HUGTUNGAN - IKALAWA
Ang nagdaang nakaraan…
Sabi nga noong una, hindi na dapat binabalikan pa ang nakaraan. Lahat ng nakaraan na ay dapat pinapabayaan na lamang. Maliban na lang siguro sa tambalang Danny – Tintin. Hindi maiwan-iwan at binabalik-balikan. (due to public demand, ay minarapat na ilathala ang usaping ito)
At ang sumunod nga na nangyari…
Nagpakain na naman ng isang katerbang piso sa sugapang makinarya. Masamang masama na ang aming loob dito at nais na namin sana siyang iwan sa panahong ito kung gagana lang ang time machine nang wala siya. Marahil ay medyo madami ang nakain nitong piso kaya daglit na nagbago ang timpla ng panahon. Nagkaroon ng kakaibang himig ang hangin. Lumamig ng kaunti ang simoy nito, na tila badya ng isang ulan o bagyo o maaari namang magpaPasko lang? Hindi namin alam dahil hindi pa nag-PPj ang aming paningin, este nagliliwanag pala upang makita na at maaninag namin kung saang panahon na kami napadpad. Sa wakas ba ay bumagsak na din kami sa aming kasalukuyan at mamumuhay na muli nang walang ano mang saysay o naiipit pa din ba kami sa laro ng tadhana? Pesteng tadhana, wala nang ibang kalaro kundi kami. Lagi naman kaming burog.
Sa mga sandaling iyon, wala kaming ibang marinig na tunog kundi ang huni, ungol, kaluskos, at iyak ng sari-saring nilalang. Pagkalipas pa ng mga ilang segundo ay tuluyan nang nag-Peter John nang bahagya at namasdan na namin ang aming kapaligiran. Kami ay muli na namang nagtalakayan upang unawain at suriing maiigi ang aming malikot na kapalaran.
Jeff: Oo nga. Bakit walang liwanag?
Franks:Nagtatago yung araw. Walang kasinag-sinag kahit isang hibla lang.
JC: Nasaan na naman kaya tayo ngayon?
Kim: Para tayong nasa lupang sinumpa, malamang pinarurusahan tayo dre, dahil na rin siguro sa kagagawan mong pangengelam kay manang Ebs.
Chet: Tignan mo nga, malawak na kawalan lang yun inaabot ng mga mata natin? Pero lintik na yan, madaming nagkakaingay na hayop pero wala naman.
Franks:Mga tol, dito kayo lumingon sa kabilang direksyon, di ko maipaliwanag kaya tignan nyo na lang.
Tumalikod nga kami at humaharap sa kanilang harapan, sa kanilang hinaharapan…
Tulala. Bagsak panga. Sikip ng paghinga. Tulo ng sipon. Pagluluha ng mata. Pagbagsak ng kulangot dahil natuyo na ang tumutulong sipon. Samut saring pakiramdam ang aming naramdaman at dumalaw sa aming pakiramdam habang pinakikiramdaman ang mga galaw ng hanging humahampas sa pila ng madaming nilalang sa may ‘di kalayuan. Iniisip namin na pila ito sa bigas pero naisip din namin na di si gari(di siguro). Siguradong pila ito ng humihingi ng balato kay pacman… Yun na nga yun!
Gail: Dre lapit tayo, makipila din tayo. Makamayan naman si money.
Wino: Manny!!!
Ericko:Mga repapits, tara lets!
Ganun na nga ang napagpasyahan at kami ay naglakad dahil medyo malayo ang aming distansya sa grupo ng madla na nakapila. Subalit habang papalapit kami ng papalapit ng papalapit ng papalapit ay na-disappoint kami dahil hindi pala ito pila ng biyaya. At hindi si Manny ang may-ari ng malaking establisimentong pinapasukan ng pila. At hindi rin mga tao ang bumubuo ng pilahan kundi mga hayop na tila pinag pares-pares ata at tumutuloy sa loob. Nalito na!! Ulit!!!! Ang buong pag-aakala naming lahat ay design lang ang malaking bangkang ito ng bahay ni Pakyaw. Mali na naman, lagi na lang mali , hindi na ba tatama? Ngunit sa isang bagay lang sigurado kami tatama. Siguradong hindi pa rin kami nararapat sa panahong ito. Hindi ito ang lugar at panahong kinabibilangan namin.
