IKATLONG AKLAT, KABANATA – TATLO
“Sisirin ang Sirenang si Sirina”
Journey, ops teka, hindi ito yung grupo o banda kung saan si Wino ang naging bokalista. Ito yung “paglalakbay”. Dumating na ba sa buhay mo ang pagkakataon kung saan mas nakakaexcite ang maglakbay kaysa sa ano pa man? Yun bang maglakbay lang at di mo alam kung saan patungo at kung saan ka hahantong? Di mo magets? Ako din eh. Ewan, gusto ko lang ipahiwatig na mas gusto kong tumakbo ang buhay ko nang di ko alam kung ano ang destinasyon. Ikaw ba? Pumapayag ka ba na ang lahat ng nangyayari sa araw araw mo eh naitalaga na ng kapalaran at wala ka nang magagawa upang pigilan ito? Naniniwala ka ba na ang mga guhit sa iyong palad ang magsasabi kung paano ang magiging takbo ng buhay mo? At ang posisyon ng mga bituin sa langit noong pinanganak ka ang magdidikta kung anong klaseng tao ka? Hindi rin siguro. Dahil sa mga nasaksihan mo’t natutunan(ehem, ur welcome) sa aming mga pambihirang pakikipagsapalaran eh alam mo nang walang anumang pakuhulugan ang salitang kapalaran. Contradicting ba? Sinasabi kong hindi kami naniniwala sa kapalaran pero heto kami at nagpapatangay sa agos? Siguro depende na lang yan sa pagkakaintindi mo sa salitang kapalaran at sa pagkakaunawa mo sa aming journey.
Ilang beses na naming nasalungat ang anumang kaganapang sadyang dadating. Napakainam ding lasapin sa isang araw ng nakakayamot mong talambuhay ay may isang bagay o kaganapang kagyat na lamang sosorpresa sa ‘yo. Isang ehemplo yung insidenteng naganap noong minsan sa asignaturang Filipino. Si Sir Benzayb, pagpasok na pagpasok, umupo na dun sa may sulok habang may nakasampay na good morning towel sa balikat nya. “O yung magrereport pumunta na sa harap.” Enough said. Understood na yun. Tapos na akong magreport nuong nakaraang araw pa kung saan binasa ko lang yung maliit na pamphlet ng Noli, napagalitan tuloy ako…. Si Kim na ngayon. Kaya siya yung nasa harap ngayon at namigay kanina ng mga ¼ sheet na may mga nakasulat na tanong tungkol sa report nya at itatanong namin mamaya pagkatapos nya. Ou, scripted. Ganyan ka din naman eh. Isa yan sa mga munting sabwatan ng IV-ONLY. Yung report nya, Kabanata III "Ang Hapunan". Sa pagkakaalala ko, ito yung scene na nagsasalu-salo sa dinner na inihanda ni Kapitan Tyago sila Padre Damaso, Padre Sybila, Doña Victorina, Ibarra at iba pa. Dinikit na niya yung visual aids nyang manila paper sa board, ang gara, may ganun pa. Matapos basahin ni Kim yung buong chapter, pinaliwanag nya yung significance ng ulam na Tinola na pinagsaluhan ng mga karakter. Pero di pa man nya naibabagsak yung magagandang salita, bigla na lang sumabog ang galit ni Ginoong Benzayb. Napundi siguro kasi naman habang nagtatalumpati si Kim sa harap, umaalingawngaw sa background ang hagikgikan ng magagaling kong kaklase. Itago na lang natin sila sa mga pangalang Mae-Ann, Pedok at Irene. Bigla na lang sumigaw si Sir. Surprise! Pilit silang pinapunta ng galit na galit na guro sa harapan at saka inutusang duon tumawa ng malakas. Hahaha! Kung ikaw yung isa sa tatlo, makakatawa ka pa ba? Kung ikaw naman yung naiwan sa upuan at pinagmamasdan sila, makakatawa ka ba o maaawa sa kanila? Kung feel mo matawa, pasensya ka dahil di ka pedeng tumawa dahil malamang unang senyales pa lang ng halakhak mo o bagya pa lang umaalog yung balikat mo dinadampot ka na ni Benzayb at isasalang sa entablado… Eto ang sinasabing ilustrasyon kung saan yung boring na talakayan ng Noli eh napunta sa exciting na episode ng LOL, dito din naimbento ang LOL, yung sabi eh tatawa ka nang malakas eh sa totoo di naman pala. LOL. True story… Teka, meron bang isa sa inyo ang tunay na nag-eenjoy sa talakayan ng Noli? Seriously? Buti pa yung Florante at Laura na pinagtampukan nila Tere at Marvin kahit pano napukaw ang nakatagong kiliti ko eh. Pero tsaka na yun, ibang istorya na yun.
Nagtataka ka siguro kung bakit ko na naman sinasabi to eh wala naman tong kinalaman sa bahagi ng naudlot na kwento? Mali ka, meron din… Bawat isa sa atin gumamit na ng paraan para lang makaiwas sa mamanis manis na reyalidad ng buhay, yung iba alak, woops teka lang, taympers, mabuti pang wag na ko magsabi ng mga halimbawa baka maban pa tayo. Huwag mo na ring pagtakhan kung bakit gusto kong lumayo sa katotohanan… Yung palayok.. teka… ayoko pang buma.. lik.. argh…
Lorraine: Ang unang boto…
Sunud-sunod ang pagbuntong hininga ni Lorraine… Parang nauubusan siya ng hininga. Di ko alam kung anung gagawin ko. Di ko naman madinig kung ano ang sinasabi ng iba dahil tinakpan ko ang mga tenga ko… Subalit mababatid mo sa ekspreyon ng mukha ni Raine na nahihirapan din siya…
Naniningkit ang kanyang mga mata habang nakatitig pa din sa nakatiklop na piraso ng madilim na papel. Napapikit ako nang ipagkaloob na niya ang pangwakas na buntong hininga, yun bang pinakamalalim sa lahat at pinakamahaba... Senyales na nakapagdisenyo na siya ng kapasyahan… Tumahimik ang buong paligid at ang tanging naririnig ko na lamang maliban sa mabilis na pagtibok ng aking puso ay ang pagputok ng mga gatong sa munting dapog na aming pinalilibutan. Walang kumikibo. Walang umiimik. Hindi ko alam kung ano ang magiging bunga ng mga nakasulat sa papel na iyon sa aming pagsasamahan. Hindi ko sigurado kung ito ay isang bakol lamang sa daan na kayang-kaya naming hakbangan o ito ba’y ikadadapa ng aming pagkakaibigan.
