Monday, September 13, 2010

Ikatlong Libro, Kabanata Isa




Noong unang panahon, bago pa ang mga tao, wala pang araw at gabi, at puno pa ng kaliwanagan ang buong paligid, may mga nilalang nang namumuhay sa daigdig. Sila ang mga Talangit at Galupa. Ang mga lalang na ito ang inatasan ng mga bathala upang pangalagaan ang kanilang mga hardin.

Ang mga Talangit ay naninirahan sa mga ulap. Sila ang mga tagapagdilig sa hardin. Kapag sumasayaw sila ay nagbibigay ng ulan ang ulap na kanilang sinasayawan.

Ang mga Galupa naman ay nakatira sa malawak na kalupaan at sila ang nag-aaruga sa mga halaman sa hardin. May kapangyarihang taglay ang kanilang mga tinig at tuwing umaawit sila ay nabibigyan ng init at buhay ang mga halaman.

Nagtutulungan ang mga Talangit at Galupa sa pagpapalago ng hardin at pagpapasaya sa mga bathala. Subalit isang bagay ang sa kanila’y mahigpit na ipinagbabawal. Kahit kailan ay hindi maaring magsama ang mga Talangit at Galupa. Ang mga Talangit ay mananatili lamang sa mga ulap at ang mga Galupa ay mananatili lamang sa lupa.

Mahabang panahon at walang sumusuway sa batas ng mga bathala. Subalit nagbago ang lahat ng masilayan ng Galupang si Araulio ang prinsesa ng mga Talangit na si Bowana. Una pa lamang makita ni Araulio si Prinsesa Bowana ay sadyang nabighani na siya rito. Alam ng lahat na ang prinsesa ng mga Talangit ang pinakamaganda sa lahat. Makislap ang mga mata niya at napakaganda at napakahaba ng itim na buhok nito. Subalit ang talagang bumihag sa puso ni Araulio ay hindi ang kariktan ng prinsesa, bagkus ay ang magiliw at maayang pagsayaw nito. Patuloy niyang minamasdan ang malaanghel na prinsesa na nagsasayaw sa ulap.

Maamo ang mukha ni Prinsesa Bowana habang sumasayaw subalit nagririgodon ang kanyang damdamin. Sadyang mapaglaro ang tadhana dahil ang itinitibok ng kanyang puso ay para sa isang Galupa. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang damhin ang malamyos na tinig ng umaawit na si Araulio.

Matapos ang pag-awit ni Araulio at ang pagsayaw ni Bowana ay nagtagpo ang kanilang mga mata. At noong sandaling iyon ay alam na nila. Nag-iibigan na ang isang Talangit at Galupa.

Kahit na mahigpit na ipinagbabawal ay nagsama pa rin ang dalawa. Lihim silang nagtatagpo sa isang mataas na kabundukan at doon sila nagmamahalan. Pinagkalooban ni Araulio si Prinsesa Bowana ng isang napakagandang perlas at iyon ang naging tanda ng kanilang pag-ibig.

Minsan ay ipinatawag ng mga bathala ang hari ng mga Talangit. Ipinaalam ng mga bathala na umabot na sa kanila ang taglay na kagandahan ng kaniyang anak na si Prinsesa Bowana kaya’t hiniling ng mga ito na magsayaw ang prinsesa sa darating na pagdiriwang. Dali-daling ipinatawag ng hari ang kanyang anak na prinsesa na lubos naman niyang ipinagtataka na kaytagal na niyang hindi nakikita.

Nang dumating ang pagdiriwang ay nagtipon ang mga Talangit sa ulap, ang mga Galupa sa lupa, at ang mga bathala sa kanilang mga trono upang panoorin ang pagsayaw ng napakagandang prinsesa. Umawit ang mga Galupa at nagsimulang sumayaw si Bowana. Gulat at pagtataka ang bumalot sa lahat. Dahil kahit gaano pa kagiliw ang sayaw ng prinsesa ay hindi umuulan, kahit isang patak ay walang inilabas ang ulap na kanyang sinasayawan. Sa lupa naman ay nakatulala din ang lahat dahil si Araulio ay bigla na lamang napaligiran ng mga patay na halaman.

