Sunday, January 26, 2014

HUGTUNGAN DISIMWEBE



IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – APAT


“Hik”
 


- Marvin -

Palapit na sya sa akin. Mayroon siyang angking liwanag sa gitna ng madilim na gabi. Hindi ko maiwasang maisip na parang ang araw mismo ang patungo sa aking harapan upang yakapin ako ng kanyang apoy at iligtas mula sa lamig ng gabi na sigurado akong nagmumula sa aking puso. Nanginginig ang buo kong katawan sa tindi ng kalabog ng dibdib ko. Nasa harap ko na siya. Ilang sentimetro na lamang ang layo ng aming mga mukha. Ang hanging hinihinga nya palabas ay aking hinihinga papasok. Hindi man nya banggitin ay alam ko. Nababasa ko sa kanyang mga mata. Binalot ko ang aking mga kamay sa kanyang beywang at sa patnubay ng buwan at mga bituin, nagtagpo ang aming mga labi.

Pumihit ako ng pwesto upang mabasag na ang aking pagmumuni-muni. At hindi magandang gawain ang managinip ng gising. Mag-iisang oras na din siguro akong pabali-balikwas lang sa higaan at talagang hindi ako makatulog. Patihaya, padapa, patagilid, patayo, patuwad, pa-gangnam, pa-crouching monkey hidden banana. Lahat na yata ng posisyon nasubukan ko na pero lahat naman ay parang hindi komportable. Pitong libo’t pitong daan at pitimputpitong puting tupa na ang nabibilang ko pero mulat pa rin ang diwa ko. Paulit-ulit sa aking isipan ang nagdaang eksena ng pambabasted at pilit namang ginagawan ng imahinasyon ko ng alternate ending.

Madilim na ang gabi pero parang tanghaling tapat na walang tsinelas sa gitna ng disyerto ang pakiramdam ko. Kung sinasabi na hindi ka makakatulog kapag in love ka. Putcha mas lalo pala ‘pag nabasted. Pag in love ka, parang sasabog ang puso mo pero pag nabasted ka, sumabog na ang puso mo, nagkapira-piraso at nagmistulang shrapnel sa mga lamang loob mo. Lintik na yan para akong nakahiga sa kama ng pako at nakakumot ng kinakalawang na yero. Para akong binalatan ng buhay, binudburan ng asin at ginisa sa dairy cream in low heat for 3 minutes, binudburan ng isang pakete ng magic sarap at saka isinalang sa oven nang isa hanggang isa’t kalahating oras o hanggang maluto. Bumangon na ako dahil talagang hindi ko na matatagalan. Lalabas na lang ako at makikipaglokohan sa buwan.

Paglabas ko ng kwarto, tinunton ko ang pasilyo patungo sa labas ng barko. Ano ba ‘tong nangyari sa ‘kin na ‘to? Hindi naman ako ganito nung high school nung may crush ako kay K—aargh! Saket, kumikirot pa ang sugat ko. Hirap pa rin ako kahit sa paglalakad lang. Sariwa pa nga ang sugat ko, mayroon na namang panibagong sakit sa dibdib ko. Pero okay na siguro ‘to. Lilipas din naman ‘to. At least hindi na ako mabubuhay sa regret at mag-iisip kung what if. Sinubukan ko na eh, at kitang kita naman na hindi sya interesado. Kumbaga eh iaabot ko na sa kanya ang puso ko pero sa halip na tanggapin ito ay tinapik niya lang ang kamay ko kaya nalaglag lang ito sa sahig at saka niya inapakan at ikinaskas pa ang sapatos na para bang nakaapak siya ng tae. Ang lupit. Parang isa akong biktima ng hit and run tapos ako pa ang humabol doon sa nakasagasa sa akin at sa kalagitnaan ng umaatikabong habulan ay bumili pa ako ng yellow pad at nanghiram ng ballpen para maisulat ang plate number. Hindi makatarungan.

Pagdating ko sa labas, nagulat ako dahil nandun silang lahat. Nakapalibot sila sa isang lamesa maliban kay Eriko na nasa may gilid at nag-iihaw ng isda at karne. Ibig sabihin nakapimilengke din pala sila ng supplies dun sa sinumpang isla na yun. Buti naman may mabuti rin pala kaming napala kahit pano. Tamang-tama ang setting na ito.

