International Praise for the Hugtungan Series
“The words are very vivid and real! I
almost unseated myself from laughing! A must read! Kudos to the creators!” – Ma. Theresa Ocampo
“Hindi lang pala
english ang nakaka-nose bleed! – Lorraine Jane Mallari
“SUPER LIKE!” – Peter John Liwanag
“Hayup..ang galing..hahaha…ayos tong trip nyo ah.. sige..
pagputuloy nyo yan.” –
Karl Zoilo Franco
“…in fairness ha malupet xa ha…hehehe…” – Donna Salang
“Shet!!! Lufet nmn nyan! Hahahaha.” – Jo Ann Sampang
*The Hugtungan Series also has 40+
likes on facebook.
Isang araw, sa isla ng Bora…
“Umuulan! Ano ba yan grabe. Sayang ang
leave kung ganito lang ako dito sa Bora. Di mo man lang maenjoy. Sumama na lang
sana ako sa kanilang magscuba diving,” wika ng isang babaeng inis na inis.
Halata sa kanyang mga nguso ang pagkadismaya kung kaya’t kung anu ano na lang
ang dumadaplis sa isip. “Hmmm… Anu kaya pinagkakaabalahan ng mga mokong ngayon?”
tanong niya sa sarili na tila may sumulpot sa kanyang imahinasyon na nagpasindi
ng kaunting ngiti sa kanyang mapupulang labi.
Kapag
ganitong naiinip siya ay kadalasang naaalala niya ang mga kaganapan nuong mga
panahong ang suliranin lamang niya sa araw araw ay mapagtagumpayang pababain sa
ground floor ang mga kaklase. “Those were
the days,” isip niya. “Hay nako, araw araw na lang nilang pinapasakit ang
ulo ko,” reklamo niya habang ang kaninang maliit lamang na ngiti nya ay umabot
na sa kanyang mga mata.
Hindi pa man
lubos na nasusuri ng dilag ang kung anong sentimyento ang pumasok sa kokote ay
biglang nagdumilim ang buong paligid. Kadiliman na bumabalot sa buong
kapaligiran na kanyang lalong isinumpa. Wala siyang makitang iba kundi dilim.
Gusto na niyang sumigaw ngunit walang kumakawalang tinig mula sa kanyang bibig.
Para bang ang bawat tunog ay hinigop na rin ng kadiliman. Hindi niya maintidihan
kung anong kababalaghan ang nagaganap. Wala na siyang magunita hanggang
mapapikit na lamang ang kanyang mga mata…
Lumipas ang
ilang sandali. Ilang minuto o oras? Hindi niya alam. Samu’t saring tinig ang
kanyang naulinigan sanhi para manumbalik ang kanyang diwa. Hindi muna siya
nagmulat ng mata at hinayaang rumehistro na muna sa kanyang sarili na siya’y
buhay pa.
“Pagpalain ang dakilang bathala!”
alingawngaw ng boses ng isang lalaki sa kanyang paanan. Hindi pamilyar ang
tinig na narinig niya kaya’t minabuti na muna niyang wag umimik. “Si Malakas na
lang ang kulang. Maaayon na ang propesiya!” nagagalak na wika ng isa pa. Sa
narinig ay bigla siyang naligalig dahilan upang siya ay mapabalikwas ng tayo.
Nagkagulatan silang pare pareho. Dito niya napagmasdan na siya ay
napapalibutan ng isang tropa ng
katutubong aeta. “Mga kasama, si Maganda ay nagparangya na!” palahaw ng
pinakakaiba ang get-up sa kanila. Pagkaraan ay siyang pagsasayawan ng iba pa
nitong kasama. “Teka, sandali. Nasaan ako?” tanong niya sa tila pinuno ng grupo
habang inaakay na siya papunta kung saan ay wala siyang alam. “Maganda, halikat
mamahinga sa pinakaespesyal na kubo habang ating inaantay si Malakas. Sa iyong
pagpapakita ngayon ay paniguradong nalalapit na din ang kanyang pagdating”
pangusap ng pinuno na parang hindi narinig ang kanyang mga katanungan.
“Pano na to? Pano kaya ako tatakas
dito?” wika niya sa sarili. Waring pinapakalma ang buong katawan. Kung sa
bagay, siya ang tipo na hindi basta basta magagapi ng mga ganitong kalagayan.
