Tuesday, October 16, 2012

HUGTUNGAN LABIMPITO



IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – DALAWA



“Bukas ang Pinto”

Kapag gumagawa tayo ng bakod, dalawang bagay ang nangyayari: Una, pinipigilan natin ang iba upang makapasok; at ikalawa, ikinukulong natin ang ating sarili sa loob ng bakod na iyon. Pakiramdam natin ligtas tayo sa loob at walang makakapanakit sa atin. Gumagawa tayo ng bakod para protektahan ang ating mga sarili. Dalawang bagay ang nangyayari. Umiiwas tayo sa pananakit ng iba pero nalalayo din tayo sa pagmamahal na hatid nila. Sa tuwing masasaktan tayo, bumubuo tayo ng panibagong harang. Ginagawa natin yon dahil natatakot tayo. Natatakot na masaktang muli, natatakot na magmahal, at ang pinakamasaklap sa lahat, natatakot na mabuhay.


Lulan ng barko, may mga oras na wala kang matatanaw kundi ang malawak na karagatan. Wala kang ibang maaamoy kundi ang body odor ng mga kasama mo. Masaya rin ang byahe. Kumpara sa mga dati naming adventures na panay nakataya ang mga buhay namin, mas nakakapagrelax kami ngayon. Chill chill lang. Pansamantala naming nalilimutan ang mga suliraning aming hinaharap. Ang pagpapaiwan ni Ipoy… Ang biglang paglalaho ni Raine… Ang paghahanap sa Perlas ng Silangan… Itinago na muna namin ang lahat ng problema sa pinakasuluk-sulukan at pinakamaalikabok na bahagi ng aming mga isipan at amin munang tinamasa ang payapang biyahe na alam naming panandalian lamang at matatapos sa oras na dumaong kami sa Pilipinas.

Noong nagdaang gabi, pumikit akong may bahid ng galak sa labi. Pero nabura din agad kinabukasan. Gusto ko pa sanang matulog, kaso walang snooze button ang alarm ko na parang mga nakalunok ng megaphone sa lakas ng boses sa pagpapalitan ng mapaparas na salita. Aga aga ingay ingay. Akala ko pa naman ayos na sila. Napuyat pa man din ako kakaisip ng plano para lang mapagbuhol ang tadhana ng dalawa. Ganito yata talaga ang napapala ng tsismosong pakialamero.

“Ang sama ng umagang ito. Akalain mong paglabas ko ng silid ikaw agad ang makikita ko? Siguro hinihintay mo ako noh?” Nakabalatay sa mukha ni Victoria ang dismaya.
“Ha! Anong feeling mo nyan, bakit naman kita hihintayin? At saka isa pa, sino naman sa akala mo ang may gustong makasalubong ka sa umaga? Gusto ko na ngang tusukin dalawang mata ko kanina wag ka lang makita eh.”
“Sana tinuloy mo na lang. O kung gusto mo ako na lang?” Inamba niyang tusukin ang mata ni Marvin pero nasalag nito agad ang kamay niya at nahawakan pansamantala. Saglit silang natigilan, parang nakuryente. Hindi bumagay ang pagpula ng pisngi ni Vinards sa kayumangging kulay niya. Pero di pa ako sure dahil puno pa ng muta ang mata ko at nang kusutin ko ay binabasag na ni Victoria ang sitwasyon. “Pwede ba wag mo kong hahawakan? Nakakadiri!”
“Ba! Eh bakit ang bilis ng takbo ng pulso mo? Nagkakagusto ka na sa kin ano? Kawawa naman.”
“Tulog ka pa yata Mister! Pero kahit sa panaginip mo hindi ako magkakagusto sayo noh. Malamang bukas bali na yang leeg mo at di kayanin ang kapal ng mukha mo!”
“Aish!!!” Sabay alis ni Marvin na hinatid naman siya ng simangot at dabog ng dalaga. Pagdaan niya sa harap ko, nginitian ko na lang. Muling kumislap ang kinitil na pag-asa ng tantya ko. Sa sugal, pedeng panalo, pede ding talo. O kung minsan merong bawi lang, kwits, kabayad. Sa pag-ibig may ganoon ding kaganapan, subalit sa mga pambihirang panahon, pede kang maging talo at panalo sa parehong pagkakataon. Pero nung sandaling iyon, nawala na sa isip ko ang pustahan, di ko na yun pinapahalagahan pa. Si Marvin kasi, nagdadalaga na. Hahaha!

