IKATLONG AKLAT, KABANATA – APAT
“Big 250 – Mabolo Flavor”
Sabi nila, kapag itinapat mo daw sa tenga mo ang isang kabibe ay maririnig mo ang dagat. Lahat tayo ginawa na yun. Lahat tayo nakipaglaro sa ating mga imahinasyon. At lahat tayo naniwala. Pero totoo nga naman di ba? Maririnig mo ang dalisay na pagsipol ng hangin at pati na rin ang sagasang paghampas ng mga alon sa aplaya. At kapag ipinikit mo pa ang iyong mga mata, halos maaamoy mo na ang alat ng tubig at ramdam mo na ang pinong buhangin sa iyong mga talampakan. Isa yan sa mga kamangha-manghang misteryo dito sa mundo.
At sa pagkakabukas ko nga ng mahiwagang kabibe ay isang misteryo na naman ang lumantad sa aming harapan…
Danny: …uck?!
Hindi ko napigilan ang sarili ko. Pagkatapos kong mangatae sa salawal sa pakikipagbuno sa kabibe ay ito ang napala ko? Bakit ganito ang laman? Inaasahan naming lahat na isang makislap na perlas ang nasa loob ng kabibe pero bigo kami.
Eriko: Anu yan? Asan na yung perlas?
Hindi isang perlas kundi isang botelya ang laman ng kabibe. Isang bote na tila may kung anong lumang tela o papel sa loob.
Karl: Dan, buksan mo yung bote baka nandun sa loob.
Kinuha ko ang bote mula sa kabibe at inalis ko ang tapon. Kaya lang, kahit anong pagsuwit ko sa lamang tela nito ay hindi ko magawang makuha. Pero sigurado ako, iyon lamang tela at wala nang iba pa ang laman ng bote. Wala ang maalamat na Perlas ng Silangan.
Noel: Ba bilisan mo! Ots!
Danny: Sandali lang! Ebats di ko nga makuha eh!
Lester: Laki kasi ng daliri kaya di magkasya eh. Haha.
Danny: O ikaw nga!
Gusto ko na sanang basagin ang bote sa sobrang inis pero kinontrol ko ang sarili ko dahil naisip kong baka masira ko pa nang hindi sinasadya ang laman nito. Ipinaubaya ko kay Lester ang pagkuha sa laman ng bote dahil di talaga magawang magkasya sa loob ang malulusog kong daliri. Fininger na nga ni Lester ang butas subalit nangawit na sya’t lahat ay hindi pa rin siya nagtagumpay. Masyadong maigsi ang mga daliri niya at bigo syang maabot ang spot.
Noel: Tagal naman nyan. Akin na nga ako na…(Hinablot mula kay Lester ang bote.) O ganyan lang eh.
Isang suwit lang ni Lele sa butas ay natangay na agad ng kanyang talentadong daliri (alam naman natin na kayang balu-baluktutin ni Lele ang mga fingers nya na minsan hindi na normal) ang nakarolyong tela. Tama ako, wala nga ang perlas sa loob at yung tela lang ang laman ng bote. Ang nakuha nga naming laman ng kabibe ay isang lumang bote na may mensahe sa loob. Isang message in a bottle. Wala man lang originality.
PJ: O ano Le?
Noel: (Binuklat ang nakarolyong tela.) Ano to? Bugtong na naman??
Chet: Patingin nga.
Pumalibot kami kay Lele at aming binasa ang mensaheng nakalimbag sa tela.
LABIS MANG MABULOK
Labis mang mabulok. Binalot kami ng katahimikan. Umalingasaw sa paligid ang kakatwang parirala. Lahat napaisip. At lahat napakamot ng itlog. Eto na ba talaga yun? Anong klaseng mensahe yun? Labis mang mabulok. Puro tandang pananong ang naglaro sa isip ng bawat isa at wala ni isang bumbilya ng ideya ang sumindi. Hindi ko alam kung ano ang ineexpect kong makita, pwede na sana kung mapa o kahit isang tula na katulad nung nauna. Pero hindi ko talaga inaasahan ‘tong pariralang ‘to. Isang walang saysay na mensahe na pinaulanan namin ng kanya-kanyang batikos.
Gail: Ta%gna! Ano yan?!
Wino: Ano yung ibig sabihin nyan? Ano yung mabulok?
Marvin: Clue ba yan kung nasaan yung perlas?