Minsan na lang niyang pagsisigawan ang mga kalalakihan sa kanyang eskwela pag
sumosobra na ang kapilyohan na ikinatutupi naman ng mga ungas. Unang bilang pa
lang, alam mo na. Tumahimik ka na at wag na magsalita pa. “Teka. What if
nananaginip lang ako,” bulong niya sa sarili. “Aguy” gulat ng katabi nyang
katutubo nang subukan niyang kurutin. “Hindi
nga to panaginip. Nasaktan siya,” isip isip niya kasabay ng paniningkit ng
mata. “Kung ganun, kelangan siguro
pag-aralan ko muna kung ano talaga ang kailangan sa kin ng mga ‘to.”
Ilang dipa
lang ang naubos nilang lakarin nang tumambad na sa kanya ang tirahan ng mga
katutubo. “Bongga may stage pa. San kaya
nila ako dadalin dito? Parang gusto ko na lang matulog para mabawasan ang pag-iisip,”
pahayag nya sa isipan nang kagyat naman siyang dalin sa likod ng nabanggit
nyang stage.
Hindi niya
alam kung ano ang inakala nyang makikita niya sa backstage subalit pagdating
niya doon ay hindi pa rin maitago ang gulat sa kanyang mukha. “Oh Em Gee!” iyon
lamang ang nabanggit niya habang manghang mangha pa rin sa munting silid sa
likod ng stage.
Maliit lamang
ang kwartong pinagdalhan sa kanya subalit hindi naman matawaran ang kagandahan
nito. Tila isa itong silid na para sa mga dugong bughaw at hindi niya
mapigilang maramdamang isa siyang prinsesa. Pagpasok pa lamang niya sa silid ay
sinalubong na siya ng halimuyak na hatid ng mga sariwang sampaguita na
nakatirintas at nakasabit sa may pintuan. Makulay ang loob ng kwarto dahil sa
samu’t saring kurtinang nakapalibot sa bawat pader mula kisame hanggang sa
sahig. Matitingkad ang kulay at maririkit at napakadetalyado ang mga burdang
bulaklak at iba pang dibuho ng mga ito. “Dito ka na muna mamahinga Maganda,”
sambit ng pinuno na hanggang ngayon ay akay akay pa rin siya. Naupo siya sa
isang magarang upuan habang pinapaypayan ng dalawang katutubo sa magkabila
niyang gilid. Isa pang aeta ang may hawak ng sisidlan ng mga prutas ang
papalapit sa kanya. “Kung may kailangan ka pa ay sabihin mo lamang sa mga
alipin, sila ay nasa iyong lingkod,” patuloy ng pinuno bago siya nito tuluyang
iniwan. Siya naman ay nakatulala pa rin at nahuli nya ang kanyang sariling
nakanganga dahil sa labis na pagkagulat at pagkamangha.
Bagaman
kaaya-aya ang kanyang paligid, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ‘di na niya
napigilan pang manlabo ang kanyang paningin sanhi ng pagtutubig ng kanyang mga
mata. Pagkaraan ng mga madidilim na usisain na naganap sa kanya, biglang
bumagsak ang mga mumunting perlas ng luha, tila ipinahihiwatig na kanya lamang
ikinubli ang mga ito. Tanging ang basyong tolda ang saksi sa kanyang
nararamdaman. Sa ganong kalagayan na din nahanap ng kanyang kaisipan na maidlip
at limiting panandalian ang kasalukuyang katayuan.
Naalimpungatan na lamang siya nang madinig
niya ang hiyawan ng mga kautubo sa labas. Hindi niya malaman kung pupunasan
muna ang mga mutang namuo sa mata sanhi ng pag-iyak kanina o dagliing lumabas
para mabalitaan kung ano ang nagaganap sa labas.
Bumalikwas
siya ng tayo upang tunguhin ang labasan subalit naunahan nang buksan ng pinuno
ng tribo ang telang nagsisilbing pintuan ng tolda. Hindi matawaran ang galak na
kanyang nadama nang masilayan ang nilalang na pamilyar na pamilyar sa kanyang
memorya. “Kim,” wika niya habang garalgal ang boses. “Maganda, si Malakas ay
natagpuan na din namin. Oras na para iharap kayo nang magkasama sa tribo,”
ubod-galak na pahayag ng pinuno.
Sandamakmak
na interogasyon pa sana ang papakawalan niya ngunit hindi na siya nabigyan pa
ng pagkakataon. Halos kaladkarin na siya papunta sa labas at sa tila nakaset up
na stage kung saan nauna nang dinala ang hinirang na Malakas.
