!
Halos magkalagkalag ang mga piyesa ng spacejeep na may nakalagay na Aim High Outerspace at Beauty, Destiny, and Perspiration, at may license plate na MTFO-99. Lahat kami ay tahimik at nagcoconcentrate sa pag-utot nang isandaang beses dahil sa makakatulong ito para gumaan ang aming pakiramdam at mabawasan ang aming mga nararamdamang tensyon, maliban kay Weynahm na nakasabit lang.
Wino: Huaaaahh!!! Ibaba nyo ko dito. Ibalik nyo ko sa mundong ibabaw. Para, paraaaaaa, sa tabi na lang po!
Nhoel: Lintik na Wino na to napapano na naman kaya?
Chet: Pabayaan mo. Siya nga pala, nakakailang utot ka na ba?
Nhoel: Mamaga-maga na nga ‘tong ano ko, nakakasingkwenta pa lang ako.
Chet: Nauuna pa pala ako sa’yo. Nakaka 80 na ko.Hinang-hina na nga ko eh.
Kim: P*****Na nyo nagpapangayaan pa kayo ng utot dyan. O ba’t Gail katahimik mo?
Gail: Pinoproblema ko kasi yung pangatlo kong utot eh may sumama yatang kwan. I have diarrhea kasi eh.
Nhoel: Kaya pala pawis-pawis ka eh. Lagkit ng dating mo! Tiisin mo na lang di natin mahuhugasan yan wala tayong dalang tubig eh.
Jeff: Buti pala economy lang ‘tong spacejeep ni Eriko, kung aircon ‘to namurit na tayo.
Masarap ang aming pagkukuwentuhan. Sobrang sarap! Kasing sarap ng value meal number 1 sa canteen noong araw na cream-O at coke na talagang napakasarap namnamin at higupin, lalo na kung walang bayad. Talagang lumilipad ang aming mga diwa at pilit hinahabul-habol ang nakaraan na talaga namang puno ng halakhakan at kailanma’y hinding-hindi namin malilimutan. Nakakalungkot isiping hindi na pala maibabalik pa ang kahapon. Wala na tayong magagawa kundi umupo sa isang tabi at alalahanin ang masasayang sandali ng nagdaan. Mabuti na lamang at hindi nauubos ang bukas. Dahil ang bawat bukas, ay magiging ngayon, at magiging kahapon. Nagulantang kami at halos magcollapse nang yumanig ang spacejeep at tumunog ang alarm.
Wino: Waaaaahhhh!!!
Daniel: Ano yun?
Nhoel: Nakabangga yata si Eriko.
Gail: Nasa space, nakabangga? Baka na-flatan lang.
Eriko: Mga repapits, we have company!!!
Halos mawala ang aming hininga at hindi na namin makita pa. Hindi man makatotohanan at napakahirap paniwalaan ay nagkaroon kami ng *encounter sa isang tropa ng mga bayolente at hindi mababait na alien. Lubhang nakakapanginig ng laman at nakakapangatog ng tuhod subalit bahagyang nakakatawa ang itsura ng mga alien. Siguradong masisira ang iyong utak kung tititigan mo sila ng matagal. Para silang mga tikbalang na sadyang malalaki ang ulo. Sa aming palagay ay sila ang ulo at may kinalaman sa napipintong pagbagsak ng asteroid sa mundo. Mangiyak-ngiyak na ako sa aking nakita nang biglang…
Jeff: Hindi nila kilala ang kinakalaban nila. Ako yata si Jeffrey Felipe, pinakasikat na killer at kilalang mapanira ng buhay ng tao.
Nhoel: Pinuno ng mga terorista, nasa likod ng mga pambobomba. Sikat na tao at handang maglingkod sa mundo. Ako si… Osama Bin Lele.
Chet: Kayang-kaya natin yan. Ano pa’t ako ang masigasig na pangulo ng United Nations. Hindi na natin sila bibigyan pa ng 48 oras para magdis-arma.
Wino: Puwede!!!
