Monday, September 13, 2010

Book 1, Chapter 5


Panimula


Napakaraming Salamat sa iyo at iyong napagbulayang buksan at namnamin ang anekdotang ito na parte ng serye kung saan naituloy ng mga poging kalalakihan ang kanilang paglalakbay. Ipinapaabot namin sa iyo ang walang kapantay na ngiti ng aming mga puso at paghilom ng mga sugat sa aming mga noo dahil sa labis na pagtulo ng dugo kakaisip at kakalikha sa madamdaming pahina ng kuwento ng buhay at pakikipagsapalaran namin sa malikot na hangin ng tadhana. Sana ay iyong magustuhan ang kaputol ng kuwento kung saan ito na ang masasabi kong nagpaluha, nagpaluhod at nagpaiyak sa aming lahat, at sana ay ikaw din. At iyong maisapuso at isabuhay ang mga mapupulot na aral hango sa aming mga karanasan. Sana ay magawa naming ikaw ay huminto kahit sandali lang sa napakabusy mong buhay at magawa naming ikaw ay maglakbay ng kaunti sa iyong imahinasyon at maalala ang mga nakalipas na mga kaganapan sa pagtatagpo ng ating mga hininga… Sana ay iyong maisip na minsan noong iyong kabataan ay nangyaring ikaw ay mapasaya at mapahalakhak ng di mo alam at ang tanging dahilan ay kasama mo kami at nakabilog sa harap ng munisipyo…
           







HUGTUNGAN - LIMA

Lahat ng tao, aminin man nila o hindi, ay nangangarap at gustong lumipad. Nais nating umangat mula sa lupa at abutin ang mga bituin sa langit. Makipaghabulan sa mga ibon at lumangoy sa mga ulap. Inaasam nating maramdaman ang pagdampi ng hangin sa ating mga pisngi habang lumulutang sa himpapawid. Imposible ba? Napakalayo ba sa katotohanan? Ikaw, sa tingin mo ba ay matutupad ng tao ang pangarap niyang magkapakpak at lumipad?


Sa pagpapatuloy…

Wala na nga kaming nagawa pa kundi ang tahakin ang kinaroonan ng aming mga kalaban at hanapin ang aming time machine. Nagpatuloy kami sa paglalakbay patungo sa lugar na hindi namin alam. Ilang beses na ba kaming nagtungo sa walang patutunguhan? Hindi na mabilang pa. Wag mo nang bilangin.

Sa tagal at haba ng aming paglalakbay ay dinatnan din kami ng matinding pagkauhaw.

Chet:   Dre wala ba kayo tubig dyan? Kanina pa ‘ko uhaw na uhaw.
Nhoel:Ako nga rin eh, katuyo na ng lalamunan ko.
Ericko:Wala tayong tubig mga repapips. Magtiis na lang tayo.
Kim:     San kaya may tindahan dito, kahit na C2 lang o mineral. Hehehe. Di ko      na kaya dre.
Gail:     Tindahan daw ka. Wala man tindahan dito loko. Pero hanap na din tayo.   Hehehe.
Nhoel:Si mga tanga. Nagmuritan na naman kayo dyan!
Jeff:     Buti pa si PJ walang ganyang problema.
McJ:     Bakit Yos? (short for Puyos)
Vince:Eh kasi unlimited yung supply ng tubig nyan eh, sumisibol sa bibig nya!       Hahahaha!
McJ:     Hahahaha!
PJ:        Ikaw Marvin ha. Tinitira mo na din ako ngayon ha. Pero sige, okay lang din           na tirahin mo ko, hindi ako papalag. I likey.
JC:        O yung mga uhaw na uhaw na dyan. Eto si PJ oh. Sumahod kayo.
Franks:Parang nature’s spring bunganga nyan eh. Sige sipsip na kayo.
PJ:        O narinig nyo yun boys?         Isa-isa lang, walang tulakan. Di kayo            mauubusan. There’s plenty of Peej for everyone. (ngumiti habang   tumutulo ang laway)
Kim:     Karl! Prof! Ano pinagsasasabi nyo! Di nyo din alam yung nakakadiri eh.
Nhoel:Hiiiiiiiiiiiii! Yaaaaaacccccckkkkkknesssssss!
Chet:   Salaula nyo loko.
PJ:        Hmph. Kung ayaw nyo wag! Mamatay kayo sa uhaw!
Wino:  Mas okay pa. Hahahaha!
Danny:Eh ikaw pareng Samson, wala ka bang dalang tubig dyan?
Nhoel:Wala bang malapit na ilog dito?
Kim:     O kaya kahit batis na may naliligong dilag?
Chet:   Hahahaha! Kahit kelan Kim loko.
Samson:Wala eh kaibigan. Paumanhin. Pero wag kayo mag-alala, mayroon          nang malapit na bayan dito. Pwede tayong kumuha ng maiinom dun.
JC:        O ayun pala eh. Tara na. Bilisan na natin.

