Monday, September 13, 2010

Book II, Chapter 4

HUGTUNGAN NUEBE
IKALAWANG AKLAT, KABANATA – APAT

“Prinsesa ng Pransya”

Maaga akong pumasok. Ewan ko din kung bakit. Ni minsan di pa ko pumasok ng maaga. Dun nga lumakas ang pulso ng kanang kamay ko, dun lang wala ng iba pa, kasi araw araw na lang nagsusulat ako ng “I will never be late again.” sa isang buong manila paper, front to back. Yun yung parusang naisip ni Mami Angeles di ba? O baka di nyo siguro alam yun kasi iilan lang kaming enrolled sa subject na yun. Pero balewala lang naman sakin, dahil wala nang sasarap pa sa pakiramdam mo sa umaga pagkagising mo. Pipikit at iidlip ka pa ulit tapos sasabihin mo pa “Sandali na lang. Konti pa. Maaga pa naman.

Naglalakad ako sa pathway papunta sa highskul building. Di ko maipaliwanag pero kakaiba yung nararamdaman ko na parang may bumabagabag sa kalooban ko na hindi ko mawari. Di ko na lang pinansin yun at nagpatuloy ako sa paglalakad. Pero teka lang, parang ang layo yata ah, bigla yatang humaba yung pathway, di ko matanaw yung dulo. Hindi naman ganito di ba? Ang aking tinutunton ay parang isang daang tuluy-tuloy lang sa kawalan. Umihip ang isang malakas na hangin at napapikit ako dahil sa nagliparang buhangin na pumuwing sa akin. Kinusut-kusot ko ang aking mga mata hanggang sa manumbalik ang aking paningin at aking namasdang naroon na rin pala ako sa tapat ng garden. Sila Eriko dinidiligan yung mga halaman at makakapal na damo sa part ng garden nila habang nagdedebate sila ni Big. Di ko maintindihan kung ano pinag-uusapan nila. Parang wala akong marinig. Binutingting ko yung tenga ko at baka kako may nakabara lang kaya wala akong madamang intensidad ng tinig nila. Ngunit ako’y nabigo at pinasya kong wag na lang pansinin ang dalawa dahil kung anu man ang pinag-uusapan nila ay tiyak wala namang pinagkaiba sa pang araw-araw nilang diskusyon. Humakbang ako ng isa pa at napuna kong nakalupon yung tropa sa kabilang part, dun sa ilalim ng malaking puno. Tila malungkot sila habang sinusundan yung mga patak ng tubig na nanggagaling sa pangmalakasang balde nila Big pabagsak sa makakapal na damong malayang namumuhay sa kanilang paraiso. Kasabay nito ay patay maling sinusulyapan sila ni Gail habang abala sa pagdidilig sa… lupa. Balot ng isang mapait na ngiti ang hilatsa ng kanyang mukha habang patuloy sa pag-agos ang tubig mula sa kanyang galon kalakip ng pag-asang baka bukas o sa mga susunod pang mga araw ay magkakaroon din kahit na manipis na berdeng palamuti ang kanilang disyertong nasasakupan. Bigla akong napangiti at  naiusal ng aking manipis na labi ang mga katagang “Ayos na! Normal na ang lahat!” subalit hindi man lang umabot ng segundo ang aking peke palang ngisi at sa isang kisapmata ay nanumbalik ang kakaibang pakiramdam na ngayon ay mas malinaw na at alam ko nang ipaliwanag. Ito yung pakiramdam na alam na alam mong may nagmamasid sa’yo. Nararamdaman ko ang intensidad ng pagtitig ng mga mata niya. Na para bang naroon lamang siya sa likod ko. Kinikilabutan ako at nagtatayuan ang aking mga balahibo. Gusto kong lumingon pero natatakot ako sa aking maaaring makita. “Danny!” Muntik nang tumigil ang aking puso nang biglang may tumawag sa pangalan ko. Napatingin ako sa kanan at isang babae ang nakaupo sa swing. Nakauniform ng BSC. Classmate ba o lower year? Madilim na tila hindi tinatamaan ng liwanag ang kanyang mukha at pawang nababalutan ng manipis na ulap kaya hindi ko makilala kung sino. Nagpasya akong lapitan siya pero kahit anong utos ng aking isip ay hindi ko maigawang ihakbang ang mga paa ko. Kailangan ko nang makaalis dito! Inunat ko ang aking mga kamay at pilit inaabot ang pigura ng babae pero hindi ko rin magawa. Palakas nang palakas ang pagduyan ng swing hanggang sa parang pati ang aking kinatatayuan ay dumuduyan na rin. Palakas nang palakas…

At doon, nagising ako mula sa kakaibang panaginip na iyon.

Unti-unti kong ibinalik ang aking ulirat hanggang sa maalala ko na ang mga pangyayari sa reyalidad. Lulan kami ng isang bangkang buong tapang na pinagtitibayan ang bawat hagupit ng isang mapagparusang unos. Sa bawat salpok ng alon ay parang mawawasak ang aming bangka. Lahat ay kanya kanya ang kapit sa kahit anong pwedeng makapitan. Bakas ang takot sa mukha ng bawat isa at lahat kami ay nangangamba sa trahedyang napipintong maganap ano mang oras.
           