“Ayun lumabas din! Kanina ka pa namin hinihintay eh,” si Danny may hawak na bote.
“Tara na pumwesto ka na,” yaya sakin ni Gail.
“Expected na talaga namin na lalabas ka kaya sinet na namin,” dugtong pa ni Prof.

Ayos talaga ang tropa, kahit nakalaot kami sa gitna ng karagatan, nakapagset-up pa rin sila ng isang inuman. Pero kung tutuusin ang kailangan mo nga lang naman talaga sa isang inuman ay alak at kaibigan. Kuwentuhan at tawanan. Masaya ang bonding ng tropa kapag may alak na kasama.

Kahit paano napangiti ako. Magandang surpresa na rin itong sinet-up nilang inuman na ‘to. Yun bang para kang nakakita ng pera sa bulsa ng pantalon mo nang hindi mo inaasahan. Hindi naman ako manginginom talaga at hindi ako lasinggero, pero sa pagkakataong ito, hahayaan kong hawakan ng alak ang mga atay ko. Walang masama sa pag-inom at hindi dapat isiping masasamang tao ang mga nahuhumaling dito na tulad ng mga goons sa pinoy aksyon films, kung saan lagi silang nagwawala sa isang beerhouse at pipiliting i-table ang jowa ng bida tuwing nalalasing. Ang alamat ng Inuman Sessions - Okasyon kung saan ang  opisyal na venue ay yung kubo sa likod nila Prof. Birthday, Fiesta, Pasko o Bagong Taon. Kasama na din ang mga achievements o failures ng isang tao. O kaya naman ang bigla na lang pagyakag ng “tara shot tayo”.

Naupo na ako sa bakanteng pwesto na inilaan nila para sa akin at nagsimula na ngang paikutin ni McJohn ang baso.

“Oh sakin ang tagay ha. Simulan ko na,” pagpapaalam ni McJohn na tagay na niya. Dapat talaga pinapaalam at inaanounce pa ng tanggero na tatagay na siya. Pede nga naman kasing mandaya siya sa tagay. Pag di siya nakapagpaalam at tumagay na siya, ang siste, papatagayin siya ulit dahil nga wala namang nakakita. Pero sa tantya ko at sa tipo ni McJohn imposibleng mandaya sa inuman ‘to.
“Rek, maglagay ka na ng naluto dito kahit na isa lang,” pasintabi uli ni McJohn pagkatapos tumagay.
“Oo nga dre para meron tayong pe-kurut-kurut dito,” segunda ni Lele.
“Daliri nyo muna ang pulutanin nyo. Hindi pa masyadong luto. Baka ako ang masisi pag may tumutulo pang dugo dito,” kambyo ni Kalo para di ganong maputukan ni McJohn na halata ang lukot sa mukha gawa ng pagguhit ng mainit na likido. Tuloy ang ikot.
“Nanakawan ata tayo? Baso lang yung kinuha. Di na bumalik sa ‘kin,” maya-maya ay pasaring ni McJohn. Isa sa madaming unwritten rules ng inuman na tanggero lang ang pwedeng magsimulang magbitaw ng mga katagang gaya nyan. Siya ang may kung anong invisible power na maghatol na dapat nang alaskahin ang matatagal tumagay.
“Ba dre, itagay mo na yan. Nakitang yung tanggero tinagay kahit tubig lang pamatay lasa. Naturalmente kelangan ding tagayin sa ganung sitwasyon..” Si Danny, sa matic na tono ng panenermon niya kay Chet.
“Si magaleng. Nakitang abangers nga sa pulutan.” Syempre kelan ba nagpatalo si Chet.
“Dre bili tayong tilapya. Sa dami na ng lumot ng baso siguradong makakapagpabuhay na tayo nyan..Hahahaha,” banat ni Kim sa signature nyang tawa. Wala na ding nagawa si Chet kundi tagayin na dahil na din sa nakatitig na ang lahat. Ganun talaga pag simula pa lang ng inuman, hindi epektib ang pagpapalinaw style [yung papatunawin muna yung yelo sa baso hanggang mamuti na yung iniinom] Sa simula nakamasid pa ang lahat gawa ng alerto pa ang mga mata.

