Sharky Studios
presents
Gusto ko kasing umupo sa may damuhan
kasama ka. Sabay tayong bubuo ng pangarap habang nakatingin sa kalangitan.
Gusto ko rin maranasang maligo tayo sa ulan nang magkasama. Yayakapin ka at
damahin ang lamig na hatid ng bawat patak ng ulan. Ganda ng gising ko kaninang
umaga, ikaw kasi ang una kong nakita. Isip ko, pano kaya ang gagawin ko para
maging permanenteng routine ang magising sa piling mo at may kasamang
“Magandang Umaga. Mahal Ko..”
Ang
Ikaapat
Na
Aklat
Ng
Hugtungan Series
HUGTUNGAN SiXTeeN
IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – ISA
“Victoria”
Though
Though life is like this,
between you and me,
I felt bliss,
Though I can’t carry a smile,
Each day with you,
I can wear a smile,
Though pain is between us,
We’ll have one friendship that lasts…
Though time, like wind, fastly flies…
In my heart you’ll always remain,
Though you and I might go and change,
Remember hello’s and hi’s,
Will always surpass goodbyes,
And if you will ever miss me
Just imagine and close your eyes.
Tula yan ni
Marvin na nailimbag sa isang isyu ng Malasimbo nung highschool. Alam naman
natin na ang Malasimbo ang opisyal na publikasyon ng Bataan Shorten Cut-off.
Sigurado akong maraming panty ang nalaglag dahil sa tulang iyan. Aaminin kong
ako man ay nanikip ang brief nung unang mabasa ko yan. Hindi namin alam kung
para kanino inalay ni Marvin yan, at hindi na rin namin tinanong. Iginalang na
lamang namin ang diskarteng ito ni Vinards at ang pagpapakita at pagpapahayag
sa madla ng ganitong vulnerability ay lubhang kahanga-hanga.
Wala nang
sumusulat ngayon. Halos wala na tayong natatanggap na liham. Hindi na katulad
nung dati. Noon ang pinakamataimtim na emosyon natin na gusto nating ipahiwatig
sa isang tao ay naibubuhos natin sa isang pirasong papel. Ngayon, ang
natatanggap nating mga sulat ay kadalasan mga bayarin, statement galing sa
bangko, o mga imbitasyon para sa kasal o kaarawan. Sa tingin ko iyon na rin ang
dahilan kung bakit sa panahon ngayon ay mas naging espesyal pa kapag sinulatan
ka ng isang kaibigan, kasintahan, kabiyak o isang taong importante sa’yo. Isang
pirasong papel na may mga patak ng luha. Luha ng sumulat at ng bumabasa. Ang
bawat salita ay kumakalabit sa ating damdamin. Isang pirasong papel na
inilalapit pa natin sa ating mga labi at inaamoy na para bang nilalanghap natin
ang mga letra na maghahatid sa atin sa lugar kung saan naroon ang sumulat nito.
Isang pirasong papel na kayang takpan ang mga butas ng ating mga puso kahit
panandaliaan lamang. Pero teka lang, nasaan na nga ba tayo?... Ah oo nga…
Muli akong
tumingala sa langit, ngumiti, at inilahad ang aking mga kamay na para bang
sinasabing, “Ano mapaghiganting langit,
ayan na ba ang lahat ng bangis mo?! Sige lang ibuhos mo pa. Tatanggapin naming
lahat.”
“Sige lang ibuhos mo pa!” hindi ko na
napigilan ang sarili kong sumigaw dahil sa nag-uumapaw na emosyon.
Kasabay naman
nito ang paghambalos ng isang malakas na hangin. Hindi pa nakuntento at
pinahagingan pa kami ng isang dumadagundong na kulog at ng kakambal nitong matalim
na kidlat na tinamaan ang isang punong malapit sa amin. Nabiyak ito at nagawa
pang magliyab kahit na malakas pa rin ang ulan.
“Naka! ayan, kapanghamon mo kasi eh,”
sambit ni Lele na hindi mo pa gano maintindihan ang salita dahil tumatawa
habang kumikilos na papalayo. “Bwahaha! May padipa-dipa ka pa sa langit ah,”
pang-aalaska ni Gail. Nangagpulasan na nga kami at halos magkanda-dulas-dulas
na dahil sa hindi makontrol na pagtawa. Muntik na nga kaming mangamatay pero
hindi takot ang naramdaman namin kundi tuwa. Ewan ko kung bakit.