Tinipon ko ang aking bayag katapangan at iminulat ko ang aking mga mata kaalinsabay ng pagtiwalag ng aking mga kamay sa pagkakasugpong sa aking mga tenga. Kung anu man ang aking nasaksihan, ay aking nauunawaan. Naisip ko na lang kung ako ang nasa kalagayan ni Rolaine, baka nag-hysterical na ko… (Pasensya na ha, ano na kasi tagalog ng hysterical, alam mo ba? Kung alam mo, icomment mo na lang sa facebook page natin.. bt f d u lam, pacute u n lng dn s page, o bati u na lang, ticklers style.. wag ka na mag inarte dyan, basang basa na estilo mo.)
Tumingin si Rolaine sa amin, tapos tumingin sa papel, sa amin, sa papel, sa amin, sa papel… Paulit-ulit hanggang sa…
Lorraine : Aaaaaaaaahhhhhhh!!!! Ayoko na to!!!!
Di na nakayanan ni Lorraine ang bigat ng sitwasyon… Bumigay din ang kaisipan niya… Hindi ko nga lang nahulaan ang sumunod niyang mga hakbang…
Lorraine : Sumpain ang mga balotang ito!!! Hindi ko kayang basahin!!! Sunugin na lang ang mga ‘to!!!
Sa kagyat na saglit, di na hinayaan pang pumitik ang daloy ng aming intelektwal na kakayahan upang pigilan pa sana siya sa plano niya. Di inaasahan, di planado, di alam na ganun ang kahahantungan.
Ibinalik ni Raine ang nabunot nya sa palayok, at sabay ihinagis sa naglalagablab na bonfire… Tila espesyal epeks sa pelikula, at pawang fireworks display na sumabog ang palayok, pagkadamping pagkadampi pa lamang nito sa nagbabagang apoy…
Nabunutan din ako ng masakit na ngipin sa wakas nang dahil sa ginawang iyon ni LJM. Ngunit ang inakala kong maginhawang panaginip ay isang bangungot pala…
????? : O hin-de!! Ang palayok ni Ba-Ja Duh! Anung ginawa mo! Mga kawal!! Dakpin siya!!!
Kahit di ko naiintindihan, nakuha ko pa din. Sa napakaraming beses ko nang napanuod ang ganyang eksena sa pelikula, siguradong super importante sa kanila ang nasabing palayok. Bad move na naman. Napaligiran agad si Lorraine ng mga armadong katutubo. Nilabas ng mga ito ang kanilang mga mahahaba at matutulis na sandata at bigla na lamang itinutok sa walang kalaban-laban at mala-inosenteng dilag na aming class president. Napatili si Lorraine… pati na din si PJ. Lalo lamang tinigasan ng mga kawal ang kanilang mga tindig. Tumitibok-tibok at sumisinghap-singhap na ang ugat sa leeg ni Karl sa tindi ng galit niya dahil sa panganib na nakapalibogt sa kanyang crush. Susugod na si Karl, mabuti na lang at mabagal siya kaya nayakap agad sya ni Kalo upang mapigilan ang padalus-dalos na kilos na tiyak na walang mabuting idudulot.
?????: Walang kikilos sa inyo! Kundi ay kikitlin ko ang buhay ng babaeng ito. Binastos niya ang aming sagradong ritwal at nararapat lamang na siya’y maparusahan.
Napanganga na lang kaming lahat habang winawagayway pa ng pinunong eta ang kanyang sandata. Konting konti na lang at dadampi na sa porselanang kutis ng aming minamahal na kapitana. LOL (Ou di man ako tumawa.) Gustong manlaban pa sana ni Lorraine kaso bumalik na siya sa kanyang sariling katinuan at biglang napagtanto ang kapalpakang nagawa kaya sumuko na lamang sya at nagpaubaya.
Lorraine : Pasensya na po kayo. Di ko naman sinasadyang maitapon kasama yung palayok eh.
Marvin : Ou nga ho. Nadala lang ng emosyon…
Wino : Nacarries away…
?????: Walang pase-pasensya. Nagawa niya ang ganitong kabulastugan tapos hihingi ng pasensya? Pasensya kayo at pasensyahan tayo.
McJohn: Anu daw? Puro pasensya lang naintindihan ko…
Lester : Ou nga naman, ayusin nyo. Maigsi pa naman ang pasensya ko…
?????: May gana pa kayong magpatawa ah.. Di naman nakakatawa… Sa nangyaring ito, nawalan na kayo ng pagkakataong mamili pa kung sino ang papaiwan. (Note: Kung di mo alam ang tungkol dito, please lang ihinto mo na ang pagbabasa, pero wag naman, pede mo pa naman balikan yung nakaraang chapters.)
Karl : Talagang di na kami mamimili! Sama sama na kami dito. Laban kung laban!
Eriko: Laban ka dyan. Kalmahin mo loob mo. Eh di ka nga makaalis sa pagkakahawak ko lalaban ka pa.
JC : Tama si Kalo. Panahon na to para makipagnegosasyon tayo ng maayos.
Kim: Manong Leader, pakawalan nyo na po si Maganda, pag usapan natin to.
Chet: Acting cool ka ah neh… Kamo?
Noel: Yaan mo na dre. Nabilog na nya ulo ng mga eta eh.
?????: (Bumuntong hininga.) Dahil sa personal na kahilingan ni Malakas, pagbibigyan ko kayo. Pero wala na kayong laban pa. Kung kaya’t hahandugan ko na lamang kayo ng pagkakataong mailigtas ang magandang binibini kapalit ng pagtanggap ng pinakaimportanteng misyon, na dapat ay sa nag-iisang tao lamang ipagkakaloob. Subalit dahil sa ito ay napakaselang saklaw, kung saan ang panuto na nagsalin-salin na sa aming mga nakagugulang, ay sa sugo lamang ito kailangang ilahad. At, dahil na din sa mga naganap, marahil ay kailangan ng hinirang na tagapagligtas ng kanyang makakasama sa kanyang paglalakbay.