Lubha ang pagkagalit ng mga bathala sa mga kaganapang kanilang nasaksihan. Alam na nila ang nangyari. Nilabag ng dalawa ang batas. Ipinaliwanag ng mga bathala ang kabayaran ng pagsasama ng isang Talangit at Galupa. Ang Talangit ay mawawalan ng kakayahan upang makapagbigay ng ulan kahit na anong sayaw pa nito at kapag umawit naman ang Galupa ay malalanta at mamamatay ang mga halaman sa paligid nito. Sa ganoong paraan nila malalaman kung may sumuway na sa kanila.

Isinumpa ng mga bathala sina Araulio at Bowana upang magsilbing halimbawa sa iba pang nais lumabag ng batas. Si Bowana ay ang naging buwan at ang kanyang mahabang itim na buhok ay sumakop sa buong kalangitan at nagbigay ng kadiliman. Ang kanyang mga makislap na mata ang nagsilbing unang dalawang bituin sa langit. Si Araulio ang naging araw na patuloy na magbibigay init at liwanag sa buong daigdig. Subalit ang pinakamasaklap sa lahat ay kahit kailan ay hindi na sila maaring magsama pa. Tuwing sisikat ang araw mula sa silangan ay mawawala ang buwan sa langit at babalik lamang ito sa paglubog na ng araw.

Lumipas ang panahon at dumami ang mga bituin sa langit. Katunayan lamang ito na marami pa rin ang sumunod sa yapak nina Bowana at Araulio. Patuloy ang paglabag ng mga Talangit at Galupa sa batas upang pagbigyan ang kanilang mga puso at umibig.

…Sinasabing napaloob sa perlas na inialay ni Araulio kay Bowana ang kapangyarihan ng bawat Talangit at Galupa na umibig at lumabag sa batas. Kung saan na napunta ang perlas na ito ay walang may alam. Sadyang mahiwaga ang perlas at sinasabing ang sino mang magmay-ari nito ay magtataglay ng hindi mapapantayang kapangyarihan…

-Mga Kwentong Barbero mula sa Masagana Barber Shop





Inihahandog
ng
Sharky Studios
ang
Ikatlong Aklat
ng
Hugtungan Series






HUGTUNGAN ELEVEN
IKATLONG AKLAT, KABANATA – ISA

“Magandang Ulan”

Kailangan natin ang bawat isa. Kailangan natin ang ating kapwa para maramdaman nating buhay tayo. Para makasigurado. Makatiyak. Dahil kung minsan, iniisip natin na ang makaramdam tayo ng kahit anong emosyon mula sa kasiyahan hanggang sa kalungkutan, ay ang tanging katunayan na nabubuhay nga tayo.

Ang pinakamalungkot na tao sa buong mundo ay iyong taong nag-iisa. Iba ang kalungkutang dala ng pag-iisa. Walang katuwang, karamay. Walang kasama. Kahit sino sa atin, ayaw maranasan ang kalungkutang hatid ng pag-iisa. Kaya ang ginagawa natin lumalapit tayo sa iba, nakikisalimuha, nakikihalubilo, hanggang sa makabuo na ng mga relasyon, planado man o hindi sinasadya. Gagawin natin ang lahat maisalba lamang ang sarili sa malamig na sumpa ng pag-iisa. Hindi ba't mas masarap naman talagang tumawa kapag may kasama ka? At hindi na ganoon kapait ang luhang dulot ng kalungkutan kung may balikat kang nasasandalan at may kamay na humahaplos sa iyong likuran. Subalit may mga pagkakataong nasasaktan tayo ng mga relasyon na iyon, mga relasyon maging sa ating pamilya, kasintahan, o mga kaibigan, at tayo na mismo ang humahanap sa pag-iisa at umaasang aarugain tayo ng kalungkutang taglay nito. Pero umasa ka man nang umasa, hindi mangyayari iyon.