Pagkalipas ng ilang saglit ay nagpatawag ng pulong si Magellan kasabay ng almusal. Hindi ko alintana kung anu man ang sinasabi niya, bahala na si Prof dun. Ayokong makinig sa discussion. Pinipilit kong iwaksi sa isipan ko ang lahat ng pinag-uusapan nila dahil sa masaganang almusal nakatuon ang atensyon ko, at pansin ko pati na din mga kasama ko. Paborable. Ngunit saglit bumagal ang pagnguya ko nang biglang maging seryoso ang simoy ng usapan.

“Mga kaibigan, malayo pa ba ang ating lalakbayin? Alam nyo kasi, medyo kumokonti na ang ating imbak. Sa palagay ko ay kailangan nating tumigil muna sa pinakamalapit na daungan para makapagpalit ng naubos na yaman,” wika ni Magellan. Medyo nakagat ko ang dila ko sa mga salita nyang yun, parang ibig sabihin na in other words, naubos na namin pagkain nila.
“Ilang araw na paglalakabay na lamang siguro ay aabutin na natin ang lugar na sagana sa likas yaman. Hindi ko lubusang tiyak pero siguradong pinakamatagal na ang isang linggo o baka mas maaga pa,” pagbura ni Prof sa agam agam niya para lusawin ang ano mang suliranin.
“Kung gayon ay wala palang dapat alalahanin. Ako talaga’y nabasbasan ng biyaya sa pagkakasadlak ninyo sa aking barko,” masayang pahayag ni Magellan. Napakamasayahin pala ng taong ito. Subalit habang papalapit sa destinasyon, alam ko, at alam naming lahat kung ano ang naghihintay na tadhana para sa kanya.

Ansabe, wala daw matigas na tinapay sa mainit na kape. Kahit ang pinakamatibay na konkreto sa baybay ay kusang bibigay sa maamong haplos ng mga alon. Ang mayabang na araw ay lumuluhod din sa kanluran. At ang pusong sintigas ng bakal ay awtomatikong lumalambot sa ngiti ng mahal.


Marvin’s Point Of View  (may papoint point nang nalalaman)