Gail : Anaknambaka! Di ko gusto pinupuntahan ng sinasabi nito ah. Malamang danger na naman to.
Daniel: Hayaan mo munang matapos si Manong. Di pa tapos yun prologue, kumakana ka na.
?????: Kahit di kayo ineteresado sa aking mga sasabihin ay wala pa din kayong mapagpipilian kundi gawin ang aming mga kagustuhan. Nasa aming mga kamay ngayon ang buhay ng inyong lakambini.
Kim : Di nyo pedeng patayin si Raine, di ba siya si Maganda?
?????: Nawalan na ng kabuluhan ang kanyang kategorya dahil sa kawalang-pakundangan nyang pagwasak sa aming maalamat na palayok.
Karl: Sa tono ng pananalita nyo, mukhang gagamitin nyong bihag si Lorraine ah?
?????: Wala nang iba pa!!!
Nakakabinging bumatingaw hanggang sa kaloob-looban ng aking tainga ang mga katagang iyon ng pinunong eta. Ito na nga pala ang sinasabi nyang di na kami bibigyan ng tsansang mamili ng paiiwan. Si Lorraine na.. “wala nang iba pa.. pa, pa, pa..”
Kim : Ano na naman ang ipapagawa nyo? Ang dami nyo nang request. Sabihin nyo na kagad para matapos na.
?????: Napapahanga mo talaga ako Malakas, ikaw ay may likas ding katapangan. Minarapat mo na din lang tanungin, halikayo’t maupo muna sa palibot ng bonfire at atin namang malasap sa panghuling saglit ang alab ng aming palayok…
Pumalibot nga kami sa bonfire gaya ng sabi ni Manong dahil mas magiging dramatic ang effect ng kanyang gagawing pagsasadula ng kung anu mang importanteng bagay daw na kailangan naming suungin..
?????: Nung matagal nang panahon, at paraiso pa ang daigdig, sa isang malawiswis na bukang liwayway, ay nagsisimulang mangagsibangon ang aming mga ninuno, nang mula sa pinagsisilangan ng araw ay kanilang nadinig ang isang napakatinding batingaw. Sinasabing sa alamat ay tuwing lilipas ang ika-sandaang taon ng anibersaryo ng pagmamahalan ng mga magsing-irog na Araulio at Bowana* ay may kung anong pwersa ang nagpapatunog ng isang kampana. Subalit sa bibig ng mga nakatatanda, ito ay hindi kampana kundi isang kabibe, humuhuni ito ng pagkalakas na gaya ng isang kampanilya. Dito din nabuo ang teorya na ang kabibeng ito ay ang siyang nagtataglay ng kaloob ng pag-ibig ni Araulio para kay Bowana – ang Perlas na magmula nang magkahiwalay ang magsinta ay hindi na rin nagpamalas pa. Nauulat na ang mahiwagang perlas ay pagkakalooban ang sino mang nagmamay-ari nito ng walang mapapantayang kapangyarihan.
*Sino si Araulio at Bowana? Bumalik tayo sa nakaraan. Hugtungan Onse.Bk1Chp1.
McJohn: Yots, kwentong barber lang to eh..
Wino: Children’s story..
Lester: Tama. Simula pa lang pang fairy tale na. “Nung matagal nang panahon”.. eh “Once upon a time” din yun eh…haha.
Daniel: Ano sa tingin mo Chet?
Chet: Ewan ko, di ako makapagconcentrate.
Eriko: Bakit dre?
Chet: Sa pagkakaupo kasi ni Manong, nakadungaw yung bumabatingaw nyang magkapatid na itim na perlas eh.
Gail: Ay! T@n6nang Chet to! Napatingin tuloy ako eh!
PJ: Manong baka pwede namang pakiayos yung upo, pakicross lang yung legs nyo.
Noel: Wag nyo namang pakabuka yung liwayway nyo.
Kim: Nakalawiswis eh.
Daniel: Oo nga, nasisilip namin pagbangon ng ninuno nyo. Hahaha!
?????: Mga Ginoo, kung hindi kayo makapaniwala sa aming mga sinasabi ay wala pa din kayong paghihirangan ng karapatan. Ano? Maaari na ba akong magpatuloy o ilalaga nyo sa maiinit nyong tingin yung mga itlog ko?
Karl: Wag na muna kasi kayong sumabat. Patapusin nyo muna yung kwento. Di pa naman sinasabi kung ano dapat nating gawin eh. Sige na po Sir, go on.
?????: Gaya ng aking nabanggit kanyina lamang, wala na kayong karapatan pang tumanggi sa aming mga kahilingan. Kailangan ninyong daungin ang pook ng Silanganan ng araw at halukayin sa pusod ng dagat ang kabibeng naglululon ng mahiwagang Perlas. Kung inyong maibabalik sa takdang panahon ang maalamat na ornamento ay malaya ninyong mababawi ang magandang dilag. Ngunit nasa sa inyo na din palang kapasyahan kung iiwan ninyo na lamang at tatalikdan at sabay ipauubaya ang kapalaran ng leeg ng inyong musa sa pangil ng aking matalim na sandata.
Eriko: Oo na. Pumapayag na kame. Saan ba yung daan?
?????: Wag kang magmadali. Di ko naman sinabing ngayon na kayo aalis. Kailangan nyo pa ding maghanda at mapanganib ang lakbayin.
Karl : Walang panga-panganib. Buhay na ni Lorraine nakataya dito. Tara na!
JC: Teka Karl, tama pa din si Manong. Mas mainam maghanda muna tayo kahit na konti.
Lorraine: Ou nga. Kung makapagsalita kayo parang pusta lang ako sa basketbol ah. Planuhin nyo ng maigi.
?????: Sige, ako nama’y hindi pinunong walang habag. Hahayaan ko kayong magplano. Bibigyan ko kayo ng mga sandata dahil mapanganib nga ang lakbayin. Dahil siguradong hindi lang kayo ang naghahanap sa makapangyarihang bato. Hala, sige’t magpahinga na kayo nang sa gayon ay sa unang pagpaparamdam ng himaymay ng araw ay handa na kayong salubungin ang mga sigay nito.
