Monday, March 18, 2013

HUGTUNGAN R-18

IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – TATLO

 
Ano bang napapanaginipan mo ‘pag nananaginip ka? Saan ka dinadala ng imahinasyon mo? Sa isang place na far far away at sa isang panahong once upon a time? Sabi ni Cinderella, “A dream is a wish your heart makes.” Naniniwala ka ba?
 

“Ang Liwanag sa Dulo ng Lagusan”

 
Napilitan akong bumangon nang sundutin ng kislap ng liwanag ng araw ang pikit kong mga mata. May kaubrahan ang natipong lakas sa aking isipan sa nagdaang gabi kung kaya’t nagpapaligsahan ang aking mga sakong at nagmamabilis ng lakad ang malalaki kong paa nang tahakin ang makipot na pasilyo paakyat sa labas ng barko. Umiingit-ingit pa ang mga nakausling sahig na kahoy nang masilaw ako sa buong lakas ng araw na tumambad. Naknamputa! Kinailangan pa ng ilang saglit bago masanay ang aking mata. Nang matapos ang pag-andap ng paningin ko ay saka tumambad sa akin ang senaryong di ko pa napapaghandaan. Bumagal ang paghinga kong kangina lamang ay nag-uunahan. Nandito na din pala silang lahat. Bakit ba lagi na lang akong late comers? Hindi na naman ako ginising ng mga putangna. Gusto ko sanang sigawan sila pero napatigil ako. Nakabakas sa mukha ng bawat isa ang pangamba. Ugong ng bulungan at palatak na may kasamang mura. Kumbakit ay nasasalamin sa tanawin na talaga namang magiging sanhi sa pamumutawi sa iyong labi ng katagang “putang ina”.



 
“Tang-ina anu yan?” Bungad ko sa kanila habang pinipilit wag mabasag ang boses para di mahalatang nangangamba ako ng kaunti.
“Si tanga naman! Hindi na nyan kelangan ng paliwanag eh,” pagalit na sabi ni Lele pero kabado naman ang suma tutal na dating. 

Subalit tama nga lang ang tinurang iyon ni Lele. Nakaharap sa amin ngayon ang isang malaking isla na napapalibutan ng maitim na usok at masusukal na puno na ang iba’y napapalamutian pa ng mga bungo, ng hayop o ng tao ay hindi ko maipalagay. Bahagya ding mauulinigan ang huni at ingay ng mga nilalang na nuon pa lamang namin nadinig. Ilang daang metro pa ang aming distansiya ngunit sapat na para iyong sabihing tanga lang ang dadaong sa ganitong lugar. Pero sigurado nahulaan mo na ang susunod na mangyayari. Tama ka. Kami nga yung mga tanga na yun. 

“Naloko na. Tang ‘na wala naman itong isla na to sa mapa ah,” dismaya ni Prof habang pinag-aaralan ang isang mapa. 

Masyadong cliché ang eksenang palasak na napapanood sa mga pelikula. Ang biglang pagpaparangya ng misteryosong isla sa mga mandaragat na ang dapat lang gawin ay lumihis ng daan para gunawin na ang nakahambalang na problema. Ngunit bagkus gawin ang nararapat ay pinapaandar ang kuryosidad ng isip at pipiliting dumaong sa nakagigimbal na tanawin. Pagkadaka, meron ka nang horror movie na palpak sa takilya. 

“Ba! Tangnang yan, ebat umaano pa tayo? Iwasan na natin tong lugar,” naaasar nang bulalas ni Kim sa lahat.

“Oo nga. Alang alang pumunta pa tayo dyan, neh dre, alang alang?” Tanong ni Chet sa kung sino mang gustong sumang-ayon sa kanya.

“Alang alang!” Tugon naman ni Lele na hindi na rin mapakali tulad ng karamihan sa amin.

“Hoy iliko mo na ebats!” Sinigawan ni Gail ang nagtitimon ng barko pero inisnab lamang sya ng supladong nabigador.
 

Aayudahan ko na rin sana ang inihain nilang mosyon kaso…
 

“Isa itong napakainam na pagkakataon! Karagdagang impormasyon at tantos sa aking ekpedisyon.” Mukhang tagilid sa pananalita ni Magellan ah. “Hindi pwedeng hindi natin ito saliksikin!” Yun na nga ba ang sinasabi ko. Kamuntik na kong maihi sa salawal ko. Buti na lamang at inexpect ko na yung sasabihin nya at di ganong malakas ang impact.
 

Kanya kanyang bulungan na naman, walang may gustong kumontra pa sa kanya. Pukang ama. Mahirap man pero kelangan ipahayag ang di pag sang-ayon. Nilikom ko ang natitirang lakas at itinulak ko si Gail papunta kay Magellan.
 

“Naknambaka! Et kamulala naman ng Daniel na to!” Putak ni Gail habang si Magellan ay bahagyang nainis sa naranasang body slam.

“Diablo Stupido! Hindi nyo kelangang magmadali. Maghanda tayo ng sapat para sa pagtuklas na ito.” Dahil sa sinabi ni Magellan, basang basa ko sa mata nila na gusto na nila kong gunawin pero di lang nila masakatuparan.

 

Alam kong palpak ang pinlano ko, gusto ko lang sanang mapilitan si Gail na kumontra kaso napalakas ang tulak ko. Tangna! Wala nang choice, dapat na namang sumama sa panganib. Inestima ko silang lahat kung ano ang kanilang lagay para di mabigla sa susuungin naming kahibangan.
 

Sa pagmamasid ko sa kanila ay napangiti na naman ako sa tanawin.
 

Sempre sino pa ba?.. Ede yung dalawa.. Halatadong sa tuwing maliligaw ang paningin ni Vinards sa lokasyon ni Victoria ay kagyat ang paggalaw ng ulo na simbolo ng paglilipat ng baling ng tingin nito. Mistulang gulo ang isip ng Marvin. Ito ay nagdadala ng kalituhan sa kanya. Basa mo sa mga gatla sa kanyang noo na hindi niya mahanapan ng paliwanag ang split second moment na pagtatama ng kanilang mga mata sa tuwing titingin siya at papaiwas naman ang Victoria. Kakaibang pawis ang namumuo sa kanyang batok pababa sa kanyang braso na nagpatingkad ng mga butlig na umalsa sa puno ng kanyang mga balahibo. Binigyang kulay ng umaga ang lagkit ng mga titig na nahirapan nang ikubli sa saglit na pagtatama ng kanilang mga paningin.