Hindi ako nakatulog buong gabi. Bakit pabalik balik sa isip ko yung nangyari? Ha! Dinukwang na ko ng umaga. Ngayon lang nangyari sa kin to ah. Insomnia? Ewan. Makapaglinis na nga lang.
“Ang sama ng umagang ito. Akalain mong paglabas ko ng silid ikaw agad ang makikita ko? Siguro hinihintay mo ako noh?” Nagsimula na naman siya. Di na nga ako pinatulog buong gabi. Di ako papatalo.
“Aba! Anong feeling mo nyan, bakit naman kita hihintayin? At saka isa pa, sino naman sa akala mo ang may gustong makasalubong ka sa umaga? Gusto ko na ngang tusukin dalawang mata ko kanina wag ka lang makita eh.” Kinailangan kong mag-angas, dapat lang.
 “Sana tinuloy mo na lang. O kung gusto mo ako na lang?” Sagot niya sakin at tutusukin talaga ang mata ko. Syempre sinalag ko. Pero muntik na kong mapapikit pagdampi ng balat niya sa balat ko. Naramdaman kong medyo nagbaga ang pisngi ko. Hindi ko alam kung bakit ganun ang pakiramdam tapos nag-alangan akong magsalita at baka lamunin ng kabog ng dibdib ang boses ko.
“Pwede ba! Wag mo kong hahawakan? Nakakadiri!” Hindi ko namalayan na nakatitig ako sa mukha niya. Nangungusap ang mata sa bawat buka ng bibig. Napangiti ako ng lihim sa eksena, parang namula kasi ang pisngi ni Victoria, di kaya… hmmm, di naman siguro, baka dahil lang sa galit. Ano daw? Teka bakit ganun? Bakit parang hopya ako na may ibang ibig sabihin ang pamumula ng pisngi nya?
“Ba! Eh bakit ang bilis ng takbo ng pulso mo? Nagkakagusto ka na sa kin ano? Kawawa naman.” Kinailangan kong makaapuhap agad ng magandang come back, mahirap na at baka mabuking na nagkakagusto na ko sa kanya.. Teka anu bang sinasabi ko? Nagkakagusto? Burahin yan.. di pede yun.
“Tulog ka pa yata Mister! Pero kahit sa panaginip mo hindi ako magkakagusto sayo. Malamang bukas bali na yang leeg mo at di kayanin ang kapal ng mukha mo!” May sundot sa dulo ng tainga ko ang kanyang mga salita. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, parang may kumurot sa puso ko na nagpakunot ng aking noo na kahit si Belo ay di magagawang alisin ang linyang nabuo dito. Sa galit niya nga lang kaya mapula ang pisngi nya.
“Aish!” Yun na lang nasabi ko, nakakaasar kasi bakit nagiging ganto pakiramdam ko.

As usual, walk out effect ang pinamalas ko. Pagdaan ko sa may pinto ng tulugan naming mga lalaki, nagpapansin na naman si Men, nginitian ako ng may laman, yung mababasa mo agad gusto niyang ipahiwatig. Loko talaga to, inaasar na naman ako. Kundi lang malaki katawan neto nakatikim na ng batok eh. Uhmp! Pinabayaan ko na lang.

Pagkatapos nung tagpong iyon, iniiwasan ko nalang siya. Sinisikap kong wag magsalubong ang landas namin. Lumipat din ako ng pwesto sa linisan. Mahirap na. Hindi ko gusto yung nangyayari sa kin pag nariyan siya. Kahit sa pagkain, lagi akong nagmamadali. Gaya nung nakaraang meeting, pagkatapos na pagkatapos sumibat agad ako. Kung matamang susuriin, may kung anong kulay ang mariing dumadampi sa akin. Sa pag-inog ng oras ay lalong sumisidhi ang kakaibang pakiramdam na ito. Naloloko na ata ako’t kagabi’y napag-isipan ang lahat ng sagka. Nakapagdisenyo tuloy ng plano kahit wala akong intensyong buuin ito. Para tuloy akong nasa isang roller coaster. Na kung tutuusin ay puwede naman akong huwag nang sumakay dahil alam kong pagkahilo lang ang aabutin ko.

“Kung kaya kong iwanan ka..” basag ng isang tula-kanta sa paglipad ng isip kong parang tangay ng mga gamo-gamo. Ang mga walangya, pinagtritipan na naman ako.

“Dol, di mo kelangang magtago dito, harapin mo yang nararamdaman mo..hahahaha!!” Pati ba naman si Prof inaasar na ko?
“May nakabihag na dilag sa boy next door ng grupo.” Anu ano alam sabihin ng Karl na to ah.
“Ang pag-iwas ay hindi sagot. Lumalayo ka lang pero walang nasosolusyunan. Andyan pa din ang problema mo.” Kahit kelan talaga, napakaseryoso nitong si Eriko. Parang gusto ko na lang lagnatin para may dahilang magkulong sa panuluyan.
“Argh! Wag nga kayong magulo. Sinung magkakagusto dun? Di ko siya matagalan. Ubod ng arte!”
“Wahahahahaha!!!” Sabay sabay pa silang tumawa.
“Anu naman nakakatawa sa sinabi ko?”
“Eh kasi parehong pareho kayo..hahaha!” Di pa din mapigilan ni Wino yung tawa nya.
“Pano na namang pareho?” Usisa ko.
“Sige nga dre sampolan mo,” udyok ni Lele kay McJohn.
“Ahem Ahem.. Di ko talaga siya matagalan. Napakahambog!” Sabay sabog ng tawa nila habang ginagaya ni McJohn yung boses ni Victoria. Kung anong hibla ng lungkot ang nagmamadaling dumuldol sa loob ko. May kakaibang pakiramdam ang gumuhit sa aking pagkatao. Bago pa maging bagyo ang low pressure sa dibdib ko, iniwan ko na sila.

