IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – APAT
“Hik”
- Marvin -
Palapit na sya sa akin.
Mayroon siyang angking liwanag sa gitna ng madilim na gabi. Hindi ko maiwasang
maisip na parang ang araw mismo ang patungo sa aking harapan upang yakapin ako
ng kanyang apoy at iligtas mula sa lamig ng gabi na sigurado akong nagmumula sa
aking puso. Nanginginig ang buo kong katawan sa tindi ng kalabog ng dibdib ko.
Nasa harap ko na siya. Ilang sentimetro na lamang ang layo ng aming mga mukha.
Ang hanging hinihinga nya palabas ay aking hinihinga papasok. Hindi man nya
banggitin ay alam ko. Nababasa ko sa kanyang mga mata. Binalot ko ang aking mga
kamay sa kanyang beywang at sa patnubay ng buwan at mga bituin, nagtagpo ang
aming mga labi.
Pumihit ako ng pwesto upang mabasag na ang aking
pagmumuni-muni. At hindi magandang gawain ang managinip ng gising. Mag-iisang oras
na din siguro akong pabali-balikwas lang sa higaan at talagang hindi ako
makatulog. Patihaya, padapa, patagilid, patayo, patuwad, pa-gangnam,
pa-crouching monkey hidden banana. Lahat na yata ng posisyon nasubukan ko na
pero lahat naman ay parang hindi komportable. Pitong libo’t pitong daan at
pitimputpitong puting tupa na ang nabibilang ko pero mulat pa rin ang diwa ko. Paulit-ulit
sa aking isipan ang nagdaang eksena ng pambabasted at pilit namang ginagawan ng
imahinasyon ko ng alternate ending.