Kumidlat, kumulog ng ubod ng lakas, kakaibang lakas na hindi pa namin narinig sa tanang buhay naming lahat. Lalong lumakas ang paghampas ng hangin. Umuutik-utik ang tubig na nagmumula sa kalangitang walang kasing dilim. Pabagsak na ang ulan, na sa isang tingin mo pa lang sa kalangitan ay malalaman mo nang isang malakas na pag-iyak ang binabalak nitong ipamalas. Nang mula sa bukana ng pinagpapasukan ng mga hayop ay siya namang paglabas ng isang balbarong nilalang. Tumingala siya sa langit, itinaas ang mga kamay at nagsimulang magsalita…
????: Sandali na lamang po Ama! Makakapasok na din ang lahat. Konting time out muna sa ulan. Hindi pa nakasakay lahat. Humihiling po ako ng ilang sandali pa kung maaari lamang…
Subalit, mukhang hindi siya dinidinig ng kanyang kinakausap at tuluyan nang nagsimulang pumatak ang ulan kahit mahaba pa ang pila ng tropa sa labas. Naiyak siya sa mga nagaganap! Iyak na may halong panginginig ng katawan. At sa madamdamin ngang kaganapang iyon ay dali-dali naming nilapitan ang balbarong nilalang upang daluhan at kausapin ito.
McJ: Boss, sang byahe to? Pabaclaran? Hahahaha!
PJ: Sinong bakla?! Walang bakla dito ah. Halikan kita dyan eh!
Chet: Tumahimik na nga kayo dyan.
Vince: Oo nga. Puro kayo biro. Ikaw McJohn, nakita mong umuulan na! Hindi ka siguro nagbabasa ng Bible? Hindi mo ba alam kung ano ang malapit nang maganap?
McJ: Hinde. Bakit may ano ba? Poy, kuwento mo nga sa’kin?
Jeff: Di ko din alam. Nakita mong napatawag pa nga yung nanay ko nung first year tayo dahil di ako naniniwala sa…ets
Danny:Pangit ‘to. Ayoko dito. Malungkot pala yung nangyari dito. Kulang pala ang mga nakakahalubilo nating mga nilalang sa panahon natin. Dahil napakaraming hindi umabot sa loob. Tingnan mo ang mahabang pilang yan oh. Nakakalungkot talaga.
Wino: Ayun pa sa dulung-dulo yung pangkat ng mga dinosaur oh. Uy dragon yun ah. Sayang pala, inam atang kalaro sa hauz nyan…rrrrrrrrrrrrrrr
PJ: Ay ganon? Ako na lang gawin mong dragon mo?
Wino: Ulul! Ang dragon, apoy ang binubuga! Ikaw tubig! Laway mo… baklang ito!
Franks:Teka! T-Rex? Yung T-Rex ko!!! Ayun siya! Dre tulungan natin siya. Boss! Boss! Boss Noah! Please naman po! Pasakayin nyo naman yung kaibigan ko! Wag nyo munang isara!
Noah: Paumanhin makisig na binata pero pers kam pers serb dito. Pasensya ka na iho at wala akong maitutulong sa iyo. Mabuti pa ay pumasok na kayo dito sa loob at nang hindi kayo malunod sa baha.
McJ: Hahahaha!!! Baha lang malulunod kame? Di si gari.
Nhoel:Murit ka talaga! Di mo ba alam na lampas isang buwan yang ulan na yan at walang hinto? O isipin mo kung gaano kalaking baha yung magagawa ng ulan na yun?
McJ: Hirap naman nyan. Pagawa mo na lahat sakin wag lang yung mag-isip, ebat…Nards anu ba?
Vince:Isipin mo na lang itong lugar na to, imaginin mo, palitan mo ng tubig lahat yan. Tapos yung lalim eh lampas pa sa mga puno.
McJ: Naku, eh anu pa ginagawa nyo? Tara na! Basang-basa na ko. Lakas ng ulan oh. Sumilong na tayo!
Tila nagising kami sa mga sinabing yaon ni McJohn. Dahil sa totoo naman ay wala na kaming magagawa pa kapag tuluyan nang bumuhos nang malakas ang ulan dahil matagal na panahon pa bago ito tumigil. Biglang bumilis ang aming mga kilos at nagmamadali na sana kaming makisilong kila manong Noah nang…
Franks:Sandali! (nagpause kaming lahat) Walang sasakay dyan sa sasakyan ng mamang yan. Dun tayo sa sarili nating bangka. May bubong naman yun. Di ko trip makihalubilo sa matandang yan. Isang request lang di mo pa ko pinagbigyan? Hmph.
