HUGTUNGAN X
IKALAWANG AKLAT, KABANATA – LIMA
“Isang Pisong Pamamaalam”
Nakasarado ang mga mata ko. Ni ayaw kong makaaninag kahit katiting na liwanag mula sa kapaligiran. Gulung-gulo ang sarili ko. Gusto kong makatulog pero puno ng bagabag ang isip ko. Mga ilang oras na din akong nakahiga lang sa lupa. Hindi makikitaan ng kung anu mang kilos ang aking katawan. Naguguluhan pa din ako. Ayoko nang magpatuloy pa. Hindi ko maipaliwanag pero di ko alam kung anu nararamdaman ko, hindi ako galit pero para akong inis. Naranasan mo na din siguro yung ganito? Hindi ko talaga maipaliwanag pero alam ko intindi mo.
Hindi ko talaga madala ang sarili ko sa mundo ng mga pangarap kaya wala akong nagawa kundi imulat na lamang ang aking mga mata. Kung sa bagay, sa dami ng napagdaanan namin, mas matalino na ako kesa dito. Ang nakaraan ay nakaraan, ilang beses nang natutunan. May pag-asa pang mabago kung ano ang nasimulan.
Tumingin muna ako sa katawan ko bago ko naisip bumangon, para bang ineestima ko kung anu na pinagbago sa sarili ko? Letse, nasuplies lang ako! Puro butas na pala ang damit ko. Hindi ko naman pansin dahil sa bawat lakbay namin ng panahon eh napapalitan din ang mga kasuotan namin, di ko alam kung bakit. Kaya yung nangyari nung una naming paglalakbay sa panahon nila manang Eba eh, skins o walang saplot. Binibilang ko yung butas ng damit ko habang pinaglalaruan ko pa, tapos may bigla akong naalala.
Nung nasa pangatlong taon na ng pag-aaral sa sekondarya, yung silid aralan na naibigay sa amin ay yung sa ground floor. Yung unang unang room, katabi ng drafting pero hindi pa drafting yun nun kasi kami din yung nagpasimula ng drafting. Dun kami inilagay kasi nag-iisang section lang naman kami. Dun na din nauso yung section na ONLY. Pabor sa amin yun kasi nasolo namin yung mundo ng ibaba. Pati yung mga bench sa pathway na malapit sa room namin syempre sinakop na din namin yun. (kung parte ka ng pamilya ng section ONLY, sigurado may kung anung ngiti na ang namumuo sa labi mo ngayon) Isang mainit na umaga, mainit na dahil mataas na ang araw (wag ka na mag-isip, ou late ako kaya mataas na), pumasok ako sa kwarto nang tila may kakaiba. Di ko mawari pero dama ko na may nangyari yata, mukhang pinag-uusapan na din ng klase kasi lahat sila abala. Nagdidiskusyon sa kung anong bagay na pinagkakaabalahan nilang pagmasdan sa likod ng room. Syempre pag ganun yung eksena, wala ka nang ibang gagawin pa kundi makitingin na din. Paglingon ko, put$a, nasilaw ang mga mata ko! Nasa loob ako ng kwarto pero tagus-tagusan ang liwanag ng araw. Nalito ako. Nagtaka. Bigla na lang makikita mo sa pader ng kwarto ang apat na malalaking butas na kala mo inukit ng mabilisan. Walang may alam kung bakit nagkaroon ng butas dun. Walang ni isa man sa amin ang may hawak ng sagot kung sino ang may kagagawan nun. Ang dami ng haka-hakang nabibitawan ng dahil sa mga butas na yun. Ang sabi nila para daw may exhaust, yung iba sabi kakabitan na ng aircon yung kwarto, eh kung yung ceiling fan nga kahit napakapanganib na hindi pa din napapalitan, papaaircon pa. Nasa may ulunan pa namin yun dati, yung ceiling fan na nakakakaba dahil kahit anong oras pwedeng bumagsak. Yung iba naman yung switch yung sira, teka sadya pala nilang sinira yun, ou sila lang di ako kasama. Mali pala, switch pala ng ilaw yun pero di bale kwento ko na din, pinaglalaruan pa kasi nila yun dati. Patagalan sila kung makakatiis ka sa ground, yun yung itutusok mo yung daliri mo sa nakabuklat na switch. (Si Merc ata yung hari dun.) Hindi naubusan ng kuwento para sa mga butas na yun, bawat araw naging celebrity na yung mga lintsakang butas. Hanggang sa isang umaga, meron nang nakapasak na mga kahoy, nagmamadali akong umikot sa labas para makita kung anu yung mga kahoy na yun. Anak ng teteng, gagawa lang pala ng scaffolding para mapinturahan ang nakatataas na mga pader. Nadisappoint kaming lahat, kala pa naman namin may mas matinding misyon pa yung mga butas na yun. Mga ilang linggo din bago natapos yung mga gumagawa dun, hanggang sa alisin na nila yung mga kahoy. Bumalik na naman yung nakakasilaw na liwanag pag umaga kasi di man lang tinakpan ng mga pesteng manggagawa. Ano pa nga naman aasahan mo, eh tung mismong building di matapos tapos, siguro hanggang sa mag-aral mga magiging anak natin dito ginagawa pa din eh. Incomplete na nga yung building nun, binutas pa. Kaya siguro laboratory highskul ang tawag dun. Kasi parang pinag-eksperimentuhan yung building. Pero dahil magagaling ang mga nilalang ng Section ONLY, nagawan yun ng paraan. Nagkaroon ng general cleaning kasabay eh pagkakabit ng mga dekorasyon na pinangunahan syempre ng decoration committee. Pinagtatapalan nila yung butas ng mga design, kulay pula pa nga yun sa pagkakatanda ko, tapos parang gawa sa cellophane. Astig na, para kang nasa simbahan, parang may stained glass painting pag umaga pag nasisilayan ng araw. Tapos sa itaas ng mga pinagpalang butas ang mga katagang, “Manalo, Matalo, Nagmamahalan Tayo.”