Wala na kong
nagawa. Parang pinahiya ako sa nangyari, dinaan ko na lang din sa tawa. Sarap
ng feeling di ba pag kakatapos mo sa isang problema? Yun bang matagal ka nang binabagabag tapos bigla
nasolve mo na? Di ba kagaan? Super saya mo buong araw. Pero eto, iba to. Kala
ko ayos na.
Tut Tut Tut
Tut Tut Tut Tut Tut Tut Tut Tut Tut Tut Tut…..
“Punyeta..” si Lester, di
na natago ang pagkainis.
KumeyJey na
naman. Napatigil kaming lahat. Kanina’y halos lumundag na ang puso ko sa tuwa,
kulang na lang bigyan mo ng lubid para magjumping rope, tapos ngayon, kisapmata
lang, problema na naman.
Wala na
tayong mga subong pacifier para di malaman kung ano ang dapat gawin sa
pagkakataong ganito. Andyan na yan eh, de tahakin ang nag-iisang daan kahit ba
puro lubak pa. Napatingin ako kay Wino, napansin kong lumiliit na nang lumiliit
ang bulto ng baryang natatago sa bag na tangan niya. Hindi rin maiwasang
mabalik sa isipan si Ipoy, siya kasi dati ang in- charge sa bag na yun.
Maluluha na
sana ko kakaisip sa aking kaibigan pero bigla namang nagliwanag, sanay na ko,
nahulugan na naman ng sandamakmak na piso ang bida sa teleseryeng ito.
Saan na naman
kaya kami hahantong. Napakadaming tanong na hindi pa nasasagot, sana naman easy
level muna ang pagsubok sa susunod na baitang. Siguradong kapag delikadong
sitwasyon na naman yung kinahantungan namin, di ko na kakayanin physically,
mentally, emotionally, spiritually, at sexually. Honestly at truthfully. Oo
really.
Nagulantang
ang diwa ko nang napansin kong kakaiba na ang hampas ng tubig sa aking katawan.
Hindi na ito ulan. Pagkabuo ng imahe sa aking harapan ay isang dambuhalang
aparisyon ng yamang tubig ang sumampal sa aking mukha. Iilag sana ako subalit
di ako nakagalaw nang maramdaman kong nakagapos ako ng lubid. Panong nangyari
ito? Hindi ko maunawaan kung anong nangyayari. Kelan at paano ako naigapos? Paglingon
ko sa aking tabi ay sama sama pala kaming lahat sa isang malaking troso,
nakapabilog kaming nakatali. “Dre anu nangyari?” usisa ko na sa kanila. “Lintik
ka! Kanina ka pa ginigising wala ka man lang pakiramdam,” sambulat ni Lele.
Aruy, hard mode na naman yata.
“Viva de Espanya!”
sigaw ng mga kalalakihan sa di kalayuan. At saka ko lang nabigyan ng
pagkakataong siyasating mabuti ang aking paligid. Pusang nakalbo! Kami pala ay
lulan na naman ng isang malaking barko. Paulit-ulit na lang ata ang mga
nangyayari ah. Pero naisip ko, di naman imposible, mas malaking porsyento nga
pala ng anyong tubig ang bumubuo sa mundo. Madaming sinasabi ang mga bagong nilalang na aming nakasalamuha pero di
ko naman maintindihan. Naloko na, isip ko. Napalayo na naman ata kami sa
Pilipinas. Kung kelan lumilinaw na at unti unting nagpapakita ang mga
kasagutan. “Dol pano na to. Di mo pa napapaliwanag kung ano yung nafigure out
mo,” interview na ni Prof kay Vince kahit nasa tagilid kaming kalagayan.
Naulinigan ko
na lang na hindi sinasagot ni Marvin si Prof, bagkus ay nakikipagtalastasan
siya sa isa sa mga crew ng barko. “shjkhfdoifuejajhf jhah hfjh iahaf lahf ihfg,”
mahaba ang sinasabi ni Marvin pero di ko maintindihan masyado bago sinagot siya
ng kausap ng mahaba haba ding litanya at ilang salita din ang nagets ko, “Fernando
de Magallanes.”