Gusto kong mapag-isa habang pinagmamasdan ang gumuguhit na alon at alingugngog ng pagaspas ng tubig alat. Malapit na ko sa paborito kong pwesto nang mapagsino ko si Victoria. Nagtatlong isip ako kung magtutuloy pa ko. Hindi ko alam kung anong mararamdaman, parang masaya, masaya pa sa batang kinder na nagkamit ng star mula braso hanggang noo. Ayoko tong nararamdaman ko. Babalik na sana ako pero bigla siyang lumingon. Imbis na umalis na lang, napilitan tuloy akong magtuloy na, baka sabihin niya takot ako sa kanya… Hindi ko pa lang pala alam nung sandaling iyon pero nagdadahilan lang pala ako at niloloko ang aking sarili. Ang totoo ay mayroon syang angking magnetismo na hindi ko mapigilan ang sarili ko na parang wala sa aking kontrol ang mapalapit sa kinaroroonan nya. Habang papalapit parang nakitaan siya ng ngiti, ngiti ng mas maganda pa sa may ginawang mabastos kagabi.

“Ano tinitingin tingin mo?” Sindak niya sa akin habang tinititigan na para bang gusto na niya akong makipaglaro kay kamatayan ng Bingo. Gulpi de gulat pala yung lumabas na ngiti kanina, akala ko pa naman. Umasa lang pala ako. Teka. Umasa na naman? Bakit ba nawala na naman ako sa huwisyo? Kelangang ibalik ang composure at i-channel ang aking oozing x-factor.
“Ano ka sa palagay mo? Obra sa isang museo na kelangan pang magbayad para lang makita ka? At isa pa, ang pagkakaalam ko, dito ako lagi tumatambay. At alam ko din na alam mo yun, inaabangan mo siguro ako kaya ka nandito.” Nice! Di niya inaasahan ang sinabi ko. Napalunok siya ng konti.
“Araw araw lalong kumakapal yang mukha mo! Magkaroon ka naman ng hiya kahit konti,” hindi ko na siya pinansin. Bahala siya kung gusto niya din dito,  gusto ko lang mag-isip-isip. Payapa ang kalooban ko pag nandito ako sa dulo ng barko… Dati yun. Pero ngayong narito siya, parang dinaig pa ng puso ko ang isang makarang na trumpo sa pag-ikot. Ano ba ‘tong epekto niya sakin na ‘to? Gustuhin ko mang lumayo ay parang napako na ang mga paa ko sa sahig kaya nanatili na lamang muna ako sa tabi niya. Kaya heto kami, feeling Di Caprio ang tagpo, pero wag na lang, lumubog yung barko dun eh.

Patlang.

Blangko.

Parang ang bigat simulan ng salita. Kung makagagap man ay napakahirap sundan at di mapag-isipan kung paano tatapusin ang mga pahayag.

Katahimikan.

Erh, hindi pala tahimik. Dinig ko ang mahahaba at mabibigat niyang buntong hininga. Ramdam kong may sapi ngayon ang babaeng ‘to. Sa totoo lang araw araw naman eh. Pero parang iba ngayon, siguro dahil kabilugan ng buwan. Hehehe.