“Mga kababayan, mga kapatid, guys,
may I have your attention please?” palahaw ng pinuno para matalo ang
nakabibinging pag-aawitan ng mga katutubo. “Ang katuparan ng propesiya ay naganap
na. Ang mga sugo sa atin ni Bathala ay narito na. Let’s all welcome Malakas at Maganda!”
tuloy tuloy nitong sabi.
Hindi nakuha
ang buong atensyon ng dalaga ng kung anu man ang gustong ipalabas ng pinuno ng
tribo. Nanatili siyang nag-iisip kung ano ang gagawin, at kung anung kamangha-mangha
ang ipapamalas para makuha ang atensyon ni Kim na ngayon ay flex nang flex ng
mga braso habang abot tenga ang ngiti. “Hay
naku,” isip niya sabay ikot ng kanyang mga mata bilang pagsuko. Makakabuo na
sana siya ng konkretong plano nang biglang magkaroon ng kaunting agting sa
madla.
“Magiting na Malakas, marikit na Maganda!!!
Sadyang napakabait ni bathala
at sinabayan pa niya ng alay ang inyong pagdating!!!”
“Wag po tayong masabik. Wag nating galawin
ang munting nilalang. Siya ay isang
kaibigan… Di ba Lester?” nakangiti niyang supalpal sa pinuno. Tuloy tuloy ang
adrenaline ng kangitian dahil sa kapamilyaran ng kanyang mga natatanaw.
“Eriko bakit nakatunganga ka dyan? Tsaka, Hoy
boys at the back!!!” sumaya siyang konti sa mga nakitang kakilala. Sa wakas
may makakausap na din at mapapagtanungan tungkol sa mga nagaganap.
Akma nya pa
lang lalapitan ang mga makikisig na binata nang sila na mismo ang
nagprsisintang umakyat ng stage. Ang akala nyang madamdaming pagkikita-kita ay
nauwi pa din pala sa kalokohan ng mga kolokoy. Nag-alay ang mga ito ng isang
malastod na programa, sayaw sa saliw ng No no..
Matapos ang
programa sa wakas ay nabigyan na rin sila ng pagkakataon upang makapagcatch-up.
Pero kabaligtaran pala sa inaasahan ang makukuha niyang kasagutan, mas mabigat
na problema pala ang pasan ng mga damuho, na pinangungunahan ng isang masibang
time machine na ginawa nila para solusyon sa problema after problema. Ang
kaligayahang naramdaman niya nang makita ang mga boys ay dagliang napalitan ng
pag-aalala at ligalig matapos niyang marinig ang salaysay ng mga ito.
Parang
kidlat, isang kisapmata lang, umandar ang oras sa paligid nya ng di man lang
namamalayan. Para bagang sa pelikula, nagdilim ang screen pagkadakay sumunod na
eksena na ang pinakita. Hindi man lang napansin ng dilag na akap akap nya ang
isang palayok na pinagsidlan ng inilistang ngalan kung sino ang kelangang
maiwan. Sapagkat hinadlangan ng mga katutubo ang kanilang pag-alis kaya
napagkasunduang magpapaiwan sila ng isang nilalang, pang sure win kumbaga.. Gulong
gulo ang isip. Hindi na niya alam ang dapat gawin. “Ano ba to. Pano kung
magkagalit-galit lang dahil sa mga boto. Tutal sarili kong pangalan ang nilagay
ko…”
“Aaaahhhh!!! Ayoko na!” sigaw niyang
bigla at sabay inihagis ang palayok sa naglalagablab na apoy.
Pagsambulat
ng palayok sa alab ay siya ding pagningas ng galit ng mga katutubo. Dahil sa
ginawa ng dalaga ay napilitang siya na ang ipaiwan ng grupo upang makapaglakbay
at hanapin ang ikaliligtas nilang lahat.
Paglisan ng
kanyang mga kaibigan ay nanumbalik na naman ang kalungkutan. Mag-isa na naman
niyang kinakalaban ang pagdaos ng oras. Higa, baling, upo, tayo, kung anu anong
paraan ang kanyang naisasagawa, mawala lang sa isipan ang nadaramang agam agam.
Tila nawawala
na ang kanyang katinuan, nang isang magtatakipsilim ay bigla na lang binalot ng
liwanag ang toldang kanyang kinasasadlakan.
