Ano bang napapanaginipan mo ‘pag nananaginip ka? Saan ka dinadala ng
imahinasyon mo? Sa isang place na far far away at sa isang panahong once upon a
time? Sabi ni Cinderella, “A dream is a wish your heart makes.” Naniniwala ka
ba?
“Ang Liwanag sa Dulo ng Lagusan”
Napilitan akong bumangon nang sundutin ng kislap ng liwanag ng araw ang
pikit kong mga mata. May kaubrahan ang natipong lakas sa aking isipan sa
nagdaang gabi kung kaya’t nagpapaligsahan ang aking mga sakong at nagmamabilis
ng lakad ang malalaki kong paa nang tahakin ang makipot na pasilyo paakyat sa
labas ng barko. Umiingit-ingit pa ang mga nakausling sahig na kahoy nang masilaw
ako sa buong lakas ng araw na tumambad. Naknamputa! Kinailangan pa ng ilang
saglit bago masanay ang aking mata. Nang matapos ang pag-andap ng paningin ko
ay saka tumambad sa akin ang senaryong di ko pa napapaghandaan. Bumagal ang
paghinga kong kangina lamang ay nag-uunahan. Nandito na din pala silang lahat. Bakit
ba lagi na lang akong late comers? Hindi
na naman ako ginising ng mga putangna. Gusto ko sanang sigawan sila pero
napatigil ako. Nakabakas sa mukha ng bawat isa ang pangamba. Ugong ng bulungan
at palatak na may kasamang mura. Kumbakit ay nasasalamin sa tanawin na talaga namang
magiging sanhi sa pamumutawi sa iyong labi ng katagang “putang ina”.