Karl: Wala akong ideya. Ano sa tingin mo Prof?
JC: (Nag-isip sandali.)… Tañ6na! Ewan ko.
Danny: Panong clue yan? Wala namang sense eh.
Eriko: Pano yan pupunta tayo sa mabulok na lugar?
Chet: Labis na mabulok dre, kaya baka sa pinakamabulok na lugar?
McJohn: Kung ganun umpisahan na natin sa kili-kili ni Lester baka nakaipit lang pala dun yung perlas. Hahaha.
Lester: Tarantado!
Inamoy na namin ang kabibe kung mabulok ba ito. Malansa. Amoy dagat. Hinimas ko na ang bote dahil baka may lumabas na genie. Wala. Pinagtawanan lang nila ako. Tinapat namin sa liwanag ng buwan ang tela subalit walang nagpakitang lihim na mensahe. “labis mang mabulok” – iyon lamang ang nakasulat. Sinubukan ko na ring itapat sa sikat ng araw. Wala din, nasilaw lang ako.
Labis mang mabulok. Kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang aming nasilayan ay wala talaga sa amin ang may alam. Naisip kong baka nga wala naman talagang kahulugan yon eh. Baka may nauna nang nakakuha ng perlas at pinalitan nya ang laman ng kabibe nitong message in a bottle na ‘to bilang isang biro. Hindi nakakatuwang biro dahil lalo lang pinalaki ang problema namin. Pero sa kabilang banda, baka nga iyon lang talaga ang laman ng bote. Dahil kung talaga ngang makapangyarihan ang perlas tulad ng nakasaad sa alamat ay siguradong maraming mahihirap na pagsubok ang kailangang mapagtagumpayan upang mapasakamay mo ito. Having said that, ayoko namang mag-explore sa mga mabubulok na lugar.
Maraming mabulok na bagay nung highschool na kahit na mabulok sila ay gusto pa rin natin. Isa diyan ay ang tambakan ng basura. Kapag cleaners ang committee namin, halos makipagpatayan ako makuha lang yung basurahan. Kapag kasi ikaw yung magtatapon ng basura, ligtas ka na sa iba pang gawain tulad ng pagwawalis at pag-aayos ng mga armchair. Tanging yung pagtatapon lang ng basura ang task mo. Relax ka lang, petiks. Babalik ka na lang sa room kapag tapos na maglinis yung mga kasama mo. Take your time papunta at pabalik sa mabulok na tambakan ng basura na nasa tabi ng basketball court nung una at narelocate sa ---- (Darn, san na nga ba narelocate yun? Taon taon yata nililipat nila ng pwesto yun eh.) Basta iyon lang ang trabaho mo – ang itapon ang naaccumulate na basura ng IV-Only na binubuo ng mga lukot na papel, mga pakete ng Big250 at Cream-O, at mga balat ng fox’s candy at mentos. Pero sa maniwala ka’t sa hindi, pero malamang maniniwala ka dahil sigurado isa ka sa mga major contributors, 75% ng basura ng klase ay ang samu’t-saring cellophane wrappers ng bestselling yema ni Mary Rose.
Muntik na akong mapatalon nang biglang sumigaw si PJ.
PJ: Alam ko na! Bakit hindi natin tanungin si Sirina. Baka may alam sya.
Marvin: Pano mo tatanungin eh tingnan mo naman nakapulupot kay Kim.
Karl: Sige na Peej tanong mo na, importante to.
PJ: Sirina! Sirina! Tatanong lang sana namin kung alam mo ibig sabihin nito. (Pinabasa kay Sirina ang nakasulat sa tela.)
Bigla na lamang nagsalubong ang kilay ni Sirina at mistulang nagalit ito. Kumawala siya kay Kim at tumalon pabalik sa dagat at nangapilansikan pa kami ng tubig alat lalo na si Kim na naghahabol pa ng hininga at naninigas ang titig kay PJ na inistorbo ang mainit na eksena nila ng sirena. Sumisid na pailalim si Sirina at hindi na namin siya muling nakita pa.
Kim: Tares! Cockblock amp!
Eriko: Yaan mo na. Sabi nga nila, “There’s plenty of fish in the sea.”
Kim: Plenty of fish nga, hindi naman lahat may boobs!
Eriko: HahaHa! Tado!
Kim: Ang lakas nyo namang mang-istorbo! Hinahand—
JC: Tama na yan! Tara na bumalik na tayo sa lupa.