Nagpantig ang
tenga ko. Di mo na kelangang malahian ni Kudo para lang matanto kung nasaan na
kami. Sinimulan kong bilangin ang mga barkong kasunod namin. Isa , dalawa,
tatlo, at apat, kami ang panglima. Positibo! Ang alamat ni Magellan ang
kinasasangkutan namin dito.
Bago kami
magbalangkas ng konkretong detalye kung ano ang mga gagawin dapat muna sigurong
malaman ang naputol na eksplanasyon ni Vinards. Balak ko na siyang tanungin
ulit pero naunahan na ako ni Karl. “Nards, paliwanag mo na yung sinasabi mo
tungkol sa puzzle?” Pag tingin ko kay Marvin, hindi niya pansin kung ano man ang
nasa paligid. Bahagyang nakakunot ang kanyang noo. Tila may kinaaasaran. Hindi
mo madalas makitaan ng ganyan si Marvin. Tinunton ko ang direksyon ng paningin
niya, dinaig pa ang mga bida sa pelikulang Armageddon ang biglang pagbagal ng
galaw ng mundo kasabay ng isang makabagbag damdaming background music. Sa dulo
ng ruta ng kanyang tingin ay isang binibini ang mamamasdan. Ganda ng babae pero
bakit parang asiwa itsura ni Vinards.
“Ahem ahem,” pagbasag ko sa
konsentrasyon niya na tsaka nya lang nalamang minomonitor namin siya. “Baket?”
agad niyang lihis sa sitwasyon. “Ah wala naman, maganda naman yung babae wala
kang dapat ikahiya kung malab at persayt ka man,” asar ni Wino. “Love ka dyan.
Di ko siya type. Tignan mo nga yung porma? Pagkainit ng panahon balot na balot
ng napakapormal na gown di naman aatend ng party. Tsaka di naman siya ganun
kaganda, namamalikmata ka lang dahil siya lang ang babae dito. Tsaka sa
pagkakaalam ko, kinokonsider na isang malas kapag may babaeng nakasama sa mga
ekspedisyong pandagat na ganito,” pag-alagwa ni Vinards. Subalit pagkabitaw nya
ng mga linya ay siya namang lingon ng dalaga, parang narinig ang mga sinabi
niya sapagkat bakas mo sa biglang pagsimangot at biglang paniningkit ng mata na
tila baga gustong tunawin si Marvin gamit ang laser eye powers.
“Hija, mukha yatang nakuha ang
atensyon mo ng mga bago nating kaibigan.” Napansin ata ng hinihinala kong si
Magellan na napukaw ang atensyon ng dalaga sa amin kaya agad na niya itong
pinansin. “Kaibigan? Bakit ba kailangan pa natin silang panatilihin? Bakit
hindi na lamang natin sila itulak isa isa sa dagat,” habang sinasabi ito ay
masama pa din ang tingin kay Marvin. Naloko na. Parang nagbanggaan ang dalawang
toneladang bato sa kinikilos ng dalawa. Mukhang di papatalo si Vinards dahil
halata sa inaasta niya na talagang pinaninindigan niya ang kaniyang mga sinabi.
Nagloko na naman ang tadhana na parang nagtataeng tinta ng bolpen. Pero bago pa
mahuli ang lahat, nag take over na si Prof.
“Ikaw nga ba si Magellan? Ferdinand
Magellan?”
“Si. Ako nga. Ako’y natutuwa
at hanggang sa rehiyon na ito ay kalat na ang aking pangalan.”
“Hindi lang iyon. Alam din namin na
balak mong maikot ang buong mundo sa ekspedisyon ninyong ito.”
“Punyales! Saan mo narinig ang
ideyang iyan? Sumagot ka ng naaayon kung ayaw mong magkaroon ng patong patong
na amnesia na magiging sanhi ng pagkalimot mong huminga!”
“Paumanhin kung hindi mo nagustuhan
ang mga binitawan kong salita. Sinambit ko iyon hindi bilang isang kaaway.
Ngunit para ipabatid sa iyo na handa kaming tulungan kang mapagtagumpayan ang
iyong mga nais.”
“Hijo de puta! Wala akong nakikitang
dahilan para paniwalaan ka pa. Hinayaan mo yatang makarating sa iyong ulo ang
aking kabaitan sa inyo. Ni isa wala akong nakikitang bagay sa inyo na
makakatulong sa akin.”