Kahit napakalalakas ng salpok ng hangin ay aking naramdaman ang alinsangang bumabalot sa kapiligiran na dulot ng takot at pangambang nararamdaman ng lahat. Napayakap ako kay Lester nang biglang isang malakas na kidlat ang bumiyak sa langit kasabay ng makabasag ear drum na kulog. Wala na sa abot ng aming kakayahan ang pigilan pa ang mga nararamdaman. Napapasigaw na ang lahat! Napakasamang imahe na dumudungis sa aming pagkalalake. Pero wala kaming magawa dahil talagang nakakatakot ang mga nagaganap. Minsan na naming napagmasadang mahati ang dagat at lahat ng trahedyang malalasap mo sa pakikipaglaro sa karagatan, subalit ang simoy ng lahat ng iyon ay hindi aabot sa nibel ng nararamdaman namin ngayon.
           
Walang umiimik sa lahat kayat nagpasya akong palakasin kahit na konti ang kanilang mga basag nang kalooban kahit alam ko na hindi nila ako gaanong maririnig dahil malamang na kainin ko ang mga tinig na magmumula sa aking bibig dulot na nga ng takot na napapaloob sa aking damdamin.

Danny:Mga drei, wag tayong matakot. Bagyo lang yan. Makakalagpas din            tayo dito.
Noel : Wag mo kaming muritin. Eh nangangaihi ka na nga sa takot dyan.
Danny:Naihi meraw… Hindi mo ba nakikita bumabagyo? Sempre mababasa.        Siiiiiiiii…
MCJohn:[nangangatog ang tuhod habang yakap ng mahigpit ang kanyang            alaga... Yung manok!]
Wino: Hindi ko na kaya pa to. Gigisingin ko na si Yeshua.
Lester:Huwag! Nakita mong kahimbing ng tulog oh…
           
Sabay kinapitan ni Lester si Wino. Pinipigilan niya ito subalit kahit anong paraan ni Lester ay di niya magawang hadlangan ang binabalak nito. At sa kahuli-hulihang pwersang natitira sa kanyang katawan ay ibinuhos niyang lahat upang patirin ang mga maninipis na biyas ni Wino na naging sanhi upang madapa ito. Ngunit sa pagkakadapa niyang iyon ay hindi na nakabitiw si Lester sa kanya at naggulong-gulong sila sa sahig ng Bangka at mistulang hinahagis sila sa ere habang tuloy ang hagupit ng mabibigat na hangin sa aming sinasakyan. At sa huling paglapat nila sa nagsisimula nang lumalim na naiipong tubig sa sahig ay tumama sila sa paanan kung saan tahimik na namamahinga ang Guro...

At sa kaganapang iyon ay nagmulat na nga ng mga mata si Yeshua…

Yeshua: Anong meron?  Bakit nagkakagulo kayo?
Marvin: Hindi po. Natatakot lang po kami sa mga kulog.
Karl:    Tsaka sa kidlat. Hinahabol ng kidlat yung paa ko eh.
Yeshua: Parang wala kayong natutunan ah? Sa palagay ko’y madami pa    kayong dapat tuklasin… Pag dinala ka ng Diyos sa isang matarik na       bundok, magtiwala ka lang. Pwedeng saluhin ka Niya pag nahulog ka, o    kaya naman ay turuan ka Niya kung pano lumipad. Oo. Quotes sa text   yan. Tinagalog ko lang para mas ma-gets nyo. Ang Ama ay kayang    magsara ng isang pintong walang sino mang tao ang makapagbubukas,    gayon din naman, kaya Niyang magbukas ng pintong walang sino man            ang kayang magsara. Kung kailangan natin ang Ama upang buksan o           isara ang mga ganong klaseng pintuan, ang kailangan lamang natin ay     magtiwala sa Kanya.

            Blangko ang utak ko. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig ipahiwatig ni Yeshua pero dama ko na malalim ang mga salitang iyon. Kasing lalim na ng tubig na nagsisimulang maglaro sa aking mga binti.
           
Alam ko na napansin ni Yeshua ang pag-aalangan naming lahat dahil na nga sa matinding unos na humahambalos sa kaibuturan ng aming katauhan. Nang sa isang mabigat na pagsayaw ng aming bangka ay bigla na lang tumalon si Yeshua sa dagat at tuluyan na kaming iniwan, dahil na din siguro sa kakulangan namin ng tiwala. ‘Di ko inaasahan ang lahat, ‘di namin inisip na pwede kaming iwan ni Yeshua at abandonahin sa ganitong sitwasyon. Lalong nabalot ng takot ang lahat, pero mas lumamang ang kalungkutan sa ngayon, dahil kanina ay may katiting pang pag-asa na aming nakikinita dahil kapiling namin si Yeshua. Sa paglisan Niya ay kasabay ng paglaho ng aming pag-asa. Tuluyan na sana akong susuko subalit…

Tumahimik ang buong paligid. Ang kanina lamang na nagwawalang karagatan ay biglang huminahon at naging maamo. Nahawi ang madilim na ulap at nagbigay daan upang aming muling matanaw ang milyun milyong bituin sa langit kapiling ng malamig na buwan.

Payapa. Sa wakas ay sumarap nang pakinggan ang himig na dulot ng pag-ihip ng hangin. Nakapagbibigay ng kakaibang sensasyon ang pagtitig sa tubig habang nasasalamin ang sinag ng buwan. Lahat kami ay napatingin sa kumikislap na liwanag na tila isang batalyon ng alitaptap ang papalapit sa aming bangka. Papalapit ng papalapit, at ng umabot sa distansiyang iyo nang maaaninag ang wangis ng imahe ay di na mapigilan pa ng aming mga puso ang magsilang ng luha na tuloy tuloy na umagos mula sa aming mga mata…

Si Yeshua, naglalakad sa ibabaw ng tubig habang nakangiting nakatitig sa aming lahat na tila sinasabing wag nang mangamba at ayos lang ang lahat. Alam na natin ang tagpong iyon mula pagkabata. Ipinamulat na sa atin ng ating mga magulang. Napag-aralan na natin sa Religion at Theology. Napakinggan na natin sa misa sa simbahan. Nabasa na natin sa Bibliya. At napanood na natin sa Super Book at Flying House. Pero ang makita iyon ng personal ay talagang kamangha-mangha.