Noel: O balik na daw, Chet ano tinutunganga mo dyan ot di ka pa magsagwan.
Chet: Panay turo mo ah. Eh bat ikaw ba?
Noel: Nakitang member nga ako ng dive team, napapagod pa ko. Ikaw wala ka pa namang ginawa. Di man lang kita narinig nagcheer!
Chet: Kapanguwenta. Liwas liwas!
Noel: Basta mauna ka na, magpapahinga lang ako sandali. (Sumandal at pumikit.)
Chet: Pumikit moraw! Lintik na to!
Noel: Ahihihihihihi.
Wala na ngang nagawa si Chet kundi ang magsagwan na lamang kasama ng iba pa. Hindi na talaga nawala samin yun. Hanggang makakaiwas ka sa gawain, talagang iiwas ka. Lalo pa’t meron kang legitimate na dahilan. Pero kung wala naman kaming madahilan, kadalasan tumatakas na lang kami.
Nung 2nd year highschool, kapag may mga activities sa foundation week, nagkukulong kami sa kwarto at doon nagpupusoy dos o nagtatattoo gamit ang pentel pen. (Hindi ko rin alam hanggang ngayon kung ano pumasok sa isip namin ot ginawa namin yun.) Pero hindi lang basta pagkukulong na isasara mo yung pinto. Tinatambak namin yung mga armchair at pati na rin yung mga locker. Oo yung locker natin. Yung locker na mukhang cabinet. Yung locker na cabinet pala talaga. Sobrang liit na nga nung storage, dalawa pa kayong maghahati. Tapos hindi man din nagtagal yung mga lock dahil pinagbububuksan ni McJohn lahat gamit yung susi nya, hanggang sa masira lahat. Kaya kadalasan, nangakabukas lang din ang mga pinto ng locker at kapag dumaan ka at nasabit yung polo mo, siguradong punit. Tapos nagulo pa yung tuck-in mo. Sira na yung araw mo. Mapapamura ka na lang. Ano pa nga ba magagawa mo? Tapos pagtatawanan ka pa ng mga gunggong mong kaklase habang sinusuot-suot pa nila yung daliri nila sa butas ng polo mo kaya lalo pang lalaki ang damage. Anyway, isa yun sa mga naging pakinabang ng locker – ang gawing mabisang pangharang sa pinto ng room kapag naisipan naming pansamantalang tumakas sa mga responsibilidad. Meron din nga palang ginawang CR yun at umihi sa likod ng locker. Pero hindi ko sasabihin kung sino. Yung locker ng mga girls yung inihan kung nagtataka ka. True Story.
Nabanggit ko na rin lang ang CR, isa pang halimbawa ng mga mabulok na bagay noon ay ang mga CR sa college building na mayroon ding taglay na baho. Doon pa din ang puntahan kapag naiihi ka o gusto mo lamang ayusin ang buhok mo o maglagay ng gel, setting lotion o suave. Suave! Inam! Madalas ang pagbisita sa CR lalo na pag taglamig na at napapadalas ang reklamo ng puson mo, kahit pabalik-balik, ano mang panghi, wala kang pakialam. No choice ka din naman eh, dun lang talaga ang option mo. Kahit na sila Chet, Gail, Ipoy at iba pa na hindi umuuwi ng tanghalian ay doon nagsisipilyo. Hindi ko maintindihan kung pano nila nagagawa iyon nang may katabi silang mga toilet bowl na madilaw pa sa pineapple juice ni Kuya Zaldy ang tubig at may mga lumulutang na basang ta-ewan ko kung ano. Yuckness. Labis mang mabulok. Hindi ko talaga maisip kung ano ang ibig sabihin non.
Chet : Saan na tayo pupunta?
JC : Bumalik na lang muna kaya tayo sa tribo? Pakita natin sa tribe leader kung ano natuklasan natin.
Karl : Sa tingin mo ba sapat na yan para palayain nila si Raine?
Marvin: There’s no way to tell. Pero nasa dead end na tayo, ginawa na natin yung binigay nilang misyon.