Laman pa rin ng isip ko si Ipoy. Paano kung hindi naman pala sila talaga ni Frances ang para sa isa’t-isa? Paano kung iwan din siya nito?... Tulad ng…tulad ng pag-iwan namin sa kanya… Anong gagawin ni Ipoy sa lugar at panahong iyon na katumbas ng isang mundo ang layo sa amin? Paano na siya? Nag-iisa.

Sa paglitaw ng kapaligiran at panibagong panahong aming kinabibilangan ay agad akong nagmasid. Mataas ang sikat ng araw at sariwa ang hangin. Sa dami ng mga nagtataasang puno, mga samu’t-saring damo at mga halamang karamihan ay hindi ko alam ang mga pangalan, siguradong nasa gitna kami ng isang kagubatan. Nagsimula akong ipahayag ang aking nararamdaman.

Danny: Anong gagawin natin? Si Ipoy…
Marvin: Kelangan nating makabalik sa panahon na ‘yon. Kelangan nating balikan si Ipoy.
Chet:   Prof, may mga adjustments pa ba tayong pwedeng magawa sa time machine para makabalik dun?
JC:        …
Gail:     Dre… (Hinawakan sa balikat si Prof.)
JC:        … Hindi na. Malabo na tayong makabalik pa dun.
Eriko:  Pero Prof! Baka pwede pa nating maayos yung time machine, pagtulungan nyo ni Karl.
PJ:        Tutulong din kami sa kahit na anong paraang pwedeng makatulong.
Karl:    Alam kong mahirap tanggapin pero wala na sa kontrol natin ang time       machine. Kung may mga adjustments pang magagawa, noon pa sana namin ginawa ni Prof yun para noon pang una ay nakabalik na agad            tayo sa tamang panahon.
JC:        Kapag pinilit nating pakialaman ang settings malaki ang tiyansang masisira lamang ito nang tuluyan at pati tayo ay ma-stuck na lang sa   kung saang panahon or much worse sa isang empty space o isang void.
Karl:    99.99% ganun ang mangyayari. Masyadong mataas ang risk.
JC:        Guys, nagdesisyon na si Ipoy na magpaiwan.
Noel:   Pero…
JC:        Nagdesisyon na din tayo nung hulugan natin ng mga piso ang time            machine.

Kokontra pa sana ako. Ganun na lang ba yun? Hindi ko pa rin matanggap na wala na kaming magagawa. Pero may tama din si Prof, nakapagdecide na kami nang isa isa kaming maghulog ng piso. Wala na rin naman kaming choice eh di ba? Oo alam ko. Nararamdaman kong mali ang ginawa namin. Dahil sa lahat ng bagay ay mayroon kang choice. Siguro, natatakot lang akong tanggapin na ang maling choice ang pinili namin. Husgahan mo kami kung gusto mo. Dahil pinili naming magpatuloy kahit na…kahit na kapalit pa noon ang aming kaibigan.

 Binalot kami ng malamig na katahimikan matapos ang munting pulong na iyon. Tulad nga ng sinabi nina Karl at Prof, napakaliit ng chance na muli pa naming makikita si Ipoy. Imposible na kung tutuusin dahil kung pagbabatayan ang mga lakbayin namin sa panahon ay hindi pa kami kahit minsan napadpad sa isang specific na lugar at panahon nang dalawang beses. Gayunpaman, marami pa ring bagay na inakala naming imposible ang nagkaroon ng katuparan sa aming paglalakbay na ito sa panahon. Hindi ba’t si Chet ay inakala naming pumanaw na subalit muli siyang nabuhay at heto siya ngayon sa piling namin. Noong minsan pa ay nagkaroon kami ng mga kakaiba at extra ordinaryong mga kapangyarihan na naging sandata namin sa aming pakikibaka upang maibalik sa normal si Gail na noon ay naging isang pinya. Kung mayroon ngang mga bagay na imposible dito sa mundo, mayroon din namang mga himala upang gawing posible ang mga iyon. Dahil nga doon, patuloy pa ring nakasindi ang isang kandila ng paniniwala sa aking puso na nagbibigay kahit kaunting liwanag ng pag-asa na minsan pa ay muli naming masisilayan ang aming mahal na kaibigan.