Nahiya ako sa aking sarili dahil sa kalapastanganang aking naisip kani-kanina lamang. Naalala ko tuloy ang parabula nung mga bakas sa buhangin. Ganito din yun, inisip kong iniwanan Niya kami. Yun pala ay binuhat niya kaming lahat. Tunay nga na marami pa kaming dapat na matutunan, kulang pa ang aming pagtitiwala kung kayat wala ng iba pang pasya kundi aming sundan at paglingkuran si Yeshua sa kasalukuyan.

Kailanman ay hindi tayo iniiwan ng Diyos. Palagi lang Siyang nariyan. Nakabantay. Nakaalalay. Tulad ng isang mapagmahal na magulang na gumagabay sa Kanyang anak. Kung minsan lamang talaga ay tayo na ang may pagkukulang. Sa mga panahong puros kaligayahan lamang ang ating tinatamasa, minsan ay nate-take for granted na natin ang Ama. Hindi man lang natin magawang magpasalamat sa biyayang ipinagkaloob Niya. Subalit sa oras naman ng kagipitan, ang Ama agad ang nilalapitan natin. Hinihingan ng tulong. Hinahanapan ng kasagutan. Binabalingan ng sisi. Ganunpaman, hindi naman tayo binibigo ng Ama. Ibibigay Niya ang tulong na kinakailangang natin. Sasagutin Niyang lahat ang ating mga katanungan sa takdang panahon. At kahit na anong sisi at galit ang ibato natin sa Kanya, hindi pa rin nagmamaliw ang pagmamahal Niya sa atin. Isang pagmamahal na hindi naghahanap ng kapalit. Unconditional love.

Bago kami mamahingang lahat ay inayos muna namin ang Bangka at nilimas ang tubig na naipon sa loob. Sa wakas ay tahimik na ang paligid at mahimbing nang naghihilik ang aking mga kaibigan. Pinasya kong wag nang ipikit ang aking mga mata dahil sa pangambang kung anu na namang panaginip ang aking maranasan. Tutal sa palagay ko ay ilang saglit na lang ay sisilip na ang busilak na silahis ng magiting na araw.

Ilang oras din akong nakatanaw sa kawalan at pinapanuod ang guhit ng tubig na naiiwan ng aming paglalakbay. Ang dami nang naganap. Mga kaganapang ni minsan ay di ko naisip na aking mararanasan. Punong puno ng tuwa, limpak limpak ang aral, pero sagad din ang kalungkutan. Iniisip ko kung ano kaya ang ginagawa ng mga taong aking iniwan. Mga minamahal na sabik nang mayakap. Mga kaibigang sana minsan pa ay makasalamuha.

Pero naisip ko, ang pagpapahalaga sa isang tao ay di nababakas sa araw araw na pagkikita. Ang mahalaga ay habang buhay silang magsisiksikan sa bawat tibok ng aking puso. Kahit pa gaano kadami yan, dahil walang sino man, kahit henyo, di kayang masukat kung gaano ang kayang likumin ng puso. Basta lagi nating tatandaan na wag kalimutan ang mga pasakit na ating nararanasan sa mga kahapon, dahil gaya ng sinasabi ng lahat, dyan tayo nakakakuha ng leksyon.

Tumayo ako at nagpungas ng aking mukha ng sumalaksak sa gilid ng aking mata ang mga hibla ng liwanag ng araw. Akin nang natatanaw ang pampang at sa wakas ay makakadating na din sa susunod naming destinasyon.

Hindi ko na napansin na dumami na pala ang mga bangkang aming kasabay patungo sa lupa habang nakalipon na din pala ang mga tao at mukhang inaabangan ang pagdaong ng mga bangkang ito.

Nang dumapo ang mga bangka sa pampang ay tila palengkeng nagkagulo na ang mga tao. Sinalubong nila ang mga kasabay naming mga mangingisda pala.

PJ:        Huhuhuhu!!!!(biglang naiyak si PJ)
Wino: Oh bat umiiyak ka na naman?
Lester: Wag ka ngang umiyak dyan. Nakakahiya sa mga tao.
PJ :       Eh kasi naalala ko yung nasa Oceam View tayo. Yung mga mangingisda    na umahon sa pampang? Nanghingi pa nga tayo ng isda pero napahiya           lang tayo.
Kim:     Hehehehe… Ou nga. Pinagpipilitan nyo pang halukayin si Nemo.

Tawanan lang ang lahat. Isang leksyong natutunan ng bawat isa. Tumawa…

Pero kapansin pansin na isa sa amin ang tila namatanda at tulala na tila kanina pa may tinititigan…

Chet: Poy! Sara mo bibig mo.
Eriko: Ah, may laway pang tumutulo oh.
McJohn:Dre lawayan nyo si Ipoy, nausog yata. Hehehe.
           