Noah: Anak, patawarin mo na ako. Subalit hindi talaga maaari ang nais mo. Hindi mo alam ang bigat ng aking dinadalang pasakit. Ang sakripisyong kailangan kong daanan.
Chet: (binulungan si Kim) Teka dre, ‘di ba si Noah yan?
Kim: Oo, si Noah nga yan.
Chet: Et buti naiintindihan natin.Di ba dapat iba salita nyan? Kamo marunong syang magtagalog?
Kim: Syempre si muret! Nakita mong sa Bible tagalog din mga kwento tsaka usapan nila. Kaya ganyan talaga.
Chet: Ahhh. Oo nga neh.
Nhoel:Si mga tanga. Hahaha!
JC: Teka lang Karl. Ibaba mo na muna yang pride mo. Intindihin mo naman din yung sitwasyon natin ngayon. Wala tayung magagawa, nakaguhit na sa kapalaran ng mundo na mawawala talaga ang mga dinosaur. Hindi nga lang natin naisip na sa ganito palang kasaklap na paraan.
Franks:Kahit na! Wala na akong pakialam! Mahal ko na yun. Mahal ko na T-Rex ko!!!
Ericko:Repapits. Maistorbo ko lang kayo sandali sa moment nyo. Prof! Eh, kaylangan din nating bumalik sa Bangka .
JC: Anu ka ba? Isa ka pa! Ou napamahal na sa ‘kin yung bangka. Pero sa mga panahong ganito, kaylangan talagang i-give up ang mga bagay na you love the most. Masakit man, we must let them go.(may tumulong luha sa mga mata)
Wino: (humagulgol ng iyak)
Ericko:Eh repapits, pati ba yung time machine i-give up at let go na din natin? Naiwan ko kasi sa bangka eh. Nagmamadali kasi ako kanina, iniisip ko kasi balato agad ni pacman eh. Hehehe.
McJ: (mas malakas ang paghagulgol)
Nhoel:Ot Ericko katanga mo? Sayo na nga inassign yung pagbubuhat nun, iniwan mo pa?
Kim: Kamulala! Ebat.
Jeff: Sa susunod nga wag ka na sasama!
Chet: Tara na nga bumalik na tayo. Nilalamig na ko. Et kasiiiiiiiiii…
Dahil nga sa katangahang iyon ay napilitan kaming balikan ang aming bangka upang doon na lamang sumakay at manatili hanggang sa lumipas na ang malupit na hagupit ng delubyo. At shet, dito lamang kami tutuloy nang higit isang buwan. Ano?! Maghihintay ng pagtila ng ulan? Hahampas-hampasin ng malalakas na hangin at aanud-anudin kung saan-saan? Sa ngayon ay maihahalintulad ang aming kapalaran sa isang dilaw na eks na lulutang-lutang lang sa ilog. Wala nang iba pa! Mabuti na lamang at nakapagtipon kami ng napakaraming pagkain sa bangka na kakasya for life support. Ang tubig ay bottomless dahil ulan naman yan at hindi tubig dagat. Alam ko na ang iniisip mo? Paano nagkasya sa bangka ang mga pagkain? Wag na magtaka dahil hindi naman nakasakay sa bangka at nakatali lang sa gilid? At hindi ba mabubulok ika mo? Hindi din dahil puro buko ang nilikom namin. Kahit isang buwan na ang buko magiging niyog lang ang mga ito. Wag ka nang makulit pa o kung gusto mo eh subukan mo na lang din. Syempre andito ako kaya buko. Ako ang official bukero ng crew.
At tuluyan na ngang bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan, hanggang sa ang lahat ng puno at bundok sa paligid ay lamunin na ng tubig baha. Kahit saan ka man tumingin ay wala ka nang ibang mamamasdan kundi ang napakalawak at tila walang katapusang anyong tubig. Ang sabi nila, kapag daw umuulan ay lumuluha ang kalangitan. Para umulan ng ganito katagal at kalakas, napakatinding suliranin marahil ang dinadala ng langit. Pumikit na lamang ako at binalak na magpunta sa aking happy place nang biglang umalog ang bangka dahil sa kalikutan ni McJohn.
Danny:Hoy McJohn! Ebat kalikot mo?
Chet: Ihulog na nga natin yang lintik na yan.