Sunod sunod lang ang tungga na tila domino lang hangang sa umabot na sa akin ang baso. Ilang segundo din akong nakipagtitigan dito bago straight-in with matching sigaw ng  mahabang ‘Aaaahhh’. Medyo naander-estimeyt ko yung tagay. Hirap sa amateur na gaya ko ang tanggapin nang minsanan ang kapal na yun. Pero di ko pinahalatang nahirapan ako. Gusto kong kabugin ang dibdib ko na parang si Kingkong para ipadama sa mga kaibigan ko ang  lakas ko. Eto ang pumapasok sa utak ko ngayon habang naluluha sa anghang na rumaragasa sa buong katawan ko; Sa mga hindi pa sapat ang rupok ng loob na gaya ko para uminom ng klorox o kaya’y tumawid sa EDSA nang nakapiring para makalimot, alak ang pinipiling pansamantalang anesthesia. Kaya ganun na lang ang walang palag kong pagpriprisinta para malasing na’t pasukin ang mundo ng black-out lasing.

Siguro nga tama lang ‘to. Pupunuin ko na lang ng alak ang dugo ko baka sakaling mamanhid ang puso ko. Ang emosyonal na sakit na ito ay nagdudulot rin ng physical pain. Hindi naman sa nag-iinarte ako pero talagang pisikal na masakit ang dibdib ko. Kakaiba ang kalabog ng puso ko at not in a good way. Sa halip na butterflies ay parang mga galit na bubuyog ang laman ng tiyan ko. Gusto kong dukutin ang puso ko, itapon sa gitna ng karagatan at ipakain sa mga katropa ni Sharky. Nais kong mawala na ang sakit na nagpaparusa sa dibdib ko.

Nakapagpataob na kami ng bote. Konti na lang mamari nang makagawa ng bowling alley. Malakas na ang kwentuhan. Sagad na ang batuhan ng malulutong na mura kaalinsabay ng matatalim na kantyawan. Pero syempre masaya pa din ang lahat. Mortal na kasalanan ang mapikon sa banal na bilog ng inuman. Sukahan mo na ang tsinelas ng sino man sa kanila. Iupload sa fb ang kagimbalgimbal na orasyon sa pagtawag ng uwak. Basta lang bawal ang mapikon. Kapag nagawa mo yun, para mo na ding nilagyan ng permanent stamp ang noo mo. Banned ka na sa kahit anu mang inuman ng barkada.

 “Kaninong tagay na?” Tanong ni McJohn. Muli, nakabilang ito sa mga tanong na tanggero lang ang may karapatan.
 “Ba! Kala nyo yata kwentuhan lang to. Inuman to. I-shot nyo na yan,” utos ng inip nang si Karl.
“Di baleng nagtatagal yung kamay sa suso wag lang sa baso,” wika ni Lester kasabay ng isang malamanyakis na ngiti.
“Bakit kanino na ba?” Tanong ni Danny.
“Sayo na dre. Kakatapos ko lang eh,” sagot sa kanya ni Chet.
“Galing sakin dre.”
“Sakin galing dre, ikaw naman. Di pa naman tayo lasing eh. Kakatapos ko lang.”
“Kaw naman dre, di ka pa naman tumatagay eh tapos sakin na naman.”
“Ump. Galing nga sakin. Ots ulet-ulet ganon?”
“Ulit ulit daw ka eh di ka pa nga shumashot.”
“Tangna kakashot ko lang. Umikot na eh. Kakalimutin mo naman neh dre. Kung pwede lang sigurong maiwan yung bayag sa bahay, nakalimutan mo nang dalin yung sayo eh sa sobrang makakalimutin mo. Sakin galing! Kahit tanong mo pa sa mga kainuman natin. Di pa daw ka shumashot, umaano ka nun dre. Sayo na yan.”
“Lintik na yan ot kadaming sinabe. Sige ako na yung doble doble. Tangnang yan.”
“Sa ‘yo naman na talaga eh. Ot sura mo namang ka-table neh dre.”
“Ay tumatanggi sa alak. Hehehe,” gatong pa ni Wino sa sagutan ng dalawa.