At nagpatuloy na nga kami sa paglalakad hanggang sa maabot namin ang isang munting bayan. Nabuhayan ako ng loob dahil sa talagang hindi ko na rin matiis ang nakakauhaw na pagkauhaw dala ng matinding uhaw, at nagawa na ring maglikot sa aking pangahas na isipan na halikan na  lang din si PJ upang pantawid uhaw sana. Buti na lang at mayroon akong self control at nagawa ko pang pigilan ang aking sarili laban sa makamandag na kasalanang iyon.

Mabilis akong luminga-linga sa paligid upang maghanap ng sari-sari store at nang makabili na ng ice tubig upang pantugon sa aking uhaw. Bigo kaming makahanap ng isang tindahan ngunit mayroon naman kaming namataang isang balon kung saan may mga kababaihang umiigib gamit ang mga sinaunang banga bilang sisidlan ng tubig. Syempre nung panahong yun, di sinauna yung mga banga na yun, sa halip eh yun talaga ang uso. Yun ang pangunahin nilang sisidlan ng mga tubig at alak. Pero teka nga, bakit ba para akong tanga na naglelecture tungkol sa mga banga? Basta eto na yung nangyari.

Mabilis kaming nangagsikilos patungo sa  balon upang makainom na ng tubig. Nagkatulakan at isang aksidente ang naganap…

McJ:     Ay! Yots! Sino malakas manulak dyan?

Tulad nang sinabi ko, nagkatulakan nga at natulak si Mc John at dahil sa katangahan niyang ito ay natabig niya ang isang babae na naging dahilan upang matapon ang lamang tubig ng sisidlan nito.

??????:Aahhhh! Aray.
Gail:     Yan McJohn katanga mo kasi eh!
Wino:  Natumba yung babae oh, natapon pa tuloy yung inigib nya.
Ericko:Ots, magsorry ka.
Vince:Di kasi nag-iingat eh.
McJ:     Sino ba kasi nanulak.
Franks:Di na importante yun Mc. Magsorry ka na, dali na.

Saktong sinisisi namin si McJohn nang hindi na namin namalayang kumilos na pala ang magilas na si Samson at mabilis na dinaluhan ang babae.

Samson:Hayaan mong tulungan kita.
??????: Huh? Ah thanks.
(Tila nawala sa sarilli si Samson nang mag-angat ng tingin sa kanya ang babae.)
Samson:Ako si Samson. Ahmm, Sa-samson ang pangalan ko. Ah eh ikaw,  maaari ko ba malaman ang pa-papa-pangalan mo?
??????:Delilah.
Samson:Aaa-akin na ang si-sisidlan at ako na ang maglala-lagay ng tubig riyan.

Kinuha ni Samson ang sisdlang banga ni Delilah at lumapit na siya sa balon upang punuin ito ng tubig. Ngunit sa pagkakahawak niya sa balon, marahil dahil na rin sa kanyang pambihirang lakas, at over developed na mga muscles ay bigla na lang bumigay ang haligi ng balon at tuluyan na nga itong nawasak. Nalito si Samson at pagharap niya kay Delilah upang humingi sana ng tawad ay wala na at nakaalis na pala ito. Naiwan si Samson na tulala at nagsasabi-sabi kaya agad ko siyang pinuntahan dahil mukha na siyang tanga.


Samson:Delilah. Napakagandang pangalan na naaangkop sa isang            napakagandang binibini.
Danny:Alam mo Samson, mas maganda kung iyan ang sinabi mo sa kanya            kanina.
Kim:     Oo nga. Hindi yung aaaah ehhhhh ako si-siii Sa-sasa-samson.
Samson:Hahaha! (hineadlock si Kim)
Kim:     Aarrgh!..
Samson:Oo nga. Hindi ko maipaliwanag ang nangyari sa’kin. Hahaha!
Vince:Teka lang, pakawalan mo muna si Kim.
Jeff:     Hahaha, dre nag-iiba na kulay ni Kim.
Samson:Huh? Ay, naku! Pasensya na, natuwa lang ako. (binitawan na si Kim)
Kim:     (inuubo) Uhu! Uhu-uhu! Pambihira ka namang matuwa!
Chet:   Wag na nga muna tayo mag jokes dre, mapanganib pala.
Nhoel:Danger. Hehehe.

Halatang problemado at balisa si Samson sa mga nangyari kanina sa balon. Kinausap namin siya dahil mukhang kailangan niya ng ka-bonding. At aking ipinagmamalaki na kaming lahat ay mga dalubhasa sa mga bonding moments dahil panay din ang bonding namin nung high skul habang paikot na nangaka-indian seat sa may ground sa harap ng munisipyo.