Kim: Tara dre. (umaktong bubuhatin na si McJohn)
MCJ: Ots sandali lang! Tingnan nyo yun, inam oh, sisiw, lumulutang! Nakatuntong pala sa dahon ang! Teka nga makuha…(dumukwang at inabot ang sisiw)
Nhoel:Lintik ka, aanhin naman natin yan? Sikip-sikip na nga dito, nagdagdag ka pa!
MCJ: Sisiw lang naman!
Franks:Hoy pucha, yaan nyo na. Nakakaawa naman kung hahayaan lang natin na lulutang-lutang yan. Tay o na lang ang pag-asa ng basang sisiw na yan, siguradong hindi sya magsusurvive ng mag-isa.
Kung minsan sa buhay natin, tila katulad din tayo ng basang sisiw na ito na lulutang-lutang sa baha. Isang naliligaw na anak na nangungulila sa pag-aaruga ng kanyang magulang. Nananabik sa init ng kanyang yakap laban sa lamig. Pumipikit ng mariin at umaasang ang dahon na tinutungtungan sa ilalim ng lumalagaslagas na tubig ay maging isa na lamang mapagkupkop na duyan habang masuyong pinaghehele hanggang sa dalawin na ng halik ng pagkaantok. At walang ibang magawa kundi umasa na ang mga taong nagmalasakit at nagligtas sa iyo, ay hindi ka lamang inaalagan dahil umaasa silang makati kim ng fried chicken.
Siksikan sa bangka. Eh ano pa nga ba? Wala kang ibang maririnig kundi murahan, dahil syempre aborido ang lahat. At isa pa, bahagi na rin iyon ng aming buhay. Hindi ka makakatulog nang maayos dahil nakaupo ang lahat. Hindi pwedeng humiga dahil wala namang espasyo. Buti na lang si Wino laging sumasabit, at lalong lumuwag dahil kumakapit si PJ sa kanya. Walang ibang pinagkakaabalahan ang mga poging crew kundi magmuritan na naman. Pahidan ng kulangot, ututan sa mukha sabay tatawa ng malakas. Si Kim ata tinataon pang naghihikab yung dadalihin bago sya umutot para solid na solid. Walang ibang eksenang maganda kundi ganun. Pag nagsawa kakautot eh tanungan ng love life, naku! Lalong sangkatutak na murahan ang madidinig mo sa eksenang ito, kasi naman ay punung-puno ito ng kontrobersya. Kasali na din ako sa pinakamalakas magmura dahil ayon pa kay Chet ay ang kinasangkutan kong pares noon ay isa sa mga naging pundasyon ng mga love team noong high school. Ayaw ko mang aminin ay isa iyong napakalaking karangalan. Halu-halo ang mga ganitong usapan. Mayroong nakakaiyak, nakakatawa, nakakalungkot, nakakapanghinayang, mga ganung tipo ba? Alam mo na. Soooo high school. Kasi andyan na kulitin namin si Nhoel sa ka-love team nyang si MTFO, syempre di naman maiiwasang hindi tamaan sila Kalo at Wino. Andyan sina Kim at _____________ at ___________ at ____________ at _______________ at ______________, teka muna masyadong madameng blank yan at baka umabot na ng umaga eh puro blank pa din ang binabasa nyo dito. Mas mabuti ay wag na nating ilathala ang mga usaping ganito at baka may masira pang mga relasyon at baka kasi manumbalik pa ang mga malagkit na pagtitinginan ng mga karakter na involved sa mga usaping ito at malamang ay hindi pa sila handa na iwaksi ang mga naganap. At kanila pa rin iyong itinatago at pinapakaingat-ingatan sa madilim na bahagi ng kanilang mga nagdadalamhating puso.
Ilang araw at gabi nang walang patid ang pagbuhos ng ulan. Hindi na namin mabilang pa kung ilang araw na ang lumipas sa kadahilanang nahihirapan kaming tukuyin ang araw sa gabi dahil na rin sa sama ng lagay ng panahon. Iyon na sigurado ang pinakamatagal na ulan na aming naranasan. Syempre naman. Napakatagal na ring kulukulubot ng aming mga palad, paa, at scrotum dahil talagang basang-basa na kaming lahat. Isa ngang milagro na wala ni isa man lang sa amin ang dinapuan ng sakit o talaga lamang sigurong sadyang malakas lamang ang aming mga pangangatawan dahil na rin sa aming pagkain ng buko pie, pag-inom ng buko juice, at pagdedessert ng buko salad at bukayo.