“Ganoon ba? Napakasimple. Mas
pamilyar kami sa parte ng globong ito. Mas mapapadali para sa iyong hukbo ang
paglalakbay. Maari kong ituro ang tamang daan para di ka maadya sa aberya. At
sa tantya ko, ilang milya mula sa tinutunton ng iyong sandatahan ay nakabadya
ang panganib. Kalagan mo kami’t iguguhit ko sa mapa ang mas mainam na direksyon,”
pakikipagnegosasyon ni Prof.
Mukhang
nahuli naman ni Prof ang loob ni Magellan at kami nga ay pinalaya mula sa
pagkakagapos. Subalit hindi ko inaasahan ang sumunod na hakbang na ginawa ni
Prof. Sinimulan niyang pag-aralan ang napakalaking mapa na nakalatag sa isang
mesa. Sa orihinal na rutang nakaguhit rito, kahit katiting, walang kabalak
balak daanan ni Magellan ang Pilipinas. Ngunit sa kapangahasan ni Prof ay niremedyo niya ang
plano at biglang nasaklit ang ruta ng ating bansa. Bigla akong napaisip sa
gitna ng pangyayari, kung hindi kaya pinakialaman ni Prof si Magellan,
magkakaroon kaya ng Filipinas? Kahit tama sa palagay ko ang kanyang ginawa
dahil dapat kaming makabalik sa sariling bansa, may agam agam pa din ako. Kahit
siguro alaga nyong aso masisiraan ng ulo sa sitwasyong ito.
Hindi kami kabayong pangarera na sa isang
direction lang tumitingin at nakalimutan na ang ganda ng nasa paligid. Minabuti
naming huwag maging parang isda na sa pain lamang nakatingin. Pagkawala namin
sa pagkakasugpong ay siya ding biglang pagbago ng direksyon ng barko. Talagang
sinunod ni Magellan ang payo ni Prof kung kaya di na dapat mag-aksaya ng
panahon. “Vince, tuloy mo na yung puzzle! Lagi mong pinuputol eh!” madali ni
Kalo sa kanya. Pero di pa din pala get over si Vince sa eksena kanina. May
taglay pa din siyang inis sa babae. Kinailangan pang nakawin ni Kim ang
atensyon niya.
“Dre, bayaan mo na, kasalanan mo din naman
ikaw nauna nambash..hahaha. Mainam nyan dre, sabihin mo na lang yung tungkol sa
labis mang mabulok.”
“Kasalanan
na ba magsabi ng totoo ngayon..hehehe. Pero tama nga, madami pa tayong gusot na
dapat ayusin,” baling ni Vinards kay Kim. “Oh napano na nga yang mabulok na
yan?” atat nang tanong ni McJohn. Halata na sa aming lahat ang pananabik sa
solusyon ng bugtong. “LABIS MANG MABULOK,” panimula na ni Marvin. “Oh yun nga.
Alam na namin yun. Tapos?” sabat ni Lester. “Wag kang sumisingit dyan, nakitang
papaliwanag na nga, di makapaghintay,” saway ni PJ sa kanya kaya inantay na
lang naming lahat ang susunod na sasabihin ni Vinards. “Nagkaroon ako ng idea
nung sabihin nila Kim yung Daniel-Denial. Napaisip ako kung panu kaya kung
balibaligtarin yung mga letra, anu ang mabubuong salita. Madami akong natry
pero isa lang yung may katuturan. Hindi ako sure kung tama pero mas mainam na
din kesa sa wala tayong clue. Siguro sasang-ayon din kayo na may katuturan kung
anu man ang nabuo kong idea.”
“Natetense
ako ah..hahaha katagal sabihin..” di napigilang di umextra ni Gail. Natawa na
lang kami dahil sa pigil na pigil na din ang aming pantog kakahintay sa
rebelasyon ni Marvin.
“Bulkang
Malasimbo,” basag niya.
Walang nagreact agad. Pinaproseso ko na muna sa utak ko
ang lahat. Naalala ko nung bata pa ko na isang bulkan nga raw ang bundok Malasimbo,
di ko alam kung totoo o gawa gawa lang ng matatanda. Siguro eto na ang tamang
panahon para siyasatin ang tsismis ng mga lolo’t lola ko.