Napigil ang aking mga luha at mabilis na naging mga muta dahil sa kanilang mga sinabi. Handa nilang gawin ang lahat kahit na maging kabayaran pa nito ang kanilang mga walang kwentang buhay at wala pang sukli. Muntik ko nang makalimutan na mayroon din nga pala kaming mga bayolenteng kasama na sanay sa mga labanan. I was relieved. Subalit hindi lamang silang tatlo, pati kami ay handang magbuwis ng buhay.
Gail: Tutulong ako para sa ikatatagumpay ng misyon.
Kim: Magkaisa tayo tungo sa tagumpay.
Daniel: Hindi tayo dapat sumuko. Nakakahiya kapag natalo tayo dito.
Wino: Sige na, kahit ano. Nangangawit na ako dito.
JC: Kaya nyo yan team. Let’s go!
Eriko: Mga repapits laban na! Nangingitim na ‘ko sa galit.
Naging madugo at makamandag ang labanan. Naggamitan kami ng kani-kaniyang technique sa pakikipaglaban. Papormahan at pasikatan. Bawat isa ay gustong maging bida. Para kaming hindi magkakakilala at tila wala kami sa tamang katinuan. Hindi kami nagtulungan at walang anumang pagkakaisa at teamwork. Wala kaming play. Marahil ito ang naging dahilan ng aming mapait na pagkabigo. Kung nadala lamang namin ang aming mga light sabers ay hindi sana ganoon ang nangyari. Tulad ng dati… halos mawalan na naman kami ng pag-asa, na talagang wala naman.
JC: Wag kayong mawalan ng pag-asa team. Tandaan nyo, “You want to be the best? Discipline.” Mag-isip kayo. Mayroon pang isang paraan. Wino, dala mo ba ang mga epektos mo?
Wino: Oo nga pala. Matalinong pagsusuri Juan Carlo.
Nhoel: Anong ibig nyong sabihin?
JC: Simple lang. Ilalabas ni Wino ang lahat ng kanyang damo at siguradong pupuntahan ito at pagkakaguluhan ng mga malatikbalang na mga alien. At kung magkakaganon ay samantalahin ninyo ang pagkakataon at sugurin nyo sila ng buong lakas.
At ayun nga ang ginawa ni Weynahm. Nang maakit ang mga alien sa damo ay nagkapit-kapit kami ng mga kamay at nagconcentrate. Binuhos namin ang lahat ng aming lakas at lahat ng maibibigay. Halos mangaiyak at mangulubot kami sa hirap. Pero pinilit pa rin namin at patuloy pang pinakalakas ang aming pag-iri. Halos kasing lakas ng busina ng super ferry ang sabay-sabay naming pag-utot. Nasuklian din ang aming pagdurusa at natalo din namin ang oposisyon. Sa pagkakataong ito, ang aming pagkakaisa ang naghatid sa‘min sa isang matamis na tagumpay. Ang akala ko ay sa animé lang nangyayari ang mga ganoong bagay subalit napatunayan ko na totoo pala iyon. Dahil ang aming pagkakaibigan ang pinagmulan ng aming hindi maipaliwanag na lakas. Lahat kami ay natuwa at tumawa ng kaunti. Kaunti lang.
JC: Wag muna kayong magsaya. Nakalimutan nyo na ba ang misyon?
Wino: Ano na namang misyon?
JC: Yung asteroid, papasabugin nyo pa. Magpahinga na kayo sa maikling panahon at kailangang manumbalik ang inyong mga enerhiya dahil maya-maya lamang ay lalapag na kayo sa inyong destinasyon.