Pero kahit anong asar nila ay di matinag sa paglalaro ng isip ni Ipoy. Trance! Hindi maipaliwanag ng lahat kaya minabuti naming tingnan ang kanyang tinititigan (ganito pala yung sinasabi nilang “iba yung tinitingnan sa tinititigan”)

Karl :   Ang ganda nya!!!
Noel:   Prinsesa…!
Gail:     Siya na!
           
Isang babae pala ang nakahuli ng atensyon nila. Maganda nga siya. Pero di mapalagay ang kukote ko na parang pinipilit isipin kung san ko nakita ang babaeng ito, patuloy lumilikot sa aking imahinasyon na akin nang nakita ang itsurang iyon.

????:    Pati kayo nabighani ng prinsesa.. (wika ng isang lalaki)
JC:        Prinsesa?
????:    Ou prinsesa yan ng France. Napadpad dito sa aming lugar. Kasama ang kanyang ama. Tsaka yung nanay nya na taga Greece daw. Sa bandang Tesalya ata di ko maalala kung saan. Medyo matagal na din kasi. Tapos hindi na sila nakabalik pa sa bansa nila. Tawag lang sa kanya “Frances
Ipoy:    Frances! Napakagandang ngalan…! At sa pagsambit pa lang eh anong       hiwaga na ang napapaloob at ngiting abot tenga na ko. Pakiramdam ko     lumulutang ako sa ulap…Haaay…

Nagparamdam na naman si Kupido. Isa sa sang-angaw na milagrong nagaganap sa mundong kailan man ay hindi natin maintindihan. Laws of nature? May ganon ba? Pero kung intindi mo yun ganun, di ibig sabihin na hindi ka na tatablan ng kanilang operasyon.
           
Pulang pula na ang mukha ni Ipoy. Parang nung uminom nung minsang piyesta sa Pick up City, sa tahanan nila Weynahm, rabbit pa nga yun pulutan. Dun na nga ko nag-isip ng matindi, kung alak o yung rabbit yung naging sanhi ng pagpula ni Ipoy. Sa ano’t ano man, walang sino man ang makapipigil pa sa isang makisig na binata basta tumama na ang nakakalasong palaso ng pag-ibig.
           
Lalapitan na sana ni Ipoy ang prinsesa upang makapanayam ng biglang tila isang buwan ng taglamig ang tumama sa kanyang buong sarili dahil kanyang napunang nakatitig din ang babae sa kanya. Tumigas ang buo nyang katawan at hindi na makagalaw pa. Tumigil ang pag-ikot ng mundo. Sa di mapangatwiranang bagay ay nagniningning ang kanyang mga mata at di na pansin ang mga nagsaling bayang mga nilalang sa kanyang paligid na tila ang babae na lamang ang kanyang nakikita.
           
Isang mahabang buntong hininga ang kanyang naipamalas at tila hahakbang na at malamang ay napagdesisyunang lapitan na ang babae at sigurado ako ay wala siyang iuusal kundi ang matatamis na pananalitang magsasalarawan ng kanyang nadarama para sa magandang binibini.

Ipoy:    Nakita ko na ang pinakamagandang larawan ng pagsikat ng umaga.          Ang paglubog ng araw at pagsilip ng pinakamagandang buwan sa         lahat. Ang nakakahalinang pagdampi ng mga sigay ng liwanag sa  bagong bukadkad na bulak pagkatapos ng mahabang taglamig. Ang           gusto kong sabihin ay nasaksihan ko na ang mga magagandang tanawin dito sa mundo at di ko naisip na hindi pala yun matatawag na      “magandang tanawin” dahil ngayon ay nasa aking harapan ang       pinakamagandang likha sa lahat.

Tahimik lang yung babae. Gusto na atang matawa sa pinagsasasabi ni Ipoy, pero nakangiti lang ito at tila di na kailangan magtalumpati pa ni Ipoy para mahuli ang loob ng dilag.

Ipoy:    Ah eh... Pwede ba kitang maayang kumain? Magdate ba? (di nga pala       alam yun salitang date dito) mamyang gabi, pede ba kitang maisama sa isang hapunan?
Frances: Mamayang gabi? Ah… Oo sige. Iyon ay aking ikasisiya...(sabay halik sa   kamay ni Ipoy)
Ipoy:    Yeeeessssssz!!!!

Marvin: Poy!!!
           
Huli na... Di na siya inabutan ni Vinards. Bigla na lang bumagsak si Ipoy. Pagkatapos maglitanya ng napakadaming pangungusap sa harap ng babaeng bumighani sa kanya bigla na lamang siyang nagcollapse. Teka parang nakita ko na tong eksenang to ah... Ewan ko ba... Madalas mangyari sa ‘tin ang ganitong bagay di ba? Yung feeling mo nangyari na yung mga bagay na nasasaksihan mo? Nu nga ba tawag dun? Basta alam ko nakita ko na to dati pa... Di ko lang matandaan...

Karl:    Kawawa naman si Ipoy. Di man lang nya nasabi yung pangalan nya sa       babae.
JC:        Sa palagay ko di na importante kay Ipoy kung nasabi nya pangalan nya      o hinde. Pangalan lang yan. Ano pang silbi ng pangalan? Nakita mo ba           ang mga kislap sa mata ng babae na nagpaparamdam na kahit Puyos            ang ipangalan ni Ipoy ay hindi na magbabago ang pagtingin nito?

Whats in a name? That such we call a rose, by any other word, would smell as sweet...
-Shakespeare.Romeo&Juliet.

