“Boto mo Ipatrol Mo”
Karamihan sa mga pinagsasasabi ko, mga kakaibang pananaw ko lang sa buhay. Mga ideyang naglalaro sa isipan ng isang tao sa isang specific na sandali sa kanyang buhay. Hindi ko sinasabing gawin mong gabay ang mga kuru-kuro ko o mamuhay ka sa pamantayan ng mga ginintuang aral ko. Gawin mo ang gusto mong gawin at isipin mo ang gusto mong isipin. Ang gusto ko lamang ay maglimos ng kaunting sandali ng oras mo upang makapakinig ka sa mga kahibangan ko.
Hindi ko maintindihan pero parang isang napakahirap na bagay sa ating mga tao ang makinig. Yun bang talagang makinig. Ang itigil ang lahat ng tumatakbo sa ating isipan at makinig lang.
Bilang isang tao mayroon ding kapasidad ang mga emosyong maaari nating itago at ikulong sa ating mga sarili. Ang nag-uumapaw na sakit ay inilalabas natin sa pamamagitan ng pagluha. Ang labis na kasiyahan na hindi na makayanan ng simpleng ngiti lamang ay ating itinatawa. Kanya-kanya tayo ng paraan kung paano makitungo sa mga samu’t-saring emosyon na bumubuo sa ating mga pagkatao. Kinikimkim natin ang sama ng loob. Nagtatanim tayo ng galit. Tinatanaw natin ang utang na loob. Inililihim natin ang pag-ibig. Nagpapakalunod sa alak. Naghahanap ng away. Nagsusulat ng awit o tula. Nagkukulong sa kwarto. Kumakain ng up to sawa. Naliligo sa ulan. Nagbubunot ng buhok sa kili-kili. Nagkukwan at nakikipag-anuhan.
Sooner or later, mapupuno tayo. Gumagawa ng paraan ang ating katawan upang ipahayag ang ating damdamin nang walang paalam sa ating sarili. Maririnig na lang natin ang ating sariling biglang kumakanta. Magugulat na lang tayo sa mga salitang lumalabas sa ating mga bibig. Hindi natin alam kung saan galing ang tapang na ipinamamalas natin. Mararamdaman na lang nating sumasakit na ang ating mga kamao dahil sa kasusuntok pala sa pader.