Ilang segundo pa lamang ang aming nagugol sa pagtingin-tingin sa paligid ay bigla na lang nagpipisag si Kim na tila isang isdang nalulunod sa lupa. Nakita namin na punung-puno pala ng nagpupulahang langgam ang kanyang kasuotan. Dali-daling pinagtatanggal ni Kim nang walang maliw ang bawat piraso ng kanyang suot. Isang kolonyang hantik na ata ang sumalakay sa kanya, at sa sobrang pagtatarang ng aking matipunong kaibigan ay buong pwersa siyang napasandal sa isang kawayan. Sa lakas ng impact ay nagawang mabiyak ang nananahimik na higanteng damo. Sa paghihiwalay ng dalawang parte nito ay dinig na dinig ang paglagigtikan at kasabay  niyon ay unti unti nitong nahawi ang mga nagtataasang iba’t-ibang sari ng damo na nagbigay daan upang mailantad ang kabilang ibayo…

Isang nakakatulalang eksena ang biglang naganap. Kaganapang talaga namang nakakapagpatulala…

Sa kabilang panig pala ay may tropa ng hunters. Isang hukbo ng mga katutubo ang lumitaw sa aming mga harapan. Nagkagulatan. Nagulat kami pero halata din ang pagkagulat sa kanila dahil sa panlalaki ng kanilang mga mata na kagulat-gulat na nakapako sa saplotless na katawan ni Kim.

Sa isang mabilis na sandali ay dinakip nila si Kim at hindi man lang kami pinansin. Hindi man lang nakapalag si Kim dahil abala ang dalawang kamay niya sa pagtakip at pagprotekta sa kanyang nakabulaslas na ari. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, wala rin kaming nagawa upang mapigilan sila. Napakamot na lang ako sa ulo. Matinding problema na naman.

Pagkaalpas ng estado ng pagkagulat ay nang sandaling iyon lang rumehistro sa akin ang kaanyuan ng pangkat ng mga katutubong kanina ay nasa harap namin. Kulot ang mga buhok sa ulo, may kaliitan ang kanilang height, at may kaiitiman ang kutis. Armado ang mga tulisan ng matutulis na palaso at ang tanging kasuotan lamang nila ay mumunting mga bahag. Kung iisipin ay para silang isang pulutong ng mga eta. Iyon talaga ang unang pumasok sa isip ko dahil kung paano ang pagkakalarawan sa mga eta sa mga aklat ng Araling Panlipunan ay ganung ganun ang hitsura ng mga katutubo.

Kung tama ang teorya ko, nakabalik na kami sa Pilipinas pero sa kasamaang palad, sa maling panahon pa rin. Syempre naman.

Medyo nakaramdam ng panibagong bugso ng langit ang aking buong katauhan nang dahil sa ideyang kami ngayon ay nasa sariling bansa na. Pero bakit ba langit ang naisip ko? Madalas itong gamitin upang ilarawan ang pag-asa. Hindi mo naman maramdaman man lang o mahipo kahit kapraso ng langit. Isa lamang itong hangganan ng iyong paningin. Pero siguro kahit di natin mahawakan ang kalangitan, lagi lang iyang nandyan sa taas, hangganan man o hindi ng iyong paningin ay hindi yan mawawala, hindi para ipamukha sayo na hindi mo siya kayang hawakan, bagkus ay magsisilbing hamon upang iyong palawakin ang iyong sarili at wag maubusan ng tibay ng loob para ika’y magpursigeng abutin ang walang kapantay na langit datapwat alam nating aabutin tayo ng mahabang siglo upang masuklay ang ating mga pangarap. Iyon marahil ang sinsimbolo ng bughaw na kalangitan…

Ops, bakit may tanong ka bigla? Pano kung gabi na, de wala nang simbolo ng pagpupursige? Madilim syempre dahil gabi. Kung iyon ang naiisip mo ay hayaan mong ipaalala ko sayo ang magiting na buwan at ang milyon milyong tala sa nagdudumilim na kalangitan, hindi man sasapat upang mapaliwanag ang gabi ay  magsisilbi itong sulo sa taong nahihirapan sa kadiliman. Mistula isang gabay  at direksyon sa mga nilalang na nawawalan ng patnugot patungo sa pagbubukang liwayway…

Lumilipad na naman ang aking isipan, ang walangya, maliit na tirante na nga lang napakahilig pang  maggala…

“Enough is Enough!!!”