“Labis
mang mabulok, kapag binalibaliktad ang mga letra mabubuo ang bulkang
malasimbo,” bulong ni Karl. “Galing mo talaga Vince!” sigaw ni Eriko.
Tumpak lang din pala ang naging hakbang ni Prof,
kailangan talagang bumalik sa Pinas.
“Mahusay!”
sigaw ni Magellan na nakalapit na pala samin. “Sa totoo lamang ay hindi talaga
ako sigurado sa landas na tatahakin sana namin. Subalit ito ngang ipinakita
mong ruta ang pinakamainam na daan. Bilang pasasalamat ay saluhan nyo kami ng
aking pamilya sa hapunan,” patuloy ni Ferdi.
“WHOooHooo!!
YesssssS!!” sigaw nina Lester at McJohn. Hindi ko sigurado kung nag-celebrate
sila dahil sa nasolve na rin namin sa wakas ang puzzle o dahil sa pagkain. Pero
malamang sa pagkain. Gutom na kaming lahat. Si Chet at Lele nga ay nakaakbay na
lang sa magkabilang balikat ni Kalo dahil pareho nang hindi makatayo nang
diretso dahil sa sobrang gutom.
“Halina kayo sa loob at nakahain na
ang pagkain,” paanyaya ni Magellan. Isang paanyaya na hindi na namin
tinanggihan pa. Sa dami na ng adventures namin, alam naman nating lahat na
kainan talaga ang strong point namin. Sa event na iyon kami nag-eexcel.
Pagpasok
namin sa pribadong silid ni Magellan ay naroon ang isang mahabang mesa na agad
na naming pinalibutan. Para kaming mga leon na pumaligid sa aming biktima. Daig
pa ang handa sa fiesta ng mga putaheng nasa ibabaw ng lamesa. Lahat na yata ng
masarap na pagkain ay naroon na. May seafoods: lobster, sugpo, oyster,
alimango, at mga isdang yung iba ay noon ko lamang nakita pero hindi na ako
makapaghintay na matikman at mapagsamantalahan. Mga karne: karamihan Spanish
cuisine tulad ng paella, embutido at iba pa pero meron ding mga steak, ribs,
turkey na napapalibutan pa ng limang inihaw na manok, at syempre isang litsong
baboy na tinitingnan na ng masama nina Kim at Gail. Ang bango ng amoy at
nanlaki ang mga butas ng ilong ko at halos hindi na ako nag-exhale, puro inhale
na lang dahil sa mapang-akit na amoy ng mga putaheng Kastila. Mayroon ding mga
patatas, green peas, carrots, at samu’t saring salad. Halos lahat din ng prutas
ay naroon, mansanas, ubas, mangga, saging, basta lahat, akala mo nga ay fruit
stand sa palengke ang isang bahagi ng
mesa.
Pangungunahan
ko na sana ang massacre nang mapansin kong wala pa pala si Magellan. “Guys teka
lang!” pigil ko sa aking mga kaibigan. Lahat naman sila ay sabay sabay na
lumingon at sinagot ako ng matatalim na tingin. “Hintayin muna natin sila
Magellan, nakakahiya naman kung kakain na agad tayo,” patuloy ko. Tila di pa
din nila nagustuhan ang pakiusap ko. “Ikaw na lang mag antay, tumayo ka dyan sa
may pinto. Representative ka,” saway ni Chet sakin sabay kanya kanya na silang
sunggab sa pagkain. Wala na din akong nagawa pa. Kahinaan talaga namin ang
pagkain kaya sumali na rin ako sa panggagahasa nila Gail sa litson.
