“Boto mo Ipatrol Mo”
Karamihan sa mga pinagsasasabi ko, mga kakaibang pananaw ko lang sa buhay. Mga ideyang naglalaro sa isipan ng isang tao sa isang specific na sandali sa kanyang buhay. Hindi ko sinasabing gawin mong gabay ang mga kuru-kuro ko o mamuhay ka sa pamantayan ng mga ginintuang aral ko. Gawin mo ang gusto mong gawin at isipin mo ang gusto mong isipin. Ang gusto ko lamang ay maglimos ng kaunting sandali ng oras mo upang makapakinig ka sa mga kahibangan ko.
Hindi ko maintindihan pero parang isang napakahirap na bagay sa ating mga tao ang makinig. Yun bang talagang makinig. Ang itigil ang lahat ng tumatakbo sa ating isipan at makinig lang.
Bilang isang tao mayroon ding kapasidad ang mga emosyong maaari nating itago at ikulong sa ating mga sarili. Ang nag-uumapaw na sakit ay inilalabas natin sa pamamagitan ng pagluha. Ang labis na kasiyahan na hindi na makayanan ng simpleng ngiti lamang ay ating itinatawa. Kanya-kanya tayo ng paraan kung paano makitungo sa mga samu’t-saring emosyon na bumubuo sa ating mga pagkatao. Kinikimkim natin ang sama ng loob. Nagtatanim tayo ng galit. Tinatanaw natin ang utang na loob. Inililihim natin ang pag-ibig. Nagpapakalunod sa alak. Naghahanap ng away. Nagsusulat ng awit o tula. Nagkukulong sa kwarto. Kumakain ng up to sawa. Naliligo sa ulan. Nagbubunot ng buhok sa kili-kili. Nagkukwan at nakikipag-anuhan.
Sooner or later, mapupuno tayo. Gumagawa ng paraan ang ating katawan upang ipahayag ang ating damdamin nang walang paalam sa ating sarili. Maririnig na lang natin ang ating sariling biglang kumakanta. Magugulat na lang tayo sa mga salitang lumalabas sa ating mga bibig. Hindi natin alam kung saan galing ang tapang na ipinamamalas natin. Mararamdaman na lang nating sumasakit na ang ating mga kamao dahil sa kasusuntok pala sa pader.
Kung minsan, hahanapin mo ang isang kaibigan, isang taong handang sumalo sa lahat ng sama ng loob mo sa mundo, sa mga poot na nagpupumilit nang lumabas mula sa iyong naghihingalong damdamin. Nariyan lamang siya sa tabi mo, at hindi mo alam kung ilang minuto o oras ka nang naglilitanya tungkol sa mga problema mo pero ang mahalaga ay kahit paano ay gumagaan na ang pakiramdam mo at alam mong kahit gaano pa kababaw o kabigat ang suliranin mo ay narito ang kaibigan mo na magsasabing, “Ok lang yan. Magiging maayos din ang lahat.” , kahit na hindi naman talaga. Kahit kunwari lang. Basta ang importante ay naroon siya sa tabi mo at nakikinig.
Pero minsan, nangyayari din na matapos tayong magshare ng mga sama ng loob natin, paglingon natin sa kaibigang tahimik na nakaupo sa tabi natin, makikita nating nakangiti ito at nagtetext lang pala at walang ideya kung ano ang mga pinagsasabi mo nung nagdaang oras. Kaya kung minsan, hindi mo rin masisi ang ibang tao kung gusto na lamang nilang sarilinin ang kanilang mga problema at hayaang lamunin nito ang buo niyang pagkatao. Tatayo na lamang tayo na nakatikom ang mga kamay at hahanapin ang unang pader na gustong makinig sa ating mga kamao.
Ayan. Kung anu-ano na naman pinagsasasabi ko. Hoy! Ano bang iniisip mo? O ano, nakikinig ka pa ba sa ‘kin? Maraming kapahamakan sa buhay ang maaari nating matamo sa hindi pakikinig. Halimbawa…
“Baba na.”
Hindi ko alam kung bakit walang epekto sa ‘min yun.
“Guys let’s go.”
Nangagsitayo na at isa-isa nang nagbabaan sa building ang ilan sa mga kasama namin pero ang karamihan ay wala talagang pakialam. Patuloy lang kami sa kung ano man ang pinagkakaabalahan namin.