Maraming bagay ang walang katuturan at di na dapat pinapansin pa dahil wala ka rin namang mapapala. Mayroon namang mga bagay na akala mo walang kwenta pero kapupulutan pala ng gintong aral. Wag kang mag-isip ng kung anu-ano. Isa yan sa mga walang katuturang bagay na kinuwento ko lang para aksayahin ang oras natin pareho. Pero naaksaya nga ba o may napulot kang aral? Sige, mag-isip ka na. Bawat sandali ay mahalaga. Ang bawat oras na lumilipas ay hindi na maibabalik pa. Alam nating lahat yan. Time is gold. Time heals all wounds. Time out. Time na! Time pers. Lahat yan may aral.
Walang hinihintay ang oras. Ano man ang mangyari sa'yo. Nagpapatuloy lang ito. Tumatakbo. Lumilipas. Kung hindi mo sasabayan, maiiwan ka. Hindi ito hihinto para sa'yo. Hindi dahil huminto ang orasan nyo sa bahay ay huminto na ang oras. Ang ibig lang sabihin non ay naubos na ang oras na itatagal ng baterya ng orasan. Hindi natin alam kung gaano kadami ang hawak nating oras. Kaya bago pa maubos yan, kumilos ka na. Ako naman, hindi pa rin kumikilos.
Nagpasya na akong tumayo. Luminga-linga ako sa tabi pero walang ni isa man lang na nilalang ang kapiling ko sa mga oras na iyon. Saan kaya sila nagpunta? Hindi ko napansin kung saang baybay sila nagsibalukas. Walang mangyayari kung manghuhula ako ng direksyon kaya pinasya kong bumalik sa bahay kung saan kami naghapunan nung gabing iyon. Naisip ko baka doon nagtungo ang aking mga kaibigan, o kung wala man, at least andun pa naman si Ipoy, baka gising na yun.
Binaybay ko na yung daan pabalik dun sa bahay, medyo mabagal akong maglakad dahil nga wala akong sigla, medyo malayo pa ko pero tanaw ko na yung house, nakabukas yung pinto. Ngayon lang bumalik sa katinuan ang pag-iisip ko. Bakit ngayon lang uli dumalaw sa alaala ko na may ibang bagay pa na dapat kong pinoproblema?
Yung time machine! Walang nagdala neto nang umalis kami para sundan si Yeshua. Nasabayan pa ng pag-aamok ni Ipoy kaya wala nang nakaalala. Sa tagpong yun, kumaripas na ako para macheck kung andun pa sa bahay yung machine, nadagdagan na naman ang iniisip ko. Pano kung tumunog na ito? Paano na...?
Guys!!!! ‘Poy!!! Sumisigaw ako habang papasok sa bahay. Parang walang tao. Hinalughog ko yung bahay at nakita kong naroon pa din yung makina. Hindi pa humihingi ng tsibog nya. Tahimik ang buong bahay. Wala sila doon. At ang lubha ko pang ikinagulat ay pati si Ipoy wala doon. Sa ibabaw ng lamesa, kung saan namin siya iniwang nakahiga ay nakapatong ang aking jansport na bag. Wala pa nga pala sa isip ni Teltel yung magbenta ng jansport bag nun kaya di ko sa kanya yun nabili. Pero ngayon kung kailangan mo ng mainam na Jansport bag, bisitahin mo lang yung FB ni Teltel. (Oi Tel tsaka ka na namin singilin sa pagkaadvertise ng business mo.) Ang mismong bag na sisidlan namin ng barya baryang pisong panghulog sa time machine. Si Ipoy ang nakaassign na magdala non at hindi niya hinuhubad ang bag na iyon magmula noong siya ay maatasang magbitbit non. Tila gumagaan na ang bag at nababawasan na nang nababawasan ang mga barya ko. Paglapit ko sa lamesa ay umagaw ng atensyon ko ang isang tila mensahe na nakasulat sa lupa. Handwriting ni Ipoy at may kalakip na design kaya alam kong siya yung may gawa. Dahil yung design na yon ang siya ring isinulat niya dati sa test paper ni Mam Baclig.
Hindi kailangan ng madami pang paliwanag kung ano ang nasa isip ni Ipoy. Siguradong hahanapin niya at tutuklasin kung ano ang nagaganap sa katauhan ng prinsesa.
Danny: Masama ito. Nasan na ba kayo? Sundan natin si Ipoy!
Oo wala man ako kasama. Nagsalita lang talaga ako nun. Ewan ko din kung bakit. Di naman sa kinausap ko sarili ko, basta bigla na lang ako nagsalita kahit akong mag-isa lang yung nandun.