Napatigil
kaming konti nang pumasok na si Magellan pero di sapat para tuluyang ihinto ang
pagkain. “Nakaaaliw naman kayong pagmasdan mga kaibigan. Sige lang at madami pa
tayong maihahanda para sa inyo. At habang kayo ay kumakain, hayaan ninyong
aking ipakilala ang aking unica hija, si Victoria,” sabay pasok nung magandang
binibini kanina. “Mga lapastangan,” anas niya sa sarili. “Hindi niyo man lang
kami nahintay?” Pag kakitang pag kakita sa amin ay agad pagkadismaya ang
bumalot sa kanya. Lalong galit ang asta patungkol at naka target lock na ata si
Vinards. “Pagpasensyahan mo na sila Hija. Ayos lang naman iyan. Nakakaaliw nga
at napakagana nila. Ibig sabihin ay nagustuhan nila ang ating inihanda,” palubag
ni Magellan sa loob ng dalaga. “Hmph! Kayo ang bahala. Wala na akong ganang
kumain. Babalik na ako sa aking silid. Sana lang ay makapagbigay sila ng kahit
katiting na gawain kapalit ng pamamalagi nila sa ating barko.” Medyo nahirinan
ako sa sinabi ni Victoria. Siguro ay kailangan nga naming magpakita ng
pasasalamat. “Tama po si Victoria. Hayaan ninyong linisin namin ang ilang silid
at mga pasilyo dito sa barko. Lalo na ang mga sahig,” sagot ko kunyari para
naman di ganong nakakahiya pero inaasahan ko na susuway naman si Magellan.
Tangka na nga siyang kokontra pero naunahan siyang magsalita ni Victoria.
“Dapat lang! Pero diskumpiyado ako sa isang yan,” sabay duro kay Marvin. “Sa
tingin pa lang mukha nang hindi marunong maglinis,” talagang pinupunterya na
niya si Vince. “Hayaan mo, ako maglilinis sa sahig ng tapat ng kwarto mo. Araw
araw pede kang magsalamin sa kintab, halatang di ka gumagamit at gulo gulo yang
buhok mo,” bwelta ni Marvin. “Aaaarghh!” pagpapakita ng asar ni Victoria habang
nagdadabog papalayo. Iiling iling na lang si Magellan at pangiti ngiti dahil
naaliw sa inaasta ng kanyang anak. Wala sa karakter ni Vince ang tumrato ng
ganun sa isang babae. Paliwanag nya, sadya lang kinakabahan siya talaga dahil hindi
mainam ang pananatili ng isang dilag sa isang ekspedisyon sa karagatan at dahil
dun ay madali siyang maasar dito. Saan man niya nakuha, hindi ko na mahinuha.
Hindi ko
sigurado kung ilang araw ang gugugulin para makarating ng Pinas. Sa bawat
saglit, isa lang ang dapat na gawin, ang umiwas sa landas ni Vinards dahil
walang ibang eksena kundi pagbabangayan nila ni Victoria, di nauubusan ng pag-aawayan.
Kaya mas mainam lumihis pag nasasalubong sila at baka madamay pa at matamaan ng
ligaw na bala. “Men, ikot ka na lang. Dun ka dumaan sa kabila. Nililinis ko pa
sahig dito eh,” bati sa kin ni Vince isang umaga. Talagang career na ang ginawa
ni Marvin at ayaw talaga patalo. Sakto naman palabas si Victoria ng kwarto.
“Miss Victoria, magandang umaga, maganda po ata ang gising niyo,” bati ko
sapagkat di maitago ang ngiti niya. “Hayy oo kanina maganda, pero ngayon hindi
na,” sabay irap kay Vince. “Makikipaglaro
sana ako sa mga ibon sa labas,” sabay pinakita sakin ang sangdakot na crumbs.
Sisipatin ko sana nang maigi ang hawak nya nang bigla na lang niya binitawan.
“Ay naku! Natapon pa. Malas naman. Sorry ha. Palinis na lang,” sambit nya na taglay
pa din ang pilyang ngiti na parang sa simula pa lang ay planado na ang ikikilos.
Napatawa ako pero pinigil ko dahil instant samurai sword sa talas ang mga
tingin ni Vinards sa kanya. Minabuti ko na lang lumayo at hanapin ang iba pang
kasama para itsismis ang nangyari at pagtawanan si Marvin. Hindi ko na inantay
pa ang mga susunod na eksena dahil nakabisa ko na. Mainam din iyon at may
pinapanuod kaming palabas ng crew.
Sa bawat
saglit ay bangayan lang sila ng bangayan, natalo tuloy ako sa pustahan namin na
magkakamabutihan ang dalawa. Sana sa wala ko na lang nilagay ang pusta
ko..potek. Sa umaga ay yun na ang almusal, sa gabi naman na pagkainit ay
nag-aagawan pa sila ng pwesto sa labas upang magpahangin at hanapin ang antok.