Napapikit ako at napahinga ng malalim-lalim at maluwag-luwag nang marinig ko mula kay Jaycee ang salitang pahinga. Natuwa ako dahil matagal-tagal ko na ring hindi naririnig ang salitang ‘yon. Kasabay non ay bigla kong naramdaman ang matinding pagkapagod dahil talaga namang naubos lahat ang aming mga lakas sa sagupaang naganap. Marahil kung magpapatuloy pa kami nang agad-agad ay maaaring hindi na namin kayanin pa ang mga bagay na kinakailangan pa naming maisagawa at mapagtagumpayan. Kahit papaano ay mabibigyan na rin kami ng pagkakataon upang mairelax ang aming mga malulusog na pangangatawan. Handa na akong magpahinga at irerelax ko na ang aking pangmodelong katawan nang…
Eriko: Mga repapits, nandito na tayo!
Daniel: Ano? Eh, hindi pa nga ako nakakapagpahinga ah. Hindi ngayon ang oras at lugar para magbiro ka ng ganyan.
Jeff: Oo nga. Wag kang tanga Eriko!
Eriko: Mga repapits wala na tayong magagawa. Dumaan ako sa superhighway para mas mabilis. Kasi ‘di ko na kayang tiisin, natatae na ko eh.
Kim: Ayan na nga bang sinasabi ko eh. Dapat hindi ka na namin sinama magkakalat ka lang pala.
Gail: Wala na rin tayong magagawa. Nandito na din tayo, isagawa na natin ang plano. Ako ang magmamaneho ng spacecar tungo sa mabato at mabubog na daan. Ako na rin ang bahalang magdala ng bomba.
Kim: Sasama ako sa’yo. Eksperto ako sa larangang iyan. Tutulungan kita.
Umalis ang dalawa at iniwan kaming nakatanga. Pinagdasal na lang namin ang kanilang tagumpay, at tagumpay na rin namin, at tagumpay nyo rin, sige na nga tagumpay na ng buong mundo. Lumingon ako sa aming likuran at tinanaw ang daigdig. Napakaganda niya. Pero tila ang salitang kagandahan ay hindi pa sapat para ilarawan ang mundo. Halos tumulo ang luha ko nang muling pumasok sa isip ko ang mapait na katotohanan. At maaaring ngayon ay ang una at huling pagkakataon na tunay kong mamamasdan ang aking mahal na daigdig. Napakapayapa nya. Hindi dahil sa hindi mo naririnig ang maiingay na ugong ng mga sasakyan at ang walang tigil na pagsisigawan ng mga tao, kundi dahil sa isang kakaibang kapangyarihan. Tulad ng kapangyarihan ng isang ina na magpatahan sa kanyang umiiyak na sanggol sa pamamagitan ng kanyang mapagkupkop na yakap at malumanay na awitin. Kung nalaman ko siguro nang mas maaga na maari nang magunaw ang mundo sa araw na ito at magwawakas na ang lahat, marahil ay naging iba ang pananaw ko sa buhay at mga mas makabuluhang bagay na lamang ang pinagtuunan ko ng pansin. Pero… hindi rin siguro.
Mahirap ang landas patungo sa pinakagitna ng asteroid. Paliku-liko at malubak. Halos walang gravity kaya napakahirap magmaneho. Isa ring malupit na problema ang kinaharap ng dalawang makikisig at mapagmaalam na tagapagdala ng bomba.
Gail: Malaking problema! Natanggal ang isang turnilyo sa makina dahil sa mahirap na daan. Hindi na tayo makakaandar. What are we going to do?
Kim: Alam ko nang maaaring mangyari ang ganito kaya’t sumama ako sa’yo tol. Iabot mo lang ang sandata ko at ako na ang bahalang magkutkot.
Bahagya lamang nilikot ni Kim ang makina gamit ang kanyang screwdriver ay nalutas ang napakabigat na problema. Lahat kami ay napanatag at muling nabuhayan. Nang hindi kalaunan ay dumating na sila sa gitna at naghukay ng 1cm upang ibaon ang bomba. Bumalik silang may ngiti sa mga labi at tumutulo ang mga laway. Halos maamoy ko na ang masangsang at umaalingasaw na amoy ng tagumpay. Sa wakas ay matatapos na rin ang bangungot na ito.
JC: Nakahanda na ba?
Daniel: Oo, nagawa natin.