Nakapamewang na siya sa may pintuan. Kami naman, abala pa din sa kanya-kanyang aktibidades. Si Eriko at Marvin naglalaro ng chess. Pinapanood sila ni PJ habang galit na galit na yung group leader nila na si Maria Therese dahil hindi na naman sila bumisita sa garden nila kaya yun, tuluyan nang ginulo yung nakasalansang mga piyesa. Wala tuloy nagawa si Kalo kundi mapaluha, kawawa naman. Sa harap naman, sa tabi ng table na nagsisilbing stage ng classroom pag may dramarama o patalastas na ginagaya tuwing tatamarin ng konti ang gurong BenZayb ay makikita ang network ng J4MAICKA, di ko alam yung spelling, pero alam mo na din naman agad kung sino sino mga yan, nanay pa nila si Bebang..(Ou si Teltel yun, di ko alam bakit Bebang. Si Kim lang nagpauso nun, siguro dahil na din sa traumang inabot namin sa kanya. Mapapansin mo nga kahit vacant period basta malapit si Teltel nakataas mga kamay namin, nakaready nang panangga sa kung ano mang pangmamaltratong tulad ng sapito, batok at hampas ng libro o notebook na kadalasan ay yung mismong spring pa ang kakalatok sa ulo namin, nagugulat tuloy ang iba, akala bell na…) Si Lester at Mark Tayag nasa isang sulok at nagbabasa ng xerex. Sila Joy, Mae-Ann, Ireen at Rona at ang buong Guardians tuloy pa din sa malalakas na pagtawa, kay aga aga anu naman kaya ang chika nila… Si Hermes at Big di mo makikita sa umaga, laging andun sa garden, o kami yung di nila nakikita dahil madalang pa sa buhok ko sa kili-kili ang pagpunta namin sa hardin. Ang Blooming Society naman tahimik lang na nagkukwentuhan habang nagmamasid-masid lang sa kung anu ang mga kaganapan, nawiwirdohan siguro sila sa mga asta namin. Si Chet naman dinidikit yung album cover ng cd ko ng guns n’ roses sa pinto ng locker namin. Si Kim busy sa pagguhit ng mga nakacosplay na ari ng lalaki sa likod ng kwaderno ko. Si Prof nasa harap at naglelecture gamit ang likod ng isang illustration board na may periodic table of elements habang mataimtim naman na nagno-notes sina Wino at Ipoy. Si Viterbo padating pa lang at di na tumuloy, may nakita yatang di namin nakita, nasalubong si Karl na masunurin, pababa na pala. Si Lele gumagawa ng mga laway balloons. Kami naman ni Gail naghahati sa isang fox’s candy.
Walang anu-ano, biglang dumilim ang paligid at humambalos sa amin ang malakas na sampal ng hangin. Natagpuan namin siyang nakatayo sa may pintuan at mistulang magkapatid na kidlat ang kanyang mga nanlilisik na mata.
“Everybody go downstairs!!!!”
Ayan na, dun na kami natauhan. Matalim na ang tingin nya. Madilim na ang mukha at umuusok na ang ilong. Naglitawan na yung ugat sa leeg niya sa sobrang galit at sa lakas ng pagsigaw nya.
“One! Two! Three! Four!....”
Kasabay ng bawat bilang ni Lorraine ang malakas na pagkalabag niya sa pinto. Kung may time ka pa na pagmasdan sa mga sandaling yon ang mga itsura namin malamang hindi maipinta ng kahit sinong pintor o mailarawan ng sinumang makata ang takot at state of panic. Kasunod ng pagtupad ng aming morning session ay pagbagsak ng libu-libong dahon ng aming pagkakasatan. Sa totoo lang, hindi ko alam kung hanggang saan umaabot yung pagbilang niya kasi sa maniwala ka’t sa hindi, nasa Four pa lang yata, nandun na agad kami sa ground at naka-hands forward na para sa flag ceremony. True story.
Ngayong hawak ko na ang atensyon mo, ito na ang sumunod na nangyari…
Lester: Lorraine!!!! Iligtas mo kow….
????: Kilala mo siya?
Lorraine: Opo kilala ko siya. Pati itong nasa harapan na ‘to. Eriko bakit nakatunganga ka dyan? Tsaka yung mga yun oh. Hoy boys at the back!!!
Sa pagbulyaw ni Lorraine na iyon ay sabay sabay ang paglingon ng mga audience ng munting palatuntunan patungo sa aming direksyon. Bahagyang gumaan ang aking loob dahil naisip kong hindi naman siguro namin kailangan talagang magtago at wala naman talagang panganib. Hindi naman siguro kami ieexpose ni Lorraine nang ganoon kung magdudulot iyon ng kapahamakan. Nangagsikilos na kami palapit sa kanila sa magiting na pangunguna ni Karl.