Samson:Ano kaya ang pwede kong gawin?
Danny:Nahalata nga namin na mukhang tinamaan ka kay Delilah.
Samson:Oo nga. Ang kanyang mga mata ay…ang kanyang labi…ang hugis ng       kanyang ilong…Basta para akong nagiging makata dahil sa kanya.
Chet:   (binulungan si Ipoy)Makata daw ka, eh wala namang nasabi.
Jeff:     Hehehe.
Nhoel:Wag nyo lokohin! Pag narinig kayo nyan, nakita nyong kalaki ng katawan   nyan.
Gail:     Mahal mo na nga si Delilah.
Kim:     Matanong nga kita Samson, tutal in love ka ngayon. Define love.

Napatingin kay Kim si Samson at seryoso ang mukha nito. Halatang mayroong malalim na sasabihin tungkol sa pag-ibig kaya’t naagaw niya ang atensyon naming lahat.

Samson:Alam ninyo… ang pag-ibig ay… walang depinisyon. Pero kung gusto         ninyo, masdan ninyo ito. (dinukot ang isang larawan na nakaipit sa       kanyang bahag)
Chet:   Dre kunin nyo yung picture. Le.
Nhoel:Nakitannnggg…
Kim:     Kaaanu nyo loko. Peej kunin mo na.
PJ:        My pleasure. (kinuha ang larawan at inamuy-amoy pa ang aroma nito)
Samson:Kapag naiisip ko ang salitang pag-ibig. Minamasdan ko lang ang  larawang iyan na        ibinigay pa sa akin ng aking ina. Sana masagot niyan      ang mga tanong na bumabagabag    sa inyo.

Pinagmasdan namin ang larawan na iniabot ni Samson at wala kaming nasabi. As in wala talaga. As in. Hindi na kami nakaimik pa. Walang ni ano mang salitang namutawi sa aming mga bibig. Wala na ring tanung-tanong pa. Sapat na ang larawang iyon bilang paliwanag. Masyado akong namove sa aking nakita kaya hindi ko na napigilan pa ang aking mapusok na damdamin at ako ay nakapagpasya na.

Danny:Hayaan mo Samson. Pare. Tutulungan ka naming mapalapit kay Delilah.   Wag ka mangamba, maraming chickboy dito, tutulungan ka naming suyuin si Delilah.
Samson:Salamat mga kaibigan ko. Isang napakagandang alok niyan pero  kailangan kong tanggihan.
Jeff:     Huh? Bakit naman? Wala ka bang tiwala sa “the moves” ko?
Samson:Wag kayong mag-alala. Alam ko na ang gagawin ko, ipagtatapat ko        lang kay Delilah ang nararamdaman ko at magiging maayos din ang       lahat.
Wino:  Ano?! Ganun lang?!
McJ:     Maya nyan iiyak-iyak ka sa’min pag nabasted ka.
Franks:Pabayaan nyo na si Samson.
Samson:Isa ito sa mga bagay na kailangan kong gawing mag-isa.

Naiintindihan ko din ang ibig sabihin ni Samson. Sadyang may mga bagay nga na kailangan nating gawing mag-isa. At isa pa, naramdaman ko ang tindi ng emosyon ni Samson at kapag ganoon, ay sigurado namang magiging maayos ang lahat. Hindi pa sumuko si Samson sa kahit na anong laban o pagsubok na kinaharap niya. At ang pagsubok ng pag-ibig na marahil ang pinakamakabuluhan sa lahat ng kanyang mga naging laban at tiyak kong mapapagtagumpayan niya iyon. Mahal niya si Delilah. Ano pa ba ang kailangan mong malaman? Oo parang napakasimple lang noong mga panahong iyon. Tila napakadali ng magmahal at nang mahalin in return. Pero bakit sa panahon natin ay iyon na yata ang pinakamahirap na gawin. Kailan ba nag-umpisang magbago ang lahat? Kailan naging komplikado ang magmahal? Puno na naman ng katanungan ang aking isip nang magsalita na si Samson. At in a way ay expected ko na rin ang itinanong niya.