Duon pinutol ng manong eta ang kanyang leksyon at hinayaan na kaming magpulong pordalastaym. Dinala nila si Lorraine sa hiwalay na tent at baka nga naman itakas namin siya, may utak din talaga ang magaling na eta. Kung ano yung kinaitim ng singit ayun din yung kinatuso.
Kim: Anu na gagawin natin nyan..?
Noel: Wats the plan, wats the plan??
Chet: Ots si OA. Pinakamaganda nyan matulog muna tayo, iset nyo na lang yung alarm.
PJ: Alarm daw ika. Eh wala naman tayong alarm clock.
Eriko: Eto oh, gamitin natin yun time machine..Hehehe.
Danny: Ot si tuleg naman. Di ako makakatulog nito hanggat wala tayong malinaw na plano.
Marvin: Kahit anu man planuhin natin, wala pa din tayong magagawa kundi gawin na lang pinagagawa nila. May hostage sila eh.
JC: Tama ka ‘dol. Basta pagsikat ng araw, lakbayin na lang natin yung pagsikat ng araw. Sana nga lang wag munang humuni yang alaga ni Erik. Bahala na si Batman, ay lagi na lang si Batman, baka pagod na siya.. Bahala na si Wolverine…
PJ: Hehe bakit Wolverine?
Kim: Si makwan..De kahit sino na lang…
Danny: Dre, asan na kaya si Ipoy?
Chet: Napasok mo bigla si Ipoy? Wag muna nating isipin.. Dadating tayo dyan..
Di ko din alam kung bakit bigla ko binanggit si Ipoy. Siguro dahil nagkakasatan na naman, alam naman din nating basta kasatan di mawawala si Ipoy. Naalala ko tuloy yung kasat nya nung minsang magprisinta kaming manguha ng mga kawayan para sa gagawing parol, syempre for Christmas, saan pa. Di man kami inuutusan nun, talagang naisip lang namin na mangalap ng kawayan, chance for adventure, papunta sa sulok ng Luakan, sa bukid ng lolo ni Viterbo. Di ko alam sino pasimuno, pero bigla na lang kaming sakay ng motorsiklo ng tatay ni Ipoy. Naglalakbay sa nakamamatay na highway. Di ko din alam sa tatay nya kung bakit pinagkatiwala sa min yun. Bale naging piloto si Lele, sa likod nya ako, sa side car sila wino, ipoy, viterbo at mcjohn. Hanggang sa makaabot nga kami sa lugar kung saan mabatong lupa na ang daan at isa sa isang oras ang dadaan na nilalang. Pagkaraka, nakatayo ako sa gitna ng mga pilapil habang sila eh abala sa paghuhubad ng kanilang damit para patuyuin… Bakit nagkaganon? Heto ang nakaraang nangyari…
Ipoy: Le, ako naman yun magdrive?
Noel: O sige, teka lang ihihinto ko.
Nagtatawanan pa sila McJohn hindi alam ang kalagimang nakaabang. Lumipat na nga si Noel sa sidecar, syemre di nya man ako mapapaalis sa backride.
Sinubok nang paandarin ni Ipoy yung motor.. Unang padyak… ayaw umandar.. pangalawa.. pangatlo.. hanggang nabubusit na kami…
Ipoy: Last na . Last!
Wino : Marunong ka ba?
Ipoy: Ou naman.. Eh motor namin to.
Viterbo: Jeff, balik mo na lang kay Lele.
Ipoy: De, last na talaga to. Last na…
Pagsubok nya, biglang humuni nang malakas yung makina ng motor. Ayos na, napaandar din nya. Kaya lang, daglian nyang pinaandar at nawalan ng control hanggang sa sumadsad padiretso ng sapa ang motor... Gagoooshhh!!! Nahulog yung motor, for about 4 feet siguro yung lalim ng pagitan ng sapa at saka ng daan. Syempre ako nakatalon agad dahil backride lang ako, habang sila kawawa. Nalublob sa sapa, di ko alam kung gano kalalim, pati notebook ni Mcjohn nadale, ang masaklap nabasa pati ang motor. Wala akong alam pagdating sa mga makina pero sa palagay ko naman, pag nabasang ganun, tiyak magkakaproblema. Umabot ata ng hapon, di pa din napapaandar yung motor, buti na lang may dumaan, natulungan kami. May hinugot lang na kung ano at pinainitan ng lighter… napaandar na niya. Nasagip na kami.
Pero di pa dun nagtapos yung kwento, pagbalik namin ng school, di nakuntento si Ipoy na kami lang ang biktimahin. Nalinlang niya si Gail tsaka si Keane na umangkas sa kanya. Pinaandar nya yung motor at isinalpok sa harap ng BSC. Literal na harap ng BSC. Dun sa guardhouse, di ba may nakalagay na mga letter na BSC sa maroon na tiles sa harap. Pag napasyal ka minsan sa namayapa nating eskwelahan, pagmasadan mo yung sa bandang kaliwa ng Gate. May mga ukit at gasgas dun, gawa yun ng kagitingan ni Ipoy. Siguro ngayon mo lang nadinig ang kwentong ito, ngayon mo lang din nalaman na muntik nang nagkaroon ng lamay sa IV-Only. Pero kahit na gano kadelikado, wala lang yun sa amin. Masaya pa din kasi kasama ko sila. Crazy?
Di ba ganun naman? Kahit gaano kahirap yung paglalakbay basta kasama mo ang mga malalapit sayo, parang napapakalma nito yung kalooban mo?
Kasi kung minsan naman, ang labis na kasiyahang nadadama natin sa paglalakbay ay dahil sa mga taong kaakibat natin sa lakbaying iyon. Basta ako, nagpapasalamat na sa tugtugang ito, ang mga pinakamatalik kong kaibigan ang mga kabanda ko…
Nanatili akong nakaupo habang hinihimas ang balbas ko, humahaba na pala, hanggang sa di ko na mamalayang nakatulog na ko, nang nakaupo pa din.