Pagdating namin sa may front row sa tabi ni Eriko ay naglaho nang lahat ang mga pagdududa. Si Lorraine nga ang aming nasa harapan. Natuwa akong makita siya subalit hindi pa rin magawang lunurin ng aking galak ang mga panibagong tanong na umusbong sa aking isip. Bakit nandito siya? Paano siyang nasangkot sa lakbaying ito? Isa rin ba siyang abenturero ng kapalaran na tulad namin? Kung ano pa mang adhika ang nakapaloob sa tagpong ito, wala sa amin ang may alam. Gayunpaman, hindi pa rin nagpaawat ang damdamin ng mga kaibigan ko upang enjoyin ang moment.
Noel: No no, no no. Once, we had it all for the taking, love was just me and you, You better think twice, about the plans that you’re making….
Bigla na lang umakyat sa entablado si Lele at nagkakanta kaalinsabay ang malanding paggiling niya na di naman iniwan sa ere nila Wino at Kalo, pati na din si Gail kahit na hindi niya aminin ay enjoy na enjoy sa malastod na pagkembot. Dala na din siguro ng kanilang emosyon kaya nila nagawang ipamalas ang pinakatatagu-tago nilang mga alindog. Marahil ay natulungan rin ng presensya ni Lorraine ang pagsariwa sa kanilang alaala ng kalantungang kanilang ipinamalas noong sila ay nangampanya nung minsang kumandidato sila sa ating paaralan. Ano na nga ba ang tawag dun? Supreme Student Council ata. Basta yang makasaysayang dance number lang ang aking naaalala sapagkat talaga namang tatayo ang lahat ng pwedeng tumayo sa ‘yo sa tindi ng emosyong kanilang naipapahiwatig. (Halimbawa: balahibo). Kung sa sayawan nga lang sana ang napagbasehan ay siguradong mas madami sana ang nakuha nilang boto, subalit sa kasamaang palad at buong kamay ay hindi naging hiyang sa madla ang tandem na Wino-Lele bagamat nasungkit man ni Kalo ang pwesto sa konseho, sa pangkalahatang partido ay nalampaso pa din.
Noel: I don’t need nobody. Anyone could take your place but you, no no, no no, I just couldn’t fall for any one new. Nobody but you… (lyrics ay naisangguni kina Dr. Wikipedia at Prof. Google)
Masigabong palakpakan ang ibinigay ng taumbayan. Kahit ‘di nila naintindihan ang kanta ay nasiyahan pa din sila sa natatanging bilang ng aking mga kaibigan… Woohooo!!! Clap clap clap….
Ang pangyayaring naganap ay isang napakagandang ilustrasyon kung saan kahit anong sakit ay panandalian mong makakalimutan basta may mga pilyo kang kaibigan… Sinadya man o hindi ang pag-aaliw nila sa iyo ay hindi na importante sapagkat may mga tagong bagay talaga dito sa mundo na hindi mo kayang bigyan ng ngalan at bigla na lang magpapangiti sa ‘yo, kahit panandalian lang. J
Lumilipas ang sakit. Kahit ano pa yan o kahit kagaano pa katindi. Ang kailangan lang ay panahon at dedikasyon. Tulad ng karamihan sa mga kabanata sa ating buhay, sa bandang huli, choice pa din natin kung ano ang mararamdaman natin. Sa’yo nakasalalay kung ngingiti ka o sisibangot. Bakit hindi mo subukang piliin ang maging masaya kaysa ang mag-inarte sa sakit na wala namang nagagawa kundi padilimin lang ang kili-kili mo? Hindi man umubra sa unang subok, tiyak isang araw, sa hindi mo inaasahang pagkakataon, magugulat ka na lang dahil wala ka na palang nararamdamang sakit pa, kasiyahan na lang. Bakit? Duh! Dahil iyon ang pinili mo. Sometimes happiness is not just achieved by chance, but also by choice. Imbentong kasabihan ko lang yan. Hindi ko alam kung tuwid o baluktot ang kasabihan at pagkakapaliwanag ko, ikaw na ang bahalang magpasya. Choice mo yan.
Hindi ko sigurado kung ako lang ang mistulang nakalimot na sa mapait na sinapit ni Ipoy, pero sa inakto ng aking mga kaibigan ay di ko mapigilang isipin na pati sila ay pinili na rin ang maging masaya. Nakalulungkot mang isipin subalit ang liwanag ni Ipoy ay tila unti-unti nang naglalaho sa aming mga puso. Anong klase kaming mga kaibigan?...
Matapos ang malagkit na pagtatanghal at dala na rin marahil ng lukso ng aming mapupusok na damdamin, nagdiwang kami sa anyo ng isang group hug bilang isang paggunita sa aming matagumpay na performance. Walang malisya, isang momentos lang na selebrasyon, parang pag nakaiskor ba sa volleyball. Yung sa totoong volleyball, hindi yung beach volleyball sa simyento pag intrams kung saan star player si Pedok.