“OMG, ano ba naman itong liwanag na
‘to? Hwag naman sanang mangyari ulit,” dasal niyang kabadong kabado dahil minsan na niyang
naranasan ang isang penomenang katulad nito. Sisigaw na sana siya ng
pangkalahatang pwersa ng boses niya nang pagkadakay may kamay na tumaklob sa
kanyang bibig.
Nalito ng
todo ang dalaga. Kumaripas ang tibok ng kanyang pagod nang puso. Ano na naman
bang kapahamakan ang humarap sa kanya? Kaninong pasmadong kamay ang kahalikan
ng kanyang mga labi. Tinipon nya ang natitira niyang tapang at unti-unting
liningon ang may-ari ng misteryosong kamay. Ang nakita niya mula sa gilid ng
kanyang mga mata ay lalo pang nagpabilis sa ratsada ng kanyang puso. Hindi niya
alam kung ano ang sasabihin, walang ibang salita ang makakapagpaliwanag ng
kanyang nadarama…
“Poy!”
At kaginsa-ginsa, parang bula, sila’y
naglaho na…
Inihahandog
ng
Sharky Studios
ang
Hugtungan Series
HUGTUNGAN Labinglima
IKATLONG AKLAT, KABANATA – LIMA
“Daniel Denial”
“Mapaghiganting langit, bangis mo’y
nasaan?! Ngayon ang aking baya’y bumagsak sa kalugmukan…” talumpati ng
binatilyong si Marvin sa munting entablado sa ikatlong palapag ng lumang
gusaling tinawag naming paaralan. Nakatayo ako sa hindi kalayuaan hawak ang
xerox copy ko ng script at kinakabisa ang mga linya ko sa itatanghal naming
play. Napakainam ng pagkakabigkas ni Vinards na nagbibigay ng matingkad na
kulay at mabigat na emosyon sa mga linyang nilikha ng napakatalentado naming
kaklase na si Maria Luisa.
“…Maawaing langit ako’y iyong
pakinggan!...” patuloy ni Vinards na kunwari’y nakagapos sa isang puno sa gitna
ng kagubatan kapiling ang mga mabangis na leon na ginampanan nina Lester at
McJohn. Hahaha. Hindi ko sigurado kung sila nga yung gumanap pero kunwari sila
na lang para masaya. Imaginin mo na lang sila na umaaktong parang mga leon
sigurado mapapangiti ka. Raawwrrrr!! Hehehe.
“Aking tatanggapin ang lahat ng
pagdurusa, pahintulutan mo lang na ako’y sumagi sa isipan ni Laura.” Nakuha ni
Marvin ang atensyon ko pagkabigkas niya ng linyang iyon. Naalala ko tuloy kung
gaano tayo karomantiko nung highschool. Romantiko. Na para bang naiintindihan
na natin ang pag-ibig. At para bang naranasan na natin ang tunay na dalumhati
nang masaktan dahil dito. “Aking sinta nasaan ka na? Kailangan ko ngayon ang
iyong pagkalinga. Sa iyong pagsinta ako’y nangungulila,” sabay ng pagbigkas
niya ay ang kinikilig na reaction ng mga nanonood sa pag-eensayo ni Vinards. O
kay pusok nating mga tinedyer.
Speaking of
mapusok at tinedyer, napalingon ako sa kabilang panig ng silid kung saan naroon
ang sinisintang pururot ko na si Maria Kristina. Hawak niya ang isang prop na pana at nagprapraktis sa isang
scene kung saan papanain niya ang isang usa yata o bwitre o baka naman yung mga
leon? Anyway hindi na mahalaga kung ano pa yon dahil as far as I’m concerned,
napana na niya ang bata kong puso. “O pag-ibig, pag pumasok sa puso nino man…”
Muntik na akong mapatalon nang biglang nagsalita si Chet na katabi ko nga pala
na ngayon ay nginigiti ngiti na parang aso. “Baket?,” inis kong tanong sa kanya
dahil sinira niya ang moment ko. “Bakit? Kinakabisa ko lang yung part ko eh.
Eto o saknong 77-82. Umaano ka ba? Hahaha!,” pang-iinis pa nito. “Wala! Ets.
Sinaknong ko mukha mo eh!”
Kapag
binibisita ako ng mga alaala ng lumipas, para akong itinatakas ng mga ito sa
ibang lugar at panahon kung saan maayos ang lahat, walang problema bagkus ay
puro ligaya. Simple pa ang buhay. Magaan pa ang lahat.