Samson:Mga kaibigan ko, mapapatawad ba ninyo ako kung pansamantala           muna akong mananatili dito?
Wino:  Huh? Bakit naman?
McJ:     Di mo na kami sasamahan?
Ericko:Eh ano gagawin namin? Di ko alam kung makakaya naming mabawi          ang time machine       nang wala ang tulong mo?
Samson:(di nagsalita at nag-iwas ng tingin)

Alam kong isang napakahirap na desisyon iyon para kay Samson. Pero naiintindihan ko naman siya. Kailangan niyang sundin ang kanyang puso. Napakarami nang paghihirap ang kanyang dinaanan at nararapat lamang na maging masaya na rin siya sa wakas. At ang kasiyahang iyon ay makakamtan niya sa piling ni Delilah. Nahanap na niya kay Delilah ang matagal nang kulang sa kanyang buhay. Tama naman ang desisyon ni Samson na manatili sa bayan na iyon para kay Delilah. Hindi ba’t kapag nakita mo na ang matagal mo nang hinahanap ay gagawin mo naman talaga ang lahat upang hindi na mawala pa ito? Dahil kapag naranasan mo na kung paano ang mabuhay nang kapiling siya, ay parang hindi mo na makakaya pa ang bumalik sa dati mong buhay noong wala pa siya. Alam ko ang nararamdaman ni Samson at hindi patas na pinapasama pa namin ang loob niya. Hindi ito ang oras para maging makasarili kami kaya pinigilan ko na ang aking mga kaibigan bago pa man sila makapagbitiw ng hindi magagandang salita.

Danny:Tumigil na kayo dyan! Intindihin nyo naman si Samson.
JC:        Wag ka nang mag-alala sa’min Samson. Ayos lang. Naiintindihan ka          namin.
Franks:Oo nga. Kayang-kaya naming mabawi ang time machine namin. Gawin     mo na yan para sa sarili mo. You deserve to be happy.

Nagliwanag ang mukha ni Samson.

Samson:Salamat sa inyo.
Danny:Hindi Samson, kami ang dapat magpasalamat sa’yo.
Gail:     Ang dami mong naitulong sa’min.
Vince:At ito lang ang maibibigay kong payo sa’yo para sa iyong panunuyo kay      Delilah. Ibuhos mo ang nararamdaman mo. Hayaan mong dumaloy ang      emosyong matagal na nakulong sa iyong damdamin. At sa paglaya nito,   doon mo lamang mararanasan ang tunay na kaligayahan.
McJ:     Ba Nards, san mo galing yan?
Wino:  Kaya pala ang lakas mo sa chicks. Hahaha.
Vince: Syempre naman. Hehehe.

Tuluyan na ngang ngumiti si Samson at gumaan na din ang aming mga pakiramdam. Sa likod ng aming mga isip ay alam naming makakaya naming mabawi ang time machine at malalampasan namin ang pagsubok na ito. Tinuruan kami ni Samson na maging matapang. Maging matapang sa harap ng mga kaaway. Maging matapang sa harap ng tadhana. At maging matapang sa harap ng pag-ibig. Doon na din kami naghiwalay ng landas. Naiwan na si Samson at kami naman ay tuluyan nang lumabas sa munting bayan na iyon patungo sa landas na kinalalagyan ng aming time machine. Kung saan iyon, walang may alam sa’min. Kaya parang mali din pala yung sinabi ko. Di talaga namin alam kung pano namin mababawi yung time machine. Lagot na.

Nhoel:Hoy Daniel! Ano gagawin natin ngayon?
Chet:   Et kasi pinabayaang maiwan si Samson eh.
Jeff:     Oo nga Men, pano tayo ngayon?
Kim:     Yaan niyo, siya yung makikipaglaban tutal malaki naman yang katawan    ng Daniel na yan.
Danny:Si mga tanga! Kaya natin yan, et ba nawawalan agad kayo ng pag-            asa.
Franks:Oo nga. Mahahanap din natin yun, tara basta maglakad na tayo.
JC:        Mag-isip na lang tayo ng magandang plano.
Nhoel:Et kasiiiiiii.

Wala na rin kaming nagawa. Kahit na magreklamo ka pa ng ilang beses ay wala ding mangyayari kung hindi ka kikilos. Ilang araw din kaming naglakbay sa mga mahilahil na landasin. Tumawid sa mga ilog at umakyat sa ilang bundok. Lahat kami ay nawawalan na ng pag-asa nang biglang mayroon kaming nakita.

Chet:   Ah dre anu yun o?
Jeff:     Mga sundalo yata.
Kim:     Mga tauhan ni Dagon yan dre, yung kontrabidang nagnakaw nung time    machine natin.
Wino:  Ano?! O tara lumayo tayo dito, baka mapahamak lang tayo.
Nhoel:Si tanga naman, sila nga hinahanap natin eh, pag sinundan natin sila,         baka makita na natin yung time machine.
JC:        Tama si Lele, tayo na.