Nagbalik lang ang diwa ko nang magawang lampasan ng sindi ng araw ang suklob ng aking mga mata. Umaga na pala. Kasabay ng pagpailanglang ng araw ay ang pagkilala sa aming bagong misyon. Ang saliksikin ang “Perlas sa Silangan”. Napabalikwas ako ng bangon nang mapagtanto kong wala pa pala kaming plano.
Danny: Nakatulog ako! Umaga na pala. Ano na napagkasunduan nyong plano?!
Walang sumagot sa inkwerya ko. Paglingon ko sa paligid ko, hayun, knock out din pala silang lahat. Napangiti din ako sa nakita ko, kasi kahit hanggang ngayon, ganun pa din istilo ng pagtulog nila. Parang pag natutulog sa kama ni Prof, o ni Kim, o ni Lele, o kama ko, o kahit saan pang may kama na tutulugan. Walang gustong matulog sa sahig kaya kahit pang-isang tao lang yung kama, nagkakasya yung apat, lima o anim na tao, minsan nga higit pa. Kahit na pahalang kaming matulog na nangakalawit na yung tuhod at nakatapak na yung mga paa sa sahig, basta nakalapat lang yung mga likod sa kama. Hanggat may space, may sisingit. Pag hindi ka umusog, tatalunan ka na parang wrestling kaya ikaw din masasaktan. Umusog ka na lang din at isuko mo na yung pinakakakubli mong konting espasyo. Pero yun nga lang, dahil sa talagang dikit-dikit na kayo (at the risk of brokebacking) kapag pumihit ang isa, obligadong pumihit din yung iba pa para lang magkasya. Halos lagi namang may nahuhulog sa kama at kakalabog kaya kahit na antok na antok na kayo, mamimilipit pa rin kayo sa kakatawa at syempre, magugulo yung formation nyo. O kaya naman, magigising ka na lang sa sobrang ginaw dahil nanenok na pala yung share mo ng kumot kaya babatakin mo yung kumot at bahala na yung mawalan, siya naman yung biglang magising at mambatak ng kumot. Cycle lang. Ganun buong magdamag. Sa pagkakataong ito naman, sa papag sila siksikan at nakatagilid lahat. Parang ganito yung shape nila. (SSSSSSSSSSS) Matatawa ka talaga, pero naubusan ako ng segundo para dun, dahil sa nagpumilit iproseso ng utak ko ang kailangan naming gawin pagkamulat na pagkamulat ng kanilang mga mata, ang hanapin ang “Perlas ng Silangan.”
BLaGAbAGGG!!!!!!!!!!
Ayun na nga. Nahulog na si Gail. Siya kasi yung nasa edge. Pagpihit ni Kim para mag-iba ng pwesto, sumunod din na umusog yung katabi nya at yung katabi ng katabi nya hanggang sa umabot kay Gail na sa kasamaang palad ay wala na palang mauusugan. Nangagising na ang lahat sa narinig nila, at nang mapagtanto ang trahedyang sinapit ng kawawang si Gail ay sabay sabay na nagtawanan. Nagising na akong pawis pawisan. Nagising na akong basa ang brief. Nagising na rin akong naninigas ang binti. Kaya hindi ko alam kung may mas maganda pang klase ng paggising sa umaga kaysa sa masigabong halakhakan. Napakasarap umpisahan ang isang araw ng tawanan sa pagitan ng mga magkakaibigan. Nakakagaan ng pakiramdam na parang balewala na ang mga pasakit ng kahapon at tila walang pagsubok ang mamaya na hindi ninyo mapagtatagumpayan. At sa mahiwagang sandaling iyon, hinayaan ko na ring malunod ang aking damdamin sa malalamyos nilang pagtawa.
Pero dahil tunay na buhay ang nakalahad dito, sempre present ang mapambasag ng trip.
???? : Mga iho, kung di ba naman nauso ang kunswelo de bobo senyo, hindi nyo ba nadarama? Ang lakas na ng paramdam ng araw. Nagtatawanan pa kayo diyan. Mukhang wala ata kayong balak na gawin ang inyong misyon?
McJohn: Yotsz, ka-KJ mo manong, kadalang masaksihang mahulog ni Ponce eh.
???? : Ah ganun ba? O sige magtawanan na lamang kayo rito at wag niyo nang isipin pa kung ano ang maaaring makaswertehan ng inyong lakambini.
Kim : Si manong talaga, laging high blood.
PJ : Cool ka lang dyan manong, eto na nga at gising na lahat oh.
???? : Mas mainam na lumakad na kayo habang hindi pa tuluyang lumalaboy ang bolang apoy sa katampukan ng ating kalangitan.
JC : Tama nga ang sabi niya guys, at least may guide tayo kung saan ang east.
Karl : Kaya anu pang hinihintay natin dito, naiinip na ako. Tara lets!!!!
???? : Sandali lamang mga ginoo, nakaligtaan ko.
Noel : Ots anu na naman ba yun? Eto na nga aalis na kami oh.. Pinutol mo na nga pagtawa ko..
????: Aba, eto palang isang ito ang mainit eh. Alam nyo na ba kung saan kayo pupunta? Sayang ibibigay ko pa naman sa inyo ang kapirasong telang puno ng balangkas na maaring magsilbing tagaakay patungo sa tagumpay.
Gail : De manong nagbibiro lang yan. Gusto namin yang ganyan. Tsaka pasalamat na nga din sayo at naputol na ang joke sakin.
???? : Heto at tanggapin ninyo. Paalaalang muli para sa iyo Malakas, gaya ng aking sinabi sa iyo nang magtagpo pa lamang ating mga mata, heto na siguro ang misyon na sinugo ng bathala, ang misyon na sadyang nakatalaga para sa iyo.
Kim : Ou na, ou na, misyon na kung misyon, pero di mo na kelangan sabihin sa ganung paraan, nang magtagpo meraw yung mga mata..Kahalay…
Iniabot na nga sa amin ang isang tela na wari mo ay mapa. Pero wala yung “X marks the spot” na magtuturo kung saan kami dapat pumunta. Ang meron lang ay isang malabugtong na sipi na siguradong clue sa lokasyon ng perlas.
Bilog na buwan ang gabay sa daan.
Kung saang bahagi ng karagatan.
Apat na ahas may yakap sa perlas.