Di ko alam kung bakit nadinig ko na naman yung mga katagang yun. Huling sumamyo sa talulot ng aking tainga ang himno ng pariralang iyon ay nung nasa asignatura kami ng Open Forum nuong kasagsagan ng matindi tinding hidwaan na namagitan sa pamilya ng IV-Only. Hindi ko sigurado kung magiging mahinay ang  taong nagbulalas ng mga kataga kung aking babanggitin ang tunay na kadahilanan niyon kaya mas mainam ay panatilihin na lamang nating misteryo ang lahat. Gayunpaman, di natin maiwasang papanariwain ang nasabing insidente palibhasay nagsilbi itong tila isang milyahe sa yugto ng buhay ng ating pamilya… Seryoso ang naging usapin nang panahon na iyon, kahima’t wala ang kaibigan nating si Gail duon pagkat siya ay nakaratay sa ospital. Di ko alam kung bakit, basta na lang niya dinala ang kanyang self sa emergency… Siguro’y ayaw nyang makita siyang umiyak sa harapan ng lahat… Sa anu’t ano pa man, wala din atang nangyari sa forum na iyon dahil bigong dumatal ang mga pahayag ng kabilang panig sa isa… Ipagpaumanhin po sana natin ang kakulangan ng tumpak na detalye sapagkat atin pong iniiwasan ang magbangit ng eksaktong mga pangalan dahil na din sa pangambang ito ay maging sanhi pa ng pampublikong kaguluhan… Binabalak ko pa sanang sabihin na umiyak ata ng malakas si There nang tangkang humingi na paumanhin kay Lele, pero wag na lang siguro…
           
Mas pinilit kong umalala ng mga magagandang nakaraan, yung nakakapagdulot ng masayang pakiramdam. Isang announcement lang ang katumbas ng ganun, “Wala tayong pasok sa Lunes”, pero hindi pede yung, “Wala tayong pasok bukas!” Kasi baka Biyernes nang mag announce kaya mabubusit ka lang… Biyernes… araw kung saan masipag pumasok si Chet, si Kim at si JC. Erh, sige na nga pati ako na din, may kadahilanang lingid sa lahat kung bakit ganun na lamang ang taas ng interes ng mga damuhong ire pag sasapit ang biyernes. Pasensya na pero di ko sasabihin.. pero pag sinuhulan siguro ako ay magawa kong bitawan ang halos isang dekadang sikreto.

Lalawig pa sana ang layo ng distansya ng paglalakbay ng walang kaukulan kong kaisipan nang harinahin ang aking eardrum sa sigaw ng aking mga katabi…

Wino:  Oo na! Oo na! Oo na! Kelangan na natin iligtas si Kim!
McJohn: Oo nga, pano kung Hannibal pala yung mga yun.
Wino:  Hannibal? Baka cannibal, yung kumakain ng tao!
McJohn: Bakit kumakain din naman ng tao si Hannibal ah!
Noel:   Tama na yan, sundan na natin sila.
Lester: Teka, kain muna tayo? Nakakita ko ng mga nuts oh? Masarap to.
Danny: Ba, napanuod ko na to ah. ‘Di ba yan din yung mga butong pinakain          mo sa ‘min nung andun tayo kila Luz? Nung nangunguha tayo ng mga kahoy para sa gagawing bench sa garden?
Marvin: Ou ayan nga yun, kung di ko sinabing nakakalason yan baka napano        na kayo nun…
Gail:     Lintikan ka Les, wag kang basta pulot nang pulot ng kung anu-ano baka     anung kababalaghan pa mangyari sayo…

Gusto kong humalakhak pero alam kong hindi wasto kaya pinili ko munang tumahimik at pinauna na sila…

Madali naming natunton ang dapat naming tahakin dahil mayroong landas sa gubat na talaga yatang dinadaanan ng mga tao. Nagsimulang mag-agaw ang liwanag at dilim at inabot din kami ng takipsilim sa paglalakad. Mula sa hindi kalayuan ay natanaw namin ang pumpon ng mga ilaw at lumaro sa aming mga pandinig ang kakatwang tunog ng mga tambol mula sa tila isang pamayanan sa gitna ng gubat.