Mahaba-habang lakbayin din ang sinagwan nila pabalik pero hindi naglaon at salamat na din sa kanilang kasipagan ay naabot na nga namin ang pampang. Kasabay ng aming pagdaong sa dalampasigan ang pagsikat ng araw sa silangan. Umpisa na naman ng isang panibagong araw na puno ng mga surpresang naghihintay lamang matuklasan. Tumingala ako sa langit at minasdan ko ang parada ng mga ulap. Ang ganda ng mundo. Ang sarap mabuhay. Subalit pagbaba ko mula sa bangka ay parang isang malutong na sampal ng reyalidad ang gumising sa aking naglalakbay na diwa at pinaalala nitong wala kaming nakamit at nabigo kami sa aming misyon.
Eriko : Tara na, Dalin natin lahat, pati yung kabibe at bote.
Mc John: Baka matulungan tayo ng datu tungkol sa clue.
PJ : Tama. Baka may nabanggit dun sa alamat ng perlas tungkol dyan sa labis mang mabulok na yan.
JC : Bahala na. as if may iba tayong choice.
Nagdesisyon na nga kaming bumalik na lamang sa mga katutubo. Subalit mayroon pa ring pangambang gumugulo sa aking damdamin at hindi ako mapalagay. Hindi ko alam kung pano kami babalik sa tribo nang wala ang perlas. Nag-aalala talaga ako. Sa tingin ko, hindi sasapat ang message in a bottle lang para mabawi namin si Lorraine. May tsansang hindi pa rin nila papalayain si Lorraine at ipapatuloy sa amin ang misyon ng paghanap sa perlas. Dati ayos lang sa akin ang bahala na. Pero ibang sitwasyon naman ngayon. Buhay ng kaibigan namin ang nakataya at hindi kami pwedeng magpabanjing-banjing lang. Nalimitihan talaga ang mga option namin ngayong wala sa amin ang perlas. Tandang pananong kung ano ang magiging desisyon ng tribunal ng mga katutubo. Pero kapag nagkagipitan, kampante ako na hindi lamang ako ang gagawin ang lahat mapalaya lang si Raine – kaming lahat. Gayunpaman, kelangan naming masagot ang panibagong palaisipan na ito.
Labis mang mabulok.
Kapag buwan naman ng canvassing ng Miss BSC, nag-uunahan pa din kami nila Noel, Kalo, at Lester sa pagpiprisintang kami na lang yung magbibilang at magbabantay ng mga bote at dyaryong nalikom para maibenta sa dealer. Syempre sa ganung paraan, excused ka na for the day, kahit sari-saring amoy ng toyo, patis at suka na napaglipasan na ng panahon ang malalanghap mo. Alam mo naman siguro kung ano ang amoy ng bote ng napaglipasang patis? Di ba ang baho? Wala kaming pakialam sa anumang bantot na taglay ng mga ito dahil kapalit naman ay ligtas ka sa klase.
May kalayuan din ang tribo mula sa dagat. Ang munting pamayanan ng mga katutubo ay matatagpuan pa sa puso ng kagubatan. Isang mahabang lakarin na naman. Pagod na kaming lahat. Ang ilan sa amin ay hindi pa lubos na nakakarecover sa ginawang pagsisid at ang iba naman ay nananakit din ang mga katawan dahil sa walang humpay na pagsagwan. Nagsimula kaming maglakad pabalik. Bagsak na ang balikat ko pero patuloy pa rin ang mga paa ko sa paghakbang. Nanginginig na ang tuhod ko, na parang daig pa ang may nakabiting isang toneladang bato. Pakiramdam ko’y naglalakad ako nang tulog. Puspos na din ng halusinasyon ang nakikita ko sa daan. Nagtipon na ang lahat ng pasakit sa aking katawan. Pagod. Puyat. Sakit ng katawan. Kaunawaan ng pagkabigo ng aming lakbayin. At syempre, matinding gutom.. Gutom… kahit sabihin ng ibang walang lugar para isipin pa ang gutom, wala na akong magagawa sapagkat nalunod na naman ako sa hiwaga ng panaginip…
Madalas kami tumambay kila Prof. Masasabi kong iyon ang official tambayan ng barkada. Food trip, videoke, basketball, inuman, nood ng bold. Pero sa lahat ng activities namin kila Prof, ang hindi mawawala ay ang kainan. Syempre naman, eh lahat ng mga binanggit kong gawain nakakapagod eh. Pag meryenda lang, kadalasan pansit canton at coke lang. Sa pansit canton, si Chet ang laging tagpaghalo dahil ayon sa pang-uuto ni Lele, at nagpapauto naman si Chet, siya talaga ang magaling at nakakaalam ng tamang paraan ng paghahalo. Meron syang unorthodox na technique. Pero pag tanghalian o hapunan, ihaw-ihaw, liempo, fried o inihaw na manok na lahat ay nabibili sa plaza. Tapos magsasaing na lang ng kanin. Pag kainan na, pantay at patas ang hatian. Yun ang akala namin sa umpisa. Hindi ko alam kung pano ginagawa ni Chet pero palagi siyang may nakatagong isa pang piraso ng manok. Ang magaling, nakabaon sa kanin nya para hindi namin makita. Tapos pag nabungkal na, mangagapamura na lang kami sa kawalangyaan nya. Akala mo pa naman nakalamang ka na dahil sayo napunta yung hita ng manok, pero sya pala meron nang nakaset aside. Sasabihin pa moraw nya, “Ay tares naunahan na naman ako sa hita ang! Yaan mo na nga.” Pero nabisto na din namin istilo nya kaya panay na namin sya nahuhuli ni Gail. Pero madalas, kami din, nagbabaon na lang din ng manok sa kanin namin. Win win. Hehe.
