Saturday, August 9, 2014

HUGTUNGAN ETNEB


IKAAPAT NA AKLAT, KABANATA – LIMA




“Ang Suntok na Umabot sa Buwan”


Alam mo ba kung gano katagal ang forever? Sa tagalog, magpakailanman, magpasawalanghanggan. Mas mahaba pa yan sa habangbuhay. Yung habangbuhay matatapos yan pag namatay ka na. Pero ang forever kahit na mamatay ka pa, walang pakelam yan, tuluy-
tuloy lang yan, forever and ever. Kaya pag nakakarinig ako ng magkasintahan na nagpapalitan ng mga 'I will love you forever,' napapatanong ako ng alam mo ba kung gano katagal ang forever? Hindi ito dapat basta basta na lang binibitaw. Hindi dapat ganun ganun na lang pinapagulong sa dila. Dapat mong maintindihan na ang forever ay dedikasyon, katapatan, at isang dakilang pangako.



- Marvin -

Pagkagising ko kinabukasan, parang may kampanang kumakalembang sa ulo ko. May kung anong karit ang gumuguhit sa sintido. Parang nakabaliktad ang sikmura ko. Kahit siguro uminom ako ng 1.5 litres ng laktobasilayshirotastrain wala ring maitutulong. Ang sama sa pakiramdam. Daig ko pa ang namalantsa at saka naligo. Ano bang nangyari kagabi? Putul-putol ang mga pangyayari na nanunumbalik sa alaala ko. Parang gasgas na DVD na patalun-talon ang mga eksena. Ang huling naaalala ko lang ay ang tumataginting na sampal. Pagkatapos nun wala na. Hindi ko nga alam kung paano ako napunta dito sa higaan ko. Total black out. Total eclipse of the mind.

Hindi na ako iinom ulit. Dialogue natin kapag nakakaranas ng hang-over. Sasabayan pa ng most broken promise of all time na - Last na yung kagabi. Talaga palang isusumpa mo ang alak kapag ganito kasama ang hang over mo. Uhaw na uhaw ako at kada lunok ko ng laway ay nalalasahan ko pa rin ang demonyong alak na sumisibol na yata sa mga gilagid ko. Nararamdaman kong unti unti nang umaakyat sa esophagus ko ang mga laman ng tiyan ko. Pakiwari ko’y isa akong bampirang naagnas nang matamaan ng mga sigay ng liwanag sa mukha. Ibilang mo pa ang nag-uumpugang tipak ng bato sa ulo. Ayaw ko pa sanang dumilat dahil sa pakikipagbuno sa matinding sakit. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hindi pamilyar sa akin ang pakiramdam na ito. Isa akong turista sa sarili kong mundo. Kahit hindi ko na pintahan ang barahang nakalatag sa aking mesa, nahulaan ko na ang susunod na mangyayari. Ramdam ko ang parating na tsunami galing sa sikmura. Hindi na ako nakapalag nang otomatikong kumilos ang sarili para takbuhin ang palikuran.

Uuwwaaaakkkkk!!!!

Nakapandidiri alam ko. Puñeta. Ang sakit sa balikat. Gumagapang pababa ng dibdib. Bakit kaya ganito? Naluluha pa ako. Peste talaga. Nasa akto ako ng pagpapahid ng mga tumalsik na latak sa mukha ko nang maramdaman kong may nakamasid sa akin. Hindi na ako nagulat. Sawa na ang mukha ko sa ekspreyon ng pagkabigla. Ang sama ng mga titig nya. Walang hirap na matatalupan lahat ng gulay sa bahay kubo sa talim. Kung may laser lang ang mga mata nya, sigurado butas butas na ako ngayon. Seryoso pa sa may LBM ang ekspresyon ng mukha niya. Sa pagkakaalam ko wala akong ginagawang masamang hakbang patungo sa kanya sa mga nagdaang araw. Tanggap ko naman na ang lahat. Pangarap kong maging bida sa pelikula naming dalawa, kaso stuntman lang ang nakalaang papel niya para sa akin. Inisip ko na lang na ito siguro ang araw kung saan pwedeng magtaray ang mga babae nang walang dahilan. Hindi na lang ako kumibo. Bago siya tumalikod ay nakita ko sa sulok ng mata niya ang bahid ng pag-aalala na pilit ikinukubli.  Guni-guni na naman siguro. Nevermind na lang.

Base sa grado ko mula nang tumuntong sa eskwela, hindi naman ako tanga. May nabibili kayang gamot para patayin ang mga genes ko na sobra ang attachment sa kanya o mukhang kelangan kong hanapin ang taong makakadiskubre ng gamot laban sa katangahan. Ano pa bang gusto kong mangyari? Ako lang mismo ang nagpapahirap sa sarili ko. Kung meron pa man akong natitirang pagtingin para sa kanya, dapat ko nang sundutin ng daliri para maisuka na lang palabas. Alam kong nakakadiri na naman yung pagkakumpara, pero kapareho din kung isipin tong pinag-gagagawa ko. Kahit pinakamaliit na kislap ng interaksyon, pinipinturahan ko na agad ng kung anong ibig sabihin. Lahat hinahanapan ko ng hidden meaning. Bawat kilos niya inaakala kong may agenda at bawat sabihin niya ay pinakakasuri ko pa. Kapag nagkaroon ng paglilitis, malamang, saksakin ako ni kupido sa mata bilang parusa.