Kukuhanin na ni Danny ang tagay pero inunahan ko na sya. Ako na ang humablot sa baso at tumungga sa lamang alak nito. Mainit ang ginintuang likido na dumaloy pababa sa lalamunan ko. Pati ang kaunting espiritong kumawala sa ilong ko ay nagbigay ng kinakailangang init ng katawan ko bilang panlaban sa lamig na dulot ng gabi dito sa gitna ng karagatan. Napatingin sila sa akin at panandaliang napahinto pero wala namang nagbiro at naniste - sa ngayon. Alam nila na hindi na kailangan pang likhain sa canvass ng mga minutong ito ang kung ilang lanyerang leche ang sakit na itinatago ko sa ngayon. Pero sigurado ako, mamaya, kapag nasa kasarapan na ng inuman ay hindi na ako makakaligtas sa mga gago kong kaibigan.

Sabi ko na nga ba. Isang ikot lang ang pinalipas, nahalata ko na na magsisimula na. Hindi ko na pala kinelangan pang maghintay.

 “Vince kumusta na yung sugat mo?” Ayos pa ang usisa ni PJ pero nahulihan ko siya nang magsuot ng nakakalokong ngiti matapos itaob ang tagayan pabalik kay McJohn.
“Ok naman, gumagaling na,” gusot ang noo kong tugon.
“Eh yung isa mo pang sugat?”
“Isa lang naman yung...”

Hagikgikan ang mga gunggong habang napatigil ako sa binalak kong pagsalangsang. Kagat panga kong pinilit alisin ang sakit na bumalik, at hindi ito galing sa awang sa tyan ko. Peste. Daig pa ang maligo sa malamig na tubig ng unang umaga ng Disyembre. Nakakamanhid. Mula ulo pababa.

“Sinisikreto mo pa kasi samin eh hulatang hulata ka na dre. Eh kung magngitian nga kayo pati klima naaapektuhan eh. Umaalinsangan yung panahon sa sobrang lagkit.”
“Oo nga, naghu-humid yung paligid pag nagkakalapit kayo.”
“Sa init ng titigan nyo kayang tumunaw ng isang karitong sorbetes ng Vinards.”

            Tuluy-tuloy lang ang pasaring ng mga walangya na akala mo ay nagpapagalingan ng mga bitaw. Halos mangabuwal na sila sa kakatawa. Pilit ko na lang sinara ang mga tenga ko.

“I-shot nyo na yan. Kanino na ba? Katagal naman. Kuha na nga tayo ng isa pang baso. Salubong na!”

Ako man nagulat sa mga binitawan kong pahayag. Nagtinginan lang sila. Alam naming lahat na pag salubong na ang contest, seryosohang labanan na to. Nakikita ko lang to sa kanila dati. Kung saan dalawa ang gagamiting pantagay. Isa pakaliwa. Yung isa pakabilang direksiyon. Kalaban to ng mga mababagal tumagay. Dahil panigurado pag pinatagal mo ang baso sa kamay mo, aabutan ka ng ikot nung isa pa na nangangahulugang mangangalungad ka na sa pagtagay ng dalawa.

Madalang ako magrequest kaya no choice sila kundi pagbigyan ako. Halos kakatagay ko lang at hindi pa naalis ang kidlat na gumapang sa lalamunan ko eh parating na uli yung isa pa. Ayos to. Higit na nakakatimang sa labanang Upo Vs. Sayote.

Mas lalong sumaya ang kwentuhan pero bakit parang hindi ako kasali sa talastasan. Para akong nanonood ng tv na naka-mute ang volume. Parang naka-slow motion ako at naka-fast forward sila. Si Victoria pa rin ang bida sa pelikulang now showing sa isipan ko at background music lamang ang tawanan at alaskahan ng mga kaibigan ko. Pagdating muli sa ‘kin ng tagay, tinitigan ko lang muna ito. Ang repleksyon niya ang nakikita ko sa alak na nasa baso ko. Nalulunod ako sa mga mata nya, nalalasing ako sa ngiti nya. Siya ang laman ng baso ko. Siya ang alak na dumadaloy sa mga ugat ko. Ang alkohol na nagpapamanhid sa katawan ko ngunit hindi naman magawang mapatahan ang puso ko.