Pagkabitaw namin sa mahigpit na pagkayakap yakap ay tig-iisang batok ang aming natamo mula kay Raine…
Lorraine: Kayo talaga, puro kayo kalokohan. Sa ganitong situation biruan pa din ang inaatupag niyo?
Kim: Ganun talaga Rollaine. Eh aanu kang mag-emo mode kung wala din namang mangyayari…
Chet: Ou nga, pero Kim, ots ‘di mo burahin yang kakaibang ngiti sa mukha mo?
Lorraine: Naku, kanina pa nga ganyan yan nang madinig niyang tinawag siyang Malakas ng tribo, ni hindi ko nga nakausap kanina dahil feel na feel ang pagiging Modelo niya sa mga taong yan. Ang dami ko pa namang gustong itanong…
Karl: Ou madami din akong gustong itanong sayo eh…este kami pala…
Gail: Nangangabulol ka? Tsaka wag ka naman masyadong obvious dyan, tumitig ka din sa iba.
Danny: Ganyan talaga. Napag-ibig. Sinibat ni kupido malamang.
PJ: Dan, sibat na ba ang gamit ni kupido ngayon? Ang pagkakaalam ko kasi pana eh?
Daniel: Hirap namang maging tama, it’s all words with you pipol… Understatement pag pana kasi ang sinabi ko, mas akma ang sibat, mas malaki. Estimahin mo ulit yang itsura ni Karl? Sapat ba ang pana ni kupido para ilarawan yan?
McJohn: HAhahaha!!!! Bistado…
Karl: Ba!!! Di lang naman ako ah… Tingnan mo si Lester, kala mo tutang napaamong kumakawag pa ang tail. Hehehe…
Wino: Patay tayo diyan…
JC: Malamang nga. Pero bago natin problemahin ang mga yan, Raine, pano ka napadpad dito? Ilan araw ka na namamalagi? Totoo bang natutulog agad ang mga eta pagkatapos kumain?
Lorraine: Anu ba naman yang mga tanong mo? ‘Di ko din alam kung pano ako napunta dito. Sa tagal naman, siguro two days pa lang… Ang alam ko kasi nasa bora kami ni Tere… Magkasama kami kaso, naglibot ata sila sa ilalim ng dagat, nagpaiwan ako, tapos bigla na lang kayong pumasok sa isip ko, next thing I know, dumilim ang paligid, pagbalik ng liwanag eh, andito na ko sa gitna ng tropang ito… Gulong gulo ang isip ko kaya nga nang makita ko si Kim, gusto ko nang tanungin, kaso… Tingnan mo naman…. (tinuro sa background si Kim, nakapamewang at binabandera ang hubad na pantaas na bahagi ng katawan).
Karl: O wag kang malungkot dyan. Hindi bagay sa isang magandang gaya mo ang may pedestrian lane sa noo. (Teka parang yung nangyari lang din sakin yun nangyari sa kanya, pareho kami ng naexperience sa pagpunta dito… Nagkataon lang kaya? OMG… May pag-asa pa ang tadhana! Harharhar).
Marvin: Para sa ikaliliwanag ng lahat…
PJ: (umextra) Ops, wag niyo nang ibagsak ang punchline ng apelyido ko at masyado nang palasak…Corny na…Redundant!
Chet: Si paranoid… Ge para sa ikaliLIWANAG ng kaisipan ni Rollaine, Peter John paLIWANAG mo na…Hehehe.
Natawa din kami kahit masyado na ngang corny ang joke. Minsan nangyayari naman talaga yun sa amin eh. Kahit hindi naman nakakatawa yung joke eh tatawa pa din. ‘Di pa naman kami nasisiraan ng ulo, pero ewan ko din…Hehehe.
Pagkayari ng konting tawa eh, isinalaysay na nga kay Raine ang mga kaganapang naganap…. Lumungkot na naman ang.
Kay Raine na lang din namin kinuwento, alam mo na din naman di ba? Parang nung kay Karl lang. Pero kung hindi mo alam, basahin mo na lang ulit sa yahoo groups o kaya sa http://hugtungan.blogspot.com/. O kung tinatamad ka, ipakwento mo sa iba… At tutal naman nakasindi na din computer mo, at naka log-in ka na sa FB (wag ka na ngumiti dyan, alam na namin style mo) bisitahin mo na din facebook page natin (Hugtungan Series) at magkomento ka dun. Hi nga pala kay Tintin, nagpapabati.
Alin mang daan, sinalaysay na nga namin kay Raine yung mga nangyari mula pa dun sa mga nauna pa sa unang Hugtong.