JC: Kung ganon ay pindutin mo na ang buton. Tapos na. Kayo na ang mga bayani ng mundo at siguradong malalagay ang mga picture nyo sa pera.
Daniel: Bakit ganito??? Ayaw magrespond. Pinindot ko na ng ilang beses, hindi pa rin na-aactivate yung 5-minute timer. Ano na ang gagawin namin?
Wino: Baka wala ng baterya. Naubos yata, ginamit ko sa discman kanina eh.
JC: May paraan pa. Mayroon pang buton sa mismong bomba. Maaari itong iactivate mula doon subalit mayroong 1 second na countdown timer lang. At ang sinumang pupunta doon at pipindot, ay hindi na magkakaroon ng pagkakataong makabalik pa.
Mabilis na natunaw ang aming mga kulangot at nanumbalik sa pagiging sipon. Nanghina kami at pinanlambutan ng mga tuhod dahil halos imposible na ang sinasabing paraan ni Jaycee nang walang isa sa amin ang mapapahamak. Lahat na lamang ba ng magagandang pangyayari sa buhay ay kinakailangang may kapalit? Gusto ko nang magsisigaw sa sobrang panghihinayang at nangingitim na ang aking gilagid dahil sa sobrang galit nang mangyari ang aming hindi inaasahan.
Chet: Pupunta akong mag-isa. Ako na lang ang pipindot ng buton.
Wino: Ngunit kaibigan, magiging kapalit nito ang iyong buhay. Mamamatay ka!
Jeff: Hayaan mong sumama ako sa‘yo. ‘Di ko kayang basta na lamang maiwan dito at panoorin ang kamatayan ng aking kaibigan.
Chet: Huwag na! Handa kong ialay ang aking buhay para sa ikaliligtas ng lahat. Ipangako nyo lamang ang isang bagay.
Daniel: Kahit ano kaibigan.
Chet: Huwag nyo sanang kalilimutan ang lahat ng ating mga pinagsamahan. Huwag nyo sana akong burahin sa inyong mga alaala. Kapag wala na ako sa piling ninyo at kayo ay nakaramdam ng matinding lungkot, pagdurusa, at pangungulila at hinahanap-hanap ninyo ang aking pagmamahal at pag-aaruga, tumingin lang kayo sa langit at huminga ng malalim at isipin ninyo na palagi lang akong nandyan. At… please lang, wag kayong iiyak.
Daniel: Ayan na nga ba ayoko sa‘yo eh. Bakit di mo agad sinabi, may baboy sa‘min eh.
Nhoel: Kapal naman ng mukha mo. Pero sige gagawin namin yan, pangako.
Gail: Kung gayon ihahatid na kita sa bomba.
Kim: Wala nang panahon para dyan Gail. Magtatagal lamang dahil sa mahirap ang daan.
Eriko: Mga repapits ako ang bahala. Gagawin kitang bala ng kanyon ng spacejeep at ititira kita tungo sa gitna ng asteroid. Lubhang mas mabilis iyon.
Pumayag si Chet. Napakatapang niya. Lahat kami ay nagyakap, nagbigay-pugay, at kumanta ng “♪ Tulung-tulong sa pagsulong, lalong mabigat kung tulung-tulong. ♫ ” Nag-iyakan kami at nagluksa. Halos mangalaglag na nga ang aming mga kulangot sa ilong dala ng matinding emosyon. Ilang sandali na lang ay sasalpok na sa mundo ang asteroid kaya kailangan naming magmadali. Ibinala siya sa kanyon at lumagpak siya nang una ulo sa gitna ng asteroid na pinaglalagyan ng bomba. Sumakay na kami sa spacejeep upang lumayo sa pasasabuging asteroid. Ang tanging contact lamang namin kay Chet ay sa pamamagitan ng drop call ng aking cell phone. Lahat kami ay umaalog ang mga balikat at nanginginig ang mga labi habang komportableng nakaupo sa malagkit na upuan ng spacejeep ni Eriko. Lahat kami ay nangangamba at nag-aalala kay Chet. Nasa kanyang mga kamay ang kapalaran ng mundong ibabaw at ilalim. Good luck and best wishes to you.