Dahan-dahan naming nilapitan ang kapulungan ng mga sundalo at matamang nagmasid sa hindi kalayuan habang eksaktong nakakubli lamang kami sa kanilang mga paningin. Sa aming pagkakalapit ay tila isang engkwentro ang nagaganap. Tila dalawang tao ang nagtatalo sa gitna ng napakaraming sundalo. Aming napagmasdan na ang isa ay si Dagon, kung gayon ay maaring naroon din sa lugar na iyon ang aming time machine. At ang isa naman ay sa laki ng katawan ay siguradong si Samson. Lubha kaming nagtataka kung ano ang ginagawa ni Samson doon kaya’t nakinig kami sa kanilang usapan.

Dagon:Samson sa wakas alam ko na ang iyong kahinaan.
Samson:Ha! Imposible ang sinasabi mo dahil ako ang pinakamalakas at wala       akong anu mang kahinaan. Sambahin mo na ang iyong bulaang diyos,    dahil wawakasan ko na ang iyong buhay ngayon!
Dagon:Sigurado ka bang magagawa mong wakasan ang aking buhay? Ano           na lamang kaya ang mangyayari sa iyong Delilah?
Samson:Hindi maaaring…

Natigilan si Samson sa kanyang mga narinig.

Dagon:Anong problema pinakamalakas na Samson? Bwahahaha!
Samson:Anong sinabi mo? Nasaan si Delilah? Kaytagal ko siyang hinahanap.
Dagon:Ang inakala mo ba ay bigla na lamang hindi nagpakita si Delilah sa           mismong araw ng inyong kasal? Mahal ka nga niya. Ilang araw na niyang      sinisigaw ang iyong pangalan at walang tigil sa pag-iyak. Hahaha!
Samson:Hayup ka Dagon! Tatapusin na kita ngayon!
Dagon:Hep hep hep! Sumama ka sa amin nang matahimik kung gusto mo            pang makitang buhay ang mahal mong si Delilah.
Samson:Siguraduhin mo lamang na walang mangyayaring masama sa kanya.
Dagon:Hahaha! Mga kawal, dakpin siya!

Napanood naming lahat ang mga nakalulunos na kaganapan. Ang pagbagsak ni Samson dahil kay Delilah. Para kay Delilah.

Kim:     Ano gagawin natin ngayon? Nacapture na yung bata natin!
JC:        Hindi ko rin alam. Ang mabuti pa sundan na lang natin sila. Wag kayong   mag-alala, malakas si Samson. Kayang-kaya nya yan.
Danny:O tara, sundan natin.

At sinundan na nga namin ang mga kawal na tangay ang walang kalatoy-latoy na si Samson. Hindi man lang pumalag si Samson at bakas sa kanyang mukha ang lubos na pag-aalala sa kalagayan ni Delilah. Mukhang isasakay nila si Samson sa isang kulungan na hinihila ng mga kabayo. Mula sa di kalayuan, kami naman ay nakamatyag.

Dagon:Sige ikulong niyo si Samson dyan.
Kawal:Pero boss, di na kasya, dito din kasi nakalagay ‘tong kakaibang bagay         na ‘to eh.
Dagon:Ayos lang, iwanan na natin ang basurang iyan. Mas importante si  Samson, siya ang ikulong niyo dyan.

Nanlaki ang aming mga mata nang basta basta na lamang itapon ng kawal ang kakaibang bagay. Ang pangyayaring iyon ay lubhang nakapagpasikdo sa aming mga damdamin dahil ang bagay na iyon ay walang iba kung hindi ang aming pinakamamahal na time machine! Sa wakas natagpuan na rin namin iyon.

Nang makaalis na sila Dagon ay dali-dali naming nilapitan ang time machine upang mainspeksyon at maaninaw iyong mabuti. At sa papalayong karwahe ay nakita ko pa si Samson. Siguradong nakita din niya kami subalit walang anumang ekspresyon ang kanyang mukha.

Ericko:Yahoo! Sa wakas! Hahaha!
Wino:  Huhuhu. Nabawi na din natin ang time machine.
McJ:     Success! Hehehehe.
Nhoel:O ayan Kalo, ikaw yung pinakamasaya, ikaw na yung magbuhat nyan.
Chet:   Kayong dalawa ni PJ, si PJ may kasalanan kung bakit nawala yan eh.
PJ:        Anong ako, nakita nyong ginapos nga ako, kulang na lang   pagsamantalahan nila ako! Huhuhuhu.
Kim:     Peej, kahit saang panahon, walang mananamantala sa’yo!
Ericko:Ilusyonada! Tara na tulungan mo na ko dito.
JC:        Ayos naman ang kalagayan ng time machine, mukhang hindi naman ito    nasira.
Franks:At mukha ring hindi pa ito tumutunog. Kaya ok na ang lahat. Pucha buti    na lang.
Danny:Nabawi na nga natin yung time machine pero pano naman si Samson?
Gail:     Oo nga, papabayaan na lang ba natin siya?
Jeff:     Di ko alam dre. Ang alam ko kaibigan natin si Samson kaya…
Vince:Sundan na natin siya, baka may magawa pa tayo para matulungan si          Samson.
JC:        Oo nga, na sa’tin na din naman tung time machine.
Franks:Hangga’t di pa naman tumutunog tong time machine, gawin na natin        makakaya natin para sa ating kaibigan.
Danny:Tayo na!