Arawts!!!
Nauntog ako sa isang sanga dahil hindi ko na nabigyan ng pansin ang aking dinadaanan na nagbigay daan upang mapagmasdan ko sila. Wala nang kalatuy-latoy ang mga pigura. Parang mga salagubang na nangakakapit sa sanga na sa anu mang oras alugin ay mahuhulog na lang sa lupa. Hindi madaling pagmasdan ang estado ng kanilang pagkatao sa ngayon. Parang nasa gilingang bato ang yagbols puso ko at may kaunting kirot ang nadarama dahil sa aming kalagayan.
Daniel: Guys! Hindi tayo pedeng sumuko.. Malapit na tayo.. Makakapagpahinga din pagbalik sa tribo.
Wino : Sana nga pahinga. Eh pano kung mamurit ang mga katutubo?
Karl: Pano kung maging bayolente sila? Pano si Raine? Malalagay sya sa kapahamakan!
Eriko : Wala tayong dalang perlas. Kabibe’t bote lang..
Lester : Malamang nga di matuwa yung tribe. Pumalpak tayu.
JC : Pagpahingahin muna natin ang ating mga utak. Tsaka na natin isipin yan pag andun na tayo. We deserve it.
Gail : Wag muna tayong mabahala sa mga bagay na wala naman tayong control.
McJohn: Basta magpatuloy na lang muna tayo.. Tsaka na natin sagutin mga tanong na yan..
Marvin : Tama nga Mc, basta alam ko handa naman tayong lahat kung anu man ang mangyari di ba?
Ayos, pwede na ang ganito, kahit na konti ay bumalik ang kanilang mga fighting spirit. Magchicheer pa sana ko para lalong maboost ang morale nila kaso tinamad na ako. Nagpatiuna na lang ako sa paglalakad at siguradong magsisisunod na sila.
Lakad na naman, pero ngayon may kaunting ngiti na sa kanilang mga labi. Sakto na ang pace ng paglalakad nang bigla na lamang may nautot.. Peste!.. Nanumbalik na naman. Labis mang mabulok…
Sa paglalakad naman, mayroon ding iba na kahit anong bulok ay natitiis dumaan. Isang halimbawa ay ang Matae Street. Yung daan dun sa likod ng munisipyo pabandang Kringkring, yung bago, yung dausan ng kainan pag natapat na birtrhday mo tapos may pasok? Yun duon. Mabaho ang ambiance pero ayos lang dun maglakad basta mapalapit lang pag papuntang palengke. Dapat alisto ka at maingat sa paglalakad dahil parang mine field ng tae yung street na yun. Alam mo ding maraming mga hindi pinalad na nakajackpot dahil maraming bakas ng pinagkaskasan ng tsinelas at sapatos. Dun din nga pala ginaganap ang underground boxing pag may gusot o gulo sa kabi kabilang year levels. Nahihirapan ka na ngang saluhin ang mga kamao ng kasuntukan mo, titiisin mo pa ang di lumanghap ng hanging dadampi sa mukha mo. Di ko na sasabihin kung sinu sino na ang mga naisalang dun. Basta, kwan…
Sa di kalayuan ay natanaw ko na ang usok na nagmumula sa kanya kanyang tent sa tribo. Nakabalik na din kami sa wakas. Eto na ang matinding komprontasyon. Nilakad takbo ko na ang pace at dumire-diretso sa pinaka leader ng tribo.