Pasikat na
ang araw, ni hindi ko namalayan. Mistulang nainip sa mahabang gabi kaya agad
sumilip. Kakaiba ang hanging sumasampal sa aking pisngi. Hindi kadalasang simoy
sa umaga na kadalasang nadarama. Di ko alam kung sinadya ng panahon o dahil
lang sa tila inbalido kong sensasyon na wala nang naapuhap kundi ang mga
katagang wala na siya dito. Isang katotohanang kahit mga alagang kuto ng
utol ko ay hindi kayang itanggi. Kahit ano pang pag-usisa namin sa mga katutubo
ay wala pa rin. Maski sila ay hindi magawang ipaliwanag kung ano ang nangyari
kay Lorraine. Basta bigla na lang siyang nawala. Naglahong parang bula. “Wala na siya dito.” ulit na naman ng
makulit na kataga sa aking litong isipan. Napabuntong hininga na lamang ako
habang pilit na binubuo ang aking nagkabasag basag na damdamin.
Nagmatyag ako
sa paligid, pupungas-pungas sila pero walang umiimik. Siguro kung maliligaw
dito ang taga lista ng maingay siguradong magtatapos nang malinis ang papel. Ang
lahat ay abala sa pakikipagtunggali sa kani-kaniyang isipan. At ang lahat ay
natatalo. Tumayo bigla si Wino at nag-inat habang naghihikab pagkadakay sinubok
ipangmumog ang hamog na nasa palibot.
“Ano nang gagawin natin?” pagbasag ni Karl sa
katahimikan habang pinagmamasadan si Wino na para bang ipinapatalastas na hindi
pa siya handa. Sino ba ang handa para sa mga to? Wala kahit isa sa amin, kahit
magdamag mo mang pag-isipan di mo makukuha ang sagot. Kumbaga sa exam magreview
ka ng buong gabi pero kinabukasan iba pala yung sakop ng exam. P®ta sasabihin
mo na lang. O kaya kunyari pinlano mong mag-ober da bakod na lang yung mata mo
sa katabi bilang huling bala mo na para makapasa, pero bigla si Mam Bajada pala
yun tagabantay… P®ta! Kaparis ng mga halimbawang to, parang exam, bagsak ka na
eh, wala ka na magagawa kundi problemahin na lang yung susunod na subject.
Hindi ko rin gustong pabayaan na lang yung biglaang paglaho ni Rollaine, pero
anu pa nga ba magagawa ko, di ko naman kayang tugunan yun.
“Wala akong mapalagay para sa
nangyari kay Raine, pero di naman pwedeng ganito na lang tayo. May isa pa na
dapat nating mapagpasyahan,” talumpati ko sa kanila para naman maisip nilang
hindi pa game over. “Punyeta yang labis mang mabulok na yan, nakakangilo nang
ulit ulitin sa isip,” anas ni Chet. “Ngayon pa ba tayo susuko? Malay natin pag
nasolve natin yan baka may kasamang clue kung bakit nawala si Raine” tirada ni
Prof na inaasinta ang kaisipan ni Karl. “Oo na. Alam ko naman tama kayo. Pero
kahit pano ko man isipin, wala akong mabigay na idea,” si Karl.
Andito pa din kami, sa
eksenang kahit yata ipis ay makukuhang madismaya. Hindi ba kami ang bida sa
kwentong ‘to? Pero bakit hindi namin makontrol ang sitwasyon. Isang malaking
playground ang lahat ng pumapalibot sa amin subalit bakit kami pa din ang
napiling paglaruan. Ha! Para nang
saranggolang tinatangay ng hangin ang isip ko, yung tipong kung hindi matibay
ang pisi ay maliligaw na lang bigla. Kung nandito siguro si Hudas ay malamang
samahan ko siya at dalawa kaming nakabitin sa parehong sanga. Kaya bago pa man
mangyari yun ay nagpasya na kong bumangon, kahit pa kasing bigat ng troso na tiniba ng
bagyo ang pakiramdam ko.
“Gaya ng sinabi ni Prof, wala ding mangyayari
kung dito na lang tayo. Kahit siguro mapudpod ang utak kong gamunggo na nga, eh
nabubulok pa yung kalahati, pipilitin ko pa ding mag-isip kung ano ibig sabihin
nyan. Di ba ganun din naman kayo?,” bagsak ko sa kanila na parang rap battle na
hindi nauubusan ng pamatay na linya.
“Lintik na Denial to, tanggapin mo na dre na
wala na talagang pag-asa!” sigaw sa akin ni Kim. “Ilang araw na tayong
nagpapakahirap pag-isipan yang labis mang mabulok na yan pero wala talaga.