Gusto ko na talagang sundan si Ipoy pero baka bigla namang magwala itong makina. Siguro mas mainam na hintayin ko na lang ang iba pa para sama-sama naming hanapin si Ipoy. Siguradong babalik din dito ang mga yun, at isa pa, tinatamad akong magbuhat eh. ‘Di pwedeng iwan na lang tung machine, walang magpapakain pag nagutom. Kaya binalikan ko na lang yung pagmumuni-muni ko baka ngayon eh managinip na ko...
…Kasabay ng aking pamamahinga, ay siyang pakikipagsapalaran naman ng aking mga kaibigan sa kabilang nayon...
Karl: Buti na lang di tayo inabot ng mga talipandas.
Gail: Buti nga mabagal magsitakbo, hamak mo di ka inabutan?
Chet: Pag may takbuhan talagang kayong dalawa yung nag-aasaran eh neh?
JC: Wag muna tayo magsaya. Naglilipon yung mga tao sa banda dun oh.
Marvin: Tara makiosyoso tayo.
Eriko: Tara lets. Oy Mcjohn napapano ka na naman?
Wino: Ebat di mo kale pakasalan yang manok mo?
Kim: Hinahalikan pa. Halay.
McJohn: Ots bakit ba? Di nyo ba alam dito ako yayaman? Lalaban ko sa sabong to. Ito yung may karapatan na tawaging tandang! Dahil mula pa nung Noah’s ark buhay na siya! Siguradong walang tatalo dito...
Noel: Bahala ka nga dyan lokong murit. Eh baka nga walang ipalo yan sa manok ni Tatay eh. Ikundisyon mo tan6a!
McJohn: Nice Le! Sige itetraining ko to.
Kahit sa anung sitwasyon, talagang napakadaming diskusyon ng tropa na wala namang bilang. Pero wala nga ba? Kung tutuusin, mas nagiging makabuluhan pa nga para sa amin yung mga ganung bagay kesa sa mga seryosong balitaktakan eh. Ewan ko ba. Parang bursting! (kita mo na, walang halagang salita yan, pero kung kame magkakausap, magsisitawa na lang yung mga yun...)
PJ: Guys, di ba isa yun sa mga laging nakasunod kay Yeshua?
JC: Tara lapitan natin. Wala sa ayos tung pakiramdam ko.
Wino: Bakit Prof? Lasing ka pa ba?
JC: Hindi, ibig kong sabihin, may nararamdaman akong kakaiba.
Lester: Naeebs ka?
JC: Siiiiii, Hindi! Nevermind. Tara na.
Noel: Oy McJohn tara na. Di ko sinabing ngayon mo na itrain yan. Mumusalan na kita dyan eh.
McJohn: Ayan na! Ots...
Nakihalubilo na sila sa mga tao at nagmasid-masid.
Isang kaganapan ang manggugulo sa kanilang katinuan…
Lester: Di ba ikaw si Pedro?
Wino: Yung laging kaibigan ni Juan sa mga kuwento?
Pedro: Kayo pala. Ako nga si Pedro. Pero di ko maintindihan yung kaibigan sa kuwento.
Marvin: Nam ibang Pedro yun.
JC: Ah eh, tol, anong nangyari? Asan na si Yeshua?
Pedro: Dinala nila ang Guro dun sa loob....
Habang nag-uusap ang tropa ay nakikinig pala ang mga tsismosong mga taga nayon...
Chismosa: Teka, parang kilala kita. Di ba lagi ka ding kasama ng taong dinakip ng mga kawal?
Pedro: Ale, di ko alam ang sinasabi mo...
Chismoso: Tama nga! Ikaw yung laging nakasunod sa kanya.
Pedro: Hindi ko kilala ang taong yun...
Echusera: Sigurado ako! Kasama ka nya!
Pedro: Anu ba kayo!!! Sinabi ko nang hindi ko pa nakita ang taong yun!
Toktokokok!!!! Sabi ng manenok!!!
Bigla na lang tumilaok yung manok ni McJohn kasi tinetraining nya sa may tabi. Di nya pansin kung ano ang naganap. Basta sya masaya dahil sa wakas narinig na din nya ang tilaok ng kanyang manok. Pero…
Napansin nilang tila nagunaw na ang daigidig ni Pedro. Tila nawala siya sa kanyang katinuan at pinagtutulak ang mga tao habang tumakbo na palayo. Habang papalayo ay makikita sa subtitle ng kanyang kaisipan ang…
“Bago, tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong itatatwa.”
McJohn: Yahoo! Ayos na! Le, narinig mo ba tilaok ng manok ko? Parang katigas neh? Siguradong malakas to!!!
Gusto na siyang dagukan ng lahat, pero di na din nila ginawa. Sa halip ay nilapitan siya ni Prof, tiningnan sa mata, at malumanay na inilapit ang bibig sa tenga ni McJohn. Tila may ibinulong. May ipinaliwanag siguro...
Sa pag-alis ng pagkakahalik ni Prof sa kanyang tenga ay ramdam mo na agad ang biglang pagpapalit ng kulay ni Mcjohn. Biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo para sa kanya. Wala na siyang nakikita kundi ang kanyang sarili at ang kanyang manok. Isa-isang bumalik ang kanyang alaala ng mga lumipas. Mga masasayang sandali na kanilang napagsaluhang dalawa. Kung iyo lang mapapanuod ang mga eksenang tumakbo sa kanyang isipan... Naluluha na siya. Sa sobrang pagmamahal sa kanyang manok, di nya matanggap na iyon ang sanhi ng mga kaganapang iyon...