Lorraine: So yan pala ang may kasalanan. (sabay turo kay Eriko)
Eriko: Ah, Raine wala akong alam diyan!
Wino: ‘Di ikaw, yang nakabackpack sa likod mo.
Eriko: Itong time machine ba? Wag niyo na sisihin, nangyari na ang nangyari.
JC : Tama si Kalo, walang lugar ang sisihan. If you want to be the best…
Mcjohn: Ba tong, sa lahat na lang inaapply mo yan ah. Hehehe.
Lorraine: Kung palipat lipat na kayo ng panahon, anung ginagawa niyo? Inaantay niyo na lang na sana tumama na ang susunod na panahon ng lilipatan niyo?
Marvin: Eh wala din naman kaming ibang choice kundi ganun ang gawin.
Lorraine: JC, Karl? Wala na ba talaga? Parang may hindi kayo sinasabi?
Karl: (namula) Ha? Wala akong tinatago, uhm, eh kasi, ergh, alam mo naman na yun di ba?
JC: Anu ka ba Karl? Hindi yun! Stay focused… Ilapag mo muna ang mga paa mo sa lupa… Ebat kasi… Siguro nasa tamang oras na din… Guys, may isang bagay na hindi ko sinasabi sa inyo.
Wino: Huwaat? How dare is you!!! Hehe acting lang.
Lester: Si epal naman, pabayaan mo muna si Prof…
JC: Sa totoo lang, pede pa nating imodify ang time machine, subalit hindi 100% na gagana nga ng ayon sa ating inaasahan. Kailangan lang natin ng kakaibang uri ng pilak, pilak na sa Pilipinas lang matatagpuan. Yung klase na nakikita ko nung mga bata pa tayo. Yung kala mo kumakatas na ebs pag tag-ulan? Kung di mo magets kung anu sinasabi ko, siguro iba lang ang tawag sa lugar niyo. Pero sure ako nakita niyo na ang ganung klase ng lupa. Mailalagay natin siya sa machine, di ko maipaliwanag sa inyo sa paraan na maiintindihan niyo eh. Pero ganito isipin niyo, kung baga sa Firefox, Add-on….
Marvin: ‘Di ba may ganun din naman sa ibang bansa? Bakit sinabi mo pang sa Pilipinas lang meron?
JC: Oo meron nga ng ganung pilak sa karatig nating bansa, pero iba yung nandito sa atin, iba ang komposisyon kahit pareho sa itsura ng nasa iba. Tsaka para kasing may ebs talaga yung andito sa atin. Inilihim ko sa inyo dati ang tungkol sa teorya kong iyon dahil ayaw ko kayong bigyan ng false hope at hindi ko naman inasahang mapapadpad na lang tayong bigla sa Pinas. Sorry guys… I should have known better…
Lester: Asus! Ok lang yun Prof.
McJohn: Oo nga, bawi ka na lang next time. Hehehe.
Gail: Salamat sa paliwanag Prof. So ang dapat pala nating gawin ngayon eh hanapin na lang muna natin yang pilak na yan, kesa naghihintay tayo ng huni ng makina?
Chet: Sa makatuwid, chance point na pala natin ‘to. Hangga’t nandito tayo, kailangang mahanap na nga agad yan. Hindi pa naman natin sigurado kung hanggang kelan tayo dito.
PJ: Tama. Kahit na 0.01% lang ang madagdag sa chances natin, gawin pa rin natin. It’s worth a shot.
Eriko: Ganun na nga repapips. Mas maganda magtanong na din tayo sa mga tao dito, sigurado ko alam nila yun.
Noel: Kim, itanong mo na sa mga bata mo kung may napapansin silang ganung klase ng pilak?
Kim: Hahaha!… De lumapit din kayo kay Kim Malakas!….
Danny: Siiii… Ganun lang lumalaki yung ulo….
Kim: Si ingget…Ge na nga itanong ko na… (lumapit sa tribo)
Kim pa din: Ah, manong pinuno, may itatanong sana ko eh. May napapansin ba kayong kakaibang lupa dito sa lugar niyo? Kulay dilaw, tapos matigas pag maaraw, malagkit na basa naman pag umuulan?
????: Ah naku may ganyan ngang lupain dito. Subalit wala nang sino man ang nagpupunta sa lugar na yown…
Kim: Alam ko na, sasabihin mo masyadong mapanganib?
????: Haha, ikaw nga talaga ang aming tagapagligtas. Alam mo na kaagad ang panganib.
Kim: (Alam na daw ika. Eh kahit sino mahuhulaan susunod niyang sasabihin eh. Either mapanganib yung lugar or matae. Pero mas mataas yung odds ng mapanganib, eh kasi kahit sa Matae Street may mga dumadaan pa din eh.) Ok manong kahit mapanganib, saan ang lugar na sinasabi mo?