Daniel : Manong, may good news at bad news. Ano gusto nyo mauna?
????: … Ah syempre good news.
Lester: Good news daw…
Chet: Natunton namin ang destinasyon sa mapa at aming natagpuan na ang kabibeng tumataglay sa Perlas ng Silangan!
????: Good news nga!!! Ayos na! Eh teka, ano ang bad news?
Gail : Walang laman na perlas ang giant kabibe na ‘to.. (pinakita)
Noel : Heto lang ang nasa loob… (nilabas yung bote)
Wino : At saka meron ding nakapaloob sa bote… (pinagpag yung mensahe)
???? : Anong ibig sabihin nito?
Karl : Ang ibig sabihin nyan, ibabalik nyo na sa amin si Raine!
JC : Hindi na namin saklaw ang sagutin pa ang pariralang iyan.
Kim: Ginawa na namin ang part namin kaya gawin nyo na ang part nyo.
???? : Labis Mang Mabulok.
Naglumpunan na naman ang mga katutubo kung kaya’t parang isinabuhay na nila ang mensahe, nang magsama sama ang mga angking lakas ng amoy ng kanilang mga katawan. Pero ako’y napatigagal nang ang isa sa mga katutubo ay may pinapangos na pulang bilog na prutas, ni hindi man lang binalatan. Sumiksik sa sulok ng ilong ko ang amoy na nanggagaling sa nasabing prutas na naging dahilan para maalaala ko na naman ang sayang inihatid sa klase ng mabulok na bagay na ito…
Ms. Reyes : Okay class, see you again tomorrow..
Tapos na pala ang English, hindi ko man lang namalayan sapagkat wala akong nagawa kundi tumitig lang kay Mam Monica. Di ko alam kung halata ng buong klase, na sa tuwing English na, nagtatabi tabi kaming mga lalaki, pero kung napansin man, wala naman masama, di ko na lang sasabihin dito kung bakit, basta… basta… Pagkalabas ni Mam, automatic na yan, iingay na parang mga kuliglig, pag nakalayo na ang bantay tsaka na iingay…
Maglalabulan na naman sana kaming mga lalaki sa likod ng kung anu ano pero biglang nagkaroon ng isang napakapambihirang pagkakataon na nagmarka sa kasaysayan ng pamilya IV-Only…
Marvin : Umph, anu yun. Amoy anu… amuy..
Daniel : Ou nga amoy kakaiba nga ah.. alam ko to.. di ko lang masabi..
Eriko : Mabolo!!! Amoy mabolo!!!
Nangatawa na kaming lahat syempre.. Hahahaha.. (Hanggang ngayon nga natatawa pa din ako eh..)
Gail : Ots, san galing yun?
Karl : Pano magkakaron ng mabolo dito?
Wino : Parang banda dito eh oh… (tinuro yun bandang hulihan)
Big : Mabolo ba? Parang di naman ah..
Kumalat na ang amoy, tumindi na ang osyosis epek. Hinalungkat na ang mga dapat halungkatin para lang makita ang mabolo na yan…
Ipoy : Eto! Dito sa bag ni Big galing yung amoy! Hahaha!
Inagaw ko na yung bag ni Big, sabay binulatlat.
Daniel : Ah eto ngang bag ni Big! Mabolo!
Eriko : Bry yung baon mong mabolo!
Ipoy: Ayaw pang aminin ni Big eh. Sa kanya pala. Ahahaha!
Big : Hinde.. Tan6!na hindi man akin yan!! Peksman!!! Di man talaga!! Eh di naman ako kumakain ng mabolo!! Sino naglagay nyan sa bag ko!!! (pasigaw na si Big, di pa ba halata sa dami ng “!!!”)
Binato ko yung bag papunta kila Chet na tawa lang nang tawa, nauubusan na nga ata ng hininga. Si Kim nanginginig pa na sinasabayan ng malutong na halakhak ni Lele. Gusto na magberserk ni Big, hinabol nya ang bag pero naipasa na agad sa kabila, maiiyak na ata si Big pero malas, naabot nya ang huling destinasyon nung bag. Patay… kay Lester pa napunta, ang kawawang nilalang, di namin alam kung ano pa ang ginawa ni Big,.. hindi ko na kayang isalarawan pa.. at dun na nag-umpisa… Torture!.. Torture!.. Torture!!!… Hanggang ngayon itinatanggi pa din ni Big na sa kanya nga yung misteryosong mabolo na yun. Kung paano man napunta sa bag nya yun, kung may naglagay man, o baon nya lang talaga, wala pa ding nakakasigurado. (Ang maikling eksibisyon na nasa itaas ay hango sa tunay na totoong true to life story, di man tumugma ang dyalogo ay tiyak na tumpak ang ibig nitong ilahad.)