Pilit ko namang ineevict ang litrato niya sa apartment ng aking memorya. Pero hindi talaga epektibo! Naglalakihan ang billboard niyang gawa ng isipan ko't nagpupumilit iharang sa dalawa kong mata. Halos mabura ang mukha ko kakalamukos sa sobrang inis. Meron ata akong kakaibang nainom kagabi’t kung anu ano ang nakikita ko. Kailangan ko na talagang tigilan ang pagbibigay kulay sa mga maliliit na bagay na aking napupuna. Kahit alam kong pampalubag loob lang ang pahayag na yan dahil mas mapait pa sa apdong pag mamay-ari ng nilalang na adik sa kape ang pakiramdam ko.

Isang dipa na ang nahahakbang niya. Isang dipa lang pero pakiwari ko'y ekwador na ang pagitan naming dalawa. Dun ko napagtanto. “Oras na siguro,” sabi ko sa aking sarili. Tama na. Ayon nga sa kasabihan, Enough is enough. Husto is husto. Sapat is libag. Talikuran na ang dapat talikuran para may maharap namang bago. Naramdaman ko na namang namumuo ang laway sa mga panga ko. Tumalikod ako at nagsukang muli.

Nang bahagyang kumalma ang delubyo sa tiyan ko ay hinanap ko na ang kusina para linlangin ang sariling kailangan kong kumain dahil gutom ako. Na kahit gawin ko ay siguradong mag-aahunan lang muli palabas ang kung anong pipilitin kong papasok. Walang balanse akong tumalima sa gustong gawin ng utak ko nang maulinigan ko ang magigiting kong kaibigan.

“T@ngn@ talaga dre pangfilm fest yung alingawngaw ng sampal neh?” Kung hindi ako nagkakamali ay si McJohn.
“Ba di naman nagpatalo yung bata natin ah. Pangtelenobela yung ganap niya. Hihihi.” Alam kong ligalig ang konsepto sa isip ko pero sigurado akong si Kim yung nagbibida.

Pagpasok pa lang ay ramdam ko ang saglit na paghinto nila sa pagmumuritan.

“Magkape ka muna dre,” abot sakin ni Karl ng tasang naglalaman ng mainit na likidong pansamantalang magpapakalma sa mga nilalang sa tiyan ko.
“O ano yung masasabi mo para sa sarili mo ngayon dre?” Nakangiting tanong sa ‘kin ni Chet.
“Dun sa pinaggagawa mo kagabi. Hahaha,” dugtong ni Lele.
“Ay loko tigilan niyo muna si Marvin. Kung makangiti kayo parang ngiti ng may buntot yan ah.” Buti naman sinita sila ni Prof para sa kin pero hindi naman pala niya ako niligtas. “Pero di nga idol, ano nga masasabi mo?”

            Humigop muna ako ng kape. Winelcome ng lalamunan ko ang init pero pagdating naman sa sikmura ko ay kumurugkog ang tiyan ko. Ano nga ba ang masasabi ko eh hindi ko nga matandaan ang mga nangyari kagabi. Kung may pinagsasabi man ako, siguradong hindi galing sa utak. Tinubuan na ng sarili niyang bibig ang puso ko dahil sa alkohol na kinonsumo ko.

            “Wala,” sagot ko. “Wala akong masasabi dahil wala akong maalala. Ako nga dapat nagtatanong senyo eh.”
            “Sabi ko na nga ba blanko eh dre,” si Kalo.
            “Makipag-agawan pa ba naman sa kin ng bote. Hehe,” paniniste ni McJohn.
            “Yun pa lang dating ng mga talumpati nya kagabi alam mo na eh neh. Choppy na yung dating nya eh,” dagdag pa ni Danny.

            Talumpati? Langya! Lagot na, ano naman kaya ang pinagsasabi ko kagabi.

            “Ano ba pinagsasabi ko kagabi?” Gusto ko talagang malaman kung anong katangahan ang mga sinabi ko.
            “Aruuu..Wala nga talaga maalala. Haha,” palahaw ni Lester.
            “Alam mo dre, mali ka eh. Kahit na ikwento pa namin bawat detalye ng pinagsasabi mo at pinaggagawa mo kagabi, wala din naman yun. Kilala mo naman kung sino yung dapat mo talagang kausapin eh, ‘di ba?” Para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa biglang pangagaral ni PJ na ‘yon.  Tama nga naman siya. Si Victoria. Siya ang kailangan kong kausapin. At teka, bakit nga ba ako sinampal nun? May topak talaga. Hindi na ako nagsalita pa at iniwan ko na muna ang aking mga kaibigan.

Hindi niyo ako masisisi kung may peklat pa ako ng pagkabigla. Hindi naman madaling ilunok ang mga bagay na sinabi nila. Mahirap maging normal at makapaglabas ng kalmadong reaksyon sa pagsalpok ng naglalakihang alon ng katotohanan. Samu’t saring senaryo na naman ang naghambalang sa utak ko. Ano ang ibig sabihin ng sampal niya. Ang kislap ng mapagkunyaring mata kaninang umaga na ngayo’y sigurado na akong nakita ko talaga yun at hindi guni guni ko lang. Isa lang ang solusyon para tapusin na ang lahat. Alam kong kahit kasing laki lang ng butas ng ilong ang karapatan kong komprontahin pa si Victoria. Bahala na.

Dali dali kong tinakbo ang kwarto niya. Sige na nga. Hindi talaga ako nagmadali. Ang totoo, mabigat pa sa isang toneladang bato ang bawat hakbang ko. Wala pa akong nabuong plano kung pano ko siya babatiin at ano ang magandang pambungad na salita ang bibitawan ko pagkakita ko pa lang sa kanya. Pathetic alam ko. Parang natirang ulam sa kaserola. Kahit wala akong masandok na laman, uulit ulitin ko pa ding halu-haluhin ang sabaw. Kahit alam kong wala nang pag-asa.