           
Nawalan nga ng malay si Ipoy kung kayat dinala namin siya sa pinakamalapit na bahay kung saan nagsimula nang mangaral si Yeshua habang masayang iniwanan ng sulyap ang payapang mukha ni Ipoy na nalalakipan ng isang misteryosong ngiti, isang ornamento sa kanyang panga na tila nagsasalarawan ng kanyang katauhan. Para siyang isa sa bilyong bituin sa langit na sa wakas nahanap na ang kanyang kapareha sa napakalaking konstelasyon...

Yeshua: …magmahalan kayo! Gaya ng pagmamahal ko sa inyo, gayundin  kayo magmahalan.

Inabot na ng pamamaalam ng araw ang aralan kung kayat hindi na nagkaroon pa ng madaming oras para kami ay makapaghanda o makapagluto man lang ng kung anu mang masarap na putahe para naman sumaya kahit papano si Ipoy at tinutulungan namin siya upang magpaimpress sa babae.

Ipoy:    [ou nagising na] Guys salamat ah... Special dinner to... Pero damihan na   din natin para naman makasalo din kayo.
Marvin: Senxa ka na Poy ah. Special bread lang maihahanda ko. Wala kasi           tayong ibang materials eh. Galing pa kay Yeshua to. Di ko nga alam      kung san nya galing.
McJohn:Tol parang may kulang. Maganda sana kung may champagne.     Hehehe.
Wino: Champagne ka pa dyan, eh kahit dun sa atin di man tayo nakakainom       nun, dito pa kaya?
Lester: Mag gin pomelo na lang kayo. Masarap din naman. Kaso may tama.         Hehehehe.
Ipoy:    Thanks. Pero kahit tinapay at tubig lang ayos na yan. Ang importante        makasalo ko siya ngayong gabi. Siya yung dahilan ng pagiging espesyal         ng hapunan natin ngayon.
Yeshua: Kung gayon ay mukhang hindi naaakmang tubig lang ang kapares ng       tinapay...
Eriko: Eh wala naman pong iba eh. Tubig lang. Hehehe.

Biglang kinuha ni Yeshua ang tapayan ng tubig at tumahimik panandalian na tila ba nanalangin...

Pagkatapos manalangin ay walang imik na iniabot ang tapayan kay Kalo habang napakasaya ng ekspresyon sa kanyang mukha...

Hindi ko maipaliwanag, subalit halo halo ang nagsayaw sa loob ng aking isip. Hindi ko mawari kung masaya o malungkot ang pakiramdam ni Yeshua dahil may anong kakaiba ang nakadulog sa kanyang mga ngiti. Hindi ko na lamang iyon pinansin at pinagtuonan na lamang ng tingin ang aking mga kaibigan na ngayon ay nag-aagawan sa tapayang ayaw ipamahagi ni Kalo.

Eriko: Anu ba kayo? Para mamaya to sa date ni Ipoy. Sinabi ko lang masarap      nag-unahan na kayo dyan.
Wino: Eh patikim lang naman! Sige na!
PJ:        Ikaw kasi Eriko eh. Bakit ba sinabi mo pang naging alak yang tubig?
Gail:     Tumpak! Sino ba naman yung hindi mamumurit at maglulupasay para      matikman yan?
Ipoy:    Ops! Teka lang. Tama si Kalo. Para mamaya yan. Tiisin nyo na lang muna.
McJohn: Ou nga, kala ko ba natutunan na natin ang patience? (nakangiti)
Eriko: Hoy McJohn, kabisado kita, alisin mo yang kamay mo sa tapayan kundi     tatagpasin ko yan.
Lahat:  Hehehehehe… (tawanan lang...)

Lahat naman siguro di matitiis na hindi matikman ang isa na namang milagrong ipinamalas ni Yeshua sa amin. Pero tulad ng lahat, bawat milagrong kanyang ipinapakita ay may kalakip ng sangkaterbang aral. Kailangan naming tiisin ang tuksong madampian ang aming mga labi ng alak na yon. Ilang sandali lang naman at hapunan na... Patience.

Nakahanda na ang lahat. Isang mahabang mesa ang aming naigayak. Kasalo din namin sa hapag ang mga kalalakihang hindi din iniiwan si Yeshua sa kanyang paglalakbay.

Oras na ng hapunan. Hindi mapakali si Ipoy na daig pa ang isang amang nag-aabang sa panganganak ng kanyang asawa.

Medyo gumagabi na at parang lilipas na ang hapunan at hindi na darating si Frances...

Ipoy: Di pwede to!!! Ano kayang dahilan at na-indian ako...? Kailangan kong         malaman kung bakit!! Pasensya na kayo. Kailangan ko munang umalis...
Chet : Pero Poy...
Ipoy : Walang pero!!!

Di na hinayaan ni Ipoy na makahirit si Chet. Tumalilis na siya palayo at di alam kung saan pupunta...

JC:        Don’t worry guys. Susundan ko si Ipoy. Tutulungan ko siya... Pero penge     munang baon.
           
            Kumuha ng lalagyan si Prof at nagsalin ng alak tsaka tumakbo na din upang sundan si Ipoy... (langya nangalahati ang...)

Yeshua: Ayos lang yan. Ang lahat ng nangyayari ay may dahilan. May purpose.    Pabayaan na muna natin sila. Halina’t tayo ay maghapunan...

Habang nagsasalita si Yeshua ay binigyan nya kami ng kanya kanyang parte ng tinapay at isa isang sinalinan ng alak na kanyang nilikha mula sa tubig...
           
May lumaro na naman sa utak ko. Kanina ang sabi ni Vinards, kay Yeshua galing ang pinagmasahan ng tinapay, tapos yung alak gawa din niya... Hindi kaya...? Di ko na lang muna pinansin. Inalis ko ang agam agam sa aking sarili at masayang nakisalo sa hapag kainan.