 

Nagulantang lang ang ritwal nang kumampana ang ingay ng paglagapak ng isang tabla ng kahoy sa lupa. Ibinaba na pala ng sandatahan ang tulay na gagamitin upang makalipat sa isla.

 

“Halina mga kasama sa bagong pagtuklas,” sa salita ni Magellan ay nagwish ako sa kalangitan na sana ay may mag-amok bigla sa isa sa mga tauhan. Nang sa gayon ay magkaroon ng lisensyang manuntok at mambugbog na lang. O kaya kahit si Magellan na lang, kahit isang malutong na sapingil lang kuntento na ‘ko. Ot palagi na lang puno ng sigasig amputangna. Sigurado namang katangahan lang mapapala namin dito sa isla na ‘to eh. Et kaya tuwing makakakita na lang ng bagong lupa kala mo tinitigasan amputa.

 

“Guys lets go!” Si PJ habang naka angkla ang mga braso kay Wino na masasabi ko namang hindi tinigasan. Haha.

“Sige sa ngayon ayos lang ang ganito. Hindi lang barairo malamang ang nakatira sa fowrest na to,” primera ni Wings habang papababa na sila ng barko.

 

Minasdan ko silang lahat habang isa-isang pumapanaog ng barko. Magkaakbay sila Lester at McJohn na tila sinasariwa ang adventures pag nagpupunta sa falls ng San Pablo. Samantalang tahimik lang na nakasunod ang iba at kanya kanyang usal ng dasal.  Halatado naman sa paglakad ni Prof na nagbabalangkas pa din sya ng plano. Nasa huli ng pila si Vinards. Atras abante ang mga paa na animoy hindi mapagpasyahan kung sasama o magpapaiwan na lang. Halos lumusot sa ulo ang kanyang mata kakapilit abutin ng paningin ang kinaiinisang dalaga. Parang gustong mangusap ng kanyang mata na pilit namang pinipigilan ang kanyang mga labi. Hindi kaaya-aya ang kanyang kalagayan at sa sumunod na mga katagang kanyang nadinig ay naghalo ang kaprasong galak at pangamba.

 

“Papa! Nais ko sanang masaksihan ang lakad na ito,” pangusap ni Victoria sa kanyang amang si Ferdie. (PAPA = Paespanyol. As in tatay. Kahalintulad ng pagbigkas ng maharlikang bida sa mga telenobela. Hindi yung pagtawag natin kay Pedok.)

“Ngayon lamang kita nakitaan ng suporta sa aking mga adhikain. Wala namang dapat ipangamba at makakasama natin ang aking mga personal na tagapagbantay,” tugon ng nakangiti pa ring si Magellan na hanggang ngayon ay matigas ang etits dahil sa sobrang excitement. Kasabay niyon ay ang pagtikas ng apat na armadong kawal sa kanyang paligid.

 

Nakita ko kung pano bumalikwas ng direksyon si Marvin. Bubuka sana ang mga bibig at kokontra sa mosyong ito. Subalit wala naman siyang nagawa sapagkat nagpatiuna nang manaog si Victoria kasabay ng kanyang ama. Wala na din kaming nagawa pa kundi sumunod sapagkat kami na lang ang naiwan sa grupo. Nagmamagaling ang asta ni Marvin, di alintana ang makipot na estanteng kahoy na nagdudugtong ng isla at ng barko. Pinipilit atang maabutan si Victoria.

 

Anaknamsinawingpalad… Kanina pa sasabog ang pantog ko. Pagkagising kasi ay hindi ko nabigyang pagkakataon na isaayos muna ang sarili ko. Nagpaiwan na muna ako at nakipag one on one sa isang malaking puno. Ninamnam ang unti-unting pagkabawas ng bigat na namuo sa aking bato. Habang kinikilig-kilig pa ay pawang nakaramdam ako ng kakaiba… ‘yun bang pakiramdam na parang may mga pares ng mga mata ang nakamasid sa iyo? Tumayo ang lahat ng pwedeng tumayo sa akin nang maulinigan ang mga tunog ng natatapakang mga tuyong dahon, senyales ng pagkilos ng isang nilalang. Wala akong kalaban-laban. Nasa isa akong vulnerable na state dahil nakalabas at exposed ang pinakamaselang parte ng katawan ko. Hindi ko na tinapos pa ang pag-ihi ko. Bahala na mabasa ang mababasa. Kumaripas na ko ng takbo para maabutan ang aking mga kasama kahit na nagmantsa na ang maligamgam kong ihi sa aking salawal dahil sa hindi ko na nagawa pang ipagpag ang aking malusog na sandata. Kung nagtataka ka, yung titi ko yung tinutukoy ko.

 

Pag-abot ko sa kanila, nakatulala na naman ang mga friends ko na para lang nanonood ng nagkakantutang aso sa tabing daan. Tang-ina parang nangyari na to ah. Déjà vu all over again. Pero bago pa ako makapag-english ulit, napanganga na ako dahil nakita ko na din kung ano ang tinutunghayan nila.

 

Hindi ako makapaniwala sa senaryong minamasdan ko. Napakalayo nito sa inaasahan kong makita. Napakaraming tao. Samu’t saring lahi. Mga Asyano, Aprikano, Indyano, Arabo, iba pang sa hula ko’y taga gitnang silangan, at mayroon ding mga taga Europa o kung saan batay sa kanilang pananamit. Hindi ako makasigurado. Pero ang pagkakapareho nilang lahat ay mayroon silang kani-kaniyang mga kalakal. Mga banga at palayok na perpekto ang pagkakahubog, mga makikintab na tela na napakadetalyado ng mga desenyong nakaburda sa mga ito, mga makikinang na punyal at espadang iba’t ibang haba na ang iba’y may mga batong hiyas pa sa puluhan at kaluban. Mga pilak at ginintuang alahas at mga magagarang kasuotan na ang karamihan ay siguradong hindi komportableng isuot. Mayroon ding mga prutas na noon ko lamang nakita, mga hayop na sigurado akong ang iba ay extinct na sa panahon natin ngayon at mga exotic na ibon na napakakulay ng mga angking balahibo at walang tigil sa palahaw. Isang bagay ang natitiyak ko, ang kaloob-looban ng islang ito ay isang napakalaking bargain. Ito marahil ay ang sentro ng kalakalan sa bahaging ito ng mundo, sa kasalukuyang panahong ito.