Palapit kami nang palapit sa nayon at palinaw din nang palinaw ang imahe sa aming harapan. Maliit lamang ang naturang nayon tulad ng inaasahan ko. Ang mga bahay ay simple pa sa pinakasimpleng kubong nakita ko. Sa gitnang bahagi ng munting nayon ay naroon ang isang bon fire. Nakapaligid doon ang mga mamamayan, may ilang may hawak ng mga sulo, ang iba’y sumasayaw sa saliw ng mga nagtatambol at nagkakantahan, at mayroon namang nangakaupo lang at nanonood. Isang pagdiriwang o kung anong seremonya ang nagaganap. Nagkubli kami sa isang ligtas na sulok at tahimik na nagmasid. Hindi pala tahimik kasi nagdaldalan pa sila.

McJohn: O ayan na ‘Nam! Sabi ko sa ‘yo kumakain ng tao yung mga yun eh.
Wino:  Bakit na naman?
McJohn: Di mo ba nakikita yan? Hinahanda na nila seremonyas para lutuin si       Kim. Ayun o laki ng apoy sa gitna. Hintayin mo, ilalabas nila si Kim nyan           nakabitin sa kawayan tapos may mansanas sa bibig.
Wino:  Oo nga Mc, parang naniniwala na ko sa ‘yo.

Oo nga at walang kwenta ang usapan ng dalawa pero kahit paano ay napaiisip din ako. May posibilidad nga naman ang sinasabi nila. Sa dami na ng napagdaanan namin, may mga mas kakaiba pang bagay kaming nakasalamuha kumpara sa mga taong kumakain din ng tao. Sa pagkakataong ito, dapat na naming i-consider na pwedeng mangyari ang lahat ng bagay.

Chet:   Oo nga, para sa kanila kakaibang nilalang si Kim na ngayon lang nila         nakita. Hindi nga malayong baka na-curious sila kung anong lasa ni Kim.
Marvin: Sa tingin ko nga kanina sa mga hunters na yun eh parang talagang          nangangaso sila at naghahanap ng hayop na maiuuwi dito sa nayon   nila.
Noel:   Oo nga pero wala naman silang ibang nahuli eh, si Kim lang. Masyado      siguro silang na-excite kaya wala na silang hinuling mga hayop. Si Kim na        nga uulamin nila ngayong gabi.

Bumenta na nga sa ‘kin yung usapan nila Wino at McJohn, ginatungan pa nitong mga walanghiyang ‘to. Mas lalo pa tuloy akong kinabahan. Kawawala lang ni Ipoy, hindi ako papayag na may mawala na namang isa sa ‘min! Hindi ko kakayanin! Bigla akong napatayo at magtatatakbo na sana ako at maghahamon ng away pero nakakadalawang hakbang pa lang ako ay pinigilan na ako ni Prof.

JC:        Hoy Danny aano ka?!
Danny: Hindi ako papayag na kainin nila si Kim! Tara manggulo tayo dun!
JC:        Ano ba pinagsasasabi mo dyan?
Danny: Eh sabi nila…

Paglingon ko ay halos maggulung-gulong na sa kakatawa ang mga unggoy kong kaibigan. Napagkaisahan pala ako ng mga mokong.

McJohn: Yootssss naniwala agad. HAHAHAHA!!!!
Lester: Tara Men! Sugod! BWAHAHAHA!!!!
Danny: P*&^%G>a  Ny0!!!
PJ:        SSshhhhh!!! Baka mahuli tayo.
Eriko:  Dan umupo ka na nga dito.
Gail:     Hindi ako papayag na makain si Kim!!! Bwahahahahaha!!!!!
Karl:    Hoy tama na muna yan, ayan na may magsasalita na yata dun oh.