Chet: Narito na ako. Ganito ba talaga ang pakiramdam ng isang taong malapit nang mamatay? Sa hindi maipaliwang na dahilan ay parang nakikita ko ang lahat ng aking mga pinagdaanan. Parang dumadaan sa aking paningin ang aking buhay. Pero dapat kong itanim sa aking isipan na para sa sangkatauhan ang gagawin kong ito. Alam kong maraming naniniwala sa‘kin. Pero… hindi ko ito pipindutin. Ano ako walang utak? Hindi ako magsasakripisyo ng buhay. Isasama ko kayo, sama-sama tayong masawi!!!
Daniel: Ano ka ba Chet? Are you out of your mind? Pindutin mo na yan! Mamamatay tayo!!!
Chet: Ayoko nga.
Daniel: Hindeeeeeee!!!!!
Yumanig ang buong paligid. Isang matinding liwanag ang sumilaw sa aking mga mata. Uminit ang simoy ng hangin. Tumilaok ang mga manok. Katapusan na ba? Nasaan ako? Bakit basa ang brief ko? Naramdaman ko na lang na may humawak sa aking balikat.
Nhoel: Hoy Daniel! Daniel! Gising na! ‘Di ba may test pa kayo ngayon?
Jeff: Oo nga pala Men, baka ma-late pa tayo.
Wala akong ibang nagawa kundi mapangiti na lang. Laking tuwa ko nang aking makita ang kanilang mga guwapong mukha. Kitang-kita ang kislap sa aking mga nagluluhang mata noong umagang ‘yon. Ako pala ay nagkaroon lamang ng isang makabuluhang paglalakbay sa mundo ng mga ilusyon. Isa lamang palang panaginip ang lahat. Isang napakagandang panaginip na nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam na huwag nang gumising pa. Kung pinagkalooban lamang ako ng langit na hawakan ang orasan ng buhay ay hindi na ako mag-aalinlangan pa na ihinto ang panahon sa nagdaang gabi habang kami ay walang katapusang nagkukwentuhan at nagtatawanan. Kahit na hindi ko na masilayan pang muli ang nakasisilaw na liwanag ng mapaghiganting araw sa halip ay ang mapagkupkop na lamig ng gabi na lamang ang aking maging kaibigan. Naisip ko tuloy kung gaano kahalaga at kasustansya ang buhay ng tao dito sa daigdig ng katotohanan. Naliwanagan ako kung paano ang mas mainam na paraan upang harapin nang maayos ang buhay. Masaya pala ang mundo at puno ito ng pag-ibig, pagmamahalan, kacornyhan, at kabaduyan. Makikita mo na wala palang lugar dito ang pagkamuhi at kalungkutan kung ipipikit mo ang iyong mga mata at imumulat mo ang iyong puso at gigisingin mula sa sumpa ng pagpapanggap ang iyong tunay na pagkatao. Natuklasan ko na kung paano malalampasan at malalabanan ang mga pinakamatitinding suliranin, pagsubok, problema o kahit na ano pa sa tabi ng mga pinakamahahalaga at hindi mapapantayang mga kayamanan sa mundo. Kung ano ako ngayon, at kung magiging ano ako bukas, lahat ‘yon ay dahil sa kanila, sa mga pinakamamahal kong kaibigan. Ang karanasang ito ay nagturo sa‘kin ng isang napakahalagang aral sa buhay na kailanma’y hinding-hindi mabubura sa aking isipan at patuloy kong maaalala hanggang sa pagputi ng aking buhok at pagkulubot ng aking balat. Kaya lang, sa kasamaang palad, nakalimutan ko na kung ano yon. Tumayo ako upang maghilamos at alisin ang aking mga muta, nang biglang lumindol ng malakas…
--------------WAKAS?--------------
No comments:
Post a Comment