Kinuskos ni McJohn ang kanyang mata upang mapawi ang luha na rumaragasa sa kanyang mukha, sabay bitaw ng mga mapapait na pangugusap na…
McJohn: Gutom na ba kayo? Gusto nyo ba ng litsong manok? Huhuhuhu…
Kawawang McJohn, dahil sa mga pangyayari ay di na mapigilang magpaalam sa kanyang matalik na bestfriend..
Sa kabilang banda, aplis makakatikim na naman ng litsong manok ang tropa. Medyo matagal na din nung huling kumain ng ganun sa bahay nila Prof...
Nagyayaan na sila. Babalik na sila sa pansamantalang hide out. Hindi dahil iniisip nila ako o bumalik sa kanilang damdamin na naiwan ang lasing na katauhan ni Ipoy sa bahay. Kundi yun ay para maluto na ang manok. Matagal na din silang nananakam doon...
....
...
...
Malapit na akong makatulog, abot kamay ko na ang mundo ng pantasya. Inaamin ko, sa mga nakaraang araw ay mas naliligayahan ako pag ako ay tulog, nananaginip at naiiwan ng panandalian ang katotohanan. Sapagkat sa mundo ng panaginip, wala akong problema. Sa mundong iyon, pinapahintulutan ang backspace, isang pindot mo lang, bura na ang pagkakamali mo. Pero sa tunay na mundo, pag nagkamali ka, nakatatak na yun, permanente nang uukit sa buo mong pagkatao. Sa kabilang lupalop naman, eto alam to ng lahat, “experience”. Katagang ibinabansag mo sa mga kamalian mo. Walang sino mang tao ang di nagkakamali di ba? Pero minsan talaga gusto mo na lang burahin kung ano man yung madilim na nakaraang nangyari sayo. Pero para sakin, ang mga pagkakamaling nagawa mo sa nakaraan ay nagiging adjective na lang kung sino ka talaga, ang burahin ang mga iyon ay isang pagkakamali. Medyo contradicting na mga pananaw ko, pero ayos lang sa sarili ko yun. Basta ang alam ko sa ngayon, ang magiging pinakamalaking pagkakamaling maibibigay mo sa sarili mo ay ang pagiging matatakutin mong makagawa ka ng mali . Ang takot na iyon ang dapat nating labanan. Dahil ang sumubok ka sa isang bagay, kahit na mabigo ka man, o masaktan, ay mas mainam pa kaysa sa hindi ka sumubok at habang buhay na iniisip kung ano sana ang maaring mangyari kung nagkaroon ka lamang sana ng kahit kaunting tapang upang humakbang.
Tuluyan na sanang babagsak ang aking kamalayan nang maulinigan ko ang hagikgikan ng aking mga tampalasang kaibigan.
Chet: Ayos na ayos! May tsibog na. Le, pakulo ka na ng tubig.
Noel: Lokong magaleng, ayan ka na naman sa utos utos mo eh.
Gail: Lasa nyan! Masarap ata tinola eh? Namiss ko tuloy yung canteen ni Mam Vents... (SLN)
Wino: Tange, di na kay Mam hors ‘d bors yun. Dun na yun sa bagong titser... anu na nga ba pangalan nun?
Lester:Pinipilit mong kalimutan eh neh Wings? Kasi yun yung nakahuli sa‘yong nanggungupit ka ng popcorn!!! Hahahahaha!
Wino: Di naman. Joke lang yun...
Eriko: Tama nga, iba na yun. Ayun ata yung nangangasiwa nung nirape natin yung canteen? Pinagtrabaho tayo ni Sir BonJun tapos nilibre nya tayo sa canteen?
Karl: Ou nga, kinawawa nyo si Sir nun. Di nya alam yung ginawa nyang mali . Hamak mo pinakuha nya kayo ng kahit anung gusto nyo sa canteen?
Chet: Pati yung mga candy na fox di napatawad. Hanggang mga dalawang araw may kanya kanya tayong supply ng mula sa candy hanggang sa Smiley cookies eh neh?
Noel: Ahahaha! Iba-ibang kulay pa meraw. Panay paputok ko pa ng mentos nun.
Nakatingin lang ako sa kanila. Di pa nila napapansin ang mga kaganapan. Lunod pa sila sa reyalisasyon ng makakaing manok.
PJ : Guys, si Danny oh. Natutulog ata.
Noel: Lintik na Daniel to. Andito lang pala. Habang tayo hinahabol ng mga ungas kanina.
Danny:Tumigil ka dyan Le. Kadarating ko lang din. Wala ba kayong napapansin?
Wino: Ah, alam ko yan. Kaninong notebook yung tinangay mo? O baka may kinabit ka sa likod ko?
Danny: Ets, hindi ganun... Wala na si Ipoy...
At itinuro ko ang kaprasong simbolo na tanging iniwan ni Ipoy para sa aming lahat...
Minasdan nga nila ang munting mensahe ni Ipoy at nakita ko sa mga mukha nila na alam din nila kung sino ang pinuntahan ni Ipoy. Ang problema lang, walang may alam sa amin kung saan iyon. Madaling araw na. Sigurado, ilang oras na lang sisikat na ang araw. Isang desisyon ang kailangan naming gawin. Pupuntahan ba namin si Yeshua, o hahanapin si Ipoy?
Gail: Lintik naman na Ipoy yan bakit ngayon pa biglang umalis?