 

“Tsk.. ang dami nang tao.. kala ko pa naman ako ang makakavirgin sa lugar na to,” walang kalatuy-latoy na pahayag ni Magellan. Lumamlam  ang kanyang mga mata na kanyina lamang ay maladyamante ang kinang. “Halina kayo’t bumalik na sa ating barko,” dugtong nya pa na wala na talagang ganang manatili pa.

“Pero Papa, sayang naman kung hindi tayo mag-iikot kahit lamang saglit. Tutal ay nandito na din naman tayo,” maniobra ni Vic sa kaisipan ng kanyang ama.

 

Hindi na din nakatanggi pa si Ferds at pinagbigyan na lamang ang hiling ng anak. Habang abala sa paggagalugad, unti unting nagpapakita ang tunay na anyo ng barter island. Sa kabila ng makukulay na palamuting nakalambitin sa kanya-kanyang tolda, nakakarindi pa din ng utak, talagang kinukutuban na ako ng hindi maganda (kung dahil sa napostpone na paglarga ng pantog kanina at nanlilimahid ang panghi sa aking pundya ay hindi ko na alam). Ang kayang itago ng ngiti ay makikita sa mata. Lahat sila balisa. Hindi malaman kung ano ang uunahing hakbang. Sadyang may mga bagay na hindi kailangang ipamalita pa ng bibig at may mga kusa na lang nararamdaman na hindi kelangang pilitin. Nakakalito. Yung bang bigla parang paralisa na ang utak mo at ayaw nang gumana? Para akong bumalik sa kainutilan ko nung nakaraan nung naiwan ko ang bag ko sa iskul at naalala ko lang nung pauwi na’t madilim na, bago, nagtangkang balikan kahit alam ko namang sarado na ang gate at kahit sindakin si Pepito ay hindi na ko pagbubuksan. Ngayon, kahit langaw ay napagtyagaan kong panoorin. Kung sa sarili nga nating panahon, napakagulo na pag bargain, sa sitwasyon pa kaya naming kinasadlakan ngayon?

 

Sa gitna, tila isang mantsa sa puting damit na kahit isang galong klorox ay hindi kayang alisin pa, nakatirik ang isang bahay inuman, (na sa kasamaang talampakan ay iilang dipa lang ang distansiya sa amin.) Agaw pansin din ang karatulang nakasukbit sa may pintuan, “Pakiusap, gamitin ang mga silya ‘pag nakikipag-away.” Naimagine ko kagad ang dahilan kung bakit ganun na lamang ang nasa babala, siguradong pag nagbubuno ang mga sunog baga ay pihadong mga armas ang ginagamit, kung kaya’t para malimitahan ang mga bangkay na inilalabas sa pondahan, mas mainam na mga bangko na lamang ang magsilbing collateral ng perwisyo. Sa gilid ay mapapansin ang nakasalansang mga sira sirang bangko na nangangahulugang sumusunod naman ang mga halang. At least masunurin sila. Ramdam na ramdam ang vibration na nabuo mula sa ingay na nagmumula sa kani kanilang pwesto, na malamang sa malamang ay awayan ng mga lasing na nagmula sa simpleng nagkasamaan lang ng titigan.

 

Hindi nagtagal at nagawa naming agawin ang atensyon ng mga parokyano. Datapwat meron din namang mga simple lang ang karakter na maiisip mong ayos naman ang intelektwal na pakikipagkapwa, ang karamihan pa din ay di mo mawari kung sang lupalop ng daigidig nagsuot na pipilitin mong iwaksi ang iyong sarili sa linya ng kanilang mga mata. Pero sadyang napakalabo atang maisakatuparan ang ganoon dahil na din sa pananamit ng aming mga kasama. Tila nagsilbing susing inilaso sa saranggolang pinalipad sa unos ng mga kidlat ang kasama naming dalaga, si Victoria, at hindi na din dapat pang ipaalala ang makikita at ipinahihiwatig sa mga mata ni Marvin. Ganunpaman, dapat ay kalmado, steady lang. Hindi kelangang bunutin kagad ang mga nakasukbit na patalim ng aming mga kasama. Ang lahat ay madadaan naman sa mahinahong komprontasyon. Pero masama talaga ang kutob ko. Nakakapangati ng bayag ang ganitong pakiramdam.

 

“Haha, binibini, baka gusto mo kaming saluhan. Maganda ang araw para sa isang inuman,” bungad ng isang tomador na sa estima ay kagabi pa nainom.

“Paumanhin subalit hindi ako umiinom,” sagot ni Victoria habang nakapikit na tila pilit hinihiwalay ang samyo ng hininga ng kausap.

“O problema ba yon? Ako lang ang iinom habang nakaupo ka sa aking kandungan… Hindi ba magandang suhestyon mga kasama?.. Wahahaha!!”

 

Habang binubuo ko sa aking isip ang mga dapat sabihin, kabaligtaran na pala ang inaasta ng mga bodyguard ni Magellan. Anak ng nagahasang baka! Kakarampot din pala ang naturang utak ng mga ito. Kanya kanya silang hugot ng kanilang mga tabak na ikinagulat ng mga nanghaharass. Kaagad din namang nawala at napalitan ng kanya kanyang mga ngiti. “Nyahahaha!!! Kayo ang unang naglabas ng patalim kaya wala sa amin ang sisi kung sa araw na ito ay madiligan ng dugo ang tuyong lupa.”

 

Naloko na, hindi ko na alam ang dapat gawin. Hindi na maiilagan ang sigalot na ito. Kanya kanya nang porma ang mga bataan ni Magellan samantalang patuloy ang paglabas ng tropa ng kasigalot mula sa kahoy na pintuan. Bagamat nakalalamang kami sa laban sapagkat wala sa kundisyong magwasiwas ng kanilang sandata ang mga lasing, natatalikupan pa din kami ng kanilang bilang. Sa kadehaduhan nga namin sa bilang ay may nakaalpas sa aming depensa at tila pinuntirya ang aming muse...