Kinuha ko na lang ang baso at nilaro laro ko ang lamang alak nito baka sakaling mapagpag ang malikmata ko. Sa pag-inom ko ay napatingala ako sa madilim na langit at napasulyap sa bilog na buwan. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing makikita ko ang buwan ay ang mukha niya ang nakikita ko na nakangiti sa akin. Maski ang bagay na alam ko eh di pa din ako sigurado. Ito pa kaya. Hindi ko naman magawang ibaling ang mga mata ko. Hinihila niya ako palapit sa kanya.  Hindi lahat ng bagay kaya kong bigyan ng rason o dahilan. Basta Siya ang buwan at ako ang dagat.

Tanggap. Lagok. Tanggap. Lagok. Sunod sunod lang ang tagay ko. Wala na ko sa wisyong makipagpaligsahan ng lakas ng boses sa kanila. Ayos na ko. Nagsisimula nang magrebolusyon ang mga kinain ko kanina. Sigurado akong malapit na akong magblock out.

Natigilan ako nang mapansin kong bigla na lang tumahimik ang paligid. Pati ang mga kaibigan ko ay tumigil na rin sa pag-iingay at pagtatawanan. Magtatanong na sana ako kung may anghel bang dumaan nang makita ko si Victoria. Kung totoo ngang mayroong mga anghel ay sigurado akong kamukha niya. Kung tunay ngang may langit ay siguradong ang pakiramdam roon ay katulad ng pakiramdam ko tuwing nariyan siya. Alam ko na ang iniisip mo. Huwag kang mag-alala dahil miski ako ay nababaduyan na sa mga pinagsasabi ng isip ko. Di ko naman alam kung dahil ba yun sa nararamdaman ko para sa kanya o isa lang sa mga side effects ng ininom kong alak. Sisihin natin yung alak.

Tumayo ako at nagsimulang maglakad patungo sana sa kanya pero hindi ko kinaya. Mabuway na ang mga tuhod ko sa dami ng nainom ko kaya napahinto rin agad ako. Nagtayong lasing na lang ako. Kahit na payapa ang dagat ngayong gabi, ang pakiramdam ko ay parang hinahambalos kami ng malalaking alon habang binabayo ng mapagparusang unos. Kahit anong hanap ko ay talagang hindi ko matagpuan ang aking balanse. Pero pagtingin kong muli sa kanya, pati ang imaginary delubyo na inimbento ko ay napatila nya.

Maliwanag pa sa mga bituin ang kinang ng bilugan nyang mga mata na mayroong ekspresyon na mas malalim pa sa dagat. Ang ilang hibla ng itim niyang buhok ay naglalaro sa kanyang mukha gawa ng pilyong hangin. Gusto kong haplusin ang kanyang malarosas na pisngi subalit alam kong hindi ako karapat-dapat dahil para lamang akong isang makasalanan na humahaplos sa paa ng poon. Nakalitaw ang kanyang dalawang pangharap na ngipin dahil bahagyang nakabuka ang kanyang mapanuksong mga labi. Walang tabletas o gamot, walang patawas, dahong didikdikin o kaya pakukuluan bilang lunas sa pagkahumaling ko. Para sa akin perpekto ang bawat detalye nya. Bawat parte nya ay kaya kong masdan kahit habang panahon. Sa sobrang ganda niya, hindi ko malaman kung saang parte niya ako titingin. Mas lalo lang akong nahilo. Lasing na nga talaga ako.

Palapit na sya sa akin. Mayroon siyang angking liwanag sa gitna ng madilim na gabi. Hindi ko maiwasang maisip na parang ang araw mismo ang patungo sa aking harapan upang yakapin ako ng kanyang apoy at iligtas mula sa lamig ng gabi na sigurado akong nagmumula sa aking puso. Nanginginig ang buo kong katawan sa tindi ng kalabog ng dibdib ko. Nasa harap ko na siya. Ilang sentimetro na lamang ang layo ng aming mga mukha. Ang hanging hinihinga nya palabas ay aking hinihinga papasok. Teka lang. Posible ba ito? Parang kanina lang pinapangarap ko pa lang ang senaryong ‘to ah tapos matutupad na yata agad ngayon. Mukhang this is it pansit na.