Nasabi ko na dati na sinubukan ko na ang what if at alam ko na ang sagot kaya wala na akong pagsisisihan. Pero ang nakakatuwa at nakakabuwisit sa mga what if na yan ay hindi sila nauubos. Hanggang may paniniwala ka, hanggang umaasa ka, mapapaisip ka ng what if. “What if subukan ko kaya ulit baka sakaling mag-iba na sagot nya.” “What if hindi nya lang pala naintindihan ang ibig ko sabihin.” “What if meron lang sya nung araw na yun kaya wala siya sa sarili.” “What if… What if…” Walang katapusan. What if ka lang nang what if habang tumutugtog ang The Script sa background.  “..and when a heart breaks no it don’t break even..” Siguro nga naniniwala pa din ako. Ang inakala kong naubos nang pag-asa ay mayroon pa pala. Sige lang, ituluy-tuloy na to, sabi nga Hapon lang ang sumusuko.

Ano ba yan nasusuka na naman ako. Kailangang pigilan. Muntik nang sumama ang dila ko sa paglunok ng laway nang magtagpo ang aming mga mata. Wala nang urungan. Walang oras para sa pagdadalawang isip. Buo na ang loob ko. Hindi na 'to laro na kapag sinabing taympers ay hihinto ang lahat. Bahala na kung anong mangyayari. Hindi na ito ang oras para mag back-out pa.

“Ano na naman ang kailangan mo!?” Galit na gulat na ewan ang reaksyon niya.
“Sorry sa mga nagawa ko,” humingi ng tawad ang unang nagalugad ng dila ko. Hindi ko na naman naiwasan ang pagguho ng aking Tower of Pisa.

Nanatili siyang walang kibo. Napakatipid talaga sa reaksyon. Nakakabusit na nakakairita. Pero sapat na para lusawin ang buo kong pagkatao kahit anong kontra ko. Tahimik ang silid. Tanging dibdib ko na lamang ang naririnig kong nagrereklamo sa sobrang kaba. Sinabi ko na lang sa sarili ko na kailangan ko nang pigilin ang lahat. Sapat nang mahabag ako sa sarili kong kakulangan.

“Suko na ko. Naparito talaga ako para usigin ka. Kung tutuusin ikaw ang may problema. Pinipilit kong kalimutan ka sa paraang alam ko tapos gagawa gawa ka ng kung anong eksena. Alam mo... ah, hayaan mo na nga!” Tsaka ako tumalikod at humakbang papalayo yakap ang pangakong kahit isang silaba ay wala nang mamamagitan sa aming dalawa. Buo na ang pasya kong kalimutan ang lahat.
“Sorry din sa sampal. Hindi ko napigilan ang sarili ko kagabi.” Muntik na kong mahimatay nang lumukso ang puso ko dahil sa sinabi niya. Mabuti na lamang nasalo ko pa.
“Wow tama ba ang narinig ko? Si Prinsesa Victoria nagsorry. Nagkakamali din pala ang kataas-taasang kamahalan. Pwedeng pakisampal nga ulit ako baka nananaginip lang ako.”
Kakasabi ko pa lang ng salitang sampal ay awtomatiko nang lumipad palapit sa pisngi ko ang palad nya. Mabuti na lamang at nasalag ko at naghawak ang aming mga kamay. “O ano? Papasampal ka tapos sasalagin mo. Nabitin ka pa yata sa sampal ko sayo kagabi eh, kulang pa ba sa lutong?” Inis nyang tanong.
“Bakit nga ba yun? Wala naman akong alam na dahilan para masampal mo kagabi ah. Nakuha ko na ang mensahe mo nang tanggihan mo ang pagtingin ko sayo,” magkahawak pa rin ang aming mga kamay. Eto na nga ba ang ikinatatakot ko, ngayong hawak ko na ang kamay nya, parang hindi ko na kayang bitawan pa.


-Victoria

Hanggang kailan ko magagawang labanan ang nararamdaman ko. Umalis na sana siya. Lalo akong nahihirapan. Sumisikip ang dibdib ko’t nahihirapan na akong huminga. Para akong nasa ilalim ng dagat at sa oras na huminga ako ay siguradong malulunod ako sa kanya. Sabi ko na nga ba at mali ang nagawa ko kagabi. Bakit kasi kinailangan niyang lunurin ang sarili sa likidong may kung anong espiritu. Alam kong halata na din niya. Hindi ko na maitatago pa. Ilang sandali pa lang magkahawak ang aming mga kamay ay parang ilang oras na. Binatak ko na ang aking kamay at siya naman ay umakto nang paalis.

“Bago ka umalis, sagutin mo muna ang tanong ko. Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito? Bakit ayaw mo akong lubayan?”

Sa tingin ko ay alam ko na ang sagot. Pero kailangan ko pa ring marinig sa kanya. Ang hindi kasi alam ng mga tangang lalaki na yan eh hindi kami manghuhulang mga babae. Hindi pwede yung puro paramdam lang. Hindi kayo multo. Magsalita kayo. Sabihin nyo!