           

           


 

- Marvin -

 

“Ito na nga ba sinasabi ko eh. Dapat nagpaiwan na lang kami. Nasa panganib na naman. Bakit kasi kelangan pang sumama ng babaeng to eh. Kaya ngayon tuloy na may aberya napakahirap umatras.”

 

Habang kausap ko ang aking sarili ay walang humpay ang kakailag ko sa mga ulos ng kalaban. Hindi ako makakuha ng tamang tyempo para makasalakay ng ganti datapwat kung tutuusin eh napakadaling gawin. Ayaw ko mang aminin subalit parang hati ang atensyon ko. Hindi ko maipaliwanag pero bakit pinagtutuunan ko ng pansin si Victoria, na wala namang mapala kundi kairitahan. Di ko mawari kung anu ba talaga. Mabuti pa ang magpa-unli sa Smart may confirmation, eto parang sipon, kusa na lang dumadapo at hindi maiwasan, lahat nakakaranas kahit sangkatutak na vitamin C pa nilalaklak mo araw araw.

 

Nag-eenjoy na ako sa kakasayaw upang makailag sa katunggali kong isang tulak lang ay mawawalan na ng balanse dahil sa kalasingan. Mas mainam ang ganito kesa masiraan ako ng ulo. Pero saglit lang, tila kumawala lahat ng enerhiya ko sa katawan na pumigil sa paggalaw ng mundo, parang naangklahan ko ang pag-ikot at nag slow mo ang lahat. Ang dahilan: si Victoria, nanganganib na. Sa pagkadami ng kaaway ay nakalusot ang puchang lasing, yung mismong walanghiya na nambastos sa kaniya kanina. Uundayan na ng saksak si Victoria. Pesteng sipon na ‘to, tumulo na sa ilong ko’t hindi na nagpapigil. Isang malakas na singhot kasabay ng isang malakas na tadyak sa lupa ang aking ipinamalas at sa isang kisap mata’y nagawa kong abutin ang distansiya sa pagitan ni Victoria at ang bagyang nakakasilaw na usbong ng liwanag mula sa walang patawad na punyal.

 

Tinamaan ako sa may sikmura. Ang sakit. Ramdam ko ang lamig ng patalim na bumaon sa aking katawan. Mainit ang dugong umagos mula sa aking sugat. Bumilis ang tibok ng puso ko pero bigla akong hirap na hirap sa paghinga. Bawat pagpasok ng hangin sa aking mga baga ay para itong tinutusok ng isanlibong tinik. Umikot ang paligid ko. Bumigat ang ulo ko. Nahihilo ako. Bumagsak ako sa lupa pero pagtingala ko ay si Victoria agad ang nakita ko. Nakabakas sa kanyang mukha ang pagkagulat na mabilis namang napalitan ng lubhang pag-aalala, at least umasa akong pag-aalala nga iyon. Nasorpresa ako sa ginawa ko para sa kanya. Binalot ako ng isang matinding reyalisasyon. Wala nang alinlangan pa, sigurado na ako sa aking nararamdaman para sa kanya. Ginamit ko ang natitira ko pang lakas upang itaas ang aking kamay at tangkaing haplusin ang kanyang mukha upang pawiin ang kanyang pangamba at ipaalam na magiging okay lang ang lahat. Inabot niya ang kamay ko at inilapat niya sa kanyang pisngi. Nanlalabo na ang paningin ko. Luha ba ang nakikita ko sa mga mata nya? Nakikita kong bumubuka ang bibig niya pero hindi ko marinig ang sinasabi nito. Alam kong mawawalan ako ng malay ano mang sandali. Teka lang. Wag muna. Kaya ko pa. Ang sakit talaga ‘tang ina…

 

Heto na ang kadiliman…






Bang!!!

 

Napabalikwas ako nang marinig ang putok ng baril. Ugong na halatang makalumang disenyo. Kumbaga sintunado. Pero sapat na para huminto kami na pawang kabilang sa event ng Christmas Party na Stop Dance.

 

“Ilang ulit ko bang dapat sabihin na huwag gagamit ng patalim dito!” Sigaw ng isang bruskong lalaking madugyot ang haba ng balbas. Pero hindi ko na yun binigyan pa ng atensyon. Ngayong nagsambulat na ang lahat at kanya kanyang hulagpusan, namataan ko si Vinards, kalong kalong ni Victoria na sa kabila ng init ng araw ay tuloy tuloy ang patak ng ulan sa mga mata. At parang papel de hapon na kulay pula naman si Marvin na nauubos ang kulay pag napatakan ng tubig ulan. Hindi malaman ni Victoria kung panong tapal ang gagawin wag lang makaalpas ang sirit ng kanyang dugo. Bago pa maubusan ng supply si Marvin, pinasya naming ibalik siya sa barko at duon na gamutin.

 

“Bakit hindi mo pa imulat ang iyong mga mata? Lagi ka na lang nang-aasar. Hindi ba pwedeng magpatalo ka naman ngayon sakin? Gumising ka na,” bulong ni Victoria sa walang malay na si Marvin habang parang nakainstant glue ang palad niya sa lantang kamay nito.

 

Halos magtatatlong gabi na din siyang walang malay. Magtatatlong gabi na ding nakabantay lang sa kanya si Victoria. Ako? Sempre di ko kaya yung ganun, usyoso lang ako paminsan minsan, nakasandal sa may pinto habang inaabangan ang progreso ng kamalayan ni Marvin. Ayon sa personal na manggagamot ni Magellan, wala naman na daw sa panganib ang buhay ni Marvin at kailangan lang daw niya ng pahinga upang makarecover ang kanyang katawan. Ilang saglit din akong nakasandal lang. Nakikiramdam. Ginawa nang unan ni Vic ang kamay ni Marvin. Hindi naman tulog, tila ninanamnam ang bawat sandali. Aalis na sana ako nang madinig ko ang paunti-unting ungot ni Marvin. Nagising na din ata sa wakas. Babatiin ko na sana nang mapagtanto kong sleep-talking lang pala. Nananaganip pa ang loko. Sa takbo ng dialogue nya, pihadong si Victoria ang kaeksena. Hahaha hindi na mapigilan ang pamumukadkad ng rosas sa pisngi ng dalaga. Sa tagpong ito dapat ay umexit na ako. Plano ko na talagang umalis pero nagsalita si Victoria kaya napigilan ako ng aking pagiging uchuserong froglet.