“May panyo ka? Tutulo na kasi ang sipon mo.” Pinatawa ko siya kahit corny ang joke pero hindi yata effective dahil ang sama na naman ng tingin niya sa akin. Hindi siya sumagot at inismidan lamang ako.
“Ahmm sorry. Ayaw ko kasi makakita ng babaeng umiiyak. Pakiramdam ko kasi ako ang dahilan kahit wala naman akong ginawang kasalanan. Pero kung ako nga ang may gawa, ayos lang sige umiyak ka na,” bawi ko para naman maramdaman niyang wala din ako sa mood makipag-asaran ngayon.
“Ano na naman ang pumasok sa kokote mo at naisip mong iiyak ako sa harap mo?” Bakit ba laging parang asong bagong panganak ang asta nito sakin. Langya, napakatindi ng linyang binitawan ko pwedeng panlaban sa pick-upan tapos ganun lang? Haaayyyy. Hindi na ako sumagot pa, baka mabigat talaga ang problema niya. Kung anu man yun, hindi ko na inungkat. Balik uli siya sa pagtingin sa kawalan.

Ilang araw na din kaming magkasama pero ngayon ko lang napansin na napakaamo ng kanyang mukha pag hindi nagsasalita. Napakainosente. Sana lagi na lang siyang ganyan. Nang dapuan ng hibla ng kanyang buhok ang tungki ng kanyang ilong ay siyang pagkislot ng pisngi na kinadahilan ng paglitaw ng mga biloy sa kanyang mukha na para bagang pinaglaanan ng panahon ng Maykapal sa pagkakadisensyo na pihadong isinaalang-alang ang sining. Parang gusto kong hawiin ang buhok na humarang sa kanyang mukha, mabuti na lang nakapagtimpi ako. Teka, anu na naman ba ang pinag-iiisip ko? Hindi tama to. Ayokong bumali sa sarili kong salita. Pilit ko pa ding sinasalungat kung ano mang kahibangan ang tuluyan nang namamahay sa damdamin ko. Sa sobrang asar ko sa sarili’y minarapat ko nang lisanin ang aking pwesto. Pero sadyang mapaglaro ang tadhana. Nagkrus ang aking mga paa na ikinapatid ng sarili ko. Half way na tanga. Nakiliti ako ng magsugpong ang balahibo ng kanyang braso sa braso ko. As usual, nanggalaiti na naman siya sa galit.

“Aba maswerte ka nga nadampian kita. Aksidente yun, naalog  ako sa biglang pagkiling ng barko,” para akong pulitikong varsity sa larangan ng pagkakaila pag may kasong kinasasangkutan. Hindi na siya sumagot. Sadyang nakapagtataka. Hindi man dapat, nag-usisa na ako.
“Mukhang may problema ka talaga ah. Alam mo pede mo namang ilabas yan. Sabihin mo sa iba. Hindi mahalaga kung kanino. Ang importante maibuga yang bigat sa pakiramdam mo,” napangiti lang siya tapos umalis na.

Napakaweird talaga nito. Lakas ng sapi. Pero mas malakas pala ang sapi ko. Hindi ko namalayang pagngiti niya ay napangiti din pala ako. At hanggang ngayon ay para akong tanga na may nakaplaster na ngiti sa mukha habang nakatingin sa kawalan. Haist! Kung ang pakiramdam na ito ay pwedeng itulog na lang at baka sakaling mawala pa at lumipas, matagal ko nang pinangkumot sa gabi ang nararamdaman ko. Gayunpaman, napaisip na rin ako. Posible nga kaya? Hindi naman siguro. Malabong mangyari yun. Pero ano mang pakipot ko, hindi ko pa rin naiwasang itanong sa sarili ko ang isang tanong na lubha kong ikinatatakot ang sagot: Nahuhulog na ba ako sa kanya? Tumambay nalang ako sa aking spot hanggang umabot ng gabihan. At sa buong panahong naroon ako ay nakatatak sa aking isipan ang tanging bagay na iniwan niya sa akin noong gabing iyon. Ang matamis niyang ngiti.