Ang namumuong katahimikan noong mga sandaling iyon ay nabasag nang biglang nagpahayag si McJohn ng kanyang mga saloobin at opinyon hinggil sa aming sinapit na trahedya. Ayaw ko mang makinig sa kalokohan nya ay wala din akong magagawa sa kadahilanang dikit-dikit lang kami sa loob ng aming munting Bangka at talagang maririnig mo ang ano mang usapan ng bawat isa.
McJ: Teka lang. Katagal na nating nandito, bakit nagtitiis ba tayo?
Jeff: O sige bumaba ka na loko!
McJ: Tanga, ibig ko sabihin gamitin na natin ‘tong imbensyon ni Prof!
Wino: Oo nga naman, bakit ba hindi natin gamitin ‘tong time machine? Ngawit na ngawit na ‘ko dito sa pagkakasabit ko. Umalis na tayo sa panahong ‘to!
PJ: Oo nga Prof, kadami pa nating piso oh.
JC: Haaaay. Mga inosente kong kaibigan.
Vince:Hindi na pwede yang sinasabi ninyo. Kung pwede pa yan, eh di sana ginawa na natin nung una pa lang tayo napadpad sa panahon na ‘to. Hindi na sana natin hinayaang umabot pa sa ganito.
Wino: Eh bakit nga hindi na pwede? Pakiexplain.
Franks:Dahil huli na ang lahat. Nagmalfunction na ang time machine. Hindi na natin pa maaaring gamitin ito kung kelan lang natin gustuhin. Mayroon lamang takdang panahon kung kelan natin ito mapapakinabangan. Natatandaan nyo pa ba ang kakaibang ingay na nilikha nito? Kapag tumunog lamang nang ganoon ang time machine, ay doon lamang natin ito magagamit subalit hindi pa rin natin makokontrol kung saang lugar at panahon tayo mapapadpad.
JC: Kung pipilitin naman nating paandarin ito at sapilitang maghulog ng barya, ay wala nang mangyayari. Masasayang lang ang mga barya natin. Sa makatuwid, kailangan nating hintayin ang pagkakataong tumunog ulit ang time machine. Iyon lamang ang oras na pwede tayong maghulog ng barya. Kahit sawang-sawa na tayo sa ulan na ito, wala tayong magagawa kundi maghintay lang.
McJ: O sabi sa ‘yo Wino di na pwede eh. Wag na kasi makulit neh! Nagmamarunong ka pa, wala ka pa tiwala kila Prof.
Wino: Ikaw nga una nagtanong eh! Ikaw nag-open ng topic. Meron ka pang “teka lang” na nalalaman dyan. Kala mo naman isang magaling na tao ka.
Dahil nga sa tagal na naming nakatulungko sa maliit na espasyo ay madali na lamang uminit ang ulo ng bawat isa. Kaunting hindi lamang pagkakaunawaan ay nauuwi na sa marahas na sigawan. Subalit ang mga ganoong tampuhan ay parang wala na ring epekto sa amin. Masyado nang madami ang aming mga pinagdaanan upang magtanim pa ng galit sa isa’t-isa. Pagkalipas lamang ng ilang sandali ay ayos na ulit ang lahat at puro na naman tawanan.
Nhoel:O Knock knock!
Kim: Who’s there?
Chet: Peter John Liwanag. Hahaha!
PJ: +@**n//@ ñyo! Ako na naman! Hindi na napanis yan ah!
Chet: Di tulad ng laway mo?
Nhoel:Hahaha!
Kim: Eto bago. Pano nga ba pag inaannounce mga pangalan nung graduation dre?
Chet: Ah, ganito? Sarapao, Paul Weynahm…
Kim: Jamirocquai! (Jaurigue)
Nhoel: Hahaha! Mangayao, Eriko Karlo…
Kim: Sarciado! (Sarceno)
Ericko: ^&**a’$$ mo repapits!!! Ginawa nyo pang ulam ah!
McJ: Hahaha! Nagutom tuloy ako! Sino pa? Sino pa?
Chet: Tayag, Mc John August…
Kim: September! Hahaha!
Chet: Hahaha!!!
McJ: Mga ulul! Hehehe!
Nhoel:Hahaha! O Dres, Marvin…
Kim: …
Chet: …
Nhoel:Ano nga ba kay Vinards?