 

“Hindi naman mali ‘yon,” sagot nya sa tanong ng nananaginip na si Marvin, sabay walk out. Putcha, nakita pa tuloy ako. Walang mapagtaguan. Tumingala na lamang ako habang pumapasyok pasyok pagdaan niya. Gising na pala si Marvin kaya siya nagsalita. Wala ata sa wisyo at binigla ang pagbangon, marahil ay sa pitang habulin ang dalaga. Kaya yun bagsak ulit ang mokong…

           

           

           

 

- Marvin -

 

Alam kong hindi ako dapat pumunta sa liwanag. Pero sa dulo ng madilim na lagusan, nakaabang si Victoria.

 

Ang sumunod kong alam, kaharap ko na siya. Nakatingin lang kami sa isa’t-isa.

 

Tapos bigla na lang lumiwanag ang buong paligid. Nasa gitna kami ng isang malawak na lupain, damuhan na tulad ng isang parang. Napakaraming ligaw na bulaklak na nilalaro ng mga paru-parong makukulay ang pakpak. Palubog na ang araw na nagbibigay ng maladalandang kulay sa langit at sa buong paligid. Pag-ihip ng hangin, nagliparan ang mga puting bulaklak na tila mga patak ng niyebe sa taglamig.

 

Ang tanging bagay lamang na mas maganda pa sa tagpong ito ay ang babaeng nasa harap ko ngayon. Si Victoria.

 

Naglakas loob akong magsalita. “May sasabihin sana ako sa’yo. Importante to kaya wag mo akong tatawanan. At least pigilan mo muna sarili mo hanggang sa matapos ako. Wag ka muna magsasalita baka kasi mawala yung naipon kong tapang…Ok. Sige eto na…

 

“Hindi ko matandaan kung kailan ako nakaramdam ng ganitong kasiyahan. Ngayon pa lang siguro. Sobrang saya na halos hindi na mapawi pa ang ngiti ko. Ang dahilan?... Ikaw. Dahil narito ka ngayon. Ang pangarap ko ay sana maging akin ka at ako’y iyo. Buuin natin ang isa’t-isa. At magsabay ang pagkabog ng ating mga dibdib na para bang nagsasalo lamang tayo sa iisang puso.

“Napakaganda ng iyong mga mata. Na para bang nakikita mo talaga kung sino ako, ang aking buong pagkatao, at tanggap mo ang totoong ako. Hindi ako makapaniwala na nahawakan mo agad ang puso ko sa isang tingin mo lang. Kaya kong ubusin buong buhay ko nang nakatitig lang sa iyong mga mata, napakadaling mawala sa kanila at kalimutan na ang lahat lahat sa mundo. Sa sobrang ganda pwede na akong matunaw. Pero ok lang. Iri-risk ko na. Worth it naman.

“Gusto ko lang din palang itanong sayo, mali ba na sa tuwing nakikita ko ang mga labi mo gusto kitang halikan? Sa tuwing nakikita ko ang kamay mo gusto ko itong hawakan at wag nang bitawan pa, at sa tuwing nariyan ka ayaw ko nang umalis ka pa at nagdarasal ako na sana huminto na lang ang oras habang yakap yakap kita?”

 

Ngumiti lang siya. Muli na namang umihip ang hangin at nilaro ang mga nagliliparang bulaklak na ang iba ay nanga-stuck na sa buhok niya. Napangiti ako. Bahagya lamang niyang itinagilid ang kanyang ulo habang nakatingin sa akin at nakangiti ang mga labi at mata. Nahulog ang puso ko sa sobrang ganda niya. Inabot niya ang mga nanginginig kong kamay subalit bago pa siya makapagsalita, bigla na lang dumilim na naman ang lahat na para bang may nagpatay ng ilaw…

 

Pagmulat ng mga mata ko, ang maamong mukha agad niya ang sumalubong sa akin. Napuno ang aking puso ng kasiyahan. Nasasanay na ako sa ganitong epekto nya sa ‘kin. Gising na ako pero hinang hina ako at hindi ko magawang igalaw ang katawan ko. Nakaupo si Victoria sa tabi ko. Hawak nya ang kamay ko. Ibinuka ko ang bibig ko para magsalita sana pero napigilan nang bigla syang tumayo.

 

“Hindi naman mali ‘yon.” Yun lamang ang sinabi nya at saka lumabas na ng silid. Teka, ano ba yung sinabi nya? Hindi ko maintindihan, masakit pa ang sugat ko. Sugat? Tama. Nasaksak nga pala ako. Yun lang ang naaalala ko. Tinangka kong bumangon pero umikot ang buong paligid. Bad idea.

 

Bumagsak uli ang katawan ko. Hindi kinaya ang biglang sargo ng adrenaline. Sa sakit ng katawan ko, pinabayaan ko na lang. Ang gumuguhit sa aking pakiramdam ay ang mga binitawang salita ni Victoria. Anu na naman ang problema nun? Malalalim na buntong hininga na lang ang pinakawalan ko para pagaangin ang nakadagang kargo sa dibdib ko.

 

“Gising ka na pala. Tatag mo. 3 days ka ding walang malay ah.” Si Men kakapasok lang sa silid ko.

“Tatlong araw? Ano bang nangyari?” Sa tingin nyat sa kalagayan ko, dun lang nanumbalik ang mga naganap, napansin ko na naman tuloy ang tila portal sa sikmura ko, kumirot tuloy. Ganito pala pakiramdam ng masaksak. Tang-ina, nagugutom na ko. Sasabihin ko na sana kay Men pero naunahan na ako.

“Vince, nagdala kami ng makakain, sigurado gutom-preso ka..” Si Kalo, nalaman na ding gising na ako. Siguro ibinalita ni Victoria. Nakanamp! Parang mas masakit ang kirot ng pagbanggit ng pangalan niya kesa sa sugat ko ah.

“Oh, bakit ang lungkot ng dating mo?? Di pa ba sapat yung marathon moment nyo ni Vicky?” Si Karl sa tonong pang-aasar.

“Marathon moment ka dyan?” Syempre naguguluhan ako.