Victoria’s POV

Hindi ko na maintindihan ang dapat kong maramdaman. Halo-halo. Pinipilit kong mainis sa kanya pero bakit parang kapag nakikita ko siya, gusto ko andyan lang siya lagi. Hmmmm… Nakakaasar kasi bakit ang pangit ng simula. Tuloy lagi na lang niya ako sinusupladuhan. Hindi ko naman mabago ang pakitungo ko sa kanya dahil natatakot ako sa magiging reaksyon niya. Baka pagtawanan pa ko ng anitipatiko. Pero teka ha. Ano lang to ah, nagsawa nalang ako sa awayan araw araw. Anu ano na naiisip ko ah. Hindi ko naman dapat iniisip yung mga ganitong bagay na wala naman talagang halaga para sa ‘kin. Wala ba talagang halaga? Pang-aasar sa akin ng isang munting tinig sa aking isipan. Wala! Manahimik ka nga diyan, sigaw ko sa aking isipan. Teka bakit nga ba ako nandito sa paboritong lugar ng lalaking yun? Baka pag inabutan pa ako nun dito kung ano pa isipin nun. Pero wala naman akong pakialam. Isipin na nya ang gusto nyang isipin. I don’t care. Talaga lang ha? Talaga! Hmmp! Makaalis na nga lang dito. Paglingon ko, nakita ko siya. Pinigil ko pero biglang lumukso ang puso ko. Bigla nalang nabuo ang ngiti sa aking labi. Ano ba yan? Ayaw ko siyang makita ngayong naguguluhan ako.

“Ano tinitingin tingin mo?” Singhal ko sa kanya para umalis na lang siya.
 “Ano ka sa palagay mo? Obra sa isang museo na kelangan pang magbayad para lang makita ka? At isa pa, ang pagkakaalam ko, dito ako lagi tumatambay. At alam ko din na alam mo yun, inaabangan mo siguro ako kaya ka nandito,” bigla akong natauhan sa sinabi nya. Yun nga ba ang dahilan kung bakit ako nandito? Hinahanap ko nga ba siya? Oo iyon nga ang dahilan. Ayan na naman ang buwisit kong subconscious. Bakit ba hindi ka na lang manahimik dyan.
“Araw araw lalong kumakapal yang mukha mo! Magkaroon ka naman ng hiya kahit konti,” saway ko sa mga kung anu anong umiikot sa imahinasyon ko. Hindi na siya umimik. Pero bakit kinakabahan ako? Parang may nagkakarerang mga kabayo sa dibdib ko. Katabi mo kasi si Papa Marvin. Tinukso na naman ako ng malandi kong subconscious. EEEeeeeee!!! Kakainis!
“May panyo ka? Tutulo na kasi ang sipon mo.” Bigla siyang nagsalita, muntik na ko mapasigaw, napakayabang talaga nito. Tiningnan ko sya nang masama pero parang nang-aasar pa talaga ang itsura ng damuho.
“Ahmm sorry. Ayoko ko kasi makakita ng babaeng umiiyak. Pakiramdam ko kasi ako ang dahilan kahit wala naman akong ginawang kasalanan. Pero kung ako nga ang may gawa, ayos lang sige umiyak ka na.” Natulala ako ng konti, hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Gusto ko siyang kurutin para kung masaktan siya alam kong totoo ang lahat… pero… 
“Ano na naman ang pumasok sa kokote mo at naisip mong iiyak ako sa harap mo?” Umasim na naman yung mukha niya, naliligayahan talaga ko pag inaasar ko siya. Uuuyy. Alam ko na yung mga ganyang istorya. Ganyan talaga sa umpisa, asaran lang pero pagtagal-tagal…Ahihiihi. Ahhhhggh! Ano ba naman?! Kapag hindi ka pa tumigil dyan iuuntog ko na ang ulo ko sa riles nitong barko.