????: Kailangan mong tahakin ang daan kung saan unang dumadampi ang mga kamay ng mahiwagang bolang apoy sa langit. Ngunit ang panganib ay dahil sa kailangang suungin ang malawak na tubuhan… Yun ang dapat na malagpasan, bukod sa napakakati na ng mga dahon ng tubo, napakadami pang mababangis na hayop ang nakakapagkubli sa likod nito…. Bakit mo nga pala ito naitanong sugo?
Kim: Kailangan kasi naming makakuha ng sample ng lupang yun, gagamitin lang namin.
????: Aalis ka?
Kim: Ou, kaya nga “namin” eh. Si tulinag.
????: Hindi maari!!! Mga kaberks!!!
Bigla na lang naghuromentado ang kausap ni Kim at sa isang iglap ay napalibutan si Kim ng mga tauhan nila. Kung eestimahin eh nagalit ito nang marinig na aalis siya. Mukhang magiging problema pa ang pagiging Malakas ng damuho kong kaibigan. Pero di bale, gaya ng nakaambang panganib sa‘min na dulot ng tubuhan na sinasabi ng matandang kala mo ermitanyo sa pagsasalita, eh yang problema, pwede mong ihalintulad sa katayuan ng mga tubo. Ang lahat ng problema ay tulad ng dahon nito, sa una puro kati at galos ang hatid ngunit pagdating ng anihan ang makating dahon ng tubo ay maglalaho pero ang tubo ay mananatiling matamis…
????: Hindi ka pwedeng umalis na lang nang basta Malakas. Kailangan mo munang tapusin ang nakatakda mong gawin para sa aming lahat.
Kim: Pero may kailangan din akong ayusin na sarili kong problema.
????: Kahit na. Basta hindi mo kami pwedeng talikuran na lang nang basta basta.
(May humangos na isang nilalang mula sa nakapalibot kay Kim at may ibinulong sa pinuno.)
????: Sa aking nakikita ay tila hindi ka papayag na manatili dito kahit panawan ka man ng hininga. Ayaw ko namang magkagayon at masasayang ang iyong kakisigan.
Ganito na lang. Kukuha kami ng isa sa inyo at magpapaiwan sa aming tribo at malaya na namin kayong papaalisin…
Kim: Hindi maaari!!!
Gail : Ou nga hindi mamari.
Wino : Magsabong na tayo dito. Patay na kung patay.
JC : Teka. Mag-isip muna tayo.
PJ : Wag tayong magpadalos dalos.
Lorraine: Wag niyong daanin sa init ng ulo. Magmeeting tayo kung ano ang dapat gawin…
Chet: (Wag daw sa init ng ulo ika, alam niya kale yun….)
Noel: (Ou nga neh dre? Eh nun siya dati hangang college building ata rinig pag sumigaw siya.)
Danny: (Ebat di niyo mo ilakas mga sinasabi niyo…hahaha!)
Chet: Si tuleg!!!
Lorraine : Yes Chet? May idea ka na agad?
Chet: (Naknamp…) Ah wala, eto si Danny oh, tingnan mo nakatawa na.
Lorraine: Mukhang maganda ata naiisip ni Danny at maganda ang ngiti.
Danny: (Lintik ka Chet, nanlaglag ka na naman.) Wala man ako idea, nangiti lang ako, erh, (Mali, pag ganun pala may dahilan.) magbotohan na lang tayo!!! (Ah. Ano nasabi ko?)
Noel: (Loko dre, anu na naman yang mungkahi mo?)
Chet: (Si hindi mapag-isip. Pag ikaw yun naboto bahala ka, magiging bida ka sa Gods must be crazy.)
Danny: (Eh nataranta ko eh… Parang di mo naman alam yung pakiramdam pag kinkompronta ni Rollaine… Ikaw nga dyan nagturo lang.)
Lorraine: Hmmm. Bulungan na naman kayo, siguro nagpaplano na kayo kung sino ang iboboto noh? Kung ganyan, Manong, baka pwedeng bigyan niyo kami ng sapat na panahon para mapag-isipan kung sino ang ipapaiwan namen?
????: Sige papayag kami. Sa susunod na pagsulpot ng dambuhalang perlas sa langit, magtipon tayo sa lugar na ito upang ibahagi na ninyo ang inyong napagpasyahan…
Kim: Kelan na naman yun? Ot ba di mo sabihin ng maayos?
????: Bukas ng gabi.