Hiyang-hiya na nga akong bumalik at naupo sa aking pwesto. Pero dinig ko pa rin ang hagikgikan at ramdam ko pa rin ang panginginig ng kanilang mga balikat dahil sa pigil na pagtawa kaya dinagukan ko na ang mga damuho at nagsimula na kaming makinig sa nagtatalumpati sa hindi kalayuan. Yari sila kapag inannounce nga nito na kakatayin nila si Kim.

????:    Mga kababayan, mga kapatid, guys, may I have your attention please?

Tumigil ang musika, tumahimik ang mga tao, at bumaling ang lahat sa nagsalita na nasa ibabaw ng entablado. Inisip ko na ang nagsalita siguro ay ang Master of Ceremonies ng naturang programa. Iba ang pananamit niya kung ihahambing sa ibang mga tao sa nayon. Mas makulay ang kanyang bahag at may mga layers pa, mayroon siyang tungkod na may kung anu-anong dekorasyon at mga palawit, at mayroon pa siyang headgear na pinagtatampukan ng iba’t-ibang uri ng balahibo ng mga ibon. Either siya ang kanilang pinuno o talaga lamang mayroon siyang mas mataas na fashion sense kumpara sa ibang mga taga nayon. Hawak na niya ang atensyon ng lahat, pati na rin ang sa amin.

????:    Ang katuparan ng propesiya ay naganap na. Ang mga sugo sa atin ni         Bathala ay narito na. Let’s all welcome Malakas at Maganda!

Pagsampa nina Malakas at Maganda sa stage ay sinalubong sila ng walang patid na masigabong palakpakan at hiyawan ng mga tao. Bakas ang pagkamangha sa mukha ng bawat isa.

Hindi ko alam kung naaangkop sa pagkakataon subalit hindi ko napigilang mapangiti sa eksenang patuloy naming tinutunghayan.

Pagsampa pa lang sa entablado ay kitang kita ang kutitap ng mga ngipin ni Kim dahil sadyang nakabuka ang kanyang mga labi dahil sa nag-uumapaw na ngiti sa kanyang mukha. Medyo nakakalito dahil sa ganong tagpo ay talagang pawang napakasaya ng aming kaibigan.
                       
Subalit di na hinayaan pa ng pagkakaton na ako’y makapag-isip at pinasilay na sa amin ang sanhi ng abot batok na ngiti ni Khrinsly…

Sumunod na umakyat sa stage ang nangalanan ng Emcee na si “Maganda”. Talagang angkop nga ang pangalan nya. Agad alam mo na, siya nga ata yun… Nakakalitong di ko maintindihan dahil sa sobrang kapamilyaran ng wangis ng kanyang kapilas.

Karl:    Ah…
Eriko: Eh….?
PJ:        OA guys ah. Ou maganda siya pero… AH!!!!

Nalilito kaming lahat at di namin alam kung aparisyon o kung dalisay ang aming mga paningin. Isa lang ang paraan para makumpilan ang mga haka-hakang namumuo sa aming mga isipan. Iyon ay ang makalapit sa tanghalan ng mga katutubo.

Danny:Hindi maganda to. Walang mangyayari kung pananatilihin nating  nagtatanong na lang tayo kung siya nga yun o hindi.
Noel:   Eh ano ba kelangan nating gawin?
Chet:   Pano tayo lalapit dyan? Kadami nilang sibat? Ayoko nang magbuwis pa     ng buhay…nakakarami na ko senyo.
JC:        May naisip akong paraan. Pero sana walang personalan ah… Rek, baka     pede ka magpanggap?
Eriko: Magpanggap na ano?
JC:        Konting effects lang naman kailangan natin eh. Dumihan lang natin           mukha mo…. Tsaka sibat… Para makalapit ka sa crowd ng hindi          nadedetect? Ano sa palagay mo?
Eriko: Ayos lang, kaso malalaman pa din nila kasi wala akong bahag?
Karl:    Ou nga Prof, makikita nilang kakaiba si Kalo sa suot nya, o kung     maghubad naman eh lalong mahahalata…
Wino: Ay sayang! Nasauli ko yung bahag na pinahiram sakin ni Samson dati…
PJ :       <napahagikgik>
Gail:     Ots napapano ka na naman?
PJ:        Eh kasi eto oh!!!! Hmmmm, aroma…
           
Inilabas ni PJ ang nakabalunbon na bahag na kanya palang kinulimbat sa belongings ni Samson, sa tagalog, sa ari-arian ni Samson.