Sinundan namin sila hanggang sa makarating kami sa center of operations ng mga kalaban. Pagdating doon ay iginapos na si Samson. Nakabigkis ng kadena ang mga kamay ni Samson sa magkabilang poste ng headquarters. Mababakas sa kanyang mukha ang kabiguan at lubos na kalungkutan dala ng pangungulila kay Delilah. Kung tutuusin ay kayang-kaya niyang makawala sa mga kadena subalit hindi niya iyon ginagawa. Tila pinagtampuhan na siya ng will upang lumaban pa.

Isang trahedyang matatawag ang sinapit ng kapalaran ni Samson. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapaisip. Palagi na lamang bang kailangang may kapalit ang magagandang bagay sa buhay? Ilang araw pa lamang ay napakasaya ni Samson sa piling ng pinakaimportanteng tao sa buhay niya, ngunit ngayon ay heto siya. Naghihirap. Nagpapakasakit. Nagdadalamhati. Nagdurusa. Ito ba ang kabayaran sa kaligayahan?

McJ:     Parang di ko kayang makitang ganyan si Samson.
Jeff:     Oo nga parang kahina nya.
Franks:Wag nyong sabihin yan. Isang katapangan ang ipinapakita sa atin ni          Samson ngayon.
JC:        Tama si Karl. Oo nga’t nagagawa niyang pumaslang ng leon at      makipaglaban sa kahit gaano kadaming sundalo, ngunit isang malakas           na tao lamang ang makakagawa ng ginagawa ni Samson ngayon.
Nhoel:Pero sa tingin ba ninyo hindi pa sobra-sobra ‘to?
Wino:  Oo nga. Gumawa na tayo ng paraan.
Kim:     Iligtas na natin siya.
Danny:Teka lang! Ebats…

Hindi ko na sila nakontra pa nang lubusan nang mapatingin sa aming direksyon si Samson. Nangungusap ang kanyang mga mata. Hindi na niya kailangan pang magsalita at sigawan kami dahil naiintindihan na namin ang kanyang nais ipahiwatig sa tindi ng emosyong nakaguhit sa kanyang mukha.

Lahat ng ito ay dahil sa pag-ibig ni Samson kay Delilah. Mababalewala ang lahat kung tatakas siya. Mawawalan ng saysay ang lahat ng ito kung manlalaban siya ngayon. At isa pa, masyado niyang mahal si Delilah para lumaban.

Isang kahibangan ang magmahal. Hindi mo na maiisip kung anong mga kahibangan na ang iyong nagagawa dahil lang sa nagmamahal ka. Masaya at malungkot ang magmahal. Di mo naiintindihan pero naiintindihan mo. Walang dahilan. Maraming dahilan. Di mo kaya, pero kaya mo din. Masakit talaga magmahal. Pero ayos lang. Ano ba talaga?  Kung nagmahal ka na ay siguradong nakaka-relate ka sa sinasabi ko at alam mo din na walang matinong paliwanag sa kabaliwang ito. Isang kabaliwan ang sa higit sa anim na bilyong tao sa mundo, ay sa isang tao ka lang makakaramdam ng tunay na kasiyahan at sa kanya lang makukumpleto ang iyong buhay. Na para sa kanya ay handa mong gawin ang lahat. Handa kang mag over da bakod at mangumit ng rose sa DAR kahit kapalit lamang ay isang ngiti. Wala namang mali sa mga sinasabi ko di ba? Pero wala din atang tama. Langya talaga, mauubos yung oras namin dito kakasabi ko ng kung anu-anong nakakabaliw na tema tungkol sa pag-ibig. Ang daming beses ko na din kasing nakasabay sa paglalakad ang pag-ibig kaya parang masasabi ko na madami na kong kaalaman. Pero wala pa din talaga akong alam. Pero ang nakakabaliw dito, pag pumihit ang palaso ni kupido sa’yo, at napili kang pahirapan at paiyakin, ipusta mo na lahat ng pag-aari mo, siguradong windang ka pag tinamaan ka nito.

Dagon:Ano ka ngayon? Bakit hindi ka lumaban? Tingnan mo nga ang hitsura        mo at nagkaganyan ka para lamang sa isang babae.
Samson:Nasaan si Delilah?
Dagon:Hahaha! Sige, pagbibigyan kita. Hahayaan kong makita niya ang iyong      kamatayan. Mga kawal, ilabas ang bihag!
Kawal 1: Masusunod bossing!