Life is not measured by the number of breaths you take, but by the moments that take your breath away. Siguro lahat tayo nadinig o nabasa na ang mga katagang pinagbali-baligtad lang. Kalokohan sabi ko. Hindi ako naniniwala sa mga kowt kowt na yan na halata namang nang-uuto lang. Pero ngayon gusto kong galugarin ang buong barko at i-vandal nang walang kasing landi ang pamosong linya.
Binasa ko na ang mga labi ko at pilit ikinakalma ang aking sarili upang paghandaan ang halik na inaasahan kong parating na ano mang sandali. Bumilis nang bumilis ang tibok ng puso ko kaya mas lalo pang dumaloy ang alak sa mga ugat ko. Para akong tangang nakangiti at babali-bali ang ulo dahil sa kalasingan nang bigla akong salubungin ng malutong na sampal ni Victoria.

Umikot ang buong barko sa lakas ng impact ng kamay niya sa pisngi ko. Sa sobrang lakas nga ay hindi na ako magtataka kung magdulot ito ng tsunami sa pinakamalapit na pampang. Ramdam ko ang sakit kahit na namamanhid na ang buong katawan ko dahil sa alak.

-End of Marvin’s

PAK!!!!!
Napangiwi ako kahit hindi man ako yung nasampal. Putsa parang pag nakakapanuod ng mga lalaking nababayagan, parang ramdam din ng bawat kalalakihan ang kirot at aftershocks na magaganap.

Pag lapat ng palad ni Victoria sa langong mukha ni Marvin ay tila naluluhang tumalikod na ito at nagmamadaling bumalik sa loob. Kitang kita ko naman kung paano siyang parang stick ng sigarilyong itinapat sa bentilador na mabilis na maupos. Tulala at biglang bumalik sa pagkakasalampak. Luminga linga muna at nang makita ang hinahanap ng nagsisibol na mata ay biglang inagaw ang bote kay McJohn sabay tungga. Nag uunahan pa kaming pigilan ang ginawa niyang iyon.

“Dol anu ka ba? Kalma,” pilit inagaw ni Prof yung bote kay Vinards
“Ok lang ako Prof. Hindi pa ko lasing,” sabat ni Vinards.
“Oh di pa man pala lasing eh. Balik mo yang bote kay McJohn para mapaikot na uli yung tagay,” segunda ni Gail para mapanormal ang takbo ng sitwasyon.

Sinenyasan ko na si McJohn. Hudyat para laktawan na ng tagay si Marvin. Medyo nabawasan ang ingay namin dahil sa nangyari. Hindi ako masamang tao pero naiisip kong tumawa. Pag tinitingnan ko sila halatang nagpipigil din magpakawala ng tawa. Ewan ko ba. Malumanay ang patuloy ng tagay. May notice board na nga lang sa tapat ni Marvin at kaylangang hakbangan.

“Hindi pa ko lasing,” ulit na pahayag ni Marvin.
Walang Sumabat.
“Hindi pa nga ako sabi lasing eh!”
Ulit walang sumagot. Pero kita na ang pag-alog ng mga balikat na senyales ng kakapigil tumawa.
“Ang kulit nyo sinabi ko nang hindi pa ko lasing!!”
“Hahahaha tangna ka. Ala namang nagsasabing lasing ka,” di na napigilan ni Gail ang pagtawa.
“Alam nyo yung... pakiramdam... ng nauntog yung pinakamaliit mong daliri sa paa? Sa kanto ng refrigerator o paa ng silya... Obvious naman na masakit...  pero yung nakaka-urat dun.. yung katotohanang sa gitna ng aray at hinagpis... wala kang ibang pwedeng sisihin maliban sa sarili mong katangahan,” satsat ni Marvin nang pahinto hinto. Halatadong mga pangaral ng lasing na.