Danny: Prof, hanapin na natin sya!
Eriko: Pero Dan pano si Yeshua?
Karl: Mag-uumaga pa lang. Ang alam ko,…Siguro kasalukuyan pa lang nasa kustodiya ng mga kawal si Yeshua, hindi naman tayo makakalapit dun. Baka mga bandang tanghali na siya…
Marvin:Alam na natin yan Karl. Kaya best move siguro natin ngayon hanapin si Ipoy. Nag-aalala na talaga ko eh. Ano sa tingin mo Prof?
JC: Oo, sa palagay ko nga may punto kayo pero…Hoy Kim! Chet! Anong ginagawa nyo?!
Napalingon ang lahat kila Kim at Chet na noon pala ay kasalukuyan nang ginigilitan ang manok samantalang si McJohn ay nasa isang sulok at nagmumukmok. Si Lele naman ay tapos nang magpakulo ng tubig at naghahanda na upang mabalahibuhan ang manok.
Chet: Bakit? Kakainin pa rin naman natin ‘to di ba? (Hawak hawak sa leeg ang kawawang manok.)
Kim: Dre lapag mo na yan, ako na tatagpas! (Nagpapraktis at pinapakalakas pa ang pag swing ng itak.)
Chet: Lapag daw ka? Umaano ka ba? Hindi naman tatagaing ganyan eh ots, gigilitan lang, madadamay pa yung kamay ko nyan sa ginagawa mo eh!
Noel: Bilisan nyo na dyan! Lumalamig na tung tubig oh!
Danny: Hoy tumigil na nga kayo dyan! May malaki tayong problema!
Kim: Alam namin dre. Sa tingin mo ba hindi rin kami nag-aalala kila Ipoy at Yeshua?
Chet: Oo nga. Tsaka hindi naman pwedeng magpabara-bara na lang tayo.
Noel: Kelangan pa rin naman nating kumain. Mas madali tayo makakapag-isip at makakapagplano kapag may laman ang sikmura.
Kim: Buti nga kami na nagkusa na maghanda nitong makakain eh, tapos sisigaw sigawan mo lang kami. How dare you?!
Danny: … … Ay mga muret! Akala mo talagaaaaa…
Chet: Sige lintik ka, wag kang kakain!
Ganunpaman, may punto pa rin sila. Hindi kami dapat magpadalus-dalos. At isa pa, kahit na nasa kalagitnaan na ng chapter na ito at halos wala pa rin akong ginagawa kundi ang maghiga lang at magmuni-muni ay inaamin kong nagugutom na rin ako.
Danny: Okay sige. Lutuin na yan para kumain muna tayo bago umalis. Kasi kailangan din nating dalin yung time machine.
JC: Kung sa bagay. At dahil masigasig kayong tatlo dyan, kayo na magbubuhat ng machine.
Kim: Hindi pwede yang ganyan! (biglang dinakot yung Jansport bag)
Ahaha! Ako na magdala ng bag. Kayo na bahala sa makina.
Chet: Ah, tan6na. Nahihilo ata ako. Baka di ko kayanin pag nagbuhat ako. Di pa fully recovered yung katawan ko Prof. Siguro dahil minsan na akong nasawi.
PJ: Nice Le. Ikaw na.
Noel: tan6n@ nyo!!!
Natawa na lang ako dun sa nangyari. Ilang beses ko nang napanuod yun pag magkakasama kami. Pag may gagawin, yung huling huling makapagreact at makapagbigay ng matibay na alibi, syang talo. Di tuloy maiwasan na bumalik sa gilid ng paningin ko yung mga eksenang naganap nung nasa tuktok ng kasarapan ng buhay...
Maaliwalas ang araw, masarap ang pakiramdam sa kwarto dahil kakayari lang magdekorasyon ng komite, pero ang totoo, si Mami Luz yung nagdesign. Ang ganda ng kwarto, kulay berde yung kurtina. Makintab yung sahig. At may bagong flower vase na nakalatag sa mesa sa harap. Isang ornamentong kumikinang sa mga mata ng mga itik. Syempre bago, mapagdidiskitahan yun ng lahat. Wala nang naaksayang oras pa, pinaglaruan na ng mga kaklase ko yung vase. Pinagpapasa pasahan nila yung kawawang bulaklak. Pagalingan ng paghagis, pero syempre pag pinasa sayo at hindi mo nasalo, kasalanan mo. Ayokong makiparticipate kaya dinedeadma ko lang sila. Pero di ako nakaligtas at bigla na lang may sira ulong nagpasa sakin nung paso... Di ako nakapagreact agad, lumagpak sa paanan ko yung vase hanggang sa magkapira-piraso... Malakas yung tunog, ang picture eh, basag na vase sa paanan ko, syempre ako masisisi. Di ko na kailangang tumingin, alam ko na agad. Katakot takot na english na yung nadarama kong umaalingawngaw sa tenga ko. Alam na, galit na si Madame President... Syempre nga naman, wala mang kalahating oras yung dekorasyon sa mesa nabasag na agad. Di na ko nakapalag, ako yung huling magreact sa amin. Lahat sila nagpinta ng mga mala anghel na ngiti sa mga pisngi nila, ako na lang yung naiwan sa scene ng krimen, kaya ako na ang may sabit. Nakapangako tuloy ako na babayaran ko na lang o papalitan yung nabasag. Pero di pa din mapigil yung pag-usok ng mahal naming presidente, tinawag nya yung latigong Rosas, kinuha yung kanyang kwaderno at itinala na madadagdagan yung utang ko. Langya, kadami ko nang di nababayaran sa MWF, napatungan pa. Yun bang magbabayad ka ng piso bawat araw ng Monday, Wednesday at Friday? Ayos din naman yun, nakatulong sa pondo ng klase nung katapusan na ng taon. Engrande yung outing sa farmlandia, kadami pa kasing hindi nakakapunta dun. Pero sa ibang pagkakataon ko na lang siguro isalaysay yung kuwentong yun, dahil kukulangin ang isang libro sa paglalahad ng kung ano talaga ang nasa likod ng mga kaganapan nuong gabing iyon. At tiyak ay hindi pa handang isiwalat ng mga saksi, at pati na rin ng mga taong sangkot sa gabing iyon na nabalot ng kontrobersiya… Gusto kong umiyak pero para anu pa? Walang nakakaligtas pag binuklat na yung libro ng koleksyon at nakitang madame kang balanse. Kaya magmula nun dinagdagan ko na ang pagiging alerto ko...