Kim: Wala. Wala naman talaga si Vinards. Marvin Dres lang talaga. Yun na yun. Simple lang, Marvin Dres.
Chet: Nu nga ba middle name mo Vince? Hahaha!
Vince:Hahaha! Secret!
Nhoel:Hahaha!!!
Puro man kami tawanan ay mababakas pa rin sa mukha ng bawat isa ang pagkainip at talaga namang namimiss na namin ang mapag-arugang init ni haring araw. Dulot na rin siguro ng napakatinding lamig na aming nararamdaman. Dahil sa damdaming iyon ay wala na kaming nagawa, kundi magpadala na lamang sa aming mga kahinaan. Nakakahiya mang aminin ay nagyakap-yakap kami ng pagkahigpit-higpit doon sa aming bangka upang labanan ang nanunuot na lamig na talaga namang nakakapagpatigas sa aming mga kwan. Ang init na dulot ng bawat isa ang nagbibigay ng apoy ng pag-asa sa aming mga maginaw na kapalaran. At ang bawat isa sa amin ay nagsumpaang walang sino man ang makakaalam ng kahalayang naganap noong mga sandaling iyon. What happens in the boat, stays in the boat.
Nang wala na talaga kaming magawa ay nagpakita na lang ng talento itong sila Gail at Ipoy. Magmamagic sila.
Gail: O dre tignan nyo tung daliri ko, tingnan nyong maigi ha, malilipat yan. O one two… uhm! Galing neh? (Ginawa nya yung trick na ipapakita yung dalawang hintuturo tapos pagsasamahin sa isang kamay.)
Kim: p*$%ng nang to! Itulak ata kita sa tubig eh!!!
Jeff: Pabayaan mo na yan dre. Eto ang magaling. Magic to, etong sumbrero ko, may dudukutin akong ibon dito. Awan, atu, awan tu tri... Charan! O galing neh?
Chet: Ba dre. San mo natutunan yan? Puting-puti yang ibon mo ah.
PJ: Huh? Ano kamo Chet? Alin yung maputi?
Nhoel:Tanga yun minagic nya, ibon. Anu-ano kasi iniisip eh!
Danny:Astig ah Poy. Patingin nga baka peke?
JC: Totoo nga. Kagaling ng.
Franks:Pakainin natin. Eto patuka mo ‘to.
Ericko:Anu yan Karl? Dahon? San mo galing yan repapits? Di naman kumakain ng ganyan yang ibon na yan eh.
Sa aming lubusang pagkamangha sa talento ng aming mga kaibigan ay hindi na namin namalayan pa ang nangyayari sa paligid. Tanging si Wino lang ang unang nakapansin sa milagrong nagaganap…
Wino: (nakasabit pa din) Dre, walang kulitaptap!!!! Tumila na ang ulan! Wala na! Tapos na! At mukhang pasikat na yung araw. Tingnan nyo sa banda dun oh. (tumuro at kamuntik nang mahulog sa pagkakasabit)
Danny:Ba ou nga! Ay! Naknam! Nakalipad yung ibon mo Poy, nabitawan ko. Tignan mo nga naman oh, dala pa yung binigay na dahon ni Karl.
JC: Teka lang. Parang pamilyar yung eksenang yun ah? Ay! T@n& in@!!!
MCJ: Baket? Ot kapagmura mo!
Vince:Ikaw talaga McJohn, di ko na ipapaliwanag sa’yo. Pano nyan Prof?
Chet: Ou nga dre. Ots ganon? Tignan mo oh, dun sa direksyon nila boss Noah papunta yung ibon ni Ipoy.
Kim: t@n&n@& yan neh. Ikaw pala may kagagawan nun Poy?
Medyo nagbubunyi ang lahat kahit medyo nakakaasiwa ang eksenang yaon. Di na lubos maisip ng aming mga isip kung sino ang gumawa ng kuwentong kung saan-saan nanggaling ang ibon na iyon dahil si Ipoy pala talaga ang nagmamay-ari ng ibong iyon. Nakakagimbal at medyo kung iisipin ay tumataliwas na ang mga kaganapang nagaganap sa aming lahat sa katotohanang nakagisnan na nating lahat Kung susuriin at iisipin mong mabuti ay wala namang nakapagpatunay ng mga yaon at walang sapat na ebidensya na sumuporta dine.