“Marathon. As in di ka man lang nilubayan ni Victoria kahit tulog ka.. ayiiii..” Ang surang kiligin ni Lele…

 

Pero teka, ibig sabihin binantayan ako nun? Anong ibig sabihin nun? Hindi kaya… Ah, walang mapapala kung iisipin ko lang nang iisipin. Kelangan kong isiguro to. Baka ito na yung chance point ko. Kelangan ko syang makausap.

 

Pagkatapos kong kumain, tinahak ko na ang kwarto ni Victoria. Nasa pinto na niya ako. Kakatok na lang ang dapat gawin pero parang nanigas na naman ang kamay ko. Dumapo na naman ang sang katutak na diskusyon sa pagitan ng utak ko’t sarili. Pano kung guilty feeling lang pala kaya niya ako binantayan? Baka mapahiya lang ako ah. Alam ko na, gagamitan ko na lang ng suplado epek. Mabisang paraan naman yun para mabalatkayuhan ang tunay kong nararamdaman eh. Ang tunay kong nararamdaman? Alam mo na, alam na ng mga kaibigan ko, alam na rin pati ng mga alon sa karagatan, ako na lang yata ang huling nakaalam – na may gusto ako kay Victoria.

 

Hindi na ko nabigyan ng pagkakataong kumatok at bigla na lamang nagbukas ang pinto sa harap ko na kinagitla ko nang todo. Muntik na akong mapahiyaw mabuti na lang at napigil ko, bawas points sana. Pagkakita ko kay Victoria ay parang biglang nangalaglag mula sa aking utak ang lahat ng mga iniisip ko kasabay ng paglaglag ng brief ko. Bigla akong nablangko. Nawala lahat, ang takot, kaba, alinlangan, ang barko, ang dagat, pati ang pagkirot ng sugat ko. Ang tanging naiwan na lang ay ang palaso ni Kupido na nakatusok at na-stuck na yata sa puso ko. Puta naloko na. Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa. Mabuti na lang at nauna na siyang nagsalita.

 

“A..Ah, anung ginagawa mo dito? Hindi ba dapat ay nagpapahinga ka pa? Hindi pa lubusang gumagaling ang sugat mo,” sabi agad ni Victoria na nakalihis ang mata. Uy concerned. Hehehe. Ok, sige, bahala na.

           

           

           

 

- Victoria -

 

Bakit ganito? Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam nung madinig ko ang mga salitang yun sa kanya kanina. Alam kong nagdedeliryo lang siya pero sa bawat salitang binibitaw niya, tila ako yata ang nagdedeliryo. Kahit ba hindi nya alam na sinasabi nya yun. Kahit papano ay masaya pa din ako. Ngayon ngang naaalala ko pa ay nag-iinit ang mga pisngi ko. Pero hindi pwede to. Pumikit ako at huminga-hinga nang malalim upang mawala ang pamumula at maibalik sa normal na kulay ang aking mga pisngi. Alam ko ang magiging kapalit kung hahayaan kong kainin ako ng kapusukan. Ayoko itong nararamdaman ko. Kailangan kong lisanin ang silid ko. Pakiramdam ko’y napupupot ako’t naiipit habang papaliit nang papaliit ang kuwadradong silid. Nasosopokeyt ang puso ko sa pagmamahal niya. Haha! Ano daw?  Ayan na naman ang ‘the voice inside’ ko, nang-aasar na naman. Rumarapunzel ang haba ng hair mo ‘te! Teka hindi na tama ‘to, kailangan kong magpahangin.

 

Pagbukas ko ng pinto siya agad ang nakita ko. Ano ba naman ‘to? Nataranta na naman ang lito kong puso. Kelangang magsalita, kahit ano lang. “A..Ah, anung ginagawa mo dito? Hindi ba dapat ay nagpapahinga ka pa? Hindi pa lubusang gumagaling ang sugat mo.” Anu ba yung mga nasabi ko? Parang di napag-isipan. Pero hindi ko siya dapat tingnan sa mata. Magtataray na lang ulit ako.

“Ah, eh, narinig ko kasi sa mga boys na binantayan mo daw ako? Hindi mo naman kelangang magbantay nang magdamagan hanggang magising ako… Siya nga pala…” Napakunot ang noo ko sa sinabi niya at biglang nangati ang ilong ko dahil pilit umaalingawngaw sa aking isip ang salitang “magdamagan” kaya hindi ko na siya pinatapos  at sumabat na ako.

“Ganon? Sa palagay mo ginawa ko yun dahil sa’yo? Hindi lang kasi ako patulugin ng konsensiya ko. Ako ang dahilan kung bakit ka nasaksak, well, sort of… Pero teka nga, unang una, hindi mo naman dapat ginawa ang ginawa mo. Padalos dalos kang masyado! Tanga ka ba? Hindi mo man lang naisip ang kahihinatnan. Ayan tingnan mo ang napala mo ngayon.” Hay nabigla na naman ako. Hindi naman iyon ang gusto kong sabihin. Kasi naman napakaantipatiko ng asta. Nagyayabang na naman. Eh ano kung binantayan ko siya ng “magdamagan”. Kinailangan pa ba niyang pumunta dito at ipamukha sakin yun? Hmp! Pinag-alala mo ako to the highest level walangya ka!

“Haha! Ang tindi mo talaga. Imbes na pasasalamat ang matanggap ko, pagtataray mo pa din?” Sarkastiko niyang tawa. Nakakainis!

“Aba! Sa totoo lang eh hindi mo naman talaga kinailangang harangan yung lasenggo eh. Kaya kong protektahan ang sarili ko. Ano bang akala mo, damsel in distress ako at isa kang knight in shining armor? Naku ha! Nananaginip ka!” Bakit ba kayang kaya niyang painitin ang ulo ko? Hindi ka knight in shining armor, prince charming ka! Prince charming!

“Hay! Sige na sige na. Panalo ka na,” ika niya habang nakataas pa ang dalawang kamay bilang senyales ng pagsuko at nakaplaster ang chick-magnet niyang ngiti sa mukha. Eeeeeeeehh! Napapangiti na rin tuloy ako. Pero kelangang pigilan. “Thank you na lang sa pagbabantay mo. Pambihira, nabaligtad pa,” patuloy niya.