Nang matapos kaming kumain ay biglang tumayo si Yeshua at kitang-kita siya ng lahat gawa ng ang pwesto niya ay sa gitna.

Yeshua: Malapit na ang takdang oras. Aakyat tayo sa bundok ng mga Olibo          upang manalangin. At doon nila ako dadakpin. Alam kong alam na     ninyo ang magaganap. Hayaan ninyong maganap ang mga dapat  maganap. Iyon ay kagustuhan ng Ama.

                        Ito na nga ang bumabagabag sa aking isip kanina pa...

Natahimik kaming lahat. Syempre alam namin ang tinutukoy ni Yeshua. Pero bakit pinipigilan niya kaming gumawa ng hakbang? Hindi ko alam kung makakaya naming hayaan lamang na dakpin siya ng mga kawal nang wala man lang kaming ginagawa. Napuno ng katanungan ang aking isip. Kailangan nga ba talagang isakripisyo ni Yeshua ang kanyang sarili? Ano ba ang maidudulot noon? Hindi kaya't mas mainam na lang kung mananatili siya sa piling natin?

Danny: Pero Yeshua...Bakit...?
Yeshua:Minsan, mahirap maintindihan ang mga plano ng Ama. Pero         sinisigurado ko sa inyo na ang tanging nais Nya ay para lamang sa   ikabubuti nating mga anak Nya.
Danny: Pero paano ka naman? Mapapahamak ka...
Yeshua: Kapag dumating ang oras ng paghuhukom napakaraming tao ang            mapapahamak. Sa panahong ito, laganap na ang kasamaan. Ang         daming naliligaw ng landas. Ang mga taong iyon ay hindi makakapasok    sa langit, sa halip ay mahahatulan at ipadadala sa walang hanggang  apoy. Hindi iyon ang nais ng Ama. Lahat tayo ay pantay pantay sa         paningin ng Ama bilang mga anak Niya. Lahat tayo ay nais Niyang makapiling sa langit. Alam kong medyo mahirap unawain pero ilagay mo            ang iyong sarili sa lugar ng Ama, kung halimbawa ikaw Danny ang       magdedesisyon sa oras ng paghuhukom. Ano ang gagawin mo?
Danny: ...
Yeshua: Kahit na hindi na sa lahat ng mga tao. Kontian na lang natin kung sa        tingin mo ay mas gagaan ang pagdedesisyon. Halimbawa na lamang ay     ikaw ang maghuhukom sa iyong mga kaibigang ito. Lahat ng mga            kaibigan mong ito ay nagkasala. Kung halimbawa, sabihin nating lima       lamang sa kanila ang iyong maililigtas, sino ang pipiliin mo? At sino ang hahayaan mong magdusa sa kumukulong apoy?

Wala akong masagot. Kung nasa akin ang kapangyarihan upang manghusga ng mga tao, siguro kung sa mga taong hindi ko kilala, mapapagdesisyunan ko pa kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi, pipiliin ko lamang ang mga nagkasala at sila ang hahatulan ko. Pero paano nga kung ang mga mismong mga malalapit na tao na sa akin ang aking huhusgahan? Paano na kung ang mga kaibigan kong ito ang nagkasala? Hindi ko maatim na pumili ng mapaparusahan. Lahat sila ay pantay pantay sa paningin ko, lahat sila ay mga tunay na kaibigan ko. Kahit sino sa kanila hindi ko gugustuhing makitang nahihirapan. Hindi ko kaya.


Danny: Yeshua...Hindi ko kaya. Sa halip na sila...maaari bang...maaari bang ako  na lang... Ako na lang ang maparusahan at mailigtas na silang lahat.    Hindi ko kayang pumili sa kanila ng maililigtas at mapaparusahan. Kaya... ako na lang.
Yeshua: (nakangiting tumingin sa akin) Iyan mismo ang punto ko Danny. Ako na   lamang.

Naluluha na ako. Kahit paano ay may ideya na ako sa sakripisyong gagawin ni Yeshua. Para iyon sa ikaliligtas nating mga taong napakarami na ang kasalanan. Aakuin niya ang lahat ng iyon. Kesa tayo, siya na lang. Pero sinisigurado ko din sa iyo, hindi magbabago ang desisyon ni Yeshua kahit na lahat ng tao o isang tao lamang ang maililigtas niya. Kahit na para sa iyo lang, isusuot pa rin niya ang koronang tinik, papasanin pa rin niya ang krus at ibibigay pa rin niya ang kanyang buhay, para lamang mailigtas ka. Ganoon ka niya kamahal.

Gumayak na si Yeshua upang tunguhin na ang pook na kanyang naisalaysay ilang saglit pa lamang ang nakalilipas...

Itsurang sakitan akong tumayo at sasamahan ko siya kahit ano pa man ang maganap. Ang dami ko pa ding iniisip. Pano kung may gawin akong kakaiba ngayong mga sandaling ito at aking baguhin kung ano ang nakatakda na? Pano kung maging makasarili ako’t pigilan ko na si Yeshua ngayon? Bahala na...

Akmang susunggaban ko na sana si Yeshua nang may maulinigan akong tila may nag-aamok ata sa labas...

Ipoy : Aaaahhhhhh!!!! Hah!
JC :       Poy, kanina pa tayo nagtatalo, sinasabi ko sayo kanina pa di ba?
Ipoy:    Anung sinasabi? Wala ka namang sinasabi dyan.
JC :       Meron. Ots kakulet…
                       
            Sa maikling sagutan nung dalawa, huli mo na agad na nasa impluwensiya sila ng alak… “Langung-lango!”