Katoink!!!!
Aray!!! May biglang bumatok sa kin. Langya, pagiging alerto sinasabi ko di ko man lang napaghandaan to.
Danny: Anaknam!!! Sino yun! Mapagsusuntok!!!
Paglingon ko, lahat sila nakaamba na tila silang lahat yung kumatos. Wala na naman akong nagawa, di ko na malalaman kung sino pa yun. Mga tuso talaga mga kaibigan ko...
Gail: Ebat kasi umaano ka? Kanina ka pa namin kinakausap.
Eriko: Tulala ka na naman kasi repapips.
Wino: Pansin ko nga lagi na lang natutulala yan. Nagdadrugs ka neh?
Danny: Ay tulig!!! May iniisip lang.
Chet: Dre kakain na kasi kaya ka namin iniistorbo.
JC: This time hinintay ka na namin, baka kasi magwala ka na naman pag naubusan ka.
Nakalimutan ko na yung pagbatok sakin. Syempre kakain na eh...Hehe. Nakahanda na ang lahat. Nakapalibot na kami sa mesa. Pero parang hindi ko magawang kumain. Lahat kami hindi makasubo. Kasi bawat amba mong susubo ka na…
McJohn: Huhuhuhu…
Kim: Anu ba?! Kung ayaw mo kumain, magpakain ka.
Lester: Papakatay nya tapos ngayon iiyak-iyak!
Chet: Bayaan nyo na yan. Kumain na tayo.
Marvin: Tara Mc, kain ka na. Di mo na mababawi pa. Naluto na eh.
McJohn: (pupungas pungas) Sige kakain na ko. Pero yung puso, tsaka yung atay yung sakin... Ahuhuhu…Tsaka yung pinakaimportanteng parte ng manok... yung adidas...
Hindi na kami nagsalita. Ibinigay na lang namin yung kahilingan nya. Tanggap na niya ang lahat. At peace na sya sa kanyang sarili, at para din sa kanyang alaga...
Tumahimik bigla ang paligid. Senyales na busy ang lahat. Ganun talaga. Pag kumakain ang tropa, bawal muna magkwentuhan, ewan ko ba, batas yun na kusa na lang naipatupad nung una pa lang. Ang sarap ng almusal... pero di man lang nagtagal...
Natapos na ang agahan. Turuan na naman kung sino magliligpit ng kinainan. Kanya kanya na sanang direksiyon ng pag aalibi subalit...
Ipoy: Hi guys...
JC: Poy! Andito ka na! San ka galing?
Karl: Sayang, di mo inabutan yung sinabawang chicken ni Mcjohn.
Gail: Kalasa Poy. Kung gusto mo matikman meron pa ata dun sa kalang, kaso sabaw na lang.
Ipoy: De ok lang ako. Hindi naman ako gutom...
Parang may sakit si Ipoy. Ngayon lang namin narinig yung mga salitang yun sa kanya lalo na sa larangan ng pagkain. Kahit sino pala samin di gumagamit ng mga salitang yun. Kadalasan, “Kumain nako...pero konti lang.” o kaya “Kumain na ko kanina, pero sige sabayan kita.”
Akala ko, nabigo na naman si Ipoy sa misyon niyang hanapin yung babae kaya siya malungkot... Yun pala...
Ipoy: May sasabihin sana ko sa inyo... Wag sana kayong mabibigla...
Pero surprised pa din kaming lahat. Kasama na ni Ipoy ang prinsesa! Nagtagumpay siya. Pero kung kasama na niya yung babae, bakit malungkot pa din siya? Walang saysay kung pipilitin kong unawain, kaya inusisa ko na.
Lester: Inam nyong tignan ah Poy. Bagay na bagay neh.
Danny: Eh Poy, ngayong nagkasama na kayo, bakit malungkot ka pa din?
Wino: Siguro di ka pa nakaiskor neh?
PJ: Bastos ka talaga Wino...
JC: Ou nga Nam , di magandang sabihin yun. Dapat ibulong lang. (pabulong na nagtanong kay Ipoy)
Ipoy: (May isinagot na bulong kay Prof. Di namin nagets lahat.) Malungkot ako kasi balak ko sanang isama si Frances sa paglalakbay natin ng panahon…
Karl: O, yun naman pala eh. De dapat maging masaya ka.