Tumahimik na lang ulit kami. Mga ilang sandali pa ay naramdaman kong aalis na ata siya. Buti naman.
“Ayiiarghhh!!” Anu ba yun? Muntik na akong mapatili. Nakuryente ata ako nang magdampi ang aming mga braso. Mabuti na lamang at nabawi ko agad at napalitan ng pataray na sigaw.
“Aba maswerte ka nga nadampian kita. Aksidente yun, naalog  ako sa biglang pagkiling ng barko.” Hindi ko pinansin ang sinabi niya, tumalikod lang ako, baka kasi mahalata niyang nagkulay makopa ang mukha ko. Haaaayyy. Napakahirap naman.
“Mukhang may problema ka talaga ah. Alam mo pede mo namang ilabas yan. Sabihin mo sa iba. Hindi mahalaga kung kanino. Ang importante maibuga yang bigat sa pakiramdam mo.” Rumatsada ang tibok ng puso ko sa binitawan nyang mga kataga.

Hinarap ko siya pagkasabi niya nun. Napangiti ako. Hindi ko siya matingnan nang mag-iba ako ng direksiyon habang tuloy tuloy ang pamumuo ng mga mumunting dyamante ng tubig sa magkabilang sulok ng aking mata. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari sa ‘kin. Tuluyan ko na siyang iniwan.

Lumakad na ako pabalik sa aking silid. Mali ito. Lahat ito mali. Umayos ka Victoria, alam mong hindi ito nararapat. Panatiliin mong matigas ang iyong puso. Mas matalino ka kaysa dito. Naaasar na ako sa sarili ko. Bakit ba nginitian ko na naman siya kanina? Alam mo naman kung bakit eh. Kumana ka na naman dyan. Huwag mong hayaang takot ang magdikta sa buhay mo. Aminin mo na kasi… Heh! Walang dapat aminin! Bigla na lang nanlabo ang paningin ko. Hindi ko pala napansin na umiiyak na ako. Anong nangyari? Kailan pa ako nagkaganito? “Ano ba tumigil ka na,” pakiusap ko sa aking mga luha. Nanginginig na ang mga kamay ko kapapahid sa aking mga pisngi subalit ano mang pigil ko ay tila ayaw nang magpaawat ng aking mga luha. Ano ba naman to?


Nakamasid lang ako sa di kalayuan. Iniwan na ni Victoria si Marvin. Nanatili na lang siyang nakatanga sa tubig, soul searching na naman ang loko. Ako naman si gago, walang libangan kundi matyagan na lang siya. Nakakabaliw din pala talaga ang walang tampulan ng bagot. Kaya saludo ako sa mga naunang henerasyon, walang internet, movies, at kung anu anong libangan na meron tayo ngayon, ngunit ito’y hindi naging malaking salik at nakapag-imbento ng kung ano anong hobbies. Kaya nga siguro kung magkaroon ng magkakapatid nuon ay mababa na ang pito, sunod sunod pa..haha. Saktong pag-alagwa ng mahaba kong hikab ay ang pag-inat din ni Marvin, pagkadaka’y lakad senior citizen niyang binaybay ang direksyon papasok. Pumikit ako lumanghap ng sariwang hangin. Napangiti ako nang maalala ko sina Marvin at Victoria. Nakakatuwa talagang pagmasdan ang dalawa. Asaran nang asaran. Hindi pa lang nila pansin pero ang sobrang asaran nila ay naging sweet na. Sa sobrang tamis nga pwede mo nang ipalaman sa tinapay.

Darating ang araw, may makikilala tayong espesyal na tao na magagawang tibagin ang kahit na ano pang bakod o harang na nakapalibot sa atin at magagawang iligtas tayo mula sa ating pagkakakulong. Pero minsan, kailangang tayo na rin mismo ang gumawa ng paraan para hayaang makapasok ang iba. Kaya kung gagawa ka man ng bakod, wag mong kalimutang lagyan ng pinto para pagdating ng taong magliligtas sa’yo mula sa iyong sarili ay pwede mo siyang papasukin at sabihing, “Tuloy ka lang, bukas ang pinto.” O sa ingles, tulad ng isang sikat na kasabihan natin sa IV-Only: Open Is The Door.

           


Itutuloy…

No comments:

Post a Comment