-Marvin

Anong klaseng tanong na naman ba yun. Parang ‘Nabasa ka?’ ganun kahit pa kitang kita naman sa itsura na tumatagaktak ka na. O kaya yung makamandag na  ‘Okay ka lang ba?’ mukha ka na ngang nilukot na papel dahil sa sakit. ‘Bakit’ ang gusto niyang malaman. Ano ‘to lokohan? Alam na ng sanlibutan ang tinimpi kong pag-ibig para sa kanya. Sana lang wag na niya akong ibaon pa. Wag na sana niyang ipakadikdik sa mamiso kong pride na sumuko na ako at umamin. Pareho na rin naman naming alam.

Pero wala eh. Hanggang sa aking huling gramo ng katatagan, kayang kaya niya akong damputin ng isang kamay at iwasiwas kaliwa’t kanan na parang pambura ng mga chalk sa blackboard. Hindi ko siya kayang tanggihan. Hindi ngayon at sigurado kong hindi din bukas. Kung dadating man ang araw na kaya kong balewalain ang kanyang mga tanong o hiling at lumingon palayo ay hindi ko alam. Basta hindi ngayon. Tumitig ako sa bukbuking kisame at tila naghahanap ng kung anong paliwanag. Wala akong nakita kundi butiki na ngingiti ngiti sakin. Haist!

“May idea ka ba kung gaano kahirap ang magmahal ng taong imposibleng mahalin ka pabalik? Wala di ba? Kaya parang awa mo na, wag mo naman akong itulak sa dulo ng isang bangin kung saan kailangan ko pang aminin kung gaano ako kahina pagdating sayo. Alam mong mahal kita. Umaasa ba ako? Hindi. Bakit? Dahil may expiration date ang pag-aasam. At napanis na lahat ng natitira kong pagnanais na maging tayo. (Putsa kasinungaling ko.) Kung hanggang kailan kita mahal ay hindi ko masasagot. May tsansa bang tuluyang maglaho ang pesteng pag-ibig na ito? Sana naman. At kung hindi naman kalabisan, sana sa lalong madaling panahon. Mabigat naman na siguro ang sagot ko. Sapat na sa tanong mo. May gusto ka pa bang malaman?” Garalgal na ang boses ko sa mga nahuling linya.


-Victoria

            Mahal ko siya.
           
            Mahal ko siya. Masaya ako kapag masaya siya. Nasasaktan ako kapag nasasaktan siya. Parang hindi ko kayang matagalan na nahihirapan siya ng ganito at ako ang dahilan. Ibinukas niya ang puso niya sa akin. Nasa akin na lang kung papasok ako. Gusto ko na siyang umalis muna sa harap ko para makapag-isip ako ng maayos pero natatakot akong kapag lumakad siya palayo ay hindi ko na siya maaabot pa. Mahal niya ako. Kumakalabog ang dibdib ko tuwing naiisip ko iyon. Mahal niya ako. Kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko para pigilan ang sarili kong yakapin na lang siyang bigla at ipadama sa kanya ang nababaliw na tibok ng aking puso. Mahal ko siya.  Mahal kita!

Ano ba?

            Be still my heart.


-Marvin

Hindi siya umimik.

“Nasabi ko na lahat. Wala na akong utang sayo. Pwede na siguro akong umalis. At pwede na din akong sumubok ulit na lumimot.” Tumalikod na ako at nagsimulang lumakad palabas.

Isang malalim na buntong hininga ang narinig ko. Wala naman akong sakit pero sa hangin nyang dumapo sa likod ko ay tila nakalimutan ko na kung pano gumalaw.

Nagulat na lang ako nang lampasan niya ako. Nauna pa siyang lumabas.

“Tara. Samahan mo muna ako. Gusto kong magpahangin.”

May sira nga siya sa ulo. Kumpirmado. Pero kung may mas sira pa ang ulo sa istoryang ito, malamang ako yun. Parang switch lang ng ilaw na nao-On at Off ang nasa kong dumistansiya na sa kanya.

Hindi na kailangang sabihin pa. Sumunod na nga ako. Ayaw ko man pero may excitement akong nadarama.

“Ano palang gagawin natin dito?" Agaran kong tanong nang sampalin na kami ng hangin.
"Wala. Titingin lang sa langit. Papanuorin ang mga bituin."

Kung parang barya lang ang ñ malamang naburog na’t nadeform kakagamit ko ng salitang Puñeta!

“Tanghaling tapat bituin?”
"Biro lang! Seryoso ka naman masyado.."

 Hindi naman imposible yun. Kasi sa mata palang niya parang nakatitig na ko sa milky way. Ay puñeta talaga! Anu na naman ang naisip ko.

            “Pagod na din ako...” maktol niya pero gumamit ng malambing na tinig.
“Saan ka naman napagod? Ang lapit lang ng nilakad natin.”
“May pagka-stupido ka ba talaga? Hindi ganung klase ng kapaguran ang tinutukoy ko,” pataray na naman niyang tugon.

Seroks talaga ng climate change ang mood ng mga babae. Biglaang bubuhos ang ulan kahit na matindi ang sikat ng araw. Sila din ata ang nagpauso na may ikinakasal na tikbalang, para gawing paliwanag kung mahahambing sila sa pabago-bago ng panahon. Tapos may isang ingleserang sosyalerang nagdeklara na “mood swing” na lang ang itawag. Hindi nga naman magandang pakinggan ang kasal ng tikbalang lalo na't malayo sa kabayong tao ang babaeng kaharap ko. Malikot pa sa dalawang pusang naglalampungan ang mga mata niya. Hindi ko alam kung tinitingnan niya pa ba ako o gusto niyang sabihing naaalibadbaran lang siya sa hitsura ko.