Walang malinaw na reaksyon ang nakasuot sa pobre niyang mukha kundi ang kalasingan. Hindi mabilang sa guhit ng nanlilimahid kong palad kung ilang kainuman na ang nasaksihan kong ganito. Yung biglang transform. Mga nagiging eksperto sa buhay at punong puno ng angking talino upang mangaral. Kinabukasan naman kung uusigin mo ay matindi pa sa Senador kung makatanggi. Oo na sige, ako man dinanas na ang ganyang stage ng buhay manginginom. O baka mas malala pa. Tandang tanda ko ang nakaraan, kung pano magiba ang sarili kong pader na matibay nang mabasa ang mga sent messages sa selepono ko kinabukasan. Mas nakakatakot pa sa pagbukas ng Bill ng kuryente ang naramdaman ko. Magmula nun eh sinsigurado kong wala akong load kapag makikipag inuman. Safety first sa kalamidad na kung tawagin ay drunk texting. Puñeta.

“Alam ko namang hindi na dapat pa akong tumaya sa sugal na matagal ko nang alam na hindi ako mananalo. Mas makatarungan pa ang ngumuya ng graba kaysa sa magpa-uto na pwede.”

Isa isang nagsisilabas ang mga kinikimkim na pasanin ni Vinards. Malamang eto yung mga dayalogong nagsasagutan sa isip niya tuwing normal siya. Kaya ngayong eto’t lasing, kumakawala lahat. Who let the dogs out amputa...

Tinginan lang kami. Pinapabayaan lang naming mailabas ni Vinards kung ano ang mga saloobin niya. Na tiyak wala siyang rekoleksyon kinabukasan sa pag oopen up. Hindi naman siya masisisi. Hindi gaya ng pagpili ng tatak ng sabon kung saan malaya kang kumuha ng kung ano man ang nasa estante ng pamilihan, hindi tumatanggap ng suggestion at request o kahit suhol ang puñetang pag-ibig. Basta na lang uukit ng pangalan ang puso mo. Isa ‘to sa mga konsepto ng buhay kung saan wala kang palag. Para siyang siga sa kanto na mahilig mag-abang ng mga walang kalaban-labang estudyante para hingan ng panigarilyo. Isang araw, bigla na lang siyang binatukan at buong pwersang itinulak sa tapat ni Victoria upang mahulog siya dito.

“Hindi ko pwedeng sabihin sa sarili ko na nagkataon lang na bukas ang pinto kaya ko pinasok ang pagkakataon. Dahil sa loob-loob ko, nang walang halong gaguhan o pagkukunwari, alam kong kahit sarado ay magpipilit parin akong kumatok.” Marubdob ang dalamhati ng puso ni Vinards. Nangingiti ako sa pagseseryoso niya.
“Pinilit ko namang lumayo na eh. Alam ko sa simula pa lang na walang pag-asa. Pero gaya ng saranggola na pilit lumalayo patungo sa piling ng mga ulap, may kung anong tali parin ang tila paunti-unting humihila sakin pabalik sa kanya. Tang!n@ talaga!”

Walang mura o saktong bilang ng exclamation point ang aakma sa tagpo. Inlababo nang tunay ang aming kaibigan.

Ang pag-ibig ay isang sakit. May mga gumagaling at may mga hindi na. Ang tanging gamot lamang sa sakit na ito ay ang mahalin ka din in return ng taong mahal mo. Pero meron din namang pangunang lunas – alak. Pansamantalang gamot sa pighati na dulot ng magmahal mag-isa. Mistulang morpina sa tama ng bala. Salonpas para sa puso. Nakaboteng amnesia para kalimutan ang problema.

Sa isang punto ng buhay natin, nangarap tayo na makaranas at maging bahagi ng isang dakilang pag-ibig. Kahalintulad ng mga nabasa nating kwento ng pagmamahalan nina Romeo at Juliet o nina Florante at Laura. Mga pag-ibig na nangahas hamakin ang lahat masunod lamang ang kanilang mga puso. Ninais nating maisabuhay ang mga tagpo sa pelikula gaya ng “If you jump, I Jump” moment nina Jack at Rose ng Titanic at “If you’re a bird, I’m a bird” nina Allie at Noah sa The Notebook.

Mayroong mga mapalad na natatagpuan ang mga moment na ganito at nakakamit ang mailap na happy ending tulad nina Popoy at Basha. Pero mayroon din namang mga naliligaw at nawawala at natatagpuan na lamang ang walang buhay na katawan na palutang-lutang sa karagatan ng alak.





Itutuloy…

No comments:

Post a Comment