Inalabas na nga ng mga kawal si Delilah. Halatang umiyak ito dahil sa pamumugto ng mga mata nito. Subalit bigla namang nagliwanag ang kanyang mukha nang makita niya si Samson. Ngunit nagdilim din kaagad ang kanyang ekspresyon nang makita ang kalagayan ng kanyang sinisinta.

Delilah:Samson! Mahal ko! (tatakbo sana patungo kay Samson nang pigilan ng     isang kawal)
Kawal 2: Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Manatili ka lamang dito!
Delilah: Ahhh! Hayaan nyo ako! Bitiwan nyo ako, mga walanghiya kayo!!!!
Samson:Wag nyo syang sasaktan! Delilah, ako ang tingnan mo. Makinig ka          sa’kin. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa’yo. Magtiwala         ka sa akin.      
Delilah:Samson mahal kita! Mahal na mahal! Wag mo sanang isiping lumayo       ako sa’yo sa araw ng kasal natin…
Samson:Wag ka nang magpaliwanag mahal ko, alam ko na ang lahat. Mahal       din kita… Nang higit pa sa buhay ko.

Sa ipinahayag na iyon ni Samson ay parang naisip na din ni Delilah ang ibig sabihin at ipahiwatig ni Samson. Na handa nitong ibigay kahit pa ang sarili nitong buhay para lamang sa kanyang kaligtasan. Iyon na rin marahil ang nag-udyok kay Delilah upang gumawa ng paraan para makatakas mula sa kanyang mga mambibihag.
           
Delilah: Wacha!(tinuhod ang isang kawal sa maselang bahagi ng katawan na       hindi ko na sasabihin pa kung saan dahil alam mo na kung saan yon kaya   lumuwang ang pagkakahawak nito sa kanya at nagawa niyang            makawala nang panandalian)
Kawal 1:Arouch!
Kawal 2:(Mabilis na napigilan si Delilah at binatak ang buhok nito) Sinabi nang    dito ka lamang! Ang landi mo! (sinabunutan si Delilah)
Kawal 1:Ang sakit nun ah! (sinampal si Delilah at bumagsak ito)

Nakita namin ang mabilis na pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Samson dahil sa mga naganap at alam na namin kung ano ang susunod na mangyayari.

Kim:     Ah! Dyan sila nagkamali dre. Di dapat nila ginawa yun.
Chet:   Oo nga. Ginalit nila.
Nhoel:Oo, foul na yang ginawa nila.

Nagwala na si Samson. Sumigaw siya ng buong lakas na tiyak na umalingawngaw sa malalayong lugar. Nagsiklab ang kanyang galit at poot. Naglitawan ang mga ugat niya sa braso.  Pinakalakas niya ang pag-ire at buong pwersa niyang pinilit makawala sa mga kadena hanggang sa magcrack na ang magkabilang poste. Si Dagon naman ay nagpanic na at halatang natatakot na dahil sa sandaling makawala si Samson ay malilintikan silang lahat kaya’t nagsimula na siyang gumawa ng hakbang…

Dagon: Mga boys! Tapusin na si Samson ngayon din, bago pa siya makawala!

At ganun na nga ang ginawa ng mga kawal. Umatake na sila. Pero hindi nila sinugod si Samson. Umatake sila from a distance gamit ang mga pana at sibat. Dahil nga nakagapos pa rin si Samson ay hindi niya nagawang makaiwas. Nangapaluhod siya nang tamaan siya ng mga pana sa kanyang dibdib. Sa pagbagsak ni Samson ay mas lalo pang lumaki ang crack ng mga poste na siya ding mga pundasyon ng gusali at siguradong sa ilang sandali na lamang ay guguho na ang buong H.Q. at imposible nang makaligtas pa si Samson.

Delilah: Samson!!!!(nagpupumiglas) Pakawalan niyo ako!!!
Dagon: Sige pakawalan nyo na.
Kawal 1: Pero boss…
Dagon: Ok lang. Sige, hayaan nyo ang hangal na yan. Wala na rin siyang  magagawa upang iligtas si Samson.

Pinakawalan nga ng kawal si Delilah at mabilis itong tumakbo patungo kay Samson upang daluhan ang kanyang nakalugmok na pinakamamahal.

Sabi nila love is blind. Pero sa tingin ko, mas angkop na sabihing love blinds. Parang nababalewala ang ating mga senses kapag nagmamahal tayo. Natututo tayong magpanggap, magbulag-bulagan, magbingi-bingihan, at magtanga-tangahan. Mga bagay na alam na alam nating mali, subalit ginagawa pa din natin dahil nabulag na tayo ng sumpa ng pag-ibig. Pinuntahan pa din ni Delilah si Samson kahit na alam niyang huli na ang lahat. Kahit na alam niyang hindi na niya maililigtas pa si Samson. Kahit na alam niyang pati siya ay mapapahamak.