“Pwede dun ka muna sa loob at ako naman ang magpapahangin? Kulubot na din naman
ang mukha mo eh,” simula ni Vicky. “Siguro tinititigan mo lang ako kaya nalaman
mong kulubot,” sagot naman ni Vinards.
“Aba ang kapal ng mukha mo..”
“Ops.
Wag ka na magsalita. Di naman ako interesado. Para kasing putok ng kanyon ang
boses mo.”
“Naghahanap
ka talaga ng gulo noh?”
“Hindi
ko na kelangan maghanap dahil araw araw gulo gulo ang mukha mo.”
“Aba
talagang.. Antipatiko!”
Sa mga pangyayari ay tahimik kaming
nagmamasid sa di kalayuan, gawa ng walang libangan kundi ang dalawang ito kaya
masugid naming sinusubaybayan ang drama nila. Subalit mukhang napagod na ata si
Marvin sapagkat di na siya sumasagot at nakatingin na lang.
"Bakit mo ko tinitingnan?!"
si Victoria sa boses niya na talakerang role ng mga artista sa mga pelikula.
“Hindi
kita tinitingnan,” iling ni Marvin.
“O
sinusulyapan? Napakapangit sa lalaki na kung makatingin ay tagos hanggang
kaluluwa.”
“Wala akong ginagawang masama. Sadya ka lang
nakaharang sa view ng buwan kaya akala mo sa iyo ako nakatingin.” Malumanay na
ang boses ni Marvin. Hindi ko alam kung bakit. Sa bagay, nakakapagod din yung
nakikipag- away. Lalo na sa babae. Trust me. Ako nga dati tumatahimik na lang
pag may nakakasagutan. Lalo na kung yung magbest friends forever na sina Joy at
Mae-Ann ang makakabangga, ang hirap lumusot, mas mahirap pa sa paglulusot mo ng
sinulid sa karayom nang walang liwanag. “Dios Mio! Bakit laging ako?”
naiiritang bulong ni Vick. Napilitan na lang din siyang manahimik at tumalikod
upang pagmasdan ang bilog na buwan. Ilang momento pa kami nanatili at nag-antay
kung may mangyayari pa. Subalit nang walang dumadating na kulog ay kanya kanya
nang punta sa tulugan at nagpasya nang magpahinga.
Babalik na din sana ko nang
magsalita ulit si Marvin.“Mauna na ako sa iyo, lumalakas na ang hangin. Ayaw ko
din makasabay ka papasok.” “Hmph teka, ako na ang mauna!” nagmadali si Victoria
upang maunahan niya ito pero may sumabay na malakas na salpok ng alon dahil sa
hangin na nagpauga sa barko kaya nawala din ang kanyang balanse. Kita ko ang
pangyayari kahit medyo dumidilim na’t naglaho na ang buwan. Unti unting
pabagsak si Victoria sa direksyon ni Vinards, sa una’y dalawang isip pa siya
kung sasaluhin niya ba o hahayaan na lang bumagsak. Sa huli ay nanaig ang
taglay nyang bait at inalalayan ang kaawa-awang dilag. Dahil lang ba sa kakulimliman,
hindi ko sigurado, pero parang nakitaan ko silang dalawa ng konting kilig, o
guni guni ko lang sa pag-asang mabawi pa ang mga pinusta ko. Ilang segundo din
silang nanatili sa ganung kalagayan, eye to eye contact pa bago natauhan.
“Bitiwan mo nga ko!” Nagmadaling maglakad si Victoria papasok at ni hindi
pinasalamatan si Marvin. Napabuntong hininga na lang tuloy siya at nagsimula na
ding kumilos. “O tukso.. Layuan mo ako..” kanta ko kay Marvin at trip ko siya
asarin. “Loko loko!” matulog na tayo. “Wala bang chance na magkasundo kayo?”
pagtibag ko sa kalooban niya. “Meron. Pagputi ng uwak..” sabay talikod at dun na
tinapos ang gabi.
Naiwan akong nakatanaw sa buwan na
muli na namang nagpakita. Lumalamig na ang simoy ng hangin at payapa na ang
karagatan. Napangiti. Napaisip. May pag-asa pa ang pusta ko. Kahit hindi man
sigurado, may kutob ako, ang munting senaryo ng gabing ito ang mitsa ng aking
pagkapanalo.
No comments:
Post a Comment