Plaakkt!!
Isang maugong na sampal ang inabot ng aking pisngi.
Chet : Lintik ka bawat pagkakataon ata nangangarap ka.
Kim: Kaya siguro panay ka lang nangongopya kasi pag lecture wala kang ginawa kundi managinip eh..hehe
Daniel : Si, mga tuleg.. Et kaya mananampal pa, pede namang tapik lang. Pagsusuntukin ko kayo dyan eh.
JC : Mamaya ka na gumanti Dan, may mas mabigat pang dapat lutasin.
Daniel: (tumahimik na lang muna ako, gaganti ako mamaya)
Karl : Manong, anu na? Asan na si Raine?
???? : Labis mang mabulok?
Karl : Di yan ang tinatanong ko, ibigay mo na si Raine.. Pucha naman oh..!
???? : Pedeng lugar, o simbolo, o pedeng kumatawan sa tao..?
Napangiti ako, ngiting mas malaki pa sa bibig ni cookie monster. Sa sinabi ni Manong, kumatawan sa tao, naalala ko ang pinakamabulok na simoy nung highskul subalit masasabi kong pinakagusto ko…
Medyo nawawalan na ng hapdi ang init ng araw, patapos na ang hapon, malapit na mag last period. Halata mo agad dahil nagkakarambola na ang arrangements ng upuan. Nag-uunahan makalayo sa area of responsibility ng front row seats. Minalas na naman, nahuli akong nagreact dahil naaliw ako sa pagmumuni-muni't pagtingin sa kalangitan dahil na din siguro nakapwesto ako malapit sa bintana. Peste, isang oras na naman kaming magtitiis ng mga kapwa ko napag-iwanan sa harap sa amoy ng pamadang uso pa ata nung dekada sisenta. Tatayo sana ako at gagamit na ng dahas para makipagpalit ng upuan sa kung sino man ang nasa likod ko pero huli na ang lahat. Ramdam ko na ang pagdating niya.
Paglapat pa lamang ng unang yapak sa loob ng classroom, kahit di ka na lumingon, andyan na siya. Sabay bati ng “Good Afternoon Class”, sa saliw ng accent na di ko madistinguish, na ilan taon ko din pinag-isipan kung ano, di ko naman magawang itanong sa kanya dahil ang pagkakaalam ko ay may history ata siya ng pagiging sundalo, baka samain pa ako. Di ko alam bakit kailangan paglaanan ng isang oras ang asignaturang Horticulture. "Lahat ng mga naiisip mo, lahat ng under the sun, nasa horticulture." yan ang linya niya. Sa totoo lang, nung mga unang araw niya, sabi ko sa sarili ko hinding hindi ko magugustuhan ang istilo niya. Minsan magbabagsak na lamang siya ng joke na mas luma pa kay lola, at kadalasan, madalas na halos sa lahat ata ng topic niya, hindi ata mawawalan ng light green jokes. Ano yung light green jokes? Yun bang tipong padouble meaning siya kung tumirada? Ligtas siya pag bastos mo nainterpret dahil sasabihin niya di naman ganun yung ibig ipahiwatig ng sinabi niya.
Sa kabilang banda, may napulot din akong mga teknik, di ko nga lang alam kung san ko iaaply, maliban na lang kung magpapalit ako ng landas at maging magsasaka. Kasi madami siyang alam na pamamaraan sa pagbubungkal ng lupa, kung paano ang tamang pwesto ng mga paa, at ang wastong paghawak sa asarol. Umabot din sa point na sinasuggest na niya na magkakaroon daw ng activity at susubuking magtanim ng palay sa bukid, sabay baling ako sa bintana para makita ang bukiring katabi lang ng namayapa nating paaralan, kasabay ng pag-iisip na ng magandang alibi para maka absent sana sa araw na itatakda niyang gawin ang activity.