            “O sige na, ano ba ang tinutukoy mo?” Tanong ko.
            Huminga siya ng malalim at tumingin lang sa ‘kin. Tinitigan niya ako na parang lulunurin niya ako sa kanyang mga mata. “Sige na, itanong mo na ang gusto mong itanong.”
            Bahagya akong natigilan. Itanong ang gusto kong itanong. Dami ding alam nito. “Bakit mo ba ako sinampal kagabi?”
            Nagsalubong ang mga kilay niya. “Bakit kita sinamp..Hindi naman yan yung…Hay ang tanga mo.”
            “Tanga daw ka, sabi mo magtanong ako tapos ngayong nagtanong na ako sasabihan mo pa akong tanga.”
            “Sinampal kita dahil unang una tanga ka. Alam mo nang may sugat ka naglasing ka pa. Pangalawa dahil nag-aalala ako sa ‘yo. Lumabas ka pa, ang lamig lamig kaya kagabi, parang nagyeyelo na nga eh…”
            “Hmp. Nagyeyelo!” Sabad ko . Nagyeyelo parang ang puso mo. Gusto ko sanang idugtong buti na lang nakapagpigil ako. Teka may narinig ba akong sinabi niyang nag-aalala siya? Ang tanga ko nga. “Teka, nag-aalala?”
            “Oo nag-aalala, sasabat-sabat pa kasi di pa naman ako tapos. Humingi na ako ng pasensiya. Nangyari na. Kasalanan ko alam ko. Ano pa ba ang gusto mong marinig? Bakit ba ang hirap magmahal.." Bumabaw ang intensity ng huling linya. Sapat para di ko na marinig.
“Ang tanga ko. Naiintindihan ko na.” Eto na yun. Kelangan ko na ilabas ang lahat ng tapang ko. Masaktan na kung masasaktan. Ganito talaga ang buhay. Nabubuhay tayo para sa mga ganitong sandali. Mga sandali na naipapakita natin sa isang tao kung sino talaga tayo, naibubuhos natin ang laman ng ating puso, at naipadarama natin ang tunay na pag-ibig. “Mahal kita. Hindi ko sigurado kung ano ang nararamdaman mo para sa akin pero may ideya ako kung ano yon. Kung naguguluhan ka pa naiintindihan ko, ganyan din ako. At kung naghihintay ka pa ng sign, eto na yun. Ako na yun na nasa harap mo ngayon na sinasabing Mahal kita. Kaya itatanong ko na yung tanong ko. Mahal mo ba ako?”

Nakapagpasya na akong itapon ang sagwan ng aking bangka. Pero kung ganito naman ang takbo ng usap, kahit hindi ako bihasang lumangoy ay pipiliin kong tumalon maabot lang ang karagatan ng pag-ibig niya. Nagpalabas na naman siya ng hangin mula sa baga. Bumwelo ata. Sabay titig sa aking mata. Sinuot ang kahali-halinang ngiti. Tila natawa sa sarili habang walang humpay ang kanyang tango.

Magician. Sa mga oras na 'to para akong batang aliw na aliw sa panonood. Ang pagtango syempre ay pagsasabing mahal nya ko. Parang pagpapalabas ng kuneho sa hat. Naaliw ako sa part na kung paano nagkasya ang kuneho sa loob. Hindi ako makapaniwalang ang mukhang kunehong tulad ko ay may puwang sa puso nya. Nagulat ako. Natuwa. Sa simpleng pagtaas at baba ng kanyang mukha ay biglang nagbago ang mundo ko. Parang abrakadabra. Automatic napangiti ako. Pero katulad ng mahika, napaisip ako kung totoo ba yun o hindi. Hindi ko magawang maniwala nang buo sa isang mahikang alam kong may kakambal na pagbabalat-kayo. Halo halong tuwa, saya, at agam agam. T@ngn@ ang guwapo ko!!!

Kumilos siya papalapit sa akin. Pumalupot ang kanyang kamay sa aking leeg. Parang lindol na bumasag sa pagkatulala ko. Kinailangan ko pang ikurap kurap ang mga mata ko mawala lang ang epekto ng makamandag niyang ngiti. Sa mga sandaling ito din nanganib ang buhay ko. Delikado. Kung makakalimutin lang ako ay siguradong hindi ko mabibigyan ng pansin na may baga pa pala ako. Hindi ako makahinga sa bilis ng tibok ng puso ko. Bago pa man siya mahulog, matagal na kong nag-aantay sa baba. Nakatingala. Abang abang. Walang pagkakataong hindi ako nagwish sa bulalakaw na sana kahit tsamba lang, ako ang sasalo pag nahulog siya. Isa na akong buhay na saksi na totoo nga ang lihim sa likod ng katagang 'suntok sa buwan'. 

Kumalas siya sa pagkakayakap. Humarap sa akin. Ilang sentimetro lang ang layo ng aming mukha.

“Mahal din kita,”  sabay iwas tingin. Natawa ko sa ginawa niya. Nahiya pa.

Magic. Namangha ako nang inilabas ang kuneho sa loob ng hat. Hindi ko na inisip kung paano nangyari ang lahat, o kung anong trick ang ginamit. Importante sumaya ako, naaliw. Tulad ng kung anong mayroon sa amin ni Victoria. Bahala na kung anong klaseng gulo ang papasukin ko. Kinalimutan ko muna lahat ng aming problema. Ang mahalaga'y nalaman kong ang magic ay hindi lamang sa sikretong nakatago dito. Kundi sa ligayang ibinibigay nito.