Tunay na pagsubok sa iyong lakas.
Kim : Ah banges! Anu kale to?..
Daniel : Pahiram! (Binasa. Tiningnan lang pala.) Ah di ko mabasa, eto usisain nyo nga..
Marvin : Hmmm, palaisipan to ah.
Pinagpasa-pasahan namin ang madugyot na tela, kahit alam naming di naman namin siya kayang lutasin sa ngayon. Uchuchero lang talaga kami. Lahat naman ng tao ay likas na mausisa. Ang katangian nating ito ang naghahatid sa atin sa pagtuklas ng mga napakahalagang bagay o maaari ring magsubo sa atin sa tiyak na kapahamakan. Kung saang panig kami patungo, yun ang di ko pa alam.
JC : Di ko pa maisip gano. Maganda nyan lumakad na muna tayo at on the way na lang natin siguro tuklasin ang misteryo ng basahan na yan.
Lester : Eh san naman tayo pupunta kung di natin alam kung saan?
Wino : Si magaling naman, ede tutuntunin natin yang araw. Perlas ng Silangan nga eh! Syempre nasa silangan yun!
Eriko: Tumpak! At agree ako kay Prof, mas magandang umuusad tayo kesa maubos lang oras natin dito kakaisip kung anu man yan. Tsaka alam nyo naman, may alaga ako dito sa likod ko, any moment kakahol ito.
Sa sinabing iyon ni Kalo namin napagtanto na wala nga kaming kapangyarihan upang tumambay pa at makipaglaro sa aming mga intelektuwal na kakayahan. Ang tanging hakbang lamang sa ngayon ay tunguhin ang direksiyon ng pinagsisikatan ng araw. Magtungo sa silangan.
Pero teka, kung akala mo ay may tagpo kung saan nagpaalam pa kami kay Lorraine at nangakong ililigtas namin siya at kung anu anong drama pang tulad noon ay nagkakamali ka. Gusto ko man sana pero walang nangyaring ganon. Pwede akong gumawa ng isang kathang mas magpapaganda sa istorya subalit minabuti kong sabihin na lamang ang katotohanan sa halip na bumuo ng kasinungalingan. Hindi ito isang pelikula na may pakialam sa kung ano ang iisipin ng mga manonood o isang kwento na nag-aalala sa magiging opinyon ng makakarinig. Dahil alam naman natin na sa totoong buhay, hindi lahat ng pagkakataon ay pabor sa gusto nating mangyari at hindi lahat ng kwento ay may happy ending. Hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon pang makita siya at makausap bago kami lumisan tungo sa aming misyon. L
Sinubaybayan na nga namin ang sinisikatan ng araw, subalit inabot na kami ng tanghali at hindi na namin alam pa kung saan kami papunta. Mabuti na lamang at tila iginuhit na namin sa langit na nagsilbing riles para sa direksiyon ng silanganan kung kaya’t patuloy lang kami sa aming paglalakbay. Subalit sa inaakala naming sapat na ang ganitong sitwasyon para sa amin ay isang malaking kamalian.
Karl: Nagsisimula nang dumilim ang paligid guys.
Di naman kelangang sabihin pa yun ni Karl kasi nakikita’t nararamdaman din naman namin. Sa palagay ko malapit na sa kasukdulan ng pagkabiyak ng kanyang ulo si Karl. Ganun din naman kame, halata mo na kasi aborido na ang lahat, ultimong pagdampi ng mga damo sa aming paa ay sangkatutak na mura na ang maririnig mo.
PJ : Hay, pvt@!!! Magpahinga na muna tayo!!!
Wino : Kadalang kong sumang ayon sayo, pero sa pagkakataon na to, tama ka…
Gail : Ge, mag-set-up na tayo ng tutulugan dito. Ako na mamumuno para maganda makalagyan ko. Masakit pa katawan ko sa pagkakahulog kanina eh.
No choice na nga kami at dapat na magpahinga dahil makulimlim na ang langit at sumisilip na ang mapagpanggap na buwan. Nagtulung-tulong na din sila para makagawa ng instant tulugan, yung iba naghanda ng makakain.
Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa aming lahat nang magsimula nang kumain, pero di mo ba napansin? Sabi ko panandalian, kasi saglit lang natapos na din agad. Hanggang sa pagdating ng oras ng pamamahinga ay napakasensitibo ng lahat.
Daniel: Lintik namang buwan to ebat di kaya ma-off!….. Kaliwanag eh.
Kim : Eto naman, pati na lang buwan pinagdidiskitahan.
Chet : Pabayaan mo na nga yang Daniel na yan, o eto itakip mo sa mata mo!
Sabay inihagis ni Chet sa mukha ko yung mapang naglalaman ng nakakainis na bugtong.
Daniel: Anak nang!!! Urhm…
Katapusan na sana ng buhay nilang dalawa kung di lang may kung anong marka ang nakahuli sa aking mga mata.
Habang nakapaibabaw sa aking mga mata ang kaprasong tela ay siya ding pagkakatapat nito sa sigay ng bilog na bilog na buwan…
Daniel : Ah, dre!!!
Di na ko nakapagsalita nang maayos sa excitement na aking naramdaman kung kaya’t hinayaan ko na lamang na kanila ding matuklasan ang aking nakitang sikreto sa ilalim ng bilog na buwan..(Teka parang may nangyari na ding ganun ah, sikreto sa ilalim ng bilog na buwan? Pero wag na nating banggitin dahil kelan man ay hindi magagawa atang umamin ng mga sangkot kahit tugma tugma na ang salaysay ng mga saksi. Kilala nyo na kung sino kayo… Oo ikaw nga. Hahaha.)
Itinapat namin sa liwanag ng buwan ang lumang mapa at ayun na nga, lumitaw ang aninag ng isang patnubay. Ang palatandaan kung saan naroon ang perlas.
Sa wakas ay nabigyan na din ng liwanang ang aming punterya. Dali dali naming pinakopya kay Vinards ang iskets ng imahen ng milagrosong mapa, nang sa gayon ay pagdating ng umaga ay alam pa din namin kung saang dagat at saan mismo sa mapanlinlang na katubigan sisirin ang makababalaghang perlas. Pinipilit ni Karl sana na lumakad na kami kahit na gabi pa, pero alam naming di na mamari ang ganong hakbang dahil nagpatiuna na sila Gail sa pagtulog, may phobia pa sa kanyang naranasan kaninang umaga.