Marvin: Walang problema samin yun Poy. Isama na natin siya.
Eriko: Korek. No plablem. Di ba guys?
Kaming lahat: Syempre!!! (tunog ng pagsang-ayon)
Ipoy: Alam ko naman na maiintindihan nyo kong lahat eh. Pero gustong gusto ko talaga siyang isama. Nag-usap na kami ng heart to heart, nag-open forum na din kami. Nasabi ko na sa kanya ang lahat lahat…
Gail: And then..?
Ipoy: Hindi siya pwedeng umalis sa panahong ito… Dahil hinahanap pa din niya ang kanyang ama. Mahal ko na talaga siya. Sana maunawaan nyo talaga ako. Magpapaiwan na ko sa panahon na to. Sasamahan ko siyang hanapin ang tatay nya. Sasamahan ko ang aking prinsesa...!!!
Chet: Pero Poy!! Ipagpapalit mo kami sa babae?
Kim: Ilang years na tayong magkakasama. Higit pa sa magkakapatid turingan nating lahat…
MCJohn: Mas grabe pa to sa pagkakapatay ng manok ko.
Nagpanting ang tenga ko sa narinig ko. Hindi ko inaasahan ang ginawang pagtataksil ni Ipoy. Napag-ibig ang aming kaibigan. Pero yun nga lang, sa maling tao at sa maling pagkakataon. Teka. Maling tao? Maling oras? Siguro para sa amin. Pero kung talagang tinamaan si Ipoy, hindi na mahalaga kung sino o kelan pa iyon, ang importante ay ang nararamdaman nya, dahil wala namang pinipili ang pag-ibig. Napaisip ako bigla. Paano kung ako ang nasa ganoong sitwasyon? Ano kaya ang gagawin ko? Sino ang pipiliin ko? Sa aming pagkakaibigan, ang tanging nais namin ay ang kasiyahan ng bawat isa. Kaya ngayon, hahayaan kong maging masaya si Ipoy, dahil kami ay mga tunay niyang kaibigan.
Danny: Di ko gusto yang pinagsasabi mo Poy. Pero walang bilang kung anu man ang gusto ko. Alam mong nais kong makabalik tayong lahat sa ating panahon ng sama sama... Pero malamang kahit bugbugin pa kita ngayon at itali tapos isako para lang makaladkad ka pabalik sa ating mundo, hindi ako magiging masaya... Hindi, sapagkat, ayokong hadlangan kung anu man ang nasa puso mo...
Noel: Hindi mamari yan Daniel! Poy makinig ka sakin... Eto sinabi na minsan ng babaeng minahal ko nung kabataan natin... “Hindi lang pag-ibig yung dapat na maging dahilan para magstay o samahan mo yung isang tao”. Maraming aspeto na dapat ka ikonsider... hindi lang Love. Tsaka eto meron pa, nasabi naman to ng isang kaibigan, “May oras na dapat mong iwan yung isang tao kahit na mahal na mahal mo siya.” Kasi marami kang masasaktan… o nasasaktan... Kaya much better, isantabi ang Love. Dahil hindi lang nga yun ang dahilan... Nagegets mo ba ko?
Ipoy: Hinde!! At kahit magets kita, hindi na magbabago pa ang puso ko. At anu naman yang sinasabi mo? Parang hindi ka tao... May kanya kanya tayong misyon para sa sarili natin... Handa akong talikuran ang lahat para sa babaeng mahal ko!!!
Marvin: Sariling misyon? Bakit Poy? Lahat ng ginagawa natin magmula pa nung una, pansarili lang ba? Hindi tayo kumikilos para sa sarili lang nating kapakanan. Gumagawa tayo para sa ikabubuti ng bawat isa man sa atin. Tsaka, kung maiiwan ka dito, naisip mo na ba kung ano magiging epekto para sa mga magulang mo? Sa kapatid mo, kay Ipay? Hindi ka ba nasasabik mahalikan ang samyo ng umaga kasabay ng pagsilip ng dakilang liwanag sa sarili nating mundo?
Ipoy: (Hindi sumasagot si Ipoy. Tahimik at puno ng luha ang kanyang mga mata.)
JC: (may luha na) Tama na… Tama na…
Kahit intindi ko kung ano ang gustong gawin ni Ipoy, hindi ko talaga matanggap na magpapaiwan na siya. Kahit sino naman siguro hindi hahayaang ganun na lang yung mangyari. Pero sa tinuring na iyon ni Prof, ramdam ko, natouch din ang lahat. Kahit papano siguro maiisip din nila na hindi madaling desisyon yun para kay Ipoy. Pag-ibig nga naman. Sabi nga ng Kamikazee, “Pahamak yan si Kupido. Hindi naman asintado...”
Ipoy: Ano ba ang maaari kong sabihin tungkol sa pag-ibig? May paliwanag bang makasasapat upang mailarawan ito? Kulang ang awit, kulang ang tula . Kulang ang kahit ano pang salita. Kung nagrhyme yan, 'di ko sinasadya. Ayoko nang magpaliwanag. Alam ko kung ano ang nararamdaman ko. Naririnig ko ang sinasabi ng puso ko. Alam ko nasa tamang right of way ako. Sapat na ‘yon.
Hinila na niya si Frances at lumabas na sila ng pinto. Naiwan kaming tulala at hindi alam ang gagawin. Ano ang nangyari? Hindi pa rin kami makapaniwala sa naging desisyon ni Ipoy.