Wino : Teka. May naiisip ako!
Karl : Ulul! Wala ka nun!!!
Wino:  Wag ka kumontra. Pasukat natin sa kanila yung distansya nitong bahay     hanggang sa dagat para mawala yung lasing nila!!!
Gail:     Naka!!! Porke mo araw mo nung naganap yung insidenteng yun ang          lakas ng loob mong imungkahe yan?
Eriko: Gusto mo gunawin na kita ngayon eh!!!!
JC :       Anu ba kayo!!! Wag kayong mag-away! Para kayong lasing eh...!! hic..       nga pala, Poy! Kalimutan mo na ang babaeng yun! She’s not worth it  men...
Ipoy:    Anu bang pinagsasasabi mo?! Nainlove ka na din di ba? Nakakatakot.        kaya kang gawing marupok, kasi binubuksan nito yung dibdib mo,        hahayaang nakabuyangyang ang puso mo. Ibig sabihin, kayang-kaya            kang pasukin agad, tapos guguluhin ang mundo mo. Magtatayo ka ng       madaming defense towers, magkakabit ka ng sandamakmak na baluti    na matagal mong paghihirapang mabuo para lang walang makasakit            sayo.    Tapos isang saglit lang, isang napakabilis na sandali lang... may     isang    mapapadpad na lang bigla sa buhay mo...

(Nangasuka. Naputol ng konti yung talumpati nya.)

…bibigay mo kahit anong parte ng buhay mo. Hindi niya hinihingi pero ibibigay mo pa din. Tapos may gagawin siyang di mo inaasahan, ngingitian ka nang tila lahat ng anghel ay kasama nyang ngumingiti sayo. Dadampian ka ng pinagpala nyang mga labi... isang kisapmata lang… hindi mo na pag-aari ang sarili mo. Nadakip ka na ng pag-ibig. Kakainin kang unti-unti nang di mo namamalayan hanggang mabalot ka sa dilim. At dadating yung puntong di mo na alam yung gagawin mo. Bibigyan ka na lang bigla ng mga salitang kala mo nagkabasag-basag na salamin na sunod sunod na nagsisitusok sa puso mo. Ang sakit! Hindi lang sa imahinasyon mo, hindi lang sa isip, pati kaluluwa mo nasasaktan, pati buong katawan... ayoko tong nararamdaman ko!!!

(Susuka ulit. Pero di natuloy. Nilunok ata nya ulit.)

Heartbreak? Put$a eh pati buong katawan ko nasasaktan ah... Pero kahit ganon hindi ako susuko!!! Hindi ko sya kakalimutan!!! Kahit di nyo magustuhan ang mga ginagawa ko, wala akong pakialam! Parang pagkanta ba? Kahit di ko kayo napapahanga sa boses ko, kahit masakit para sa tenga nyo, ayos lang dahil satisfied ang sarili ko sa ginagawa ko... Basta ang alam ko lang ngayon... Mahal ko na siya... Ano kamo Prof? “She’s not worth it men?” Pero Prof, if she’s not worth it? Then what the hell is?

Ang haba ng sinabi ni Ipoy. May pa-english-english pang nalalaman. Salitang lasing lang naman ata. Tulala lang kaming lahat sa kanya, pero sa wakas ay nakatulog na din. Dun sa lupa, katabi ng suka nya...

Naranasan mo na bang masaktan, sobrang sakit na hindi mo na alam kung ano ang iyong gagawin upang maibsan ito? Masisisi mo ba ang isang tao kung magpakalunod siya sa alak, kung iyon lamang ang paraan upang kahit panandalian lamang ay mamanhid ang kanyang puso at pansamantalang makalaya sa sakit na dinadala nito? Baka naman sabihin mo overdramatic yan. Hindi pa naman talagang kilala ni Ipoy yung binansagang prinsesa. Pero ganun talaga eh. Kung masakit, masakit. Pag nasaktan, nasaktan. Na-indian kasi. Hayaan mo na.

Sa haba ng litanya ni Ipoy, sa kanya na lamang nabaling ang atensyon naming lahat. Pero parang may mali. Nang matahimik si Ipoy, talagang tumahimik na ang paligid. Lumingon ako sa paligid at nakumpira ko nga. Kami na lamang ang naiwan doon. Nakaalis na si Yeshua at ang mga tagasunod niya.

Danny: Nagpunta na si Yeshua sa Bundok ng mga Olibo. Dun na siya huhulihin     ng mga kawal. Magaganap na yung nakatakda.
Kim:     Ano na gagawin natin ngayon?
Gail:     Linisan muna natin si Ipoy, tas sundan natin si Yeshua. Hindi ko din alam   dre kung ano dapat natin gawin pero kelangan nandun tayo para kay Yeshua. Mahirap mang tanggapin na wala tayong magagawa. Kahit na            nandun man lang tayo, kahit yun lang yung magawa natin para sa kanya.
McJohn: Naknam! Pons neh!
Gail:     Tumigil ka dyan Mc! Galit pa din ako sa ‘yo kasi nagjumanji ka sa CR         namin.
Noel:   Hahaha! Kung saan lang kasi abutan, basta na lang nagto-trombone eh.
Gail:     Hehehe. Joke lang Mc. Ok lang yun, basta next time lock mo yung pinto.
McJohn: Shaddap!!
PJ:        Hahaha! Let’s go guys!