PJ:        Ayoko sanang ilabas to dahil collectibles item sana, pero kinakailangan ng pagkakataon kaya heto, gamitin nyo na…
Eriko: Patay tayo dyan…

Wala nang nagawa si Kalo kundi isuot ang mahiwagang bahag. Kumpleto na ang get-up nya kaya sabay sabay namin siyang itinulak papunta sa kapisanan ng mga katutubo…

Sa isip ni Eriko: Sana wag akong mahalata at mahuli, kundi baka sumikat ako      dito at baka ipahuli pa ako ng mga babae dito at gawin nilang         katipan. Bwahahakhakhak…. Ba, malapit na ko sa stage, kinakabahan        ako ah… Di ko mawari kung ano dapat kong maramdaman o ano una   kong maiuusal pag natiyak ko ngang siya ang babaeng ito… Bahala  na…

Di namalayan ni Eriko na nasa unahan na sya ng pulutong at tutukan na siya sa entamblado.

Eriko: <kitang kita ang paninigas ng panga dahil nastuck ata at nanatiling            nakabukadkad>

Sa orihinal naming pwesto ay di kami mapakali dahil halatang-halatang hindi man lang nagpapakita ng kung ano mang senyales ng buhay si Kalo…

Lester: Sundan ko na kaya?

Hindi namin nagawang pigilan ang maigsing naming kaibigan sa pagpasyal sa tumpok ng publiko.

Agad siyang nadakot ng isa sa mga katutubo at itinali sa isang kawayan na pormang lilitsunin. Nagkasaya ang mga malapit sa kanya at tuluyan na siyang binuhat papalapit sa entablado na tila iaalay ata sa mga panauhin. Ayan na nga ba sinasabi ko eh, talaga nga yatang trip kumain ng tao ng mga katutubong ‘to, eh pati si Lester na walang sustansya pinatulan eh.

Lester: Aahhhh!! Walangya kayo!!! Ibaba nyo ko dito, <ngunit biglang nahinto      ang palahaw ni Elster nang tutukan na ang distansya sa kanya ng            palaisipang babae….>

????: Magiting na Malakas, marikit na Maganda!!! Sadyang napakabait ni            bathala at sinabayan pa niya ng alay ang inyong pagdating!!!

Maganda: Wag po tayong masabik. Wag nating galawin ang munting nilalang.    Siya ay isang kaibigan… Di ba Lester?

Wala na… Dahil sa kanyang masamyong tinig ay nakumpirma na naming lahat ang kanyang katauhan… <yung may crush sa kanya nung high skul, di na mapaliwanag yung saya sa mukha nila… parang yung si Malakas na nasa stage> <kaya pala si Kalo di na nakagalaw dun>

Lester: Lorraine!!!! Iligtas mo kow….



Itutuloy…..

Disclaimer:
Sinadya ng mga may-akda na sa kahit na simpleng paraan ay makapagsalarawan ng isang ehemplo upang mapaglabanan ang ano mang suliranin. Subalit, sa ating kanya-kanyang paraan ng pag-iisip, maaari ninyong makitaan ng mga bagay kung saan ay hindi kanais-nais sa iyong pananaw, gayong napakatamis naman para sa iba. Sa makatuwid ay magagawa ng artikulong ito na mapag-isip at mahamon ang inyong malikhaing kaisipan. At kung sakali mang magkagayon ay ikaw ay inaanyayahan ng mga may- akda upang sundan ang aming pahina sa Facebook(Hugtungan Series) at doon ay ilagay ang iyong mga mungkahi at itaas ang kung ano mang katanungan ang namumuo sa likod ng iyong mapaglarong imahinasyon…




No comments:

Post a Comment