(insert theme…)
Tumingala ako sa langit. Humakbang ng ilang ulit. Bumagsak ang mga dahon, ngunit ayaw umawit ang mga ibon. Maggagabi na. Madilim na ang paligid, nagsisilbing lampara ang binuhay na apoy sa gitna ng tribo na napapalibutan ng mga sulo… Pordeperstaym, gusto kong tusukin ang mga mata ko upang di mamulat sa katotohanan. Napakahirap ng pagpapasyang aming gagawin. Kailangang iboto ang isa sa mga kaibigan mo para maiwan. Napakasaklap at ubod ng tinding hirap ng mga kinahihinatnan. Halos magiba ang building blocks ng puso ko na parang domino. Kung meron lang sanang alak dito ay nakapagtayo na ng bowling alley sa dami ng bote ng alak na malalaklak dahil sa pagkatuliro, para sa gaya ng lahat ay makinabang sa pasamantalang amnesia na dala ng alcohol. Kaduwagan man ang turing ng ilang kala mo magiting na mga nilalang ay ayos lang, sana ay magkaroon pa ng kaunting oras para hanapin at buuing muli ang sarili. Ngunit sadyang malupit talaga ang pagkakataon, wala nang nakapagsalita, ni kaluskos ng dila walang nagpamalas. Lumubog na ang araw at nalalapit na ang pag-usbong ng nagpapanggap na liwanag ng isang mapanglaw na buwan. Bago pa man kami maubusan ng oras at tuluyang mag game over ay kinuha na ng president ang pagdaluhong sa aming kagipitan…
Lorraine: Guys, its time na. I know mahirap, but we have to do this. (kumuha ng sulo) It’s time to cast our votes. Ayoko mang gawin pero dahil ako ang class president, kailangan kong pangunahan ang botohan, you see, ang hirap ng pagiging class president? Andito na din lang ako sa harap kaya ako na ang unang boboto. Kumuha na din kayo ng kanya kanyang sulo, hindi dahil ginagaya natin ang survivor, kundi dahil madilim at baka di nyo makita ang inyong isusulat. And nga pala, isulat niyo din ang two qualities na naisip nyo sa taong isusulat niyo. Parang nung hi skul? Sa isang scratch paper nga lang tapos ipapaikot sa buong klase? I know you have a lot to say, kaya paliparin nyo lang sa buwan ang inyong mga feelings… Ang buwan ang inyong kausapin, about sa reason ng inyong decision…
Nailimbag na ang unang balota. Anong nasa isip ni Lorraine at minamadali niya ang bagay na to? Nakatungo lang kaming lahat nang matapos ang pagboto niya. Sino na ang kasunod? Nagimbal ang mundo ko nang banggitin ni Lorraine ang dalawang salitang halos ayaw kong naririnig sa mga pressure packed situations nung hi skul…
Lorraine: Alphabetical order na lang ang botohan. O yung una pumunta na dito.
“Alphabetical Order.” Parang unti-unting umikot ang paligid habang tila alingawngaw na paulit-ulit kong naririnig ang mga lintik na salitang iyon. Anak ng Shark!! Teka, di pa ako handa. Wala akong kalaban-laban. Ebat kasi asan na si Barrometer? Tsaka anu na naman yang naisip ni Lorraine na magsusulat pa meraw ng mga katangian, eh nobenta porsyento naman ng nilalagay dyan “mabait”.
Di tuloy maiwasang bumalik sa aking alaala nung ginagawa ng buong klase ang ganyan, napagaya ako kila Mc John. Nagreready na ng mga papel, sinulatan na ng “mabait”, tapos lalagyan na lang ng extra ayon sa pangalan ng matatapat. Haisz, tao nga naman, lahat may taglay na Parkesine,(tanong mo kay Dr. Wikipedia kung anu yan) o kadalasan mas matindi pa dyan. Sana Pasko na lang araw-araw, mababait lahat ng tao kahit labag sa kalooban ng iba, at least mabait pa din. Teka bakit nga ba napasok ang Pasko dito? Langya, kung sa bagay medyo may kalamigan kaninang umaga, dahilan para magrosaryo ka muna bago maligo. Sa tantya ng lamig ay siguradong Disyembre na sa tunay na mundo at malamang ilang tulog na lang at Pasko na. Kaya kung maaari lang sana ay wag muna kayong matulog para madelay muna ang Pasko. Kahit di akma sa paksa, di maiwasang magmuni muni na naman ako, syempre lumapag sa ulo ko ang ideyang “magpapasko”. Astig isipin pag magpapasko na sa klase, dyan na babasagin ang alkansyang pinaghirapan mo, nating lahat: ang koleksyon ng MWF… Ayos nga naman, madaming papremyo sa