Nagsimula na kaming kumilos. Sa daan na lamang namin iisipin kung ano ang maaaring hakbang o kung meron man. Hinilamusan na ni Kim si Ipoy at pagkayari siyang malinisan mula sa kanyang sariling suka ay binuhat na siya nila Chet at Marvin. Inilapag nila si Ipoy sa ibabaw ng lamesa upang maayos itong makarecover. Iniwanan muna namin siya room at kami naman ay nagsimula nang tuntunin ang lugar na pinuntahan ni Yeshua.

Minsan na kaming nakaakyat sa Bundok ng mga Olibo kaya alam na namin ang tatahaking landas patungo roon. Siguradong naroon si Yeshua sa may hardin at taimtim na nananalangin.

Tinatapik tapik ko ang mukha ko habang naglalakad na para bang gusto kong siguraduhing hindi ito isang panaginip lamang, nang maaninag namin mga ilang dipa ang distansya sa aming harapan ang apoy na nanggagaling sa mga sulong di namin maaninag kung sino ang may dala. Subalit sa mga natipong alaala sa aming mga katauhan hindi na kailangan pang pahirapan ang aming mga ulo para suriin at siyasatin kung sino nga ang mga nilalang na iyon. Late na naman. Punung-puno ng pagiging late ang kapitulong ito ng aming buhay. Siguradong ang mga sulo ay katambal ang mga kawal at siguradong nasa kanila nang mga kamay ang Guro.

Nadadala na ako ng bigat ng sitwasyon at nawala na naman ang katiting kong kakayahan para mag-isip, katiting na nga lang ay hindi ko pa makontrol.

Danny: Hindi pwede to!!! Di ako papayag!!!

Walang abog abog ay sinugod ko ang kawal na humahawak kay Yeshua. Natesting nya kung gaano ako kalakas sumuntok. Bumagsak ang kawal ngunit di ko nakontrol ang balanse ng aking katawan kung kayat pati ako ay tila bubuwal kasama ng nasuntok kong kawal. Kasabay na nangyayari ng pagbagsak naming dalawa ay paghugot ng tabak ng isang kawal sa aking likuran at buong pwersang inindayog papunta sa aking likuran, tila tatagpasin ang kawawa kong ulo, kaunti na nga lang ang pakinabang ay mahihiwalay pa sa aking katawan...

(slow motion ang lahat)

Silang lahat : Daaaaannnnn ! ! ! !
           
Mabuti na lamang ay narinig ko ang kanilang palahaw at nagawa kong ilagan ang itak na tatapos na sana sa mapusok kong pamumuhay. Sa aking pag-ilag ay banayad na humaging ang itak sa ulunan ng kawawang kawal na aking nasapak kanina. Mabuti na lamang at dumaplis ito at nakuhang tumagilid papunta sa kanyang patilya, subalit inabot pa din ang maliit niyang tainga kung kayat nahati ito at tuluyang lumagak sa lupa... Kawawa naman. Nasuntok na, natagpasan pa...

Sa mga naganap ay tumindig si Yeshua at pinulot ang kapraso ng tenga ng umiiyak nang kawal. Nakapikit si Yeshua at binalik ang tenga sa orihinal nitong pwesto na tila isang clay lang o play doh.
           
Astig!! Pero di ko gaanong nabigyan ng pansin dahil sa sitwasyon.

Nang maikabit ni Yeshua ang tenga ng mama ay humarap siya sa aking mga mata. Malumanay ang mukhang nakatingin. Walang salita. Walang dialogue. Pero bakit pakiramdam ko ay isang libro ng pangungusap ang kanyang napapamalas sa akin? Bumalik bigla ang karampot na alsa na aking utak at naisip ang mga kamaliang aking nagawa. Napag-usapan na namin ni Yeshua ang mga bagay na ito subalit bakit hindi ko pa din napigilan ang aking sarili...? Pagsisisi. Sa mga mata ni Yeshua ay dama ko ang kalungkutan para sa akin.
           
Wala na akong nagawa. Dinakip na uli si Yeshua at sila ay tumuloy na sa kanilang pupuntahan. Naiwan akong tulala sa isang tabi. Gusto ko nang umiyak. Pero naunahan ako ng aking mga mata, tumutulo na ang mga sigay ng kalungkutan. Hindi ko na naririnig ang nangyayari sa kapaligiran. Tumatakbo na ata ang aking mga kaibigan kasama ng ibang alagad ni Yeshua dahil pati sila ay balak na ding dakpin ng mga kawal. Pero nanatili akong nakatalungko sa aking puwesto. Wala na akong pakialam.
           
Nawala na ang lahat. Di na ako napansin ng mga kawal at nagsialis na din sila.

Hindi ko maisalarawan ang sarili ko ngayon. Ni hindi ko alam kung pano ipadama kung ano ang nasa isip ko. Pinikit ko ang aking mga mata. Wala na akong iba pang inalala...

Sa mga ganoong tagpo, isang bagay ang iniisip natin. Pinipilit nating itatak sa ating utak na panaginip lang yon, isang masamang panaginip lang at gusto mo nang magising kaya pipilitin mong imulat ang iyong mga mata at bumangon. May mga pagkakataong gumagana yon at nagigising tayo, pero minsan kahit gaano kalakas mo pang sampalin ang sarili mo, hindi ka biglang babangong pawis na pawis at hinihingal mula sa isang bangungot. Dahil ang masakit na katotohanan, gising ka...






Itutuloy…





No comments:

Post a Comment