Madami kang masasabing di mahusay sa kanya, nabanggit ko na ba yung mabahong buhok niya? Pero sa kabila nun syempre may mga maiinam din naman. Pagkalipas ng mga 30 minutes ng pagtatalakay about sa mga lupain at mga gawaing pang DAR, biglang may magsusuggest, "Sir, break muna tayo?" na sasang-ayunan naman niya at magpaparecess bigla nang wala sa oras o sa pananalita niya "Come back after 5 minutes." accent pa din syempre. Pagbalik mo after ng kahit wala pang 5 minutes, may magsusuggest ulit na “Sir, enough discussion na.”, ewan ko kung sino malakas loob magsuggest nun, malay mo ako lang na nag-iiba-iba lang ang boses, hehe joke lang, hindi ako yun, basta pag may nagsuggest ata bibigay agad si Sir. Di na magdidiscuss at makikipagkuwentuhan na lang sa klase. Di ko na nga lang matandaan ang mga stories niya dahil kulang na lang ipikit ko ang mga mata ko't humilik para sabihing hindi ako interesado.
Pansin mo bang wala akong ibang maalala sa Horticulture kundi ang guro natin dito? Horticulture is the industry and science of plant cultivation including the process of preparing the soil. Parang ganyan din ata ang sinabi niya nung mga unang araw, at dinugtungan niya nun katagang binanggit ko kanina. "Lahat ng bagay may kaugnayan sa Horticulture." Sa salita nya na yun, dun lang atang araw na yun siya nakaubos ng buong oras ng period niya, kakatanong namin ng mga bagay at sasagutin naman niya kung ano ang ginagampanan nito sa Horticulture. Kulang na lang hanggang kulangot ko itanong ko na sa kanya kung ano connect sa Horticulture para lang humaba pa ang tanungan eh. Kagaya ng sinabi ko kanina, never kong magugustuhan sana ang estilo niya, hanggang kainin kong lahat ang mga sinabi ko, putsa, nung magpaexam siya ng open notes naging paborito ko na sana siyang guro kung hindi lang sa samyo ng buhok niya. Pero ayos na, bawas na ng isang subject ang alalahanin kong makakuha ng line of seven sa report card…
At sa bawat paglinya ng kamay ng orasan sa numero ng uwian, buong ngiti akong nagsasabi ng "Bye Mr. Balbag, see you next time..." kahit gaano pa kabaho ang buhok mo…
Wooossshhhh!
Daniel : Naka Chet, di ka na makakaulit!
Chet : Galing namputa! Nakaiwas sya.
Kalo : Anu ano pinaggagagawa nyo diyan nakitang kalaki pa ng problema natin.
Noel : Kaya nga, etong dalawang to.. Hihihi.
Daniel : Sorry, ets, sige na puwersahin na nating bawiin si Raine sa kanila.
Marvin : Wag munang ganun, sa palagay ko ibabalik na din siya ni Manong eh, tignan mo, halata na sa mukha niya.
PJ : Manong, lets hit it na. Asan na si Raine?
????: Hindi ko alam kung paano sasabihin sa inyo.. pero may bad news din ako.
JC : Teka anong bad news??
McJohn : Masamang pamamaraan to ah.
Wino : Wou nga, bad vibes..
????: Hindi ko mapaliwanag kung pano nangyari.
Lester : Sisipain ko na to eh.. sabihin nyo na.!!
???? : Si Maganda….
Karl: Bakit anong nangyari?! May nangyari bang masama sa kanya???
Pulang pula na si Karl sa galit at inis. Ramdam na rin naming may mali. May ginawa ba silang masama kay Raine? Tinorture ba nila? Lahat kami ay nagbago na ng tikas para maghanda sa gulong nagbabadyang maganap ano mang oras.
Malambot at pino ang buhangin sa iyong mga talampakan at naiisip mo na ganito marahil ang pakiramdam ng nakaapak sa ulap. Sa bawat alon ay dumarampi ang tubig sa iyong mga paa na nagdudulot ng malakuryenteng enerhiya. Malamig ang ihip ng hangin na lumalaro sa iyong mukha na hindi mo namalayang nagpapamalas na pala ng isang matamis na ngiti. At ang init na hatid ng araw ay nagbibigay ng buhay sa iyong pagod na katawan. Pero sa sandaling iminulat mo na ang iyong mga mata ay para mo na ring binasag ang ilusyon. Wala ang buhangin. Wala ang alon. Walang dagat.
????: Wala na siya dito.
Para akong nabasag sa isanlibong piraso.
Itutuloy…
No comments:
Post a Comment