Lahat kami ay tumingala upang mapagmasdan ang nakapakagandang bughaw na langit na kay tagal naming hindi nakita. Muling nasilaw ang aming mga mata sa napakatinding sikat ng araw na sa wakas ay nabigyan na rin ng pagkakataong maipangaya ang kanyang taglay na kapangyarihan. Isang napakagandang bahaghari ang nakaguhit sa kalangitan. Napakatingkad ng mga kulay nito at ito na marahil ang pinakamagandang bahagharing nakita namin sa buong buhay namin. Napalingon ako kay Karl at napansin kong kahit napakatindi na ng sikat ng araw ay basa pa rin ang mga pisngi nya. Hindi na nga basa sa ulan ngunit batid kong basa ang kanyang mga pisngi dahil sa pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Mga luha hatid ng nag-uumapaw na emosyon na kanyang dinala sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Alam ko pa rin ang sakit na kanyang nadarama at pilit na ikinukubli para sa kanyang namayapang kaibigan. At kahit na ngayong lasap na namin ang tamis ng buhay ay mayroon pa ring kakaibang pait ang kasiyahang ito dahil na din sa katotohanang madami ang mga nasawing nilalang dahil sa delubyong naganap, kung saan kabilang na ang pinakamamahal na T-Rex ni Karl. Ang buhay ay puno ng mga sakripisyo at mga katotohanang mahirap tanggapin. Pero kasama talaga iyon sa buhay at sa pagiging tao. Magiging ganito kaya kaganda ang pagtingin namin sa asul na kalangitan kung hindi namin naranasan ang mahabang pag-ulan? At aming natutunan na kahit ano ka pa sa mundong ito, darating at darating ang larong inihanda ng tadhana para sa iyo. Tumawa ka man, maglungkot, o masiraan ng bait ay hindi ka hihintayin ng bilog na mundo. Ang importante ay ang mahalaga. Mga salitang sa unang tingin ay biro lamang, subalit kung iyong susuriing mabuti ay napakatalinghaga at sadyang makahulugan. Basta unawain lang nating lahat na sa bawat lamig na dulot ng gabi ay sisilip at sisilip din ang araw. Ang dapat lang ay matuto kang bumangon sa umaga.
Hindi pa ako tapos magdrama ay nagparamdam na naman ang lintikang time machine...
Ericko:Repapits! Humuhuni na naman ‘tung alaga ko!
McJ: O ayan, pwede na siguro nyan.
Wino: Hindi na siguro kami mapapahiya nyan.
JC: Karl, lisanin na natin ang panahong ito.
Franks: (nagpunas na ng luha at nakangiting humarap sa amin) Time na.
Tumango na lamang kami at pinantayan ang matamis na pagngiti ni Karl. Nababakas sa kanyang mukha na tanggap na niya ang lahat. Alam na marahil niya na nasa mas magandang lugar na ang kanyang kaibigan. Marahil ay naiintindihan na rin ni Karl ang mabigat na pasanin ni manong Noah, at ang hindi kapani-paniwalang sakripisyo at desisyong pinagdaanan nito.
Jeff: Ano Men, ikaw, ok ka na?
Danny:Ok na. Tayo na.
JC: O Chet? Kailangan pa bang imemorize yan? Alam mo na.
Chet: Ots, Le umaano ka dyan? Tatanga-tanga ka?
Nhoel: Si maano. Makwan ka eh Chet. Nang-aano ka na naman.
Kim: Hahaha! Tara na!
Langhiya, sa buong kuwentong to, bilangin natin ang iringan ng mga ‘to. Nagsaksak na uli sila ng barya, at sa pagkakataong ito ay wala silang imik. Dahil na din siguro ay hindi nila naiibigan ang mga nangyayari. Maya-maya pa ay dumilim na naman ang kapaligiran at senyales na naglakbay na naman kami sa panahon nang bagsak ang mga balikat at ubod nang sigla ang aming katamlayan. Kung saang lugar at panahon kami mapapadpad ay isa na namang palaisipan na paulit-ulit na nagmumulto sa aming mga kamalayan.
Sa isang banda, panatag ang aking loob dahil sa kabila ng lahat ng ito ay kapiling pa rin namin ang isa’t – isa. Sama-sama naming hinarap ang hagupit ng unos. Nan ininiwala akong malalampasan namin nang buong tapang ang susunod na pagsubok na inilathala ng tadhana. Kahit anong balasa pa ang gawin nya, basta’t kasama namin ang bawat isa, pupusta ako. Panalo.
Itutuloy ulit…..
No comments:
Post a Comment