 

 Nakatingin lang siya sa ‘kin at kumikinang ang mga mata na parang nakakaloko. Pero in fairness, ang gwapo niya. Ano ba? Balak ba akong tunawin nito sa tingin niya? Nakatingin siya sa akin na para bang kaming dalawa lang ang tao sa buong mundo. Nag-iwas ako ng tingin, hindi ko talaga kayang makipagtitigan sa kanya, baka umusok ang tenga ko sa sobrang pula na ng pisngi ko. Parang bibigay na ang mga tuhod ko. Nanlalambot ako, umakyat na yata lahat ng dugo ko sa mga pisngi ko. Binaling ko na lang ang mga mata ko sa kanyang mga labi. Puno at mapula. Ano kaya ang pakiramdam ng mahalikan niya? Para akong hinahatak ng kung anong pwersa palapit sa kaniya. Hindi ko namalayang binasa ko na pala at kagat kagat ko na ang labi ko. Waaaahhh! Iniling-iling ko ang ulo ko upang mapagpag ang mga kahibangang napapag-isip ko. Kailangan ko na talagang umalis dito kung hindi ay maloloka na ako. Hindi kita ma-handle Papa Marvin!

 

Sa kabilang banda, dapat nga siguro ay magpasalamat talaga ako. Pero sa inaasta nya ngayon, (at sa epekto niya sa ‘kin) belat!.. Tinalikuran ko na lang siya at iiwan ko na talaga, pero sa naiwang emosyon ng kanyang mata habang ako ay papatalikod na, napatigil ako. Nawala ang kinang ng mga ito at napalitan ng pagkalito at parang ipinapahiwatig ang pagkadismaya. Sa pagbuka ng kanyang bibig ay masasalamin na gustong ulitin ang eksena at palitan ang mga linya. Pero huli na ang lahat, iiwan ko na talaga siya diyan. Desidido na akong umalis! Pero bakit ayaw akong sundin ng aking mga paa?.. Buntong hininga. Pikit ng mata. Bahala na. Wag na wag mo lang akong hahalikan habang nakapikit ako dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at halikan rin kita.

 

“Salamat. Maraming Salamat.” Sa wakas ay nabitawan ko din ang mga kataga. Ang sweet ng ginawa mo. Ano ba? Kanina ka pa ah! Tumahimik ka na nga dyan! Sinita ko na ang pasaway kong damdamin. Kahit anong kontra ko ay hindi ko magagawang labanan ang nararamdaman ko. Kailangan magawan agad ng paraan ‘to bago mahuli ang lahat.

“You’re welcome. Hehe. O ang dali lang di ba? Eh kung kanina ka pa nagtenkyu, naging mas payapa na sana usapan natin.”

Ah ganon? Kasalan ko na naman? “Teka nga mun…” Pero bago pa ako makakontra, itinaas na niya ang hintuturo niya sa labi ko upang pigilan ako. “Hep hep hep! Aarangkada ka na naman eh. Hehehe. Teka lang may sasabihin lang ako.” Ano ba? Alisin mo yang daliri mo sa may bibig ko, kakagatin ko yan!

“Hindi ka ba nagsasawa sa awayan nating dalawa?” Umpisa niya.

“Anong ibig mong sabihin?” Hindi ko inaasahan ang tanong niya. Ano naman kaya ang patutunguhan nito?

 “Sana ay ibahin na natin ang style ng dayalogo natin… Tama na yung away away. Teka lang pano ba ako mag-uumpisa? Ahmmm… Sa totoo lang, hindi ko pa lang alam noon pero sa ngayon malinaw na. Kapag nag-aaway tayo, iyon na ang pinakamasayang parte ng araw ko. Parang ang weird di ba? Pero I look forward to the time na nagbabangayan tayo, naiisip ko pa lang nga napapangiti na ako, ang cute mo kasi kapag nagagalit ka. Hehe. Medyo magulo, mahirap ipaliwanag eh. Pero sige ganito na lang… May sasabihin sana ako sa’yo eh,” seryoso ang hilatsa ng paglikha ng mga salita niya at napaka-intense ng titig niya. Teka, hindi maganda ito, alam ko na ang bubuuing takda ng mga labing ‘yan. O-M-G magpopropose na siya. I do! I do! Teka lang, kelangang mapigilan ko siya bago pa kung ano ang masabi niya. Nagpatuloy siya, “Victoria…”

“Tama ka nga! Siguro’y naaakma lamang na maging magkaibigan na tayo. Hindi yung puro na lang away.” Bago pa man siya magpatuloy ay hinadlangan ko na ang gusto niyang ipahayag. Good. Napatigil siya. Pabago bago talaga ako ng isip. Hindi naman ako masisisi ng kahit na sino. Kung alam lang nila ang dapat kong pasanin. Napangiti siya. Subalit iba naman ang isinasalamin ng lulam ng kanyang mata. Tama lang ang ginawa ko. Ito ang nararapat para sa aming dalawa.

“Friends?” Sabay abot ng kamay ko sa kanya para makipagkamay. Inabot naman niya ang kamay ko at ngumiti, yung tipo ng ngiti na hindi umabot sa mata. Nakatingin lamang siya sa akin ng ilang segundo, bumuntong hininga at pagkadaka’y tumalikod na siya.

“Sige. Magpapahinga na ko. Usap na lang tayo ulit,” sabat nya habang lumakad nang pabalik sa kanyang silid. Pumikit na lang ako at alam kong tama ang aking naging pasya…alam ko rin na binasag ko ang puso niya… Luka-luka ka talaga Victoria…




 

- Marvin -

 

“Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?”

 

Tangna, ni hindi man lang ako nakaporma.

 

“Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?” “Friends?”

 

Putcha. Anu ba? Kelangang ulit ulitin? Ou gets ko na. Simula pa lang sablay na. Imposible namang hindi niya nagets yung binalak kong sabihin. Magalang na paraan ng pagbasted. Anu nga ba term nila dito? Tama. Friend-Zoned. Na-friend zone ako. Buset...

 

Para na naman akong matandang may rayuma kung maglakad sa pasilyo. Nagkapira-piraso ang kanina lamang ay napakasigla kong puso. Pero teka, friends naman kami ah. Siguro may pag-asa pa Putsa galing ko magpalubag ng loob. Pati sarili ko kaya ko nang lokohin.