Dama ko pa din ang ratsada ng kabog sa dibdib ko, lalo na nang umiwas sya ng tingin sa akin. Gusto ko ang pakiramdam na tila nakikipaghabulan ako sa kanya. Hinarap niya uli ang namumulang mukha. Maya-maya pa'y bumagsak at tumakip sa pagitan ng mukha namin ang kanyang buhok na kumalas sa pagkakasampay sa kanyang tenga. Mabilis ang paglunok ko ng laway nang hawiin nya iyon. Nahalata nya ang pagtitig ko sa kanya. Alam kong ngumiti sya dahil naningkit pa ang kanyang mga mata.

Nilamon ako ng kapangahasan.

Hindi ko na inisip kung ano ang posibleng mangyayari. Kung anong magiging reaksyon nya. Kung anong magiging estado ko pagkatapos, at kung anong bagay ang ihahambalos nya sa mukha ko. At kung anong kaso ang pwedeng ilaban sa akin. Wala sa plano ang ginawa kong paghalik kay Victoria. Hindi ko na maramdaman kung may inaapakan pa ba ang mga paa ko. Para kasing lumulutang ako sa mga sandaling 'to. Pwede na siguro akong pumanaw sa ganitong sitwasyon. Matagal ang halik na yun! Parang umikot ng mabilis ang mundo sa loob ng limang segundo.

“Ubooo..” Gusto kong lamukusin ang mukha ni Danny. Hindi ko man lang namalayang nandito pala ang loko.

Nabitin ang kissing scene na sana'y tatalo pa sa dami ng participants sa lovapalooza. Ang sakit sa balls, este bangs. Nahiya tuloy si Victoria. Halatang hindi maapuhap kung ano ang gustong gawin. Napapikit ako nang mapansing papalipad na naman ang palad niya sa pisngi ko. Pero sa halip na lagapak, haplos ang naramdaman ko. Sabay isang mabilis na halik sa labi. Ikinagulat ko ang isang yun. Sana may warning para naenjoy ko nang sagad. Halata ang biglang pamumula ng aking mukha. Inisip kong natural nalang yun sa magkasintahan pero iba pa din ang dating ng halik na nakaw lalo't parang may gustong ipahiwatig. Naramdaman kong seryoso sya sa sinabi nyang mahal nya ko. Bigla siyang tumalikod at nagmamadaling bumalik na sa kanyang silid.

“What the F...” Halata ang pagkagulat ni Danny.

Ngumiti lang ako. Nagsimulang humakbang sabay sinara ko ang bibig niyang hindi maka get over.

“Tara sa kusina. Nagutom ako bigla.”
“Anong nangyare dre, pumuti na yata yung uwak. Hahaha,” pang-aasar ng mokong. Nangiti ako dahil naalala ko yung sinabi ko sa kanya noon na magkakasundo lamang kaming dalawa ni Victoria kapag pumuti na ang uwak.
“Tara na nga,” muli kong yaya sa kanya habang iiling-iling.

Pagdating naming dalawa ni Danny sa kusina, naghahanda na ring kumain ang tropa. Ako naman may nakaplaster na ngiti sa mukha at parang sabog sa marijuana ang pungay ng mata. Hindi ko magawang maitago ang nararamdaman kong saya na sigurado akong kitang kita nilang lahat. At ang really messed up part pa, parang gusto kong tuksuhin pa nila ako kay Victoria.

“Di man makakakain si Vinards nyan dre.. Sa akin na lang…” Pagpasok pa lang yan na ang narinig ko, pero hindi ko na pinatapos pa si Kim sa sasabihin niya.
“Pengeng plato. Nakakagutom pala,” pahayag ko habang ubod ng kislap ang mga ngipin ko dahil sa ngiti.
“Yots puta ibang ngiti yan,” bulalas ni McJohn habang may dakot dakot na kanin.
“Anong nangyari dwre? Ilang saglit ka lang nawala, nagpalit agad ng mood? Daig pa low pressure ah.” Si Wino na pabulol bulol kakanguya.
“Si Danny ngiting matsing oh. Hoy Daniel! Sabihin mo nakita mo!” Usig ni Lele kay Danny nang mapansin nya ang mapang-asar nga na ngiti.
“Wala akong nakita! Ets ba? Si Vinards tanungin nyo…”
“Di na kailangan pang tanungin. Si Victoria lang naman makakapagpangiti ng ganyan kay idol,” sapul na sapul ni Prof ang ideya.
“Bati na kayo dre? Nag make-up sex kayo? Hihihi.” Halos mangabuga ko ang kasusubo ko lang na kanin nang magsalita si Gail.

Tawanan lang silang lahat. Hindi ko na alintana kung ano ang sinasabi nila. Masaya. Pero may mga bagay na gumugulo sa isip ko, hindi naman mahirap hulaan, parang nagsasabi lang na rice cooker ang una sa listahan na matatanggap mo kung ikaw ay ikakasal. Ang alaga naming time machine. Parang may biglang nakadagang elepante sa dibidib ang pakiramdam ko. Dagang naghahabulan sa sikmura. At isang pamilya ng anay na unti unting umuupos sa utak ko. Hindi pa ako nakakapagplano, wala pa akong ideya kung ano ang dapat gawin kung sakaling biglang mag-alburuto ng hinaing ang pesteng makina. Maayos naman ang takbo nang wala pa si Victoria. Nang dumating siya sa buhay ko syempre mas lalong umayos. Parang nalagyan ng chocolate sprinkles ang ice cream ko sa apa. Pero sigurado ako, pag nawala siya sa tabi ko, hindi na magiging kasing linaw at payapang tubig ang batis ng isip ko tulad noong hindi ko pa siya nakikilala.