palaro, school supplies swakto kasama ang isang pad na papel na mababalewala din dahil alam ng lahat kung sino ang mananalo, may crosshair ka automatic pag resume ng klase, “Penge namang papel, nanalo ka nung xmas party di ba?” Kaya mas mainam na di ikaw ang makakuha ng papel na yun, kasi kahit ubos na ikaw pa din ang hinahanap… Syempre meron ding mga palabas. Sino ba naman ang makakalimot sa big performance ng ating magiting na boy band, na habang kumakanta ang mga magagaling na bokalista eh naiwang mag-isa si Gail sa pool, ang t@*ga, pinagkatiwala sa min ang kanyang short, ayun tuloy kailangan niyang manatili sa ilalim ng tubig, kung hindi ay magpapakita si Felix, at ayaw nating mangyari yun. May picture pa nga ata, ewan ko sino na nakapagtago. At ang taon taon na alay na sayaw ng IV-Only dancers na nagpasikat ng mga kantang “Oops T – Q! Your Mama too and your Daddy!”… Meron din ba tayong exchange gift nuon? Di ko yata maalala… O siguro hindi lang talaga ako sumasali? Kasi ako ata yung tipo ng tao na hindi nagreregalo sa Pasko, o kuripot lang tayo, hindi naman, maswerte pa nga ang mga inaanak ko at ginagampanan ko ang tungkulin ng isang magaling na taga payo - priceless… Wish ko nga lang sana talented mga inaanak ko at mas maintindihan nila ang mga payo ko kesa sakin.
“Kapow!!!”
Tila may ligaw na bala ang humaging sa bandang tainga ko, dahilan para manumbalik ang aking ulirat. Pagbalik ng aking nilay ay tumambad sa akin ang galit nang si Lorraine at humaging na pala sa akin ang umaapaw niyang aura. Dahil sa haba na naman ng paglalakbay diwa ko ay nakalimutan kong kanina pa pala niya ako pinapalapit at ako nga pala ang unang boboto… What the Duck!!! Bahala na nga….
Ganito ang naging proseso ng pagboto. Bubukod ang boboto mula sa grupo upang mapanatiling lihim ang kanyang boto, isusulat ito sa kaprasong papel at isisilid sa palayok. Nagsimula sa akin, Canlas, dadaan kila Franco at Mangayao, hanggang sa makaabot kay Mc John August Tayag. Bakas sa mukha ng bawat isa ang labis na pagkabalisa dala ng wala talagang may alam ng gagawin. O baka naman nagkakamali ako, baka nag-usap usap sila nang lingid sa aking kaalaman at bumuo sila ng alyansa. At baka napagkaisahan na ‘ko ng mga walangya! Pero, hindi naman siguro. May tiwala ako sa kanila. Alam kong hindi kayang sukatin ng kaprasong papel lamang ang nabuo naming samahan. Kung ano man ang sinulat nila, alam kong nasa pinakamabuting interes iyon ng bawat isa. At sana din maunawaan nila ang itinala ko sa aking balota. Nang matapos na ang botohan, muli na namang nagsalita si Raine.
Lorraine: Ngayong nakaboto na tayong lahat, I think it’s time para malaman na natin kung sino talaga ang weakest link na maiiwan dito sa tribo.
Biglang nagpatugtog ng suspense with excitement theme ang katribuhan gamit ang kanilang mga katutubong instrument…
Napapikit ako nang mahalukay na ni Raine ang unang piraso ng papel. Naisip ko na parang nuong hi skul lang din ito. Kumbaga open forum. Masasabi ang mga hindi gusto sa iba, pero ang pagkakaiba lang, maaalay ang pinakapopular na pangalan. Open Forum? Minsan sanhi pa ng lalong di pagkakaunawaan, gaya ng mga naiwan pang papel sa loob ng palayok ay malamang magbigay labok sa aming samahan. Dahil nga doon, gusto ko na sanang agawin mula kay Lorraine ang sinumpang sisidlan at itapon na lang ito upang hindi na namin matuklasan pa ang mga nakapaloob dito. Kung ano man ang sinulat ng aking mga kaibigan, katotohanan man o gawa gawa lang, nakakasakit man o nakakatuwa, importante man o walang katuturan, parang ayoko ring malaman.
Lorraine: Ang unang boto…
Tinakpan ko ang mga tenga ko. Ayaw kong makinig.
Itutuloy….
Trivia: Ang salitang “kili-kili” ay limang beses nabanggit sa kabanatang ito. Kahit bilangin mo pa. Pero ‘di ko alam kung bakit mo gagawin yun. Kung hinanap mo pa at binilang ang bawat kili-kili sa kabanatang ito ay humingi ka na ng tulong. May problema ka.
No comments:
Post a Comment