Wala na nga kaming naiusal pa kung kaya’t namahinga na’t ipinikit ang aming mga mata. Pagkalaho ng buwan ay sadyang naunahan na namin ang pagbakas ng liwanag. Gising na kaming lahat at puno ng pwersa para harapin na ang natitirang pagsubok.
Tinikis ni Prof ang eksaktong lokasyon ng sinasabi ng nasa mapa, kung kaya’t mabilis naming natagpuan ang kinaroroonan ng mutya. Paulit-ulit na lang sa palapag ng serye ng aming byaheng ito ay gumagamit kami ng bangka, nakakainis na din kasi, dahil sa siksikan na sa bangka ay napakadaming oportunidad ni Lele na gamitin ang weapons of eardrum destruction nya. Yun bang papalatak siya ng ubod lakas gamit ang dila habang tinututok sa tenga mo na parang may ibubulong lang? Pag nadadale nya ko sa ganun halos isang minuto ding umuugong ang tenga ko. Ang walangya, magsasampung taon na din akong nagpaplano para makaganti sa pambibingi niyang iyon..pero tsaka ko na ikukwento detalye nito…
Pagsipot namin sa tumpak na kinalalagyan ay duon lang namin nahinuha ang mga pariralang nakapaloob sa bugtong ng mapa. “Bilog na buwan ang gabay sa daan, kung saang bahagi ng karagatan” simpleng simple lang pala to, pero nalutas pa ng di sinasadya. “Apat na ahas may yakap sa perlas, tunay na pagsubok sa iyong lakas…” magsasalita pa sana ko para dito, akala ko magiging bida ako kaso way ahead na din pala sila…
Karl: Kinalkula ko ang lalim ng dagat at ang oxygen na kaya ninyong iimbak sa inyong mga baga. Kung tama ang pagkakaintindi ko dito sa nakasulat sa papel, ang apat na ahas, ay apat na kung anong tali o lubid na nakagapos sa perlas o sa sisidlan ng perlas. Kailangan natin ng limang divers. Isa sa bawat lubid at ang panglima ay ang kukuha ng perlas. Ayon sa aking kalkulasyon, mayroon lamang tayong isang chance. Dahil sa sobrang lalim ng lokasyon ng perlas ay uubusin ng isang sisid na ito ang enerhiya ng mga divers. At dahil alam ko na rin ang kakayahan at limitasyon ng bawat isa sa atin, alam ko na kung sino ang limang divers, at siguradong alam nyo na rin.
Si Lele, Gail, Prof, McJohn, at ako ang bumuo sa dive team. Masasabi kong kami ang mga mas talentadong manlalangoy at maninisid sa aming pangkat. Kami din yung mayayabang na mahilig magpabilisan sa paglangoy at pag-abot sa boundary ng dagat ng oceam view. Kaming lima ang magsasagawa ng pinakakritikal na bahagi ng misyon – ang pagsisid sa ilalim ng karagatan at pagkuha sa maalamat na perlas.
JC: Ok. Remember guys, we only have one shot at this. There’s no room for error…
Nagsasalita pa si Prof, pero si Gail At Lele nagpapayabangan na agad.
Noel: Dre pustahan tayo sinung mauuna sa ilalim?
Gail: Wag ka na Le, siguradong talo ka na. Pagkakataon ko na to para mabawi ang nawala kong dangal ng dahil sa pagkakahulog ko sa papag.
Eriko: Di kelangan magyabangan, basta gawin nyo lang nang tama.
McJohn: Ou nga wag na kayo, pasikat kayo masyado. (Habang pinapakita ang kanyang habs, ginawa pa yung trademark nyang abwave – yung pinapagalaw yung tyan na parang wave?)
PJ : Ou na sige na magaling na kayo, basta ayusin nyo lang ah. Tandaan nyo madaming nakataya dito…
Kim: Ge paubaya ko na senyo tong chance na to. Di na siguro kailangang makialam pa ng magiting na gaya ko.
Gail : Hambogero ka din konti eh neh? Basta akin na ang momentops na to. Kaya ihanda nyo na ang laman loob nyo at mahaba habang sisiran to…
Karl : Sige na tama na pasikatan, gawin na natin ito. Kung di lang sira ang paa ko baka ako na nagprisinta sumama dyan. Kaso..
JC: Ok guys… Let’s get it on!!!
Sa hudyat na iyon ni Prof ay sabay sabay kaming nagpatihulog sa tubig. Pagdampi pa lang ng tubig alat sa aming katawan ay dire diretso na ang aming paglubog. Pawang may mali sa mga pangyayari ngunit hindi ko na lamang sana ito papansinin, subalit nang mga ilang metro pa lang ang aming lalim ay nagparangya ang isang kakaibang nilalang sa ilalim ng tubig.
MCJohn : (Wag kang magexpect ng dialogue dito.. Nasa ilalim kami ng tubig.. Facial expression lang huli mo na gusto nyang sabihin) “BABAE!!!”
Gail : “Ang ganda!!!” (This time sa kislap naman ng mata nahuli ang gusto nyang ipahiwatig.)
Imahen ng dalaga ang aming nasaksihan. Lahat kami ay natigilan sa pagsisid pansamantala sa kahali-halinang kapurihan ng kanyang mukha. Matambok ang kanyang mga pisngi at dahil na din siguro sa malamig na tubig kaya tayung-tayo ang kanyang mga pilikmata.
Noel: (Di ko naintindihan ang gustong ipangusap ng kanyang nguso at mata, - nakakaligalig…)
Hindi ko na nakuhang pagtakhan pa ang pinamalas ni Lele, sapagkat nakita ko na din kung ano ang nakita niya…
Kalahating isda pala ang inakala kong prinsesa!!! Nakasaksi ako sa wakas ng maalamat na sirena, tumpak sa haka-haka ng marami na magagandang babae nga talaga ang mga kataka-takang likha. Ang problema nga lamang ay hindi pala magiliw ang mga sirena sa mga bumibisita sa kanyang teritoryo, datapwat hindi man sila nananakit ay nakakailang namang iniikot-ikutan ka ng ng isang magandang binibini, kahit na kalahati lang.