“Pano nyan dre? Kayo na? Ano plano mo?” Si Karl, naisip na din ang gumugulo sa lablayp ko. Hindi ako nakasagot.

Ang kahapon ay nandyan para lingunin na lang at ang bukas ay para lang pangarapin. Eh ang ngayon? Importante pa ba ang ngayon? Para kasing wala mang ngayon. Kasi pag-isipan mong mabuti, ang ngayon, ilang pitik lang ng segundo, nakaraan na yun. Parang patikim lang ang kasalukuyan. Yung kanina, ang halikan, tapos na yun. Nasa alaala na lang. Magkasama kami kanina. Pero alam ko bukas, kailangan ko ding lisanin ang tabi niya. Pero kailangan nga ba talaga? Ang hirap puñeta. Puñeta pa sa lahat ng puñeta.

Parang pedicab na flat ang gulong sa sidecar at bali naman ang tinidor. Hindi makausad nang mainam ang isip ko. Pero kailangan pa ba ang isip ko sa pagkakataong ganito? Naihanda ko ang sarili kong buhay maprotektahan lang si Victoria. Hindi naman siguro kalabisan kung magiging selfish ako sa panahon. Masisisi ba nila ko. Mali. Kahit sisihin pa nila ako. Sigurado akong wala akong pakialam. Ang makasama si Victoria ang dapat. Isasama ko siya! Tama! Isasama ko siya. Or magpapaiwan na lang ako. Whichever. Ganito rin ba ang naramdaman mo nung nagpaiwan ka Poy?..

Muli, buntong hininga ang kick-start ko…

“Alam namin. Ok lang dre. Kausapin mo si Victoria kung papayag siya.” Naunahan ako ng pahayag ni Prof.

Alam niya na kaagad? Parang google. May suhestyon agad di ka pa naman nakakapag-enter. Tiningnan ko sila isa isa. May mga thumbs up ang ngiti. Ayos. Kailangan na lang plantsahin ang plano. Kaso.. Puñeta naman oh. Gusto kong umiyak. Pero para saan? Ikilos ang dapat ikilos.

Tut tut tut tut tut tut tut tut tut tut

            Humuni ang makina. Kung may labi malamang nakangiting nang-aasar to eh. Kahit kelan talaga magaling tumayming. Teka lang! Ang dami ko pang kailangang gawin.

“Magpapaiwan na lang ako!”  Sigaw ko sa kanila.
“Hindi ka magpapaiwan. Rek, buhatin na ang machine. Ihanda nyo na ang mga barya. Madali tayo sa kwarto ni Victoria!” Sunod sunod ang utos ni Prof.
“Nards mauna ka na! Kumbinsihin mo na si Vic!” Madali ni PJ sakin.

Hindi ko gusto ang biglaang pagdilim ng langit. Humakbang lang ang mga paa ko palabas ng pinto, parang biglang nagalit ang panahon. Takbo ako. Hingal kabayo. Oras ang kalaban. Kailangang pumayag ang mahal ko.


-Victoria

Mabilis pa rin ang tibok ng puso ko. Kinakabahan ako. Hindi ako sigurado kung pag-ibig ba ito o takot. Sino nga ba ang may alam? Sa totoo lang takot talaga ako. Natatakot ako sa nararamdaman ko. Sa kung ano ang nagagawa niyang iparamdam sa akin tuwing nasa tabi ko siya. Takot ako kung paanong hinahanap ng mga labi ko ang mga labi niya, at sa pagtayo ng mga balahibo ko sa sandaling magtagpo ang mga ito sa isang mainit na halik. Ano ba itong pinasok ko? Mahal ko siya at mahal niya ko. Yun ang importante di ba? “Sandali pa lamang kayong magkakilala. Kilala ka ba niya talaga? Ang tunay na Victoria?” Sinagot lang din ako ng tanong ng sarili ko. Napailing na lang ako.

Natigilan ako nang biglang bumukas ang pinto. Naramdaman ko na siya bago ko pa siya nakita.

“Victoria mahal na mahal kita!”
Lumukso ang puso ko.
“Marvin..”
“Lahat gagawin ko, makasama ka lang. Napakarami ko pang hindi nasasabi sa’yo. Sa kung saan kami galing at kung paano kami napadpad dito. Pero hiling ko lang na sana magtiwala ka sa akin. Ang masasabi ko lang sa ngayon ay mahal kita at hindi ako papayag na malayo sa ‘yo. Hindi ko maexplain ngayon dahil wala nang oras pero kelangan na naming umalis. Gusto ko…hindi…kailangan ko na sumama ka.”

Nakatitig sya sa akin at puno ng emosyon ang mga mata. Napakasaya ko. Nakangiti ako at dumadaloy ang mga luha ng kasiyahan mula sa aking mga mata. Dumikit ako sa kanya at ipinatong ang ulo ko sa balikat niya. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinagilap ng palad ko ang espasyo ng mga palad nya. Sa loob ng napakahabang panahon ngayon ko lang naramdaman ito. Sa piling nya, I feel safe and at home…Mistulang bulang naglaho ang takot na nararamdaman ko kanina at napalitan ng nag-uumapaw na pag-ibig.

“Walanghiya ka talagang lalake ka…Mahal na mahal kita,” bulong ko sa kanya. “Sasama ako saan ka man pumunta.”