Noong mga sandaling iyon ay hindi ko na alam pa ang aking ginagawa at ang tanging nararamdaman ko na lang ay ang napakahapding sakit sa aking dibdib. Sadyang napakasakit na akala mo ay may dumudukot sa iyong dibdib at pumipiga sa iyong puso at gusto mo na lang sumigaw at umasang mabawasan niyon ang sakit dahil pakiramdam mo ay sasabog ka anu mang oras. Hindi ko na rin namalayang tumatakbo na rin pala ako patungo sa gumuguhong gusali upang daluhan sina Samson at Delilah. Nang bigla akong pigilan ng aking mga kaibigan.

Danny:Bitiwan nyo ko! Si Samson! Si Delilah! Hindi pwedeng ganito na lang!        Kung kailan pa sila naging masaya, tsaka pa nangyari ang ganito!
Jeff:     Men tama na.
Gail:     Dre lahat kami ganyan ang nararamdaman pero…
JC:        Oras na. Tumutunog na ang time machine.
Franks:Dan, dapat na natin silang pakawalan.

Wala na akong nagawa pa. Tumutunog na nga ang time machine. Isang tunog na matagal din naming hinintay. Hudyat na naman ng isang panibagong paglalakbay. Oras na para magpaalam sa lugar na iyon. Sa pagkakataong iyon ay halos mag-unahan pa sila sa paghuhulog ng barya. Wala nang utus-utos pa, lahat ay may pasasalamat na din sa muli naming pagkakadinig sa nakakabusit na paghuni ng aming time machine. Ilang sandali pa ay nangulimlim na ang paligid at umikot ang mundo. Lahat kami ay umaasa pa ding mapunta na sa aming panahong kinabibilangan. Gayunpaman ay namamahay pa rin sa aking kaisipan ang mga mapait na kaganapan. Isang trahedya ng pag-ibig ang aming nasaksihan. Umagos ang luha mula sa aking mga mata. At doon, sa piling ng aking mga kaibigan ay matahimik kong ibinuhos ang sakit na nagpaparusa sa aking puso.

May mga tanong kung bakit ba minahal ni Samson si Delilah. Naisip ko noong mga oras na ‘yon na isa iyong napakawalang kwentang tanong. Eh ano naman kung minahal nya si Delilah? Basta mahal nya, yun na yun. Ano pa bang paliwanag ang kailangan? Wala naman tayong kontrol sa mga nararamdaman natin di ba? Hindi naman natin napipili kung kailan, saan, at kanino tayo iibig. Isa ito sa mga napakagandang hiwaga ng buhay at ng pagiging tao. Nakakalungkot ang lahat. Napakiharap isipin na sa lahat ng kabutihang nagawa ni Samson ay pagkakaitan pa siya ng tadhanang makasama ang kanyang pinakamamahal. Hindi ko kailan man maintindihan ang pag-ibig. Ngunit sino ba sa atin ang kailangang umintindi dito? Pero ito ang masasabi ko, ‘di dahil magaling ka o may mabuti kang puso ay ligtas ka na sa sakit, ‘di ka na tatamaan ng pighati buhat ng pagmamahal, lahat ng tao nakakaranas nyan. Pero okay lang, pinipili pa din ng tao ang magmahal. Pinipili natin kahit ilang ulit pa yung sakit. Dahil kung di mo pipiliing magmahal, parang pinili mo na ding ‘wag mabuhay.

Ang larawan na ipinakita sa amin ni Samson ay larawan ng isang lalaki at babae. Magkayakap sila at lumilipad. Mayroon silang tig-isang kabiyak ng pakpak sa kanilang mga likod. Kanang pakpak sa lalaki at kaliwang pakpak naman sa babae. Nang magyakap sila ay nabuo ang pares ng pakpak at iyon ang nagpapalipad sa kanila. Kung bibitawan nila ang isa’t-isa ay tiyak na babagsak sila at siguradong masasaktan. Pero ganun talaga. Kung gusto mo talagang makalipad ay dapat tanggapin mo ang posibilidad na maaari kang mahulog at masaktan. Ngunit di rin naman sila makakalipad kung wala ang buong tiwala sa isa’t-isa. Kung hindi sila maniniwala ay hindi nila makakamit ang kaligayahan. Tama si Samson. Ito ang pag-ibig.

Pumikit ako at naisip ko sina Samson at Delilah. Magkayakap at lumilipad. Nakangiti at puno ng pag-ibig ang mga mata. Isang bagay ang tiyak…



Hindi imposible ang lumipad.





Itutuloy kapag kwan…

End of Book 1.

No comments:

Post a Comment