Tapos nawala na lang bigla si Raine, sya na nga lang yung babae sa ‘tin.”
patuloy nito.
“Denial?” tanong ng napaisip na si Marvin.
“Di nyo ba kilala yan, si Denial L. Canlas. Hehehe,” sunod pa ng mapanggatong
na si Chet.
Sa
sinabi ni Kim, para na rin niyang binasag ang pag-asang maingat kong binuo.
Bigla na lang din bumagsak ang mga balikat ko na ngawit na ngawit na sa bigat
ng suliraning pasan ng mga ito. Siguro nga tama siya, wala nang pag-asa. Sa
totoo lang, naging napakaswerte na namin na umabot pa ng ganito katagal sa dami
na ng mga problemang naisampal sa aming mga buhay. Siguro nga naubos na namin
ang swerte. Baka nga hanggang dito na lang kami. Tulad ng lahat ng nawawalan ng
pag-asa, tumingala ako sa langit at umasang ang sagot ay nakasulat sa mga ulap.
Subalit sa halip na sagot ay isang mahabang kidlat ang sumulat sa kalangitan at
sinalubong ako ng isang napakalakas na ulan. Ilang sandali pa lamang ay basang
basa na kaming lahat pero walang isa man sa amin gumagalaw. Walang tumakbo
upang maghanap ng masisilungan. Nanatili lamang kami roon na sinasalo ang bawat
patak ng mapagparusang unos.
“Denial..
tama ata ako ah,” si Vinards, kinakausap ang damdmin niya habang kanya
kanyang isip ang iba. “Di kaya lagnatin tong Time machine na to. Baka muritin
na naman tayo,” mahinahong bigkas ni Kalo. “Bayaan mo ulan lang yan. Eh kung
nung sambwan mahigit tayo sa tubig tumagal siya,” iratableng tugon ni PJ.
“Daniel
– Denial. Binaligtad lang. Pano kaya kung baligtarin din.”
“Labis
mang mabulok.”
“Mabaklang
Simbulo,”
pagsisiyasat ni Vinards sa kanyang kaisipan na tila dumaloy sa kanyang mga ugat
ang dugo ni Sherlock. Tumingin siya kay PJ. Napangiti. “Hmmm.. Erase, Erase.
Mali siguro.”
“Mabalbong
Musikal,” sapilitan
niyang kinukumpuni ang bawat himaymay ng mga letra. Trial and Error kumbaga.
“Yang
makina tatagal sigurado. Eh pano tong si Lester. Nagdedeliryo na ata. Hahaha!,”
asar ni Mc John kay Lester. “Ay lokhong muret! Ikaw nga tong pinipilit na lang
magsalita. Eh halatang nangangatal na yang boses mo,” mabilis na depensa ni
Lester sa sarili.
“Mali
bang Sumaklob”
“Mali
nga. Parang lalong walang pupuntahan,” taimtim na pag-iisip ni Vinards na di pinapansin ang harutan
ng mga kasama.
“Ah
teka lang! Tama! Ayun nga!,” biglang sabi ni Vinards.
Napalingon
ang lahat sa kanya. “Ano yon ‘Dol? May gusto ka yatang i-share sa group?,” matamlay
na tanong ni Prof sa kanya.
Ngumiti
na lang bigla si Vinards at nakita namin ang biglang pagliwanag ng mukha niya. Naintriga
kaming lahat habang minamasdan siya at inaabangan ang susunod niyang sasabihin.
Para siyang isang kandilang nagliliwanag sa gitna ng madilim na bagyo.
“Hehe. Labis mang mabulok. Alam ko na yung
dapat nating gawin.”
Malakas
pa rin ang ulan. Basang basa na kaming lahat. Pero ang unos sa aming mga
damdamin ay unti unti nang humuhulas. Dahil ang nakikita namin ngayon sa mga
mata ni Marvin, ang isinisigaw sa amin ng kanyang puso, at ang ipanadarama sa
amin ng kanyang nabuhayang pagkatao, ay pag-asa.
Muli
akong tumingala sa langit, ngumiti, at inilahad ang aking mga kamay na para
bang sinasabing, “Ano mapaghiganting
langit, ayan na ba ang lahat ng bangis mo?! Sige lang ibuhos mo pa. Tatanggapin
naming lahat.”
Itutuloy…
End of Book 3.
No comments:
Post a Comment