Marvin: Prof, papabayaan na lang ba natin si Ipoy?
JC: …
Wino: Prof!
Parang wala sa sarili si Prof. Sa totoo lang, ang ilan sa amin, hindi na makakilos. Wala na nga kaming magawa para kay Yeshua, nadagdagan pa ang bigat ng aming pinapasan dahil sa issue ni Ipoy. Pero kung inakala kong iyon na ang pinakamasaklap na maaaring mangyari, nagkakamali ako.
Tut tut tut tut tut tut tut tut Tut tut tut tut tut tut tut tut Tut tut tut tut tut tut tut tut Tut tut tut tut tut tut tut tut Tut tut tut tut tut tut tut tut Tut tut tut tut tut tut
Karl: Ay! Put$@!
Naloko na! Tumunog na ang makina. Hindi na kami nagkaroon pa ng pagkakataong masundan man lang si Ipoy. Nakialam na naman ang tadhana. Kung kelan pa kami nadapa, tsaka pa kami dinuraan sa mukha.
Lester: Habulin na natin si Puyos!
Chet: Wala nang time.
Marvin: Bakit naman kasi tumunog na agad yan eh? Kung binigyan pa sana tayo ng konting oras, konting time pa, baka nagawa ko pang kumbinsihin si Ipoy…
Karl: Mahirap mang tanggapin pero nakapagdecide na si Ipoy. Kailangan na rin nating magdesisyon.
Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut tutut tutut Tutut tutut!!
McJohn: Prof, pabilis na nang pabilis yung paghuni ng time machine!
Gail: Baka ma-stuck tayo sa panahon na ‘to pag di pa tayo naghulog ng barya!
Eriko: Kapag naghulog naman tayo…
JC: … Oras na… Kim, maghulog na kayo ng coins.
Kim: Pero Prof…
PJ: Pano si Ipoy?
Noel: Enough is enough!
Hinablot na ni Lele ang bag mula kay Kim at kumuha ng sandakot na barya. Pero sa likod ng determinasyong ipinamalas ni Lele, tila hindi niya rin magawang maghulog kahit isang pirasong barya lamang sa makina. Dahil alam naming lahat, na kapag naihulog mo na ang unang piso ay wala nang atrasan pa. Mawawalay na talaga kami kay Ipoy. Nakaguhit ang alinlangan at pighati sa kanyang mukha.
Nagsimula akong kumilos, pero para lamang akong isang robot. Nilapitan ko na si Lele at nauna na akong naghulog ng piso. Ganundin ang ginawa ni Prof. At sumunod na ang mga iba ko pang kaibigan. Liwas liwas kaming naghulog ng piso habang walang tigil ang pag-agos ng luha mula sa aming mga mata. At bawat pisong aming naihuhulog ay kalakip ang isang pamamaalam sa aming kaibigan.
Bago pa kami tuluyang maglaho, aming namataan sa hindi kalayuan si Ipoy. Kasama niya ang babaeng mas pinili nya kaysa sa amin. Pasikat na ang araw sa silangan. Siya namang paglubog ng pag-asang amin pang muling makakapiling ang aming kaibigan. Hinayaan ko ang aking sariling masdan siya sa marahil ay huli nang pagkakataon. Hindi ko mabasa ang emosyon sa mukha niya dahil na rin siguro sa panlalabo ng aking mga mata bunga ng walang patid na pagluha. Subalit ang gumulo sa aking diwa ay ang isang tila aparisyon na nakatayo sa kanilang likuran. Isang misteryosong nilalang na hindi ko magawang maaninag ang mukha. Yun bang tipong nakasuot ng robe at hood tapos palaging nasa may madilim at tamang tamang naikukubli sa paningin mo ang hitsura nya. Ang tanging nakita ko lamang ay ang kanyang unti-unting pagngiti kasabay ang nakasisilaw na liwanag na bumalot sa kapaligiran at tuluyan nang lumamon sa aming mga katauhan.
Lahat kami ay dumaan sa pagiging mga boy scout. Pero wala ni isa sa amin ang naging handa. Kung para saan o kung bakit nangyari ang mga naganap ay walang may alam. Hindi man lang kami binigyan ng pagkakataon para makapag-isip. Nawala na si Yeshua. Wala na din si Ipoy. Sigurado ako, yung dati kong pagkatao, hindi na kakayanin pa ang ganitong kalungkutan at lubhang pangungulila. Pero ang ako ngayon, ay mas matibay na. Salamat na lamang sa mga pangaral ni Yeshua na mas nagpatatag sa aming mga pagkatao. Sa mga panahong nakapiling namin siya, kahit hindi namin alam noon, ay tinuturuan na pala niya kaming pagtibayin ang aming mga sarili laban sa mga ganitong sitwasyon. Mga sitwasyong lubos na sumubok sa aming lahat at bumago sa aming mga buhay.
Sabi ko nga, walang hinihintay ang oras. Nasa iyo na lang kung sasabay ka o magpapaiwan. Ano man ang piliin mo, magpapatuloy lang ang pag-ikot ng mundo. At hindi ito titigil para lang hintayin ka pang tumayo. Kailangan mong magpasya.
Tatapalan mo ba ang mga butas sa pader o hahayaan mong mabasag ang vase sa iyong paanan?
Itutuloy…
End of Book 2.
No comments:
Post a Comment