 

“Oh Ven, askad ng dating mo ah. Pulutin mo nga yang balikat mo, sangsentimetro na lang pagitan sa sahig oh,” si Lester. At nandito din pala ang tropa sa pasilyo. Bakit dito nakatambay tong mga to? Teka, parang di maganda ang kutob ko ah. Naloko na, halatado sa mga ngiti nila, sinundan na naman ako ng mga loko…

“Respect.” Ayos sa linya si Kalo ah. Tapos binigyan ako ni Wino ng Bro Hug. Yung bang pagyakap sa makalalaking paraan? Tapos si Pj naman pero agad kong hinila si Wino para siya naman yung mayakap.

“Bigyan po natin siya ng mataimtim na katahimikan…” ano na naman kayang ieeksena nitong si Karl.

“Tayo po ay yumuko at mag-alay ng ating panalangin..” seryoso si Gail. Puta, sineserious nila ang pang-aalaska.

“For our Brother in the friend zone…. Wahahahahahaha” sabat ni Kalo at kumawala na sa kanilang lahat ang kanina pa pinipigil na halakhak. Highlight pa si Lele sa signature niyang malutong na tawa. Ang babait ng kaibigan ko. Pinanghimasukan na nga ang personal na buhay ko, pinagtawanan pa ako ngayong nasasaktan ako.

“Ano bang pinagsasasabi niyo diyan.. Friend zone? Hindi pedeng iapply sa akin yun dahil friends lang naman talaga ang habol ko. Hindi ba’t simula pa lang eh pinroklama ko na ang pagkamuhi sa babaeng iyon..?”

“Fuck that bitch!” Kasangga ko pa pala si Prof. “Pabayaan mo na yun Dol, wag mong intindihin na nasupalpal ka. Kawalan niya yan.” Nakna, mas mabigat na pang-inis pa yung binitawan ni Prof, kala ko kasangga na. Supalpal? Medyo totoo pero ayaw ko pa ding madinig.

“Aruy neh.. hanggang sa huli ah. Magpalit ka na din ng pangalan.. Daniel na para pede ka din sa Denial..nyahahaha,” kukutusan ko tong Mc John na to eh. Toinks… yun inunahan na ko ni Men. “Hindi ako yung celebrity ngayon Mc ebat ako pa din iniinis mo…”

“Ou nga naman Mc. Sobra ka naman, wag dapat ganyan. MAGKAKAIBIGAN tayo dito… Di ba Nards? Hahaha!” Diniin pa talaga ni Kim.  Napahawak na lang ako sa noo ko. Sakit sa bangs. Kahit anong gawin ko matatalo ako dito. Pagsusuntukin ko na lang kaya silang lahat para may karamay ako sa sakit eh. Pero walang saysay, alam kong wala nang mas sasakit pa dito. Tangna, kung kelan nabilog ko na sarili ko’t napapaniwala na akong ok lang yung nangyari tsaka naman pinilas ng mga to yung napipinto kong pag-asa.

“Nanyo…” yun na lang sinabi ko habang papalayo na ako sa kanila. Kung nasa lupa lang kami ay nakapaghukay na ko agad ng sampung metro para ibaon na ang sarili ko’t magtago na lang. Aish… bakit kasi ganito ang tropang ito. Pag may nasasaktang isa, ibig sabihin laugh trip sa lahat.. Puta, anu naman yun? Di ba pedeng magdamayan..? Sa kabilang banda parang panira nga naman ng imahe. Bakit kasi kailangang sa paningin eh dapat lagi na lang malakas ang mga guys. Eh hindi naman kami binigyan ni Lord ng Shield para sa mga ganitong sakit. Pero sa palagay ko lang eh ganun lang ang way nila ng pakikiramay. Harapin ang sakit! Ba, tangna pede na kong magbigay ng speech sa retreat ah… napasuntok pa ko ng kamao sa hangin. Haaaaaayyyyyyyyy… Isang mahaba at malalim na buntong hininga na lang ang napakawalan ko habang papasok na sa tulugan. Dito na lang muna ulit ako. Bakit kasi panunuod ng anime ang inatupag ko nung adolescent stage. Hindi ako nagvarsity sa kahit anong event nung high school. Kaya ba ngayong laro ng pag-ibig na ang nilalahukan ko talo na ako kaagad? Mas pipiliin ko pang masaksak ulit ng madaming beses kesa maramdaman ang kirot ng pagkakasupalpal. Tang Ina! Tang Ina talaga. Kung pede ko lang irewind, hindi ko na lang sana hinayaang buksan ang feelings ko. Puta kasi, may Time Machine nga puro kapalpakan naman ang alam. Pukangna ang hirap tanggapin. Hindi madaan sa simpleng pagpapahangin sa labas, sa pag-asang tangayin ng simoy ang sakit na pilit pinapasan sa akin. Napakasimple lang ng buhay ko, bakit ginulo mo? Victoria anu ba? Tang ina naman oh. Nakailang mura na ang nabibitawan ko ng dahil sa yo. Hindi naman ako dating ganito. Naaalala ko tuloy nung sinabi kong walang mapapala kung magpapakalasing ka, ganito pala ang pakiramdam, sana may alak ako ngayon. Pero wala. Mainam pang hindi muna ako nagising, buti pa dun maganda ang eksena. Tama, makatulog na nga lang, baka to be continued sa panaginip ko…


...
...
...
 

Pag maganda ang panaginip natin, ayaw nating gumising muna. Kapag nga nagising ka bigla, pipilitin mo pang matulog ulit dahil umaasa ka na matutuloy mo pa kung saan naudlot ang maganda mong panaginip na para bang nag-pause ka lang ng pinapanood mong pelikula. Pero ano mang ganda ng panaginip mo, isa lang ang masasabi ko, bigyan mo pa rin ng pagkakataon ang tunay na buhay. Pagkagising mo, wag ka na magpilit matulog ulit. Bumangon ka na at magmumog. Sigurado ako dadating ang araw na masosorpresa ka at ipaparamdam sa iyo ng totoong buhay ang kasiyahang kailan man ay hindi naibigay ng mga panaginip mo. Kaya wag ka ring masyadong nagpapaniwala kay Cinderella. Para naman kasing hindi siya mapapagkatiwalaan eh, tingnan mo naman, wala syang mga kaibigan kundi mga ibon at daga. Tsaka isa pa, sa buong kaharian, wala siyang ka-size ng paa??? What’s up with that?

 

 

 

Itutuloy…

No comments:

Post a Comment