Nagsimula kaming malito, nadagdagan pa ang suliranin nang biglang pumaiba ng direksyon si Gail, hindi na siya pababa sa halip ay paahon na ng tubig… Wala na kaming nagawa pa kundi sundan ang aming hangal na kaibigan hanggang sa makaabot kami sa karayagan. Pero ako, naisip ko na rin kung ano ang sinapit ni Gail. Siguradong tinigasan sya.
Noel: Ba dre! Anu nangyare?
Gail : Huff huff.. Pinulikat ako dre..
Daniel: Anaknamp!!! Sabi ko na nga ba eh! Kukutusan na kita eh!!!
McJohn : Ponce na to, nakakita lang ng boobs pinulikat na agad!! Haha!
Gail: T@nga hindi man. Di pa pala ako fully recovered sa pagkakabagsak ko sa higaan.
JC : Nagdahilan ka pa. Eh halatang halata naman kung anu talaga dahilan…
PJ : Ay anung pruweba na yan? Dali Gail akyat ka na muna dito sa Bangka..
Binatak na nga nila ang namumutla nang si Gail pasampa sa bangka.
PJ: Ay Gail! Ang tigas tigas! Akin na imamasahe ko ang binti mo.
Gail: Heh! Don’t touch me!
Pagtatawanan pa sana naming ulit si Gail nang matagal pero nagpakitang muli sa amin ang sirena sa ibabaw na ng tubig.
Sirina: (Walang dialogue… Ewan ko.. Sadya atang hindi siya nakapagsasalita. And you wonde kung panu ko nalaman ang pangalan niya? May suot siyang name tag. Syempre napatingin agad ako sa bahaging yun ng katawan nya. Hehe. Pero seriously, may name tag talaga yung sirena, nakakwintas sa kanya ang isang maliit na kabibe at nakaukit ang salitang “Sirina”. Hindi ko rin talaga sigurado kung yun nga pangalan nya o kung Bisaya ba sya o ano pero hindi na mahalaga yun dahil hindi naman pangalan niya ang naging importansiya sa parte ng kasaysayang ito. Kundi ang kanyang mga ipinamalas…)
Hindi siya nagsasalita subalit wala siyang ibang ginawa kundi tumitig lang kay Kim, na gustong gusto naman ng damuho na tila namula pa ang kanyang mga pisngi na sinasamahan pa ng mga munti munting kangitian. Di ko alam kung anu pinag-uusapan ng kanilang mga mata, basta batay sa aking pagmamasid ay tumitingin si Sirina kay Kim at pagkadakay tumitingin sa kanyang ibaba.. OMG wag sanang madumi ang iniisip nila…Lol
Kim: (Tumayong bigla, ang tulig kaunti pang nahulog sa Bangka.) Ah, guys, alam ko na kung bakit ginugulo kayo ng sirena. Ang sabi nya ay ang sinugo ng bathala ang siyang may karapatang humawak sa maalamat na perlas.
Marvin: Ha? Kelan nya sinabi?
Wino: Hayop oh..
Daniel: Part animal ka talaga dre..hehehe
Kim: Walang epekto sakin ang panunulig mo ngayon Daniel. May mas mahalaga akong misyon na dapat talagang tuparin, hindi ko na matatakasan pa ito..bwahahaha!
Karl: Gail, substitution.. O kayong apat, (ako, JC, McJohn at Lele) mag-ipon na ulit kayo ng lakas!!!
Chet: Ah, Kim, malalim yan!! Sigurado kang kaya mong sumisid? Di ka kaya malunod?
Kim: Wag kang mag-alala! May extra oxygen ako..(sabay tumingin kay Sirina, at nagblush pa ang sirena.. – naloko na.)
Sa puntong iyon ay tumalon na din si Kim sa tubig at muli na naman kaming sisisid sa dagat. Si Kim na ngayon ang nasa gitna ng formation. Unti-unti kaming bumaba ng kaibuturan, dahan dahan sapagkat every once in a while ay panay ang refresh ni Kim ng kanyang supply ng oxygen.. Hindi ko na ikukukwento ang detalye dahil.. basta wag na lang.
Sa madaling sabi, hirap na hirap kaming apat hanggang sa maabot namin ang hanggananan ng lubid na aming sinusundan, at sa apat na dulo nito ay nakapalupot ang isang kakaibang kabibe, medyo malaki sa normal kong nakikitang mga kabibe at kakaiba ang kulay, kumikinang-kinang ito at paminsan minsan ay nagpapamalas ng kulay ng bursting. Kinalag namin ang bawat pulupot ng mga lubid hanggang sa mapalaya namin sa pagkakagapos ang kabibe. Sa wakas! Iaahon na rin namin ang maalamat na perlas, ngunit nang subuking buksan ni Kim ang kabibe ay tila ayaw nitong bumuka kaya wala nang ibang pagpipilian pa kundi isama ito sa taas.
Pagsampa namin sa Bangka ay tiningnang mabuti ng aming pangkat ang isa na namang kababalaghan sa aming harapan. Kabibeng kumikislap ng bursting. San ka pa?!..
Nagtinginan silang lahat sa akin. Alam ko na. Ako na ang magbubukas ng kabibe, dahil tandang tanda naming lahat, sa mga ganitong pagkakataon ako talaga ang inaasahan, katulad na lamang nung kami’y magutom sa aming maliit na piknik. Madami kaming baon na de lata (Anu pa ba ineekspek mo na babaunin namin?) pero walang may dala ng pambukas, pero lahat ay nagawan ko ng paraan.
Binuhat ko ang kabibe, pinaikot-ikot nang saglit, atsaka pwersahang hinimay ang mga punglo nito…Inaamin kong medyo nangaipot ako sa hirap pero worth it naman.
Daniel: Bwahahaha!!! Eto bukas na!!!
Di ko na kelangang sabihin pa yun dahil nasaksihan naman nila, pero syempre kelangan kong magyabang. Kukunin ko na sana ang perlas subalit…
Daniel: What the F….
Itutuloy…
No comments:
Post a Comment