Hindi ako nagsinungaling nang sabihin ko iyon. Hindi ko alam kung gaano ako kalungkot noong hindi ko pa siya nakikilala. Ngayon ko lamang narealize na tila walang saysay ang buhay ko noong wala pa siya. Kay tagal ko ring nagpaalila sa takot at hinayaang ito ang magdikta sa bawat kilos ko. Pero ngayong hawak na niya ang kamay ko, hindi na ako bibitaw pa. Binigyan nya ako ng tapang at lakas ng loob na mabuhay. Yun bang talagang mabuhay at hindi simpleng mag-exist lamang. Kaya sasama ako sa kanya. Kung nasaan sya, naroon rin ako. Ako ay kanya at siya’y akin.

Narinig ko ang papalapit na yabag ng mga nag-uunahang paa. Sunud-sunod na pumasok sa silid ko ang mga kaibigan niya bitbit ang humuhuning makina.

Wala nang urungan. Idiniin ko na ang katawan ko kay Marvin at mas lalo pang hinigpitan ang pagkahawak ko sa kamay nya. Kumakalabog ang dibdib ko dahil sa nagwawala kong puso. Hindi ko alam pero hindi ko maiwasang maikumpara ang bawat tibok nito sa tik-tak ng orasan ng isang bomba na handa nang sumabog ano mang sandali.

Pagkadaka’y nabalot na ng nakasisilaw na liwanag ang buong paligid.

“I love you,” bulong ko sa kanya.
“I love you too.”
“Talaga?” Paglalambing ko.
“Oo,” nakangiting sagot nya. “Forever.”

Nakatitig ako sa mga mata nya. Nakikita ko na ngayon, malinaw na ang lahat.

Siya ang forever ko.

 Sa paligid namin ay paikot ikot na sumasayaw ang mga barya sa saliw ng musika na tinutugtog ng aming mga puso.

“Forever,” pangako ko.

Hinalikan ko siya at kami'y naglaho na.




Itutuloy…



Epilog
Ang Naiwan

Tatlong araw nang umuulan. Sa loob ng silid ay dinig ang kulog at kidlat na kaakibat ng nagpaparusang bagyo. Halos kasing dilim ng langit ang kalooban ng lalaking nakasubaybay sa mga nagaganap.

“Sige mga kaibigan. Puntahan niyo ang butas ng inyong huling-oras,” pahayag niyang ang tinig ay buktot pa sa himno ng isang diablo.
“Kailangan ba nating gawin ang lahat ng ito? Hindi ba tayo pwedeng bumalik sa dati kung saan masasaya ang lahat?” Ganti ng isang babaeng mababakasan ng pangamba.
“Anung sinasabi mo? Ako ba ang mali dito? Tignan mo nga sila?!” Sabay magaspang na ipinagdikdikan sa dalaga ang hawak niyang tila isang salamin. Sa salamin ay mababanaag na para itong telebisyon at may pinapanood silang eksena ng mga kalalakihan na kanina pa pinagmamatyagan ng binata.
“Hindi mo ba sila naiisip?” Pagkabigkas pa lamang ng babae ay agad na niyang pinagsisihan ang tanong niya.
“Hindi naiisip? Lagi ko silang naiisip!” Galit na sigaw ng lalaki na hindi nagawang lunurin ng kasabay nitong kulog.
“So. Itigil na natin ito.”
“Nagkakamali ka ata. Iniisip ko sila palagi dahil inabandona nila ako. Pinagtampuhan ng tadhanang sila ang may gawa! At nakalimutan mo na bang iniwan ka rin nila? Ako ang nagligtas sa ‘yo. Habang umalis sila at pinagpalit ka sa kung anong misyon.” Puno ng galit at pagkasuklam ang bawat salita ng lalaki.
“Oo nga pero..habang buhay mo ba silang sisihin?”
“Ang katapusan nila ang tutubos sa lahat. Ang bubuo sa nasira kong pagkatao!”
“Hindi pa naman huli ang lahat. Maaayos pa natin.”
“Hmp. Yumao na lahat ng pag-asa. Huli na ang lahat. Naganap na ang mga naganap. Ganito ako dahil na din sa kanila. Kaya wag mo kong papanagutin sa lahat. Huwag kang umastang ako lang ang sangkot sa problemang ito. Hindi nila alam. Wala silang alam sa kung ano ang pagdurusang pinagdaanan ko at kung anong impyerno ang kinalalagyan ko ngayon.”

Tumitig lang sa kanya ang dalaga. Parang nagmamakaawa.

“Huwag mo kong titigan ng ganyan. Alam nating pareho na walang bisa. Kahit ang lahat ng ulang dala ng bagyong ito ay hindi magagawang tupukin ang apoy ng nagliliyab kong puso.”

Lumiwanag ang paligid, senyales ng pagtama ng isang kidlat sa hindi kalayuan. Napaluha na lang ang dalaga. Pinagmasdan ang paligid. Ang mabatong pader na nakapalibot sa buong silid, ang munting batis kung saan walang patid ang agos ng malinis na tubig. Mga upuang nililok sa bato at lamesang gawa sa napakagandang uri ng kahoy. Kung gaano na sila katagal naninirahan roon ay hindi niya masabi. Hindi naman namintis ng binata ang ginawang pagsisiyasat niyang iyon sa paligid.

“Hindi ba’t akma lang na dito ko tuldukan ang lahat ng kahibangan? Kung saan lahat nagsimula?”
“Pero ‘Poy…” hindi na naituloy ng dalaga ang sasabihin at tuloy tuloy ang daloy ng luha.
 “Tama na Raine. Nakahanda na ang lahat. Ang pag-apak nila sa kuwebang ito ang panimula ng katuparan ng aking paghihiganti.”

End